[Sebastian's Perspective]
October 16, 2021
"Seb, 7pm tayo punta."
Mensahe sa ‘king telepono na 'di ko na sinagot, lagpas alas sais na rin kasi at maliligo pa lang ako.
Sa pagbuhos ng malamig na tubig sa 'king ulo ay nagsimula nang maglayag ang aking isipan. Naalala ko bigla ang bawat ayaan, mapa-inuman, jam, o basketball.
Noong highschool nga ay may mga pagkakataon na ginagawa namin ang lahat ng mga 'to sa iisang araw. Magsisimulang mag-basketball sa umaga, sa hapon ay mag ja-jam o magko-kompyuter tapos sa gabi ay inuman hanggang umaga.
Daig pa nga namin ang mga nagbubuhos ng konkreto sa mga construction site o mga guwardiya ng iba’t ibang establisiemento dahil ang mga iyon ay may kapalitan sa duty. Madalas kasi ay umuuwi kaming parang mga zombie dahil sa lumipas na araw.
Hindi ko malilimutan ang isang madaling araw noong kolehiyo kami. Nasa vacation house kami ng isa naming tropa, nag-iinuman. Sa sobrang kalasingan nga ay nagsimula na kaming gumawa ng iba’t ibang kalokohan. Nagpapalitan ng hamon, gawin natin ‘to, gawin natin ‘yan, at ang pinakatumatak sa ’king alaala ay ang hamon ng tropa naming si Lawrence.
Mag ala-katutubo raw kami, mag-bonfire sa beach nang walang damit.
Tangina talaga, hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ng lokong ‘yon. O kung saan niya napulot ang napaka-gagong ideya niya na ‘yon. Pero dahil lasing na talaga kaming lahat ay sinunod naman namin. Pati nga ang mga babae naming kasama ay nagawa niyang mapapayag.
Alas tres naman na noon kaya kahit papaano ay kumpiyansa kaming wala ng tao sa tabing-dagat. Tangina, hindi ko alam kung paano ko ilalarawan ang mga itsura namin bago pumuslit. Ang usapan kasi ay walang magdadala ng kahit na anong damit. Halos mamatay nga kami sa katatawa noong nagsimula na kaming maglakad ng hubo’t hubad dala-dala ang mga panggatong at uling.
At nang makarating, ay agad naming sinindihan ang mga panggatong at uling at pinagitnaan ang apoy. Talagang sinulit ang mga sandali, pinagmasdan ang kalmadong langit habang pinakikinggan ang musika ng mga alon. Nagkuwentuhan din kami tungkol sa buhay habang nakahiga sa buhanginan. Pinagmasdan ang napakagandang buwan bago magpasyang bumalik, at baka abutin kami ng liwanag.
Hinding-hindi ko malilimutan ang gabing iyon.
"Ah.. heto na naman, magkikita-kita na naman ang barkada." Bahagya akong napangiti habang nakatitig sa salamin at pinupunasan ang sarili.
Lagpas alas-siyete na noong umalis ako ng bahay.
Ako 'yong tipo ng tao na mamamatay kapag hindi nakapagbaon ng earphones sa byahe. May mga pagkakataon ngang mahuhuli na 'ko sa klase o trabaho pero talagang uunahin ko pa rin hanapin ang earphones ko. Mas natatakot ako mainip sa byahe kaysa bumagsak o matanggal sa trabaho.
Pagkatapos ng ilang minutong paglalakad ay narating ko na ang sakayan. Mahigit isang oras din ang byahe, kaya gaya nang nakasanayan, pagsakay ko ng bus ay hinanap ko agad ang earphones sa loob ng bag.
Nasa isip ko na nga agad ang patutugtugin kong kanta, Everything's an illusion ng Mayday Parade. Sabik na sabik na ang aking mga tenga, at hindi na rin mapakali ang aking mga paa sabayan ang beat ng kanta.
Ngunit kahit na anong kapa ko sa loob ng bag, ay hindi ko 'to natagpuan.
"Tsk.. naiwanan ko do'n sa lamesa." Nanghihinayang kong bulong.
Kung noon siguro ay agad akong bababa at babalik sa bahay para lamang kunin 'to.
Pero hindi ngayong gabi.
Siguro ngayon ay mas mabuti na munang walang nakasuksok sa mga tenga ko. Gusto ko munang makapag-isip-isip, baka habang nakatunghay ako sa dinaraanan ay biglang liparin ng hangin ang lahat ng nasa aking isipan. Ilang araw na rin akong walang maayos na tulog kaya ang mga mata ko'y may kabigatan na rin. Para ngang kailangan ko na 'tong lagyan ng toothpick para manatiling nakadilat.
Ngunit ang aking pagmu-munimuni ay naputol dahil sa pag-vibrate ng aking telepono.
Sa unang sulyap pa lang, mapapansin na agad ang mga mura ni Erol.
"Gago, san ka na?"
"tangina mo kanina pa kami dito."
Nilagpasan ko lang at pag scroll down ko, nakita ko ang usapan namin ni Lawrence nakaraang linggo.
"Tol, next week ah. Dala ka na rin plus one kung meron kang madadala. HAHAHA"
"Mukhang wala akong madadala. HAHAHA”
"Tangina mo naman. Text mo na yung nakilala mo last year. Haha"
"Tangina mo naman pre, pinaalala mo pa ‘yon.”
"Bobo mo eh. HAHAHAHA"
Pinagpatuloy ko lang ang pag-backread sa usapan namin, usapan na madalas ay kalokohan, laro, mga biglaang biruan at murahan, inuman, pambababae, ngunit minsan, minsan lang naman, ay may mga usapan ding matino at seryoso.
Mga minsanan niyang paghingi ng payo.
Parang tanga tuloy ako na nakangiti mag-isa.
Si Lawrence kasi ang pinakamatalik kong kaibigan at medyo matagal na kaming hindi nakakapagkita. Natuwa nga ako sa pagbabasa kaya't nagpatuloy lang ako hanggang hindi ko namalayang napapikit na pala ako at nakaidlip.
Pero katulad ng dati, magigising ako na sakto sa aking bababaan. Tuwang-tuwa ako sa talento kong 'to. Para bang may alarma ang aking katawan, kapag malapit na ay kusa akong magigising. Kaya kailanman ay hindi pa ako lumalampas sa aking dapat babaan.
"Para..."
Sa pagbaba pa lang ay matatanaw na ang bahay nila Lawrence. May kalakihan ito at ngayong gabi ay mas kapansin-pansin dahil sa mga ilaw na nagbibigay liwanag sa mga tent na nasa labas. "Mukhang maraming bisita."
Sa paglapit ay maririnig na ang samu't saring mga kwentuhan, kasabay ang tunog ng gitara at tinig ng mga kumakanta. Madalas naman akong bisita dito sa kanila ngunit hindi ko kilala ang mga nasa bungad kaya tinext ko muna ang mga tropa at tinanong kung nasaan na sila.
"San kayo?"
"Nandito na kami sa likod. Salubungin ka namin sa gate."
"Nakita niyo na ba si Lawrence?" Tanong ko.
"Hindi pa."
Dahan-dahan akong pumasok at agad kong nakita ang mga kaibigan kong naghihintay. Saglit kaming nagkamustahan at nag-usap bago inaya ang isa’t is na pumasok sa loob ng bahay.
Tara na..
Sabay-sabay kaming naglakad papasok at sa kabila ng samut-saring mga ilaw ay tila madilim pa rin ang aming nilalakaran dahil sa bagal ng aming bawat paghakbang.
Ang tanging liwanag kasi na gumagabay sa aming paglalakad ay ang mga bulaklak, at ningas ng apoy mula sa mga kandilang katabi ng isang magarang kahon kung saan nakapatong ang ilang mga larawan.
Nang mapansin ko nga ang litrato namin noong kami ay mga bata pa, ay agad itong naghatid ng ngiti sa aking mga labi. Ngiti na nagbigay ng saglit na kislap sa aking mga mata bago ito tuluyang lamunin ng dilim.
Saglit akong napatigil sa paglalakad nang maalala ko ang huli naming pagkikita, ilang hakbang na lang din kasi ay muli ko na siyang masisilayan.
Kung noon ay sinasalubong niya na kami ng isang pasigaw na 'ang tagal niyo naman, tangina nyo!' na susundan naman niya ng pangangamusta at pagtapik sa aming mga braso ngunit 'di tulad ng aming nakasanayan, siya ngayon ay tahimik.
Siya ay nananatiling tahimik at tila pinakikinggan lang ang aming bawat paghakbang.
"Kapag ikaw talaga ang nag-aaya, malabong hindi matuloy.. Tingnan mo.. kumpleto kaming lahat." Malungkot ngunit nakangiti kong sambit.
Habang nakatunghay sa walang kibo niyang mukha ay naalala ko na naman na magkausap pa kami bago siya matulog noong gabing iyon. Kaya parang binagsakan ng isang napakabigat na bagay ang aking dibdib kinabukasan nang nabalitaan kong wala na siya.
Gano'n lang pala ang buhay? Sa isang iglap ay wala na.
Masakit mawalan ng kaibigan ngunit mas masakit ang panibagong ipinamukha sa akin ng kapalaran.
Ang buhay natin ay walang halaga. Limitado lang ang oras natin at kung binigyan man tayo ng ngiti ng panahon ay nandiyan din siya para bawiin ang lahat.
Napakalungkot.
Nakakatakot.
Paano kung dumating na ang oras ko?
Ano kaya ang pakiramdam ng lahat sila ay nakatitig sayo habang hinuhugot mo ang huli mong hininga? Maswerte pa siguro kung imahe ng mga taong pinakamamahal mo ang huli mong makikita.
Sa akin, ay 'di na ako umaasa.
Mag-isa kong uubusin ang huling minuto ng aking buhay. Iniisip ko na nga lang na sana ay totoo na nagiging multo tayo. Para kahit papaano, makita ko pa rin ang lahat pagkatapos kong mawala.
Habang nakatitig sa kanya ay umulan ng kung ano-anong mga bagay sa aking isipan.
Mga bagay na gusto ko sanang isigaw nang malakas, huling subok, pagbabakasakali, at pagtawag. Baka naman may makarinig at pagbigyan ang aking kahilingan—ang gisingin ang natutulog kong kaibigan.
Ngunit hindi tulad ng mga pelikula, sadyang mapait ang katotohanan.
Ang katotohanan na mananatili na siyang nakapikit magpakailan-kailan man.
At kahit hindi ko pa tuluyang matanggap ang lahat, habang dala-dala ang 'di maubos na mga katanungan ay wala na akong nagawa kundi magpaalam.
"Salamat sa lahat.
Magpahinga ka na,
...Kaibigan."