Chapter III – Archie, Marry Me

2417 Words
[Third Person Perspective] October 16, 2021 7:21 pm Karamihan ay tulog na sa loob ng fx, ang driver ay hindi naman nagpapatugtog ng radyo kaya nangingibabaw ang pag-alingawngaw ng paghilik ng isang lalake sa likuran. Hindi naman ito pansin ni Asha na naka-earphones at abala sa pakikinig ng musika sa kanyang telepono. Ang mga labi ay gumagalaw sa pagsabay sa liriko ng kanta habang ang mga mata ay nakatingin sa iba't ibang kulay ng ilaw mula sa mga sasakyan at establisimientong dinaraanan. Magta-tatlumpong minuto na mula nang siya ay makasakay, papunta siya sa bahay nila Lawrence—kaklase niya noong kolehiyo, at kasintahan ng matalik niyang kaibigan na si Kamilla. Magta-tatlong taon na sana si Kamilla at Lawrence sa desyembre kaso sa 'di inaasahang pangyayare ay biglaang pinagpahinga si Lawrence ng panahon. Nakalulungkot ngang isipin dahil kapapasa lang nila ni Asha ng board exam noong Mayo. Hindi naging malapit si Asha kay Lawrence, pero saksi siya sa relasyon nila ni Kamilla. Madalas kasing takbuhan, at umiiyak sa kanya si Kamilla sa tuwing may 'di pagka-kaunawaan sila ng kasintahan. Nang makarating si Asha ay sinalubong siya ng kanyang mga kaibigan, si Kamilla na namumugto pa ang mga mata, si Iya, at si Mika. Umiiyak na lumapit at yumakap si Kamilla kay Asha. Ang lungkot ni Kamilla ay tila naglaho panandalian. Mag-iisang buwan na kasi silang 'di nakapagkikita dahil sa kani-kanilang mga trabaho. At sa kanila kasing magka-kaibigan, si Asha ang madalas nilang taga-comfort, personality-wise, siya ang pinakamasiyahin at mapagbiro. Tagapayo na rin kapag ang isa ay nalulungkot at may problema. "Dapat pala dinalhan kita ng ice cream," pagpapatahan na paglalambing ni Asha habang yakap ang kaibigan. Singit na tanong naman ni Iya, "Kumain ka na?" "Yep, kumain na 'ko before umalis ng office." Tugon ni Asha bago magmasid sa paligid. "Wala si Angge? "Bukas pa raw siya makapupunta.. Tara samahan ka namin sumilip muna." Sagot ni Iya. Habang papasok sila ay halata naman ang mga pahaging na pagsulyap ng ibang bisita kay Asha. Dahil na rin sa kanyang tangkad, at kahit nakasuot lamang siya ng uniporme sa trabaho ay talagang nakabibighani pa rin ang pagbakat ng hugis ng kanyang baywang at balakang, ang buhok ay nakatali at nakapulupot sa isang magarang pin, ang mga hibla nga ay tila mahinhing mga alon na dumadampi sa kanyang napakagandang mukha. Ngunit hindi naman ito pansin ni Asha na tuloy-tuloy lamang sa paglalakad. Habang papalapit kasi nakaramdam ng kaba ang dalaga. Marahil ito ang unang beses na sisilip siya sa isang kabaong. Nang makaharap ay ilang segundo siyang sumulyap bago pumikit at nagbigay ng isang maikling panalangin. Pagkatapos ay dumiretso na sila sa kanilang lamesa at upuan. Kalapit nila ang pwesto ng mga pinsan ni Lawrence na tumutugtog at nagkakantahan. Sa kabila naman ay ang grupo ng mga kababata ni Lawrence na naglalaro ng baraha. "Kamusta work?" Tanong ni Mika kay Asha. "Okay lang, pero I can feel the stress na, ang dami kasing naiwan na workload ng pinalitan kong engineer." Sumagot si Mika. "Ako gusto ko nang mag-resign, ang toxic ng mga tao sa office namin, feeling ko 'di sila nagkakasundo, iba ang tension kapag nag-uusap.. hanggang kailan ka ba yayakap kay Asha, Kams," pabirong tanong ni Mika "Dito muna 'ko, mga one hour pa." Sabay lalong paghigpit sa pagyakap. "Pero ano ba daw talaga ang nangyare? Di kasi namin masyado naintindihan ang kwento mo sa phone dahil sa pag-iyak mo," muling tanong ni Mika. "Oo nga, sorry na Kams pero kwento mo ulit," dagdag ni Iya. "Inatake daw siya sa puso pagkatuloga, nadala pa naman nila sa ospital, pero pagdating wala na talaga.." "Grabe naman, nakakatakot naman matulog, baka sakaling 'di na rin ako magising," natatakot na biro ni Mika. "Hoy! Di magandang joke yan!" Pagalit na sabi ni Asha, at ibinalik niya rin agad ang tingin kay Kamilla. "Kamusta naman huling pag-uusap niyo?" "Sa totoo lang, three days na kaming 'di nag-uusap.. three days na. Nagkatampuhan kasi kaming dalawa tapos biglang ganto." Nagsimula na naman itong umiyak. "—kung alam ko lang sana.. sana niyakap ko siya noong huli naming kita.. pero hindi, magkagalit kaming umuwi." Kasunod ang muling pagbuhos ng kanyang mga luha. Sila ay tahimik na lang na nakinig at hinayaang ilabas lahat ng kaibigan ang nararamdaman. Di rin kasi nila pa masyadong maintindihan ang pakiramdam ng mawalan ng mahal sa buhay kaya 'di rin nila alam kung paano ito pakakalmahin. Wala pa kasi sa kanila ang talagang nakaranas mawalan ng taong malapit sa puso nila. Mga taong lagi nilang kausap, nakikita, at iniisip. Taong parte ng buhay nila araw-araw. Habang nakikinig sa kanilang kaibigan ay isa-isa nilang inisip ang mga taong mahal nila, mga taong yayakapin nila nang mahigpit sa bawat pagkikita. Para kay Asha, ang Ama at Lola lang ang pumapasok sa isip niya, ang ina niya kasi ay 'di niya na nakasama. Iniisip niya nga kung ano ang naramdaman ng kanyang ama noong isinilang siya, isang tanong na ngayon lang pumasok sa kanyang isip. Tila naging kapalit kasi ng buhay niya ang kanyang ina. Nakaramdam kaya ng pagsisisi ang ama niya noong isinilang siya? Ano kaya naramdaman ng kanyang ina habang hinuhugot ang huling hininga? Ang isa sa pinaka masayang araw sana ng kanyang mga magulang ay naging trahedya para sa kanilang dalawa. At dahil hindi rin nagkukwento ang kanyang Ama tungkol sa kanyang Ina, bigla siyang binagabag. Pagtapos magkwento ni Kamilla ay binawi na lang nila ang lungkot na nararamdaman nito. Nagsimulang magkwento ang bawat isa, mga kwentong naghatid ng ngiti kay Kamilla. Buhay, lovelife, trabaho, syempre mga experience nila sa pagtungtong ng adulthood. Nagpatuloy lang ang kwentuhan nila hanggang madaling araw. . . . . October 17, 2021 2:05 am Lagpas alas dos na rin nang lumapit ang isang kababata ni Lawrence kina Kamilla, Si Erol. Malapit din si Kamilla sa mga kababata ng kanyang kasintahan, ang makulit at palabirong si Erol, ang may pagka-babaerong si Sebastian, at ang napakabait na si James, sila ang mga pinakakilala niya. Sa mga inuman kasi ng magbabarkada ay madalas rin siyang kasama, siya kasi ang tagapag-handa ng kanilang pulutan o 'di kaya ng mainit nilang almusal kapag inabot na sila ng umaga. "Kamilla, naglalaro kami ng baraha, baka gusto niyong sumali? Mas masaya kasing laruin 'to kapag marami," tanong ni Erol. Pasigaw ngang nagbiro ang mga kaibigan ni Erol. "Tangina mo, Erol, gusto mo lang mas maraming maglalaro para mas malaki ang taya." Tumingin naman si Kamilla sa mga kaibigan niya at nagtanong. "Gusto niyo ba?" "Game," sagot ni Mika at Iya "I'll pass," tanggi naman ni Asha Tanong pa ni Erol, "in between ang lalaruin natin, alam niyo naman siguro 'to 'di ba?" Habang ipinapaliwanag nga nito ang laro sa mga babae, si Asha ay lumipat ng upuan sa likuran. Doon ay may nakaupo rin, si Sebastian. Tahimik lang nito na pinanonood ang mga kasama. Nagkatinginan lang ang dalawa at bahagyang ngumiti sa isa't isa. . . . . Mag ka-kalahating oras nang naglalaro ang mga kasama nila at mukhang nagsisimula pa lang ang tunay na kasiyahan. Sa isip ni Sebastian ay aabutin na sila ng umaga kaya kumuha na lang siya ng beer at nagsimulang makinig ng musika, wala siyang dalang earphones kaya inilapit na lang niya ang speaker ng telepono sa kanyang tenga. (Playing: Archie, Marry me by Alvvays) Habang nagpapatugtog ay sumandal siya sa malamig na pader, huminga nang malalim, at ipinikit ang mga mata. Ngunit habang tahimik at payapa siyang nakikinig, siya ay biglang nakarinig ng magandang tinig na sumasabay sa kanta. Siya ay dumilat at bahagyang tumingin sa direksyon kung saan nanggagaling ang tinig, pinasmasdan ang kumakanta mula sa gilid ng kanyang mga mata. Hindi niya sana gustong ipahalata ngunit hindi niya rin napigilang lubusang tumingin. Kasi naman, parang pati ang mga ilaw ay sa katabing babae nakatitig, tila bulaklak tuloy itong nasisinagan ng araw, nananatili at kumikinang. Parang kumukumpas din ang buhok nito kasabay ng mga labi, umaawit sa loob ng sariling mundo. Ni-hindi napansin ni Seb na siya'y napangiti rin, hindi niya rin namalayan na tapos na pala ang kanta. Ilang segundo siyang nanatiling nakatitig bago niya nagawang magsalita. "Ang.. ganda ng kantang ‘yun, no?" "A-ay..." nahihiyang ngumiti lang sa kanya si Asha. Ngumiti din pabalik si Sebastian, gusto niya sanang dugtungan ang kanyang sinabi ngunit hindi niya nagawa. Hindi kasi niya maintindihan kung bakit siya biglang nakaramdam ng kaba. Sanay naman siyang kumausap ng ibang babae, may mga pagkakataon ngang mga babae pa ang lumalapit sa kanya. Tatangkain niya sanang sumulyap ulit ngunit pinapangunahan siya ng hiya. Noong diretso niya kasing tiningnan ang katabi ay tsaka niya lang napansin ang napakaganda nitong mukha. Naglalaro sa kanyang isipan kung kakausapin niya ba o hahayaan na lang. Medyo naging awkward kasi. Tanong niya sa sarili kung may mali ba sa kanyang ginawa o sadyang mahiyain lang ang dalaga. Tatlumpung segundo na ang lumipas… At pagkatapos ng mga pahaging na pagsulyap ay nagpasyang magpatugtog na lang ulit si Sebastian. Ngunit habang siya ay pumipili ng kanta ay biglang nagsalita si Asha. "That was my favorite song." Lumingon si Sebastian, at si Asha ay pahapyaw na nakatingin sa kanya. Hindi na niya nagawang mag-isip ng sasabihin, kusa na lang nagsalita ang kanyang bibig. "Gusto mo ba 'yong kanta dahil sa meaning o dahil maganda siya pakinggan?" "It won't be my favorite if it's not both, don't you think?" Mapaglarong ngiti ng dalaga. "Bale 'di ka rin pala naniniwala sa konsepto ng pagpapakasal." "No...” Nakangiting iling si Asha, “I know that they wrote that song to ridicule the concept of marriage, pero.. feeling ko they don't hate the idea of marriage, they just wrote that for those people who keeps pressuring them to get married. If you know what I mean." Nakangiting itinuwid ni Seb ang pagkakaupo. "Tuloy mo." "That they should get married while they are young. Kasi 'di ba there are people who will pressure us to get married and start a family. As for the composer, when they wrote the song, they must be like 'let us enjoy our love, get a life'. Pero I know deep inside, someday they will want to get married din. Kaya ang meaning ng song for me, is about having a carefree and happy lovelife." Namamahang ngumiti si Sebastian. "Mukhang nag-research at taga-hanga ka talaga nila.. Napaka-simple lang kasi ng pagkakaintindi ko sa kanta, ayaw lang talaga nila sa konspeto ng pagpapakasal." "I don't believe naman na there are people who don't want to get married." "O baka nililimitahan mo lang ang kinikilala mong mga tao." Ngisi ni Seb. "Hmm...” Paniningkit ng mga mata ni Asha. “You are clearly speaking from your perspective. So.. tell me, why you don't believe in marriage?" "Ang bilis mo naman yatang i-assume na 'di ako naniniwala sa marriage?" "Itatanggi mo ba?" Bahagyang nalungkot ang mata ni Seb bago sumagot. "Okay, i-oopen ko kung ano ang perspective ko. Naniniwala ako sa pagmamahal pero hindi sa kasal.. Don't get me wrong, 'di naman ako tutol sa mga taong gusto magpakasal. Pero para sa'kin, ang pagpapakasal ay pagmamahal lamang na may kakambal na legal na kasunduan, mga dokumento, mga papeles na gagawin lang komplikado ang lahat. Tao tayo, nagkakamali tayo.. at kasama sa mga pagkakamali natin ang pag-ibig.. kung sino at kailan tayo iibig. At dahil 'di maiiwasang magkamali, anong point ng pagpapakasal?" Tinitigang maigi ni Asha si Sebastian. "So dahil may chance na magkamali tayo, it is wrong to get married? Is that your point?" "Hindi ko naman sinasabing mali magpakasal. Ang punto ko, hindi lang practical, hindi lang ideal. Kasi nga, 'di ba, hindi maiiwasang magkamali sa pagpili ng partner. Kaya mataas ang chance na ang kasal, magiging permanent seal lang ng isang pagkakamali." "I get your point about legal papers and documents, but how about the vow, the promise between God and the couple?" "Kaya pala, 'di kasi ako naniniwala do'n, kaya para sa'kin, isang lang siyang legal na kontrata." Kumunot ang noo ni Asha. "Okay, given na you don't believe in God. Pero are you saying that people should just love each other without considering getting married? Para if dumating ang point na their feelings change, they can easily pack up and leave?" Napabuntong-hiningang umiling si Seb. "Hindi. Hindi ko naman sinabing dahil hindi sila kasal, madali na lang nilang tatalikuran ang pagmamahal nila sa isa't isa. Ang pinupunto ko, napaka-komplikado na kasi ng pag-ibig, paano pa kapag dumating ang panahon na talagang nagbago na ang nararamdaman nila sa isa't isa? Hindi ba't lalo lang silang magdudusa kung marami pang aayusing legal na dokumento dahil sa kasal?" Napatitig si Seb sa mga mata ng dalaga bago ituloy ang pagsasalita. “Saka hindi naman mase-save ng kasal ang pagmamahal nila sa isa't isa 'di ba? Pagmamahal ang mag-se-save sa kasal nila.” Kunot noo siyang napatigil at huminga nang malalim. “Anong point ng kasal kung it will not save anyting?" Kampanteng ngumiti si Asha. "Kaya nga dapat, pag-isipang mabuti ang marriage. Why would we marry someone na hindi naman natin sure na mamahalin natin hanggang dulo, 'di ba?" Pagkatapos magsalita ay mapang-asar niya pang tinitigan si Sebastian. Ngumisi Seb. "Sabi ko nga kanina, dahil tao tayo, kahit na anong ingat pa ang gawin natin, magkakamali tayo, lalong-lalo na sa pag-ibig." "Hmm. Nice argument." Sandaling tumigil si Asha para titigan ang mga mata ni Sebastian. "Pero alam mo, you are missing something." "Ano naman 'yon?" At mapaglarong ngumiti ang dalaga sa hangin. "I can't say it. Actually.. more like I don't know how to say it. Pero I know, you will realize it someday. Or mas magandang sabihin na, may magpa-pa-realize non sa 'yo." Sabay muling titig kay Sebastian. "Ang confident mo naman na magbabago pa ang pananaw ko towards marriage." "Yup, you are just too negative right now." "Oh? Tingin mo, pesimista ako?" "Yes, you are, Mr. Pessimist." Ngumiti si Asha. "De joke lang. I respect your opinion naman. Basta I'm sure, someday may magpapa-realize din sa'yo ng importance ng marriage." "O magpa-pa-realize sa'yo na hindi kakambal ng pagmamahal ang pagpapakasal." "We will see then." Pangha-hamon ni Asha. Ngumiti sila sa isa't isa. Tumitig si Seb kay Asha. "Bale..." Nanliit ang mga mata ni Asha sa pagtataka. "Ano 'yon? Do you want to add something?" Tuwang-tuwa na napabungisngis si Seb bago sumagot. "Ano pa lang pangalan mo?" Napabungisngis din si Asha. Hindi niya rin kasi namalayan na hindi pa pala niya alam ang pangalan ng kausap. "Asha." Sabay abot ng kanyang kamay. At nakangiting inabot ito ni... "Sebastian."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD