Chapter 3 – What’s up with this man?

1891 Words
Jane’s POV GULAT na napatitig ako kay Altair. Parang na-blanko ang isip ko nang mapagmasdan ko siya sa malapitan. Batid kong gwapo siya, ngunit higit pala siyang gwapo sa malapitan. His eyes are so captivating that if I continued to stare, I might easily become lost in them. I didn't like him, though. I didn't like him, mainly because I knew he didn't like me either. His menacing appearance makes him seem unapproachable. Sa iisang department lang kami nagtatrabaho ngunit kahit isang beses ay hindi kami nagkausap. Ayos lang sa akin dahil sadyang iniiwasan ko siya. For some reason, I find him intimidating. He was so domineering that I preferred to avoid him. Sa dami ng puwedeng makakita sa akin ngayon, bakit siya pa? Nakakahiya na nakita niya akong magmakaawa kay Adrian. Pero ano ba itong sinasabi niya sa akin ngayon? “Trust me. Men hate it when women beg for their attention or love. The more you beg them to stay, the stronger their desire to leave.” Ganoon ba ‘yon? Bakit naman ako maniniwala sa kaniya? Eh ni hindi nga kami nag-uusap! Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya, naghihintay ng iba pa niyang sasabihin. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. Yamot niya akong tiningnan. “Go home, Jane. Maaga pa ang pasok natin bukas,” pagtataboy na niya sa akin. Pero ano ‘yong sinasabi niya kanina na bibigyan niya ng leksyon si Adrian? Gusto ko man ay hindi na ako nagtanong. Nakita kong naglakad na siya patungo sa sasakyan niya. Ni hindi na niya ako tinapunan muli ng tingin. Maganda at mukhang mamahalin ang sasakyan niya pero hindi ko na iyon masyadong pinaglaanan ng pansin. Ang isip ko ay okupado ni Adrian. Hindi ko na rin iniisip kung paano ako uuwi sa apartment ko. Nang wala na si Altair sa harapan ko ay muli akong nabalot ng lungkot. Nilingon ko ang pwesto kung saan kanina lang ay kausap ko si Adrian. Kinuha ko ang cellphone buhat sa dala kong bag at sinubukan ko siyang tawagan. Isa. Dalawa hanggang sa hindi ko na mabiling kung ilang beses akong sumubok ngunit hindi siya sumasagot. Muling nangilid ang mga luha ko. Paano? Paanong sa isang iglap ay wala nang nararamdaman si Adrian sa akin? Puwede ba ‘yon? Nagising na lang siya na hindi na niya ako mahal? Naalala ko noong nanliligaw pa lang siya sa akin. Makailang beses ko siyang tinanggihan dahil natatakot pa akong pumasok sa relasyon. Bago pa lang ako sa trabaho at ako lang ang inaasahan ni Nanay Ising. Gusto ko sana munang ituon ang atensyon sa trabaho ngunit matiyaga si Adrian sa panliligaw. Hanggang sa sinagot ko siya. Ngayong mahal na mahal ko na siya, saka naman niya ako iiwan? Nangako siyang bawat araw na magkasama kami ay magiging puno ng saya…pero malayo sa saya ang nararamdaman ko ngayon. Sobrang sakit… Hindi man lang niya ipinaliwanag kung bakit ayaw na niya. May nagawa ba akong mali? O may pagkukulang ba ako? Hindi na ba niya talaga ako mahal? Alam niyang mag-isa ako dito sa bar ngunit iniwan pa rin niya ako dito. Sana naman ay balikan niya ako dito… Hindi ko na napigilan ang mga hikbi. Wala na akong pakialam kung may makakita sa akin. Napapikit ako at napahawak sa dibdib dahil parang sasabog ang puso ko sa sakit. Pakiramdam ko rin ay lalong naging malamig ang hangin na dumadampi sa balat ko. I felt even more sad and miserable. Nagulat na lang ako nang may sasakyan na huminto sa harap ko. Bumaba ang bintana sa driver’s seat at tumambad sa harap ko si Altair. “Ihahatid na kita,” alok niya bagamat kaylamig ng boses niya. Inilibot ko ang mga mata sa paligid. Iilan na lang ang tao at mga sasakyan na dumadaan. Nais ko sanang tumanggi pero may kalayuan ang apartment ko. Hindi na ako nagpadalawang alok pa. Umikot ako sa passenger’s seat ng sasakyan at binuksan iyon. Napataas ang kilay ni Altair pero hindi siya nagkomento. Matapos hingin ang address ko ay hindi na siya muling nagsalita buong biyahe. Pagtatiyagaan ko na kahit parang…galit siya? Lalo ding kumukunot ang noo niya sa tuwing mapapatingin siya sa akin. Ano kayang nakain o nainom niya? Dahil ba nakita niya kung paano akong ipinagtulakan ni Adrian kanina kaya ang bait niya sa akin ngayon? “Dito na ba?” tanong niya na pumutol sa lumilipad kong isipan. Noon ko napagtanto na nasa tapat na kami ng apartment building ko. Sinulyapan ko si Altair na tila naiinip nang pababain ako. Dahil doon ay nagmamadali akong umibis ng sasakyan niya. Bago ako magtungo sa apartment building ay nilingon ko siyang muli. Nakababa ang bintana ng sasakyan niya kaya nakikita ko siyang nakatingin din sa akin. Hinihintay ba niya akong makapasok sa loob? Muli ay hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin para magpasalamat. Tumikhim muna ako para alisin ang bara sa lalamunan ko. “A-Altair, m-maraming salama—” Hindi pa ako tapos magsalita ay mabilis na niyang pinaharurot ang sasakyan palayo. Napakurap na lang ako habang pinagmamasdan ang sasakyan niya. Bahagya pa akong naubo dahil sa usok niyon na nalanghap ko. Bastos! Hindi ko tuloy alam kung magpapasalamat ako o maiinis! Bakit ba parang iritado siya sa akin? Hindi naman siya ganito sa iba naming katrabaho! Mabibigat ang hakbang na nagtungo ako sa unit namin. Napansin kong bukas pa ang ilaw sa kabilang kwarto kaya sigurado akong gising pa si Diane, ang katrabaho at kaibigan ko. Marahan akong kumatok sa kwarto niya at maya-maya pa ay bumukas iyon. “Mabuti at dumating ka na bruha—” Mabilis akong yumakap kay Diane. Hindi ko na pinigil ang mga luha ko sa pagpatak dahil pihadong hindi ako magtatagumpay. Nagulat naman siya sa ginawi ko at hindi malaman ang gagawin. “Teka! Bakit ka umiiyak? Anong nangyari?” nagpa-panic na tanong niya. Iginiya niya ako paupo sa kaniyang kama. Hindi ko alam kung bakit mas lalo akong naiyak nang marinig ko ang pag-aalala sa boses niya. Para bang mas lalo akong nakaramdam ng awa sa sarili. “Si Adrian,” sagot ko sa pagitan nang paghikbi. “Si Adrian? Anong nangyari kay Adrian?” Tiningnan ko si Diane na puno ng pag-aalala ang mga mata habang nakamasid sa akin. Ang hirap pala ipaalam sa ibang tao na naghiwalay na kayo ng taong mahal mo. Alam ni Diane lahat. Alam niya buhat noong niligawan ako ni Adrian. Alam niya kung gaano ko ito kamahal magpahanggang ngayon. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon. Nasasaktan ako at nalilito. “Nakipaghiwalay sa akin si Adrian.” “Ha? Bakit? Anong nangyari?” gulat na gulat ding tanong niya. Ikinwento ko kay Diane ang mga sinabi sa akin ni Adrian. Wala naman siyang magawa kundi ang aluin ako. Palagi niyang sinasabi na matatauhan din daw si Adrian at bigyan ko lang daw ito ng time. Gusto ko sanang maniwala sa kaniya pero hindi ganoon ang nararamdaman ko. Habang lumilipas ang oras ay lalo akong nakukumbinseng buo na ang desisyon ni Adrian na makipaghiwalay sa akin. Gusto ko siya ulit tawagan. Gusto kong mag-usap kami at hihingi ako ng tawad sa kaniya kung ano man ang nagawa kong mali. Natapos ang pag-uusap namin ni Diane at kanina pa ako nakahiga sa kama pero halos umaga na ay hindi pa rin ako dalawin ng antok. Ang daming tumatakbo sa utak ko. Karamihan doon ay mga ala-ala namin ni Adrian. Pilit kong iniisip kung saan ba ako nagkamali? Umiiyak na lang ako sa tuwing maiisip ang mga sinabi niya sa akin. Hindi ko mapaniwalaan na nagawa niya akong iwanan at saktan. Asan na kaya siya? Naiisip man lang ba niya ako? Desidido na ba siyang makipaghiwalay sa akin? KINABUKASAN ay wala akong ganang pumasok sa trabaho. Kahit na anong pagkumbinse sa akin ni Diane ay hindi niya ako napilit. Wala ako sa mood na kaharapin ang kahit na sino lalo pa at namamaga ang mata ko sa pag-iyak kagabi. I spent the entire day in agony. Wala akong ginawa kundi ang umiyak sa kama. Ni hindi ako bumangon para maligo. Nawala ang aking lakas para kumilos. Hindi din gumagana ang isip ko na ang tanging laman lang ay si Adrian. Bandang tanghali ay hindi ko na napigilan ang sarili. Kinuha ko ang cellphone at nagtext ako sa kaniya. Humingi ulit ako ng tawad sa kaniya kahit pa hindi ko alam kung anong nagawa kong mali. Dumating na lang ang hapon ay hindi ako nakatanggap ng sagot buhat sa kaniya. Lalong nakapanliliit sa sarili sa tuwing titingnan ko ang cellphone pero wala man lang siyang reply. Ni wala na ba siyang pakialam sa mararamdaman ko? Noon ay sinusuyo niya ako kapag nag-aaway kami, ngayon pakiramdam ko ay basta na lang niya ako itinapon. Gabi na nang kumatok si Diane sa kwarto ko. Maya-maya ay naramdaman kong naupo siya sa tabi ko. “Kumusta ka na?” Hindi ako sumagot at nanatili lang akong nakahiga patalikod sa kaniya. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. “Ayeesha told me that Altair presented your proposal today. Pinupuri siya ng lahat! Idea mo ‘yon! Matagal mo ‘yong pinag-isipan ‘di ba?” “Hayaan mo na lang,” walang-buhay na sagot ko kay Diane. “Anong hayaan mo na lang? Tinanong din ako ni Miss Annie kung bakit absent ka. Bukas ay pumasok ka na sa trabaho kung ayaw mong magalit sa ‘yo ang boss mo.” “H-Hindi ko kaya Diane. Alam mo namang nasasaktan pa ako!” Hindi ko mapigilang mainis dahil alam naman niya ang sitwasyon ko. “Jane! Kung ako lang eh nauunawaan kita. Pero si Miss Annie ang pinag-uusapan natin dito! At trabaho ito. Si Adrian nga pumasok pa kanina eh.” Noon ako pumihit paharap sa kaniya. “A-Anong sabi niya sayo?” “Hindi kami nagkausap pero mukhang okay naman siya.” Hindi ako umimik kaya nagsalita siya ulit. “Jane, kailangan mong maging malakas. Ano na lang ang iisipin ni Adrian kapag nakita kang ganiyan? Huwag mo masyadong ipakita sa kaniya na mahina ka. Isa pa…kilala mo naman ang boss mo.” Alam kong tama si Diane. Isa pa, hindi din talaga pwedeng hindi ako pumasok ng matagal. Demanding ang boss ko na si Miss Annie at siguradong hindi siya mangingiming tanggalin ako sa trabaho oras na masagad ko ang pasensya niya. KAHIT ayaw ko pa ay napilitan na akong pumasok sa trabaho kinabukasan. Pagbungad ko pa lang sa opisina namin ay ramdam ko na ang tinginan sa akin ng mga katrabaho ko. Tanging si Altair lang ang hindi nag-abalang tingnan ako. Ang atensyon niya ay nasa kung ano man ang binabasa niya sa kaniyang laptop. Nag-aalala ang tingin sa akin ni Ayeesha at alam ko na ang ibig sabihin noon. Si Ayeesha ay kaibigan namin ni Diane at kasamahan ko sa Department. Hindi pa man ako ganap na nakakalapit sa table ko ay bumukas ang pinto ng opisina ni Miss Annie. Pagkakitang-pagkakita niya sa akin ay nilapitan niya ako at doon mismo sa harapan ng mga kasamahan ko siya nagsisigaw. “Jane! May isasablay ka pa ba ha?! How incompetent! Kung kailan ka kailangan ay saka ka nawawala! Muntik na akong mapahiya kahapon!” gigil na gigil na sigaw niya. Parang tinatambol ang dibdib ko sa kaba lalo pa at buntis siya. Kapag nakunan siya ay kasalanan ko pa!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD