[TPP]
December 17, 2021
Kaarawan ngayong araw ni Asha, at sinundo siya ni Sebastian sa kanilang opisina upang magkasabay silang pupunta sa bahay ng dalaga. Doon kasi magaganap ang simpleng pagdiriwang, naghihintay na nga ang mga kaibigan at pamilya ni Asha doon kasama ang munting pasurpresa at paghahanda.
"Happy birthday! Regalo ng officemates mo?" Tanong ni Seb nang mapansin niya ang dalang regalo ni Asha.
"Nagpa-cake lang sila, itong regalo, galing kay Sir Ian. Ikaw, nasaan ang gift mo?"
"Ako, 'di pa ba ako considered na regalo?"
"Considered naman. Pero gift ka noong October 23, so nasaan ang para sa birthday ko?"
Nagsimula na silang tumawid papuntang sakayan at saka sumagot si Seb. Tila nagtatampo nga ang tono nito nang magsalita. "Akala ko araw-araw akong regalo para sa'yo."
"Birthday ko ngayon! Tapos ikaw ang magtatampo?" Bungisngis ng dalaga.
"Nandon na, nauna na sa inyo. Baka magtampo ka pa," pagtawa naman ni Sebastian.
Saglit nga siyang tinitigan ni Asha, naniningkit ang mga mataga. "E, ba't ikaw, 'di na lang dumiretso don?"
"Gusto lang kitang sunduin. Ayaw mo ba?"
"Sus! Takot ka lang kasi nandon na si Dad!"
Ilang araw na rin nang makauwi ang ama ni Asha. Di nga muna agad dumalaw si Seb sa kanila dahil malapit naman na raw ang kaarawan niya. Doon na lang raw siya magpapakilala. Sa isip kasi ng binata ay mas magandang gawin 'yon dahil siguradong nasa magandang mood sa araw na 'yon ang ama ng dalaga. Sa totoo nga ay medyo kinakabahan siya, 'di niya kasi alam kung magugustuhan siya ng ama nito. Lalo na't baka nakwento ni Asha ang mga ginagawa niyang pambababae noon.
. . . .
Pagkarating ay agad na sinalubong sila ng mga kaibigan ni Asha. Nag-half day nga ang mga ito para lang mauna at maiayos ang kanilang mga surpresa at regalo sa kaibigan. Sa may gate pa nga lang ay may mga nakasabit ng mga lobo. Pagkapasok naman ay talagang mas natuwa si Asha dahil sa simpleng dekorasyon at masasarap na mga pagkaing nakahain, at syempre, sa mas marami pang mga lobo.
Ang alaga niya ngang si Joey ay nakasuot pa ng makulay na damit, at naka birthday cap, tila alam din nitong kaarawan ni Asha nang sabik na sabik itong bumati.
Ngunit ang talagang pinaka-nagpasaya kay Asha ay ang pagiging kumpleto nila. Kahit kasi ilang araw na nang makauwi ang kanyang ama ay ngayon niya lang ito makakasama pa talaga dahil sa kanyang trabaho. Isa pa ay may mga pinuntahan din ito noong mga nakaraang araw.
Silang lahat ay biglang nagtipon at sabay-sabay na binati si Asha. “Happy Birthday!” Sabay itinuro ang mga regalo na maayos na nakasalansan sa may lamesa malapit sa hapagkainan. Si Asha naman na bahagyang naluluha na sa tuwa ay patakbong lumapit. Isa-isa niyang hinalikan ang lahat sa pisngi at niyakap.
Kay sayang eksena, napangiti na nga lang si Seb habang pinapanood silang lahat. Ngunit habang tahimik niyang pinagmamasdan ang masayang kasintahan, ay napansin niya ang isang lalakeng papalapit. Matangkad, moreno at may malapad na balikat na tugma sa malaki nitong mga braso. Lamang nga ng ilang pulgada ang tangkad nito kaya bahagya siyang napatingal at nasindak.
At nang makalapit, seryoso at nakakatakot na tono ang agad nitong ibinungad. "Ito ba ang manliligaw mo, Asha?"
Bahagyang nanginig ang binata, at dahil kinakabahan ay pautal-utal ang naging kasagutan. "Ay tito.. m—magandang h—"
Ngunit, ‘di nito pinatapos si Seb, bagkus ay mas nilakasan pa ang boses nang muling magtanong. "Asha, ito ba?"
Si Asha na abala sa pakikipagusap sa kanyang mga kaibigan at kanyang lola ay sumagot, "Yes, Dad, It’s him."
At sa pagkakataon ngang ito ay 'di na nagawang magsalita ni Sebastian. Natahimik na lang habang pinagmamasdan siya mula ulo hanggang paa ng ama ng dalaga. Siya ay tila tutang napagalitan na nakatayo sa may pintuan. Ang kanyang palagiang may kumpiyansang postura ay nawala, at ngayon ay parang gagamba na tumiklop at natapakan. Di makatingin, pilit na ibinabaling ang ang paningin dahil sa nanlilisik na titig na mga matang nakatitig sa kanya. At sa sumunod na narinig siya ay nabigla.
"Asha! Wala naman pala 'tong manliligaw mo, matatakutin."
Si Seb na nagtataka kung ano ang gustong ipahiwatig ng ama ng kasintahan ay 'di muna umimik. Siya ay tumingin at nag-obserba muna sa ngayong tahimik na, na paligid. Nakatitig silang lahat sa kanilang dalawa at siya ay bahagyang na-asar sa kanyang nakita. Halata kasing nagpipigil ng tawa silang lahat, habang siya tila maiihi na sa kaba.
At sa muli niyang pagtitig sa ama ni Asha, ito ay nakangiti na sa kanya.
"Ikinagagalak kong makilala, Seb" kasabay ng pag-abot ng kamay sa binata.
Nag-aalangan namang inabot ito ni Seb, halata ngang siya ay nasisindak pa. Nanginginig pa rin ang boses nang magsalita. "M—agandang hapon po, T—ito."
"Oh, baka maihi ka sa salawal niyan. Tara na, lumapit ka na doon at nang makuhaan ko na kayo ng litrato."
At sa paglapit ni Seb ay asar na asar niyang tinapik si Ashaa. Habang ang dalaga naman ay tawa nang tawa at agad na tinukso ang binata. "Nakalimutan ko pa lang sabihin sa'yo, bilin ni Dad, na magdala ka ng extra na pants para kung sakaling maihi ka raw."
Si Seb naman na nakahinga na nang maluwag ay lalong na-asar kaya't mahina at mabilisan niyang kinagat ang dalaga sa balikat.
"Dad, oh!" Nakangiting sigaw ni Asha.
"Kaya pala ang galing galing galing galing mong mang-asar."
"I know, right."
"Mamaya na kayo mag lampungan, tingin na muna sa cam," biglang singit ni Iya.
At nagsimula na silang kumuha ng mga larawan. Meron ding video habang masayang kinakantahan nilang lahat si Asha ng Happy Birthday.
Pagkatapos manalangin ay nagsimula na rin silang kumain. Habang masaya at punong-puno ng tawanan na nagkukwentuhan sila, ang ama naman ni Asha na natapos na rin kumain at kumuha ng mga larawan ay
lumapit kay Sebastian at nagsalita. "Kwento ni Asha malakas ka raw uminom."
"Di naman po masyado, Tito."
"Tara, hayaan mo muna mag-bonding 'yang mga babae dito. Inom tayo don."
Nakaturo siya sa lamesa sa hardin, malapit sa swing. Halatang nakahanda na nga ito para sa kanila dahil sakto at dalawa lamang ang upuan na nakatayo doon. Mayroon na ring ice box, mga baso, at bote ng isang mamahaling alak, at ang tanging kulang na lamang ay ang pulutan, na ngayon ay inihahanda nang dalhin ng ama ng dalaga.
"Dami naman po yata niyan, Tito," pabirong sambit ni Seb nang makita niya ang mga dala nitong pagkain.
"Marami na ba? Kukulangin pa yan, baka mapahaba ang usapan natin tapos baka malakas kang mamulutan."
Ngumiti si Seb at nag-alok na tumulong na lang sa pagdadala ngunit tinanggihan naman nito at pinadiretso na agad siya doon para umupo. At habang nakaupo siya mag-isa ay muli siyang nakaramdam ng kaba. Sa kanyang isip ay planado na ang mga susunod na mangyayari, siguradong may nakahandang mga katanungan sa kanya ang ama ni Asha. "Maging natural ka lang, maging natural ka lang," paulit-ulit niyang bulong sa sarili. Bahagya tuloy siyang napangiti nang kanyang mapagtanto ang mga sinasabi niya sa kanyang isipan. Hayskul pa kasi siya noong huli niyang mahuli ang kanyang isip na pinakakalma nang ganito ang sarili. Ang nakatatawa pa ay hindi isang babae ang kanyang makahaharap, kundi isang lalake, ama ng kasintahan. Ang pagpapakilala sa magulang ng isang babae ay isang bagay kasi na ngayon lang niya ginawa.
Pagkalapit ng ama ni Asha ay agad itong umupo sa kanyang harapan. Binuksan ang bote ng alak, nagbuhos sa dalawang baso, nilagyan ng yelo, ang isa ay kanyang iniabot kay Seb habang mabilis naman nitong ininom ang isa pa. At agad itong nagtanong, "Alam mo na ba ang pangalan ko?"
"George po 'di ba? Yun po ang pagkakabanggit ni Asha," magalang ngunit naiilang na sagot ni Seb.
"Oh? 'Yan lang ba binanggit niya sa'yo?"
Si Seb naman na nagtaka sa kanyang katanungan ay nagtanong rin, "O-po, 'yon lang naman po sabi niya. Bakit tito, hindi po ba 'yon ang pangalan niyo?"
"Tama naman, pero hindi lang kasi 'yon. May Sebastian din sa pangalan ko."
"Talaga po ba?!” Namamanghang tanong ng binata. “George Sebastian po?"
"Baliktad, Sebastian George. Pero hindi ko ginagamit ang Sebastian. Ikaw? Sebastian lang 'di ba?"
"Opo, tito. Yun lang lang.. Bakit po pala 'di niyo na ginamit 'yong Sebastian?"
"Mas maganda lang sa pandinig ko ang Jorge, do'n na rin nasanay lahat ng kakilala ko.. O bale Sebastian, kamusta naman kayo ng anak ko?"
Napangiti nga si Seb kung papaano binanggit at binigyan nang diin ang kanyang pangalan. Mabilis din siyang sumagot sa biglaang tanong sa kanya. "Okay lang naman po."
"Ano bang plano mo?"
Sa kanyang narinig ay bigla siyang nagtaka, habang nag-iisip nga ay ininom na niya ang alak na naghihintay sa kanyang baso bago tumugon, "Anong pong ibig niyo sabihin?"
"Naalala ko lang kasi ang kwento ni Asha kung papaano kayo nagkakilala. Yung naging unang pag-uusap niyo. Ang nabanggit niya kasi, 'di ka raw naniniwala sa diyos kaya wala kang balak pumasok sa religion bukod pa don yung hindi mo paniniwala sa konsepto ng pagpapakasal."
Nang makita nga ni George ang baso ni Seb ay muli niya itong nilagyan ng alak. At kaagad ngunit dahan-dahan naman itong ininom ng binata para makakuha ng ilang segundo para makapag-isip nang mabuti kung ano ba ang kanyang dapat sabihin. Ngunit habang nag-iisip ay muling nagsalita si George. "Gaano mo ba kamahal si Asha?"
Nabulunan si Seb sa narinig. Di pa man siya nakapagsasalita ay dinagdagan ulit ni George ang kanyang sinasabi. "Kung mahal mo siya pero wala kang balak magpakasal, hindi ba't napaka-komplikado no'n para sa inyo?"
Si Seb ay huminga muna nang malalim, diretsong tumingin muna sa ama ni Asha na diretsong nakatingin din sa kanya habang naghihintay ng kanyang isasagot. "Hindi po ba masyado pa pong maaga para pag-usapan at isipin ang mga ganoong bagay?"
"Hindi ba't mas maganda isipin 'yan habang maaga?"
Hindi nakaimik si Seb. Bigla niya kasing napagtanto ang kahalagahan ng bagay na iyon kaya inulan ng mga katanungan ang kanyang isipan. Dahil parehas sila ni Asha na ngayon lang pumasok sa isang relasyon ay parehas nilang ipinagwalang-bahala ang salungat nilang paninindigan. "O baka ako lang..." pagbubulay-bulay ng kanyang isip. Baka siya lang ang nagsasawalang-bahala sa mga bagay na iyon, habang si Asha naman ay madalas itong iniisip, baka nga dahil talagang binabagabag siya ng problema na ito ay humingi na siya ng payo sa kanyang ama. Baka 'yon ang dahilan kung bakit sila ngayon nakaupo dito at nag-iinuman.
Ang kanyang pag-iisip ay naputol nang biglang magsalita ulit si George. “ "Oo, halos dalawang buwan pa lang kayong magkakilala pero sa tingin mo ba nakadepende yan sa tagal? Hindi ba't kadalasan, simula pa lang ay maaari mo nang malaman kung gugustuhin mong makasama nang matagal ang isang tao?"
Napangiti si Seb. Aminado rin kasi siyang totoo ang sinasabi ng kausap. Napatunayan niya kasi ito nang makilala niya si Asha.
Muling nagpatuloy si George sa pagsasalita, "...kaso yun nga, may mga bagay na nakakaapekto sa nararamdaman natin, at doon de-depende kung kung lalo bang lalalim ang nararamdaman natin para sa taong ‘yon.” Ininom muna nito ang nasa kanyang baso bago pumitas ng bahagi ng inihaw na bangus bago dugtungan ang sinasabi. "Hindi ko naman na itatanong kung bakit naging ganon ang paninindigan mo, pero ang payo ko, ngayon pa lang, dapat mo nang pag-isipan nang mabuti ang bagay na yan."
Saglit muna silang tumahimik nang makita nilang papalapit si Asha sa kanila. May dala itong isang pitsel ng tubig. Agad naman din itong umalis pagkatapos ilapag ang dala-dala at saka nagbiro. "Wala pa sa kalahati? Ang hina niyo naman!"
Si Seb naman ngayon ang nagtanong. "Tito, paano po kung araw-araw ko iparamdam kay Asha na mahal na mahal ko siya. Hindi naman na po pumasok sa isip ko mambabae kailanman. Ibibigay ko naman po kung anong makakaya ko pagdating sa pangangailangan at mga gusto niya. Kaso iyon nga po, ayaw ko po magpakasal, hindi pa po ba magiging sapat 'yon?"
Napangisi si George sa narinig niyang katanungan ng binata. "Paano kung hindi ka pagbigyan ni Asha kailanman?"
Kahit na may ideya na si Seb sa kung ano ang tinatanong ni George ay patay malisya pa rin siyang nagtanong, "Pagbigyan po sa alin?"
"Pu-cha! Wag kang magmaang-maangan."
Bahagyang natawa nga si Seb, "Ang hirap naman kasi isipin non, Tito."
"O 'di ba ang hirap? Pero pilitin mong isipin.
Ang pinaka mamahal mong babae, mahal na mahal ka rin. Ibinibigay naman niya lahat ng makakaya niya para maiparamdam sa'yo ‘yon. Ipinagluluto ka, inaasikaso, at kung ano pa mang mga bagay na pwede niyang gawin para mapasaya ka. Kaso 'yon nga, hindi niya kaya pagbigyan ka sa bagay na 'yon. Sa tingin mo ba magiging sapat iyon sa'yo, makukuntento ka ba sa kung anong meron sa inyo?"
"Bakit niya po muna hindi ibibigay?"
Muling napangisi si George, "Tapos ngayon ikaw ang magtatanong ng ganyan. Katulad ng dahilan mo kung bakit ayaw mo magpakasal, kung ano man yang bagay na ikinatatakot mo."
Talagang natameme nga si Seb sa kanyang narinig. Wala siyang ibang nagawa kundi magbigay ng isang nahihiya na pagngiti.
"Kahit na ibigay pa ng isang tao ang lahat ng makakaya niya, pero kung ipagkakait niya ang isang bagay na talagang gusto mong makuha, sa tingin mo ba totoong magiging masaya ka? Sa tingin mo ba makukuntento ka?"
Di pa rin umimik si Seb.
"Eh, ikaw nga bilang lalake, kung tutuusin pwede mong makuha yan sa ibang babae.. Pero syempre iba pa rin kapag ang babaeng mahal na mahal mo ang ka-s*x mo. Bilang lalake, pangarap natin yun eh! Yung tuwa natin talagang aabot hanggang langit kapag nakuha na natin sila."
Agad namang na-ilang si Seb. "Tito, si Asha po ang pinaguusapan natin, ah."
"Ano naman? Hindi naman na kayo bata para ilayo pa sa ganyang mga usapan. Mas maganda nga at maging handa na kayo sa bagay na yan."
Napangiti na nga lang sa hangin si Seb. "Nakakatawa nga po talaga isipin no? Di po talaga natin maitatanggi na pangarap natin 'yon."
"Oo, ano pa bang mas hihigit para sa ‘ting mga lalake ‘don. Pero sa mga babae, kasal ang katumbas ng bagay na ‘yon. Yan ang pinaka-pinapangarap nila." Muli itong uminom ng alak bago magpatuloy "Iyon ang pinaka pero maraming hahanapin pa ang mga 'yon sa isang lalake," humahalakhak nitong dagdag.
Tumawa lang naman din si Seb. Muling nagsalita si George. "Sa totoo nga, gustong-gusto kitang gisahin. Tangina kasi, tagal kong hinintay ang pagkakataon na 'to. Manggisa ng lalakeng nanliligaw sa anak ko Kaso hindi naman nakapagdala noon si Asha ng kahit na sinong manliligaw niya. Makabawi man lang sana kahit kakaunti sa dinanas ko non sa Tatay ni Audrey."
"Audrey? Mama po ni Asha?"
"Oo, Si Audrey nga. Di pala nabanggit ni Asha ang pangalan niya sa'yo?"
"Hindi po kasi namin masyadong napag-uusapan, hindi ko na rin po tinanong. Basta ang sabi niya hindi naman daw po kasi kayo masyadong nagkukwento rin tungkol sa kanya."
Malungkot na ngumiti si George sa kanya. "Oo, 'di ko rin kasi talaga kayang ikwento sa kanya."
Nang makita nga ni Seb ang naging reaksyon ni George ay talagang damang-dama niya ang lungkot sa mga mata nito. Hindi na nga niya nagawang magtanong pa, ibinaling na lang ang tingin sa mga bulaklak sa hardin bago inumin ang laman ng kanyang baso. Kaya't nagulat siya nang alukin siya ni George. "Gusto mo bang i-kwento ko sa'yo?"
"Sigurado po ba kayo?"
"Kaso mahaba 'yon, papakinggan mo ba lahat?"
Ngumiti si Sebastian, "Marami pa naman po tayong alak at pulutan."