[TPP]
December 17, 2021
11:05 pm
Sa pagtatapos ng kwentuhan at inuman, ay talagang tumatak sa isipan ng Seb ang lahat ng kwento ng Ama ng kasintahan. Damang-dama niya ang lungkot nito habang ibinabahagi ang nakaraan nila ni Audrey, ang ina ni Asha. Nanatili si George na umiinom, habang pinauna na niya si Seb umakyat para makapagpahinga. Pahabol pa nga ni George na biro ay, pinapayagan niya raw matulog ang binata sa kwarto ng kanyang anak.
Sa pagpasok ni Seb sa loob ng bahay, habang paakyat ng hagdan, ay agad niyang narinig ang malambing na tinig sa saliw ng gitara. Musikang tinatawag siya kaya ito’y kanyang sinundan at dinala sa tapat ng isang kwarto na bahagyang bukas ang pinto.
Sa pagsilip nga sa loob ng silid ay talagang namangha ang kanyang mga mata. Puno ng nagliliwanag na mga laruan ang kisame, may T-rex pa nga nakalabas ang naglalakihang mga pangil na talagang nagustuhan niya. Kapansin-pansin din ang mga speaker na nakasabit sa apat na sulok. Sa pagmamahal niya sa musika ay naglaro nga agad sa kanyang imahinasyon kung papaano niya ito gustong gawin din sa kanyang silid. At sa pag lingon niya sa kanan ay napangiti siya nang kanyang mapansin ang nakapatong sa desk cabinet.
“Hiyo”
Ito ang nakasulat sa tag ng isang maliit na paso kung saan nakatanim ang isang kaktus na hugis taong kumakaway. At katabi ng kabinet na ito si Asha, nakaupo sa sahig, umaawit habang naggigitara.
(Playing:Dream a little dream of me)
Tahimik lamang siyang pinagmasdan ni Seb at pinakinggan.
Habang naaantig si Seb sa kanyang nakikita at narinig, bigla naman siyang napansin ni Asha
“Nandiyan ka pala, tapos na kayo?”
“Nandun pa si Tito.”
“Ikaw, suko ka na? Weak!”
Dahan-dahang lumapit si Seb sa tabi ni Asha at umupo, “pwede ka na pala sumama sa mga gig namin.”
“Really? Isasama mo ‘ko?”
“Pwede naman.. Kaso baka ikaw na lagi ang hanapin nila.”
Inilapag ni Asha ang gitara sa kama, at sumandal kay Seb.
Si Seb ang muling nagsalita. “Akala ko tulog ka na.”
“Di ako makatulog, kanina ko pa kasi hinahanap ‘yang gift mo.”
“Nagustuhan mo ba?”
“Thank you.” Mahigpit na pagyakap ni Asha sa braso ni Sebastian.
Hinalikan naman ni Seb si Asha sa ulo, halos makahimbing na nga siya habang naaamoy ang mabangong halimuyak ng buhok nito.
“Kamusta naman..” Ngiti ni Asha, “Kamusta naman ang kwentuhan niyo ni Dad?” At isiniksik pang maigi ang sarili sa kasintahan.
“Okay lang. Akala ko noong una, pagbabawalan niya na akong kitain ka,” pabirong tugon naman ng binata habang papikit na ang mga mata.
“Paano kapag pinagbawalan ka nga niya?”
“Ano naman? Kikitain pa rin kita.”
“Pero kanina, you’re like scared a cat! Boo!”
Sandali silang natahimik ngunit ‘di rin nagtagal ay muling nagsalita si Asha. “Kamusta naman daw si Mom?”
Agad ngang napadilat si Seb.
Pagpapatuloy pa ni Asha, “Di niyo siguro ako napansin dahil sobrang occupied na kayo. Pero narinig ko yung ibang pinag-uusapan niyo.”
“Oh? Ano naman ang mga narinig mo?”
“Basta about kay Mom.” Bigla ngang nabahiran ng inis at pagtatampo ang mga mata ni Asha. “Daya. Bakit sayo kinuwento niya yun?”
“Hindi niya raw kasi talaga kaya i-kwento sayo.”
“Dahil nagsisisi siya? Nagsisisi siya na I’ve come to this world?”
“Huh?”
“Na nasira ang lahat ng dreams nila in the future because dumating pa ‘ko sa buhay nila.”
“Hindi naman ‘yun ang naramdaman ko habang nagkukwento siya.”
“E, bakit hindi niya magawang i-kwento sa’kin yun kahit minsan?”
“Masama ba ang loob mo?”
“I don’t know if it is something na matatawag na sama ng loob pero the thing is gustong-gusto ko marinig yun lahat kay Dad. Gusto ko makilala si Mom, hindi lang yung story of how they met. I wanna know how he fell in love with her, her mannerisms, her favorite things, the things that annoy her, and of course, all the things that she loves. I really really wanna know her. Pero kapag nagpapakuwento naman ako sa kanya, lagi niyang iibahin ang usapan.”
Saglit na tumigil si Asha. Halata ngang nahaluan na ng lungkot ang nararamdaman. “Hindi sapat ang mga pictures, hindi sapat na naf-feel ko siya here in my heart. I want to have her in my memory, kahit na sa kwento lang sana ni Dad ko siya ma-meet. Kahit dun lang, kahit dun ko lang siya makilala magiging sobrang saya ko na..” At tumulo ang luha sa kanyang mata, na agad naman niyang pinunasan bago magpatuloy. “Pero he never talks about her. Kaya sa totoo lang, yun ang reason kung bakit every birthday ko, I always wish na nakakapagtime travel ako. Para ako na mismo ang pupunta sa past para makilala siya.”
Napahinga nang malalim si Seb. “Pero alam mo...”
Ngunit agad na sumingit si Asha, “Wait ‘di pa ‘ko tapos.. Kaya when I heard Kamilla cry noong nawala si Lawrence, it occurred to me, na maybe, nakaramdam si Dad ng pagsisisi. Na sana I never happened para sana masayang magkasama pa rin sila ni Mom hanggang ngayon.”
“Pero alam mo, pakiramdam ko, isa lang ang dahilan kung bakit ‘di niya kinukwento sayo si Tita, dahil ayaw niya lang kainin ng lungkot.” Saglit siyang tumigil para ayusin ang kanyang pagkakaupo. Bahagya niyang itinaas ang kanyang braso kaya’t nalipat ang pagkakasandal ni Asha sa kanyang dibdib. Hinigpitan niya ang pag-akbay kay Asha. “All these years, tinitiis niya lang ang lahat. At hanggang ngayon hindi pa rin nga niya matanggap na wala na si Tita. Pero hindi naman ibig sabihin nun, pinagsisisihan ka na niya—
Ayaw niya lang magkwento sa’yo dahil, ikaw kasi ang pinaka-alaala ni Tita, at alam ni Tito na kapag kinuwento niya sa’yo ang lahat, ‘di niya maiiwasan na sobrang malungkot. Bukod sa ayaw niyang maramdaman mo ang kalungkutan niya, kailangan niya rin kasing maging matatag para sa inyong dalawa. Para sayo. Kaya wag mo iisipin na pinagsisisihan ka nila.. Dahil, ramdam ko na para sa kanila, ikaw pa rin ang pinakamagandang bagay na dumating…”
“Kahit na, kahit man lang—”
Agad na tinakpan ni Seb ang bibig ni Asha. “…Isa kang regalo.”
Nang marinig ni Asha ang sinabi ni Seb, kahit papaano ay kumupas ang lungkot at pagtatampo sa kanyang dibdib. Agad nga niyang inalis ang kamay ni Seb para siya ay makapagsalita. “Promise me.”
“Na?”
“Na hindi ka mauunang mawala.. na you will never leave me alone.”
“Daya mo naman, ayoko nga.” Malambing na hindi pagsang-ayon ng binata.
“No. You must promise, birthday ko ngayon.. May ilang minutes pa ‘ko para mag-wish. And this time, I will not wish for anything except that.”
“Bakit mo naman ipapaisip sa’kin ang ganyang bagay?”
“E, ‘di ba, ikaw ang nagsabi noon, na it is something that we need to consider.. And right now, naisip ko, na if ever ikasal tayo and magkaroon na ng sariling family, hindi ko kakayanin na una ka mawala.”
“Bahala ka, ayoko isipin, ayoko rin mag-promise.”
“Feeling ko ayaw mo mag promise kasi if ever na kasal na tayo tapos bigla ‘kong mawala, papalitan mo lang din ako kaagad.”
“Teka nga, saan naman nanggaling yan?” Pabiro at tumatawa niyang sagot.
Tumigil sa pagsandal si Asha, kumunot ang noo nito habang nakatitig nang masama kay Sebastian. “So ano, kapag nawala ba ‘ko, maghahanap ka ng iba?”
“Depende. Syempre kapag nagka-anak naman tayo, gusto ko lumaki yun na may Mama.” Nakangiti at tila nang-aasar na tugon ng binata.
Lalo ngang kumunot ang noo ni Asha at naningkit ang mga mata. “Woah. So palalakihin mo ang magiging anak natin with a different woman? Wow, nice plan.”
“Kung sakali bang may anak na tayo at ako ang unang mawala, hindi mo ba gagawin yon? Hindi ka ba maghahanap ng iba?”
“So ibinabalik mo sa’kin ngayon ang tanong? Ang galing galing galing mo talaga!”
“Syempre gusto ko rin marinig ang isasagot mo.”
“Sus! Kapag nangyare yun. Una syempre, magagalit ako nang sobra sayo, kasi iniwan mo ‘ko mag-isa. And if ever may kambal na tayo. I don’t think I will need a partner to raise them. Dad raised me alone so I’m sure I can do that too, I’m not weak like you.” Saglit tumigil si Asha para mas kurutin sa tagiliran si Sebasitan. “Ku-kwento ko talaga sa kambal, how you planned raising them with another woman.”
“Aray!” Reklamo ni Seb at ginantihan naman niya ng palo sa noo si Asha.
Umigting tuloy lalo ang paniningkit ng mga mata ng dalaga. “So bukas maghanap ka na ng iba, ha, kahit ‘di pa ako nawawala.”
Tumatawang napabuntong hininga na nga lamang si Seb. “Kung anu-ano kasing tinatanong mo. Ba’t ko naman kasi i-imagine-nin yung bagay na ‘yon. Ni-ayaw ko nga sumagi ‘yon sa isip ko kahit minsan.”
Di na umimik si Asha, bagkus ay iniharap na ang kanyang katawan sa kasalungat na direksyon.
Hinatak siya ni Seb palapit, at kahit nagpupumiglas ay wala na siyang nagawa nang lakasan pa ni Seb ang paghatak. “Basta ang ma-ipapangako ko, kahit wala ka na, ikaw ang pinaka pinaka pinaka pinakamamahal ko... Walang makakakuha ng pwesto mo dito,” sabay lapat ng palad sa dibdib.
Sagot naman ni Asha, “Diyan lang?”
“Saka dito?” Nakangiting turo ni Seb sa kanyang ulo.
“Saan pa?”
Nagtatakang napangiti si Seb, “Saka—” Ngunit agad na sumingit si Asha.
“Dapat dito rin, saka rito.. tapos dito.. and dito… “ malambing na pagkakasambit ni Asha habang itinuturo ang iba’t ibang bahagi ng mukha ni Seb, “…tapos dito.” At ang huli niyang itinuro ay ang labi ni Seb, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi daliri ang kanyang ginamit panturo,
…kundi kanyang labi.
Agad namang gumanti ang binata ng halik ngunit pinutol din agad ito ni Asha at nagsalita. “Pero kapag ‘di ka magpa-promise ngayon na ako yung mauunang mawala, hindi mo na mafi-feel ang kiss ko.”
Si Seb naman na mukhang naka-inom ng isang malalang gayuma ay ‘di naka imik. Bitin na bitin lang siyang tumitig kay Asha.
At dahil ‘di nakasagot si Seb, muling nagsalita ang dalaga. “Ang promise ko naman sa ‘yo, if you let me go first, I’ll always visit you in your dreams. Kapag nalalayo ka ng landas, I will always scold you there. I will always make you remember me, our love, our promises.” Saglit siyang tumigil, para bahagyang iangat ang kanyang kamay. “Pinky swear.”
Napangiti na lamang si Sebastian bago niya iangat din ang kanyang hinliliit. “Okay sige, promise…”
At naglapat ang kanilang mga daliri.
“…Promise ko naman, na lagi kitang sasalubingin ng ngiti,” dagdag ni Sebastian.
“Ngiti lang?” Naglalambing na tanong ni Asha.
“Kakantahan din kita do’n syempre...”
“And?”
“Tapos ki-kiss kita ng sobrang dami sa noo.”
“Pagkatapos?”
“Tapos—”
Hindi natapos ni Seb ang kanyang sasabihin nang biglang takpan ni Asha ang kanyang mga labi, at nagsalita. “Wag mo kakalimutan ang hug. Your hug is my favorite.” Sabay yakap nang napakahigpit kay Seb.
Habang nakayakap naman si Asha ay nakangiting nagsalita si Seb, “Actually hindi talaga ‘yang gitara ang regalo ko sa ‘yo.”
“Oh? Ano ba?” Nagtataka at nasasabik na tanong ni Asha.
Tumayo si Seb para kunin ang gitara na nakapatong sa kama. Dito na rin siya umupo. Si Asha naman ay nanatiling nakaupo sa sahig, nakangiting nakatitig sa kanya.
“May isinulat akong song para sa’yo, para sa’tin, pero hindi pa tapos at wala pang title.” At kasabay ng mahinhin na himig ng gitara ay ang galing sa puso niyang awitin.
Dinalaw ng ngiti ang mga labi
Nang masilayan ko ang araw
Umukit sa pisngi ang mga tawa
Na lumiliwanag sa dapithapon
Makulay ang binhi ng pagmamahalan
Na iingatan, walang hangganan
Dinalaw ng ngiti ang mga labi
Nang masilayan ko ang araw… ♪
At sa pagtatapos ng kanyang maikling awit ay agad na lumapit si Asha.
Agad ngang itinabi ni Seb ang gitara para hindi ito mayupi nang si Asha ay tila bata na nagpakandong at yumakap.
Malambing at labis na nakakaakit siyang tumitig sa binata bago magbigay ng isang halik sa pisngi. Na ginantihan naman si Seb ng isang halik sa noo, saka niya iniunat ang kanyang mga paa pagkatapos ay dahan-dahan at tila sanggol niyang ibinaba si Asha sa higaan, bago siya humiga rin.
At ang pagpikit ng kanyang mga mata ay kasabay ang paghiga ni Asha sa kanyang dibdib. Nanatiling nakangiting nakatingin ito sa kanya. Pinagmamasdan at pinakikinggan nang maiigi ang kanyang bawat paghinga hanggang siya ay makahimbing.
I’ll visit you in your dreams…