[TPP]
March 15, 2022
8:35PM
Isang makulay na gabi, pagkatapos ng gig ni Seb ay dumiretso na sila ni Asha sa parke kung saan unang nagtagpo ang kanilang mga labi.
Si Seb ay umiinom ng beer habang nagmemeryenda naman si Asha ng isaw.
Kapag susubukan nga kumuha ni Seb ng pulutan ay pabirong tititigan siya nang masama ni Asha. Labis na matatawa na nga lang ang binata, walang magawa kundi bumili ng panibago. Ngunit sa kanyang pagbalik ay agad ulit itong kukunin ng dalaga.
Naging paborito na nga nila ang lugar na ito simula nang gabing iyon. Madalas ding asarin ni Seb dito si Asha kung papaano siya nagnakaw ng halik.
"It's almost your birthday, anong plans niyo?" Nakangiting tanong ni Asha habang tinatakpan ang isang platito ng isaw.
"Hmm, ano pa nga ba? Gusto lang kita makasama, yakapin maghapon, I-kiss magdamag, tapos.." Malambing niyang pagkakasabi habang nagbabalak dumagit ng inihaw.
"Oh tapos ano? Boo! Yan ka na naman sa gigil mo.. I have a better idea!"
"Hindi ba yan dapat surprise?"
"Actually I want it to be.. Pero kasi.. I need your help in this one."
"Ba't ano ba yan?"
"I want to cook for you,"
Nagtataka at natatawa namang nagtanong si Seb, "hindi naman ako nagluluto, tuturuan mo ba'ko?"
"...and for your parents. I want to meet them!"
Nang marinig ito ni Seb ay halatang nag-iba ang mood niya. Bakas kasi sa kanyang ngiti ang kalungkutan.
"Please—e!" Naglalambing na pakiusap ni Asha, "you met Dad na, nakasama ka na rin dumalaw kay Mom. Don't you think it's time na para makilala ko naman parents mo?" Dagdag ni Asha.
Si Seb na nag-iisip nang malalim ay nagtanong, "kailangan na ba talaga 'yon?"
"Oo naman! If it doesn't mean so much to you, sa'kin big deal yun. Tapos syempre birthday mo, I want it to be special.
And hmm.. ina-assume ko rin naman na totoong wala ka pang ipinapakilala sa kanila.."
"Oo, wala pa naman talaga.." Malamig na tugon ni Sebastian.
"Then it will make me feel so much special too. Ayaw mo bang ipafeel sa'kin na special ako?"
Kahit na may bahid pa rin ng lungkot sa kanyang mga mata, ay nakangiting nagbiro pa rin si Seb, "ako yata ang mag b-birthday, hindi ba dapat ako ang nagrerequest?"
"O bakit, ano bang i-rerequest mo kung sakali?"
"Sinabi ko na nga kanina, okay na sa'kin ang makasama ka. Ang ma-solo ka."
"O, makakasama mo naman din ako non, ma-sosolo mo rin naman ako after. Bakit hindi pa tayo mag dinner nang kasama sila? Ayaw mo ba silang makasama man lang?"
"Gusto syempre. Alam mo naman na highschool pa nang huli kong makasama sila parehas mag-celebrate. Pero kasi nga.. basta," hinawakan niya ang kamay ni Asha, " ipapakilala naman kita sa kanila, separately nga lang."
"Sa tagal na nang naging away nila, sa tingin mo ba hindi pa rin okay na makita nila ang isa't isa? Kahit for the sake man lang na makilala ang future daughter in-law nila?" Pabirong paglalambing ni Asha.
"Sa totoo lang sinubukan ko naman silang ayain last last year pero talagang ayaw nila.." Malungkot niyang tugon.
"Ba't 'di mo subukan ulit? Malay mo they have forgiven each other na. I'm sure naman na hindi lang ikaw ang nakaka-miss sa kanila.
I'm sure na miss na miss na miss ka na rin nila. Plus.. makikita pa nila ako, tapos kapag matikman nila ang luto ko, Im sure magiging masaya ang lahat! Please—e, do it for me!"
"Ba't 'pag sa'yo nanggagaling parang ang gaan ng lahat?" Natutuwa ngunit nagdadalawang isip na tugon ni Sebastian.
"Oh please, maliit na bagay.. A in my name stands for what nga?" Tanong ni Asha habang nagpapacute kay Seb.
Napangiti na lang si Seb.
"So ano, mami-meet ko na ba sila sa birthday mo?"
Kahit nag-aalangan ay wala naman na siyang nagawa nang lalong magpacute at maglambing si Asha.
"May magagawa pa ba'ko? Kakaiba talaga talent mo sa pangungumbinsi."
"Really? Yey!"
"Pero sa isang kondisyon."
Kumunot ang noo ni Asha sa narinig, agad nga siyang nagtanong.
"Oh, ano yan? If it is about intimacy, nope. Hanggang kiss ka pa rin."
Napahalakhak naman si Seb, "ano ba yan, sayang!"
Naningkit ang mga mata at lalo lang kumunot ang noo ni Asha, tinitigan niya nang masama si Seb.
Kaya agad na nagpaliwanag si Sebastian, "biro lang syempre. Alam ko naman kung paano mo pinahahalagahan ang bagay na 'yan..
Ang kondisyon ko, simple lang.
Ikaw mag-invite sa kanila. Mas mataas din ang chance na mapapayag mo sila pareho."
Nayayamot naman na sumagot ang dalaga, "ano ba yan!"
"Oh ano, deal?"
"Okay, fine! Just tell me kung papaano ko sila mako-contact."
. . . .
[Seb's]
March 19, 2022
5:34 am
Paano maglalakad sa mga ulap kung mabigat ang iyong mga dalahin?
Bulong ko sa aking isip habang nakahiga at pinagmamasdan mula sa aking bintana ang papalitaw na mga ulap.
Makulimlim, dahil hindi pa tuluyang nagpapakita ang araw ngunit ang labi ko ay puno na ng ligaya at ngiti.
Pagkatapos ng ilang minutong pagmumuni-muni ay bumangon na ako at umupo sa lamesa kung saan nakapatong ang aking kwarderno.
Ako ay nagsimula nang magsulat.
Dalawampu't anim na taong gulang na pala ako, ngayon ko lang namalayan.
Ako ay tila nagising sa isang paulit-ulit na panaginip.
Ang mga nagdaang taon kasi ay inihip lang ng hangin.
Wala akong nagawa kundi pagmasdan ang kanilang paglipas habang ginugugol ko ang aking oras sa mga bagay na walang kabuluhan.
Babangon ako para lamang sa dadaan na araw.
Walang plano, walang patutunguhan.
Naging masaya naman ako, pero sa kaloob-looban ko ay alam kong hindi ito ang kasiyahan na gusto kong maramdaman.
Kaya nga ako nalulong sa musika. Sa pamamagitan kasi nito, nasambit ko ang mga bagay na hindi kayang sabihin noon ng aking mga labi.
Tandang-tanda ko pa, noong una akong makasulat ng kanta, kung papaano ito nagdulot sa'kin ng malalim na ligaya.
Nabigyan ng kulay ang paligid, at bahagya kong naaninag ang aking mga pangarap.
Kaya, inaraw-araw ko.
Minsan isang linya sa umaga, sa hapon naman ang pangalawa. May mga pagkakataon din na buong magdamag akong nagsusulat ng kanta.
Totoong naramdaman ko nga ang kasiyahan, mas masaya na ako sa dati kong sarili.
Ngunit sa muling paglipas ng mga taon, nagsimula ulit akong magtanong.
Masaya nga ako sa pagtugtog at pagsulat, pero saan ba talaga ako patungo?
Tanong na umusisa sa buo kong pagkatao.
Para kanino ba ang mga kathang 'to, para kanino ba 'tong mga himig na nililikha ko?
Ang nais ko ba ay sumikat?
Gusto ko ba talagang makilala?
Ikasasaya ko ba talaga kung maihahatid ko ang aking damdamin sa mga taong hindi ko naman kilala?
Duda ako, pero sigurado akong wala sa mga ito ang kasagutan.
Ang kasagutan na sa muling pagdaan lang ng panahon ko natagpuan.
Kaya pala sa tinagal-tagal kong sumisisid sa kailalim-laliman ng karagatan ay hindi ko 'to makita.
Dahil, natabunan lang pala ito ng buhangin at mga bato sa dalampasigan.
Mga bato at buhangin na dinala ng mga alon, humahampas mula sa nakaraan.
Kung papaano niligaw ng mga alaala ang aking mga paa.
Ang takot sa dibdib na bumulag sa'king mga mata.
At sa tinagal-tagal nito dito, ang muling pag-alon lang din pala ang aking kailangan.
Isang malakas na alon na tatangay sa lahat ng mga ito.
Mga bagay na nagdulot nang ginaw sa aking puso.
Nakakatawa nga dahil napakalalim ng aking mga isinusulat ngunit napakababaw lang pala ng aking ninanais.
Gusto ko lang magmahal at mahalin—ang umintindi at maintindihan.
At ang lugar na gusto kong puntahan ay sa tabi ng tao na aking pinakatatangi.
Doon ko gusto manatili.
Dito ko gusto awitin ang mga himig habang pinakikinggan ang kanyang mga ngiti.
Ang mangako ng mga pangarap na tutuparin.
At ingatan magpakailan-kailan man ang bawat alaalang lilikhain...
Sa pagsarado ko ng kuwaderno, aking inabot ang aking telepono. Agad na bumungad ang mga matatamis na mensahe ni Asha.
"...."
"Hello"
"Hi"
"Happy birthday."
"Mahal na mahal kita."
"Ngingiti yan. Yieeeeh"
"Dinalaw ng ngiti ang mga labi nang masilayan niya si Asha."
"Feeling ko mas magandang lyrics yan para dun sa song mo, super on point!"
"Pero dahan-dahan lang sa pag ngiti kasi baka mapunit 'yang pisngi mo!"
"Pero okay lang, pag kiniss ko yan gagaling 'yan agad."
"Bangon na, sisipain kita!"
"Jk lang birthday mo pala. Pero sisipain talaga kitaa, sisipain kita ng pagmamahal"
"Ngingiti ulit yan. Yieeeh"
"See you later! I love you!"
"..."
Napangiti ako sa kababawan ng aking kaligayahan. Kasabay nito ang pagpatak ng isang luha habang naglalayag ang aking isipan.
Paglalayag papuntang hinaharap.
Maligaya kong iniisip ang aking mga dapat na planuhin.
Nasa tamang edad naman na kami, hindi na rin magtatagal ay gugustuhin na rin naming bumuo ng pamilya.
Una sa listahan ang pagkakaroon ng regular na trabaho, kasunod ang pagtatayo ng sariling bahay.
Siguradong may dreamhouse ang babaeng 'yon, kailangan kong mag-ipon.
Pero pwede naman kami dito pansamantala, tiyak na magiging masayang tahanan ito ulit.
Tapos sasakyan din pala, para 'di na kami magko-commute, lalo pag may baby na kami.
Para akong tanga na kinikilig mag-isa habang naiisip kung paano namin palilipasin ang habambuhay nang magkasama.
Kung papaano namin haharapin ang mga pagsubok at problema.
Ang mga sugat ng nakaraan ay unti-unti ko nang nakalilimutan.
Tiwala sa pagmamahalan naming dalawa, na hindi kami matutulad sa aking mga magulang.
Hindi na ako makapaghintay...
. . . .
[TPP]
March 19, 2022
3:14 pm
Pagkatapos mamili nila Asha at Seb ay agad na silang umuwi kina Seb para makapaghanda na para mamaya.
Ngayon pa lang makakapunta si Asha sa bahay ni Seb. Kung hindi kasi sa labas sila magkikita ay doon sila sa kanilang tahanan pumupunta. Madalas ngang magpalipas ng gabi doon ang binata.
May katamtaman ang laki ng bahay nila Seb ngunit kung titingnan ito mula sa harapan ay aakalaing abandonado ito.
Agad ngang napansin ni Asha ang plant box sa tabi ng gate. Maayos ang pagkakagawa dito ngunit talagang halata na napabayaan na ito sa pagdaan ng panahon. May isang halaman na hindi niya wari kung ano, nakatanim sa isang paso na nabutas dahil sa paggapang ng kanyang mga ugat. Puno rin ito ng mga damo, basag na mga bote at kung anu-anong basura na siguradong inilapag lang ng mga dumaraan.
Ang gate na kahit papaano ay maayos pang nakatindig ay mayroong sirang mailbox na kadikit. Sira ang lalagyan nito ng kandado kaya ang nagsisilbing sabitan ng lock nito ay ang nakapulupot na makapal at bahagyang kinakawalang na kadena, talaga ngang napakaingay nito kapag binubuksan.
Bago makarating ng sala ay dadaan ka muna sa garahe, bubungad sa mga bisita ang isang malaking kabinet na walang laman bukod sa mga sapot ng mga gagamba at iilang mga napaglumaang sapatos.
Sa pagdating naman nila ng sala ay talaga ngang mararamdaman ang lamig nito kumpara sa labas.. Puno ito ng alikabok at ang tanging nandito ay isang center table at hindi nakaayos na mga sofa.
Nadismayang nagsalita nga si Asha.
"Akala ko ba nagligpit ka na?!"
"Nakatulog ako ulit."
"Magligpit ka na! Magsisimula na ako magluto.. Mga six nandito na raw sila.." natataranta niyang sabi.
Dumiretso muna sila sa kusina para ibaba ang lahat ng gamit at kanilang mga pinamili.
Gaya ng sala at hapagkainan na kanilang dinaanan. Ang kusina ay halos wala ring gamt ngunit mas malinis naman dito.
Maayos na nakasalansan ang mga gamit—isang maliit na rice cooker sa tabi ng lutuan, ang may katamtaman na laki na ref na noong buksan ni Asha ay puno ng mga alak at inumin, at ang dish cabinet na naglalaman lamang ng isang set ng kagamitan pangkain.
"Ano maitutulong ko?" Tanong ni Seb pagkatapos niyang ilapag ang mga gamit.
"Ako na bahala dito, maglinis ka na lang sa sala at dinner area."
Huminga muna nang malalim si Asha bago niya inilabas ang mga kagamitan sa pagluluto na galing pa sa kanilang bahay. Inilagay niya rin ang mga baso at pinggan na kanilang pinamili sa lalagyanan.
At siya ay nagpatugtog habang naghahanda.
Ang una niyang inihanda ay ang fruit salad na kanilang magiging panghimagas para agad itong mapalamig. Sunod ay magkasabay niyang niluto at inihanda ang beef curry at beefsteak na kanilang magiging ulam.
Pagkatapos ay ang appetizer nila na vegetable salad at seaweeds.
At ang huli ay ang pagsasaing at pagtitimpla ng inumin nilang lemon cucumber juice.
Pasado alas-sais na rin nang natapos siya. Pagkatapos niyang saglit na magpahinga ay humiram na siya ng tuwalya kay Seb para makapag-punas para maging presko ang kanyang pakiramdam.
At habang siya ay nasa banyo, ay dumating na ang nanay ni Sebastian.
Hindi naman ito kumatok at dumiretso lang sa sala. Nadatnan niyang walang tao kaya't inisip niyang baka nasa itaas ang kanyang anak kasama ang kasintahan. Hindi naman siya nagtangkang umakyat, bagkus ay ginusto niyang sumilip sa kusina.
Pero napatigil na siya agad nang madaanan ang hapagkainan. Agad kasi siyang natakam nang bahagya siyang makaamoy ng curry.
Natuwa rin siya nang makita kung papaano nakaayos ang mga pagkain at kagamitan sa lamesa.
Alam niyang hindi nagluluto ang kanyang anak, kaya't tiyak siyang ito ay gawa ng kanyang kasintahan.
"Pwede.." Nakangiti niyang bulong.
Bigla naman din siyang nakarinig ng isang boses ng babae.
"Bb parating na 'yon sila... tapos ka na ba maglinis?" Pasigaw na tanong ni Asha.
Ngunit labis siyang nagulat nang makita na may tao pala. Siya kasi ay lumabas ng nakatapis dahil pinaiwan niya ang kanyang mga gamit sa kwarto ni Seb.
"Ayyy.. Tita!"
Ngumiti naman ito sa kanya sabay sabing, "Iha! Napaka swerte naman talaga ng anak ko."
Nahihiyang napangiti si Asha, humingi nga siya ng paumanhin kasi nakatapis lang siya bago nagpaalam na umakyat para magbihis.
Pag-akyat naman niya ay tsaka bumaba si Seb para salubungin ang kanyang ina.
Di na niya naikubli ang kanyang tuwa, agad nga siyang lumapit para magbigay ng isang mahigpit na yakap, "I miss you, Ma."
"Happy Birthday, anak. "
Humalik din si Seb sa kanyang pisngi.
"Nag-abala ka pa, Ma." Kanyang sambit bago niya kunin ang mga dala nitong gamit at ang isang nakabalot na regalo.
Inalaska naman siya nito, "ikaw ha, ang sexy ni Asha, napakagandang dalaga!"
Nahihiyang napangiti na lang si Seb at ilang saglit ay bumaba na rin naman na si Asha.
Agad itong nagtanong, "gutom na po ba kayo Tita? Wait po ha, parating naman na po si Tito. Ok lang po bang hintayin na natin siya?"
Tumango lang naman ito sa kanya at sila ay nagkwentuhan.
"Kwento ni Seb, Licensed engineer ka raw, beauty and brains!"
"Tita naman, maliit na bagay," kinikilig na tugon ni Asha.
"Ewan ko na lang kung magloko pa 'tong si Seb, 'pag nangyare 'yon sumbong mo agad sa'kin," dagdag na paglalambing ni Linda.
"Talaga po Tita? Sige po isusumbong ko agad siya sa inyo kapag inaway niya 'ko."
Masayang ngang nag-usap ang dalawa.
Nagkwento naman si Linda ng tungkol sa sarili at buhay niya ngayon.
Bahagya ring nagkwento si Asha tungkol sa buhay at trabaho niya at syempre tungkol sa kanilang dalawa ni Seb.
Agad din nilang nagustuhan ang isa't isa dahil parehas din silang mahilig sa jazz music.
Si Seb naman ay tahimik at nakangiti lang silang pinagmamasdan.
. . . .
Mag aalas siyete na, ngunit wala pa rin ang ama ni Seb.
Si Linda nga na halatang nayayamot na dahil sa gutom ay nagtanong, "saan na daw ba siya?"
"Parating na raw po, Tita."
Nagsisimula na ngang mainip si Linda,buti na lang at 'di na nagtagal pa ay dumating na rin si Marco.