Chapter VI – Mr. Pessimist

1563 Words
[Seb's] October 17, 2021 Gising na ang aking diwa ngunit pinili ng aking mga mata na manatiling nakapikit. Para nga akong nananigip habang pinakikinggan ang bahagyang dinig na ingay ng mga taong abala sa ginagawang paghahanda para sa libing mamaya. Alas nuwebe na pala, pagsulyap ko sa orasan sa gitnang dingding nitong kwarto. Sumilip ako sa ibabang kama, si Erol ang aking nakita habang nasa lapag naman si James. Mahimbing pa ang kanilang tulog kaya dahan-dahan akong bumaba para lumabas at pumuntang banyo. Paglabas ko— “Oh, Seb. Kain na.” Nakangiting aya ni Tita Merlyn, nanay ni Lawrence. Malungkot kaming napatitig sa isa’t isa. Namumula pa ang mga mata ni Tita, ilang araw na kaya siyang umiiyak? Tanong na pinili kong sarilinin at hindi na alamin ang kasagutan. "Magandang umaga, Tita. Sige po, sunod po ‘ko." Muli siyang ngumiti bago umakyat sa hagdan patungo sa kanilang kwarto. Ako naman ay saglit na napatitig sa mga pintang nakasabit dito sa pasilyo bago muling maglakad patungong banyo. Naging malapit na rin ako sa mga magulang ni Lawrence, bukod sa mula elementarya ay magkaibigan na kaming dalawa, noong hayskul at college naman ay madalas akong nakikituloy dito. Ang tahahan nila ay ang naging saksi sa kung anu-anong mga kalokohan naming magto-tropa. Doktor si Tita Merlyn at ang asawa niya na si Tito Ben habang ang isa pa nilang anak na mas nakatatanda kay Lawrence na si Christian ay kasalukuyang nag-aaral ng abogasya. Talagang naka-aangat sila sa buhay. Ngunit kahit na laging abala ang parehong magulang ni Lawrence ay madalas pa rin naman silang magkakasama at masasabi kong sila ay masaya. Pagkalabas ko ng banyo ay dumiretso na ako sa baba para mag-almusal. Naroon na sila Kamilla at mga kaibigan niya, kasalukuyang kumakain. Naalala ko tuloy si Asha... Habang kumakain nga ay kating-kati ang aking bibig na magtanong kay Kamilla tungkol sa kanya. Sa isip ko kasi, kung hindi niya ibinigay ang numero niya ay paniguradong hindi siya interesado o siya ay maykasintahan na. May mga ganoong babae kasi, talagang pala-kaibigan lang, aakalain mong single at ready to mingle pero nasa isang relasyon pala. Kaya kapag sinubukan mong duma-moves, biglang ipapamukha nila sayo na, oops hanggang diyan ka lang. Meron ding mga naghahanap lang ng back up guy pero loyal naman, mga babaeng paasa. Kawawa ang mga kabaro kong mahina dumiskarte pagdating sa mga ganitong babae. Ang hina pumick-up ng palatandaan. Todo effort pa kahit hindi naman talaga sila ang gusto, tapos sa huli na lang nila mapagtatanto at masasabi sa sarili na, 'Tangina! Hanggang dito lang pala ako.' Pero may iilan ding napagtatagumpayang makuha 'yong babae, pero sobrang bihira iyon At ang huli ay mga babae na talagang alam na, nasa relasyon man o hindi. May mga nakilala rin akong ganoon, lalo na pag nag-iinom kami sa mga bar. Malupit pa naman na wingman si Lawrence, isang bagay na sobrang pinanghihinayangan ko ngayong wala na siya. May wingman ka na, may pagdadalhan ka pa ng chik mo. Dito rin kasi sa kanila ang ending kapag may mga chiks kaming napi-pick-up. Sakto may dalawa silang guest room kaya tig-isa kami. Pero sa lahat nang nakilala ko noon, isa lang ang tumatak sa akin at talagang naalala ko— Si Gabrielle. Nakilala ko siya at mga kaibigan niya pagkatapos ng isang gig namin nakaraang taon. At dahil all boys kami at all girls sila, inaya namin sila na mag-merge. Pumayag naman sila. Hinding-hindi ko malilimutan na noong umalis ang iba naming kasama para mag beerpong ay naiwan kaming dalawa sa lamesa at nagka-kwentuhan. Bungad niya nga sa’kin ay fan ko na raw siya. Abot tenga nga ang ngiti ko non sa sobrang kilig. Napakasarap niyang kausap, sobrang in-love din kasi siya sa musika. Nagpalitan nga kami ng mga paborito naming kanta at kinantahan ang isa’t isa. Kinanta niya sa’kin ang Piledriver Waltz ng Arctic Monkeys at pinarinig ko naman ang version ko ng Perfect ng Simple plan. Tapos nag-play din siya ng isang video sa telepono niya, video niya habang tumutugtog ng biyolin. Tangina! Biyolin! Sa lahat ng instrumento, iyon ang pinakagusto kong hawak ng mga babae. Tuwing hawak nila ang instrumento na ‘yon, nagmumukha silang bulaklak na biglang namukadkad at ilang libong beses silang mas gumaganda para sa mga mata ko. At dahil sobrang ganda na ni Gab, nagmistula tuloy siyang lasing na anghel noong gabing iyon. Kaso sayang, 'di na kasi kami ulit nagkausap at nagkita. Binigay naman niya sa'kin ang numero niya kaso ewan ko ba, sa sobrang pa-chill ko at gusto ko pa lalong mag mukhang cool. Pinasulat ko sa tissue paper ang numero niya. Oo, puta! Sa isang tissue paper. ISANG PIRASONG MANIPIS NA TISSUE PAPER. Tangina, ano bang pumasok sa isip ko? Imbis na kuhanin ang telepono ko doon sa sasakyan at doon i-save. Kumuha lang ako ng isang pirasong paper napkin at doon ipinasulat. At ang piece of tissue na 'yon, naging isang piece of s**t. Dahil sa sobrang sarap ng kwentuhan naming dalawa, hindi ko namalayan na nasuksok ko pala 'yon sa bulsa kaya kinabukasan ay 'di ko na mabasa ang nakasulat. Tangina, nakapanghihinayang talaga. Inisip ko na lang na 'di kami nakatadhana na mag-usap pa ulit. Nakalulungkot pero masaya na rin ako na nakilala ko siya. Kahit kasi ilang buwan na ang lumipas ay hindi siya maalis sa’king isipan. Sa kanya ko tuloy napagtanto na may pag-asa pa rin pala akong makaramdam ng pag-ibig. Sa totoo lang, ay 'di ko pa talaga naranasan ang isang seryosong relasyon. 'Di ko rin kasi alam kung ano ba talaga ang hinahanap ko. Sa dami ng nakilala kong babae, marami naman don ang magaling sa musika, may talento, tumutugtog ng iba't ibang instrumento, pati biyolin syempre. Mga babaeng buhay na rin at buong pusong minamahal ang musika. Pero may hidden factor talaga. Maraming pagkakataon din na parehas naman kami ng mga gusto at hilig pero 'di pa rin nagki-click o minsan, panandaliang maaakit lang. Pagkatapos ng s*x ay wala na. Para bang nakikita ko agad na 'di kami magtatagal. Oops, hanggang dito lang tayo. Oo, gano'n na nga. Tila nakikita ko na agad ang hinaharap naming dalawa. Para bang una pa lang ay nalalaman ko na kung mahuhulog ba ako sa kanya at gugustuhin siyang makasama nang matagal. Ang hindi ko lang talaga alam ay kung ano ang eksaktong katangian nila ang kailangan para maisama ko sila sa mini-fairytale sa isip ko. Kaya 'di ko rin alam kung anong meron kay Gab, at ngayon naman ay kay Asha. Iyong mala-ginayumang nararamdaman, tipong parang ang tagal niyo nang magkakilala kahit ngayon pa lang kayo nag-uusap. Iyong pakiramdam na gustong-gusto mo sila pakinggang magkwento at sobrang sabik kang magtanong sa kanila ng kung anu-anomang mga bagay tungkol sa buhay. Nandoon ang pagnanasa, pero hindi lang sekswal, ...pagnanasa na makilala sila nang buo. Ang mahawakan ang bawat sinulid ng kanilang pagkatao. Gustuhin na ang bawat piyesa nila ay maging parte rin ng buhay mo. Isang malupit na koneksyon na alam mong tatagal nang mahabang panahon. Ironic dahil sobrang babaero ko pero nag-iisip ako ng ganito. Isang hopeless romantic na fuckboy. . . . . Pagkatapos ng libing ay nagpaalam na ako sa mga magulang ni Lawrence. Alam kong matagal na ulit bago ko sila muling makita dahil siguradong 'yon na ang huling sleepover ko sa kanila. Araw-araw na naman akong uuwi sa aming bahay o mas mabuting sabihin na, sa aking malamig na bahay. Ako na lang kasi ang nakatira doon. Lagpas isang dekada nang hiwalay ang aking mga magulang. May kanya-kanya na silang mga pamilya at pinili kong manatili dito mag-isa. Sa kanila ko unang natutunan ang isa sa pinaka-importanteng katotohanan tungkol sa buhay— Lahat ng bagay ay nagbabago. Lumaki naman akong puno ng pagmamahal mula sa kanilang dalawa. Nakita ko naman kung gaano nila kamahal ang isa't isa. Di rin mabilang ang mga masasayang alaala noong magkasama pa sila. Di ko malilimutan ang mga adventures namin ni Papa tuwing sinasama niya ako umakyat ng bundok, tapos uuwi kami sa masasarap na luto ng hapunan ni Mama. Minsan nga pagtutulungan pa namin siyang asarin ni Papa. Silang dalawa rin ang nagturo sa’kin maggitara at masaya kaming nag ja-jam sa bahay tuwing dayoff nila. Ngunit ang masasayang mga araw ay may hangganan talaga. Biglang dumami at lumalim ang mga 'di nila pagkakaunawaan. Hindi ko na maalala o talagang ayoko lang alalahanin ang mga dahilan kung bakit ang mga umaga na punong-puno ng batian at tawanan ay naging sigawan at murahan. Ang mga gabi na dapat ay puno ng masasayang kwentuhan sa hapunan ay naging sumbatan at iyakan. Ang mga mainit na yakap at halik ay naging malamig na pagtitig. Ang mga madalas na pag-aaway ay minsan nauuwi pa sa sakitan. Dahil ang labis nilang pagmamahalan ay naging malalim na pagkamuhi. Kaya kung dati ay biglaan na lang kumikinang ang paligid sa tuwing sila ay magkikita, ngayon ay tila nagdudulot ng kulog at pagdilim. Saksi ako sa lahat. Nasaksihan ko ang katotohanan na ang lahat ay may hangganan at ang pagmamahal ay isang pansamantalang bagay lamang. Sa paghiga ko sa’king malamig na higaan ay inihanda ko na ang sarili sa paghimbing ngunit ang aking pag-pikit ay pinigil ng isang mumunting ilaw na nanggagaling sa aking telepono. Kinuha ko ito, at nang aking buksan ay bumungad ang isang mensahe mula sa isang 'di kilalang numero na nagsasabing... "Hi, Mr. Pessimist!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD