Chapter XIX – Ang Katotohanan

2903 Words
[TPP] March 19, 2022 Lumabas si Seb para alalayan si Marco sa pagpaparada ng kanyang sasakyan at pagkababa ay agad niya itong sinalubong ng isang yakap. "Pa..." Tinapik naman nito si Seb at hinimas sa ulo gaya ng nakasanayan. Si Seb ay tila musmos na kinikilig na sabik na sabik habang yakap-yakap. Dahil sa isa pang nakaparadang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay ay napatanong si Marco. "Kay Linda? Kanina pa ba siya?" "Mga alas sais dumating si Mama. Pa, kasama natin si Asha ha, easy lang kayo ni Mama." Ngumiti at tumango si Marco. Pagkapasok nilang dalawa ay nakangiti silang binati ni Asha. "Magandang gabi po, Tito." Sinuklan naman siya ng ngiti ni Marco, ngunit agad na nabaling ang tingin nito kay Linda na nakaupo sa sofa. Dahil ilang taon na rin silang hindi nagkikita ay nagawa pa rin naman nilang salubungin ng bahagyang pagngiti ang isa’t isa. Dahil gutom na ang lahat ay agad na silang pumwesto sa hapagkainan. Hindi na nga nila nagawang manalangin, saglit lang na kinantahan si Seb ng isang maligayang pagbati. Kahit hindi na ganoon kainit ang pagkain ay masaya pa rin naman silang nagsimula. Namangha nga agad ang lahat sa masarap na aroma nang buksan pa lang nila ang takip ng mga ulam. Takam na takam sila at ang kulang na lang ay ang mag-unahan sa pagkuha. At nang matikman na nila ito ay talagang naghatid ito ng tuwa sa kanilang mga sikmura. Inulan tuloy ng papuri si Asha na masaya ngunit nahihiya naman nitong tinatanggap. "Pag 'di mo pa talaga pinakasalan 'tong si Asha, hindi na kita ituturing na anak," pabirong sabi ni Linda. Napabungisngis naman si Asha lalo na nang marinig niya pa ang komento ni Seb, "Grabe ka naman, Ma." Dinugtungan naman ito ni Marco, "Tinuruan mo na ba 'tong si Seb?" Ang pang-aasar naman ni Marco ay ginantihan din ni Sebastian, "Sino mas masarap mag luto Pa, Si Mama o si Asha?" Si Asha ay lalong nahiya dahil sa tanong ng pagkukumpara, bahagya niyang kinurot si Seb sa tagiliran, ngunit ito ay tumawa lang bago ulitin ang kanyang tanong. "O ano Pa, pangatlong subo na 'yan, siguro naman makakapagdesisyon ka na." At sa pagkakataon ngang ito ay ngumiti na ito at sumagot, "Pasensya ka na Asha, pero mas mas masarap nang konti, nang konti lang naman, ang luto ni Linda." Si Linda at si Asha ay magkasabay na napangiti habang si Seb naman ay tuwang-tuwa sa ginawa niyang pangungulit. Pangungulit na nakuha niya mismo kay Marco. Noon kasi, tuwing sila ay kakain sa labas, lalo na kapag sa ibang bahay, laging tatanungin ni Marco si Seb ng ganito. Nagpapaunahan na nga sila noon sa pagtatanong nito, pangungulit na noon ay naghahatid ng ngiti at kilig kay Linda. "Ahmm.. baka naman Tita, pwedeng share naman your recipe and tips," paglalambing ni Asha. "Sige ba, check ko sched ko for next week. Saturday ulit?" "Really, Tita? Text mo’ko agad ha ." "Nga pala, Asha, kamusta naman 'yong gitara?" Biglang tanong ni Seb. Napailing naman si Asha dahil hindi siya sanay na binabanggit ni Seb ang kanyang pangalan, "Sabi ko don't say my name 'di ba?" Napakamot na nga lang ng ulo si Seb, hindi kasi sila talaga nagtatawagan sa kani-kanilang mga pangalan, ang pantawag lang nila sa isa't isa ay 'bb' or 'babe'. Ngunit nahihiya naman siyang banggitin ito sa harap ng kanyang mga magulang. At dahil napansin ni Asha ang pag-aalangan sa mukha ni Seb, biglang gumana ang pagiging matalino niya pagdating sa pang-aasar. Agad niya rin kasing napagtanto na kaya siya tinawag ni Seb sa kanyang pangalan ay dahil nahihiya ito gamitin ang kanilang call sign sa harap nila Marco at Linda. Kaya tinuko niya si Sebastian. "Ano nga ulit ang tanong mo, bb?" Si Marco at Linda naman ay napabungisngis sa kanilang narinig. Agad ngang may komento si Linda, "Aba... Bb pala ang tawagan." Na nahihiyang pinaliwanag naman ni Seb. "Si Asha talaga ang may pakana ng tawagan na ‘yon, Ma." At sa tono na magkahalong pang a-alaska at paglalambing, si Asha ay nagsalita, "Sus! Naku Tita, kung alam niyo lang kung paano ako tawagin niyan kapag nagpapalambing." Si Asha at Seb ay nagtitigan. Habang nakangiting naptitig naman sa kanila si Linda. Muling inulit na ni Seb ang kanyang tanong. "O, kamusta naman ang gitara mo?" Nagtatakang sumagot si Asha, bahagyang napaisip kung bakit ito itinatanong ni Sebastian. "Okay naman, dapat ba dinala ko, nasa taas naman gitara mo ah." "Gawa 'yon ni Papa. May shop kami ng mga gitara." Pagbibida ni Sebastian. Halata ang pagkamangha sa mga mata ni Asha. "Talaga po ba Tito? Hala thank you po, ang ganda po ng pagkakagawa niyo! Bisita po ako next time!" Talagang nagalak si Asha habang pinagmamasdan ang tatlong kumakain. Habang nakatitig nga sa kanila ay naglaro na kaagad sa kanyang imahinasyon ang mga susunod na pagkakataon na muli niya silang ipaghahanda ng hapunan. I'll cook kare-kare with a sidedish of veggies next time. Kailangan na namin magpundar ng oven, so I can bake for them too… Ang hapagkainan ay punong-puno ng ngiti at kwentuhan, lalo na nila Asha at Linda. Habang sina Seb at Marco naman ay tila nagpapaligsahan kung sino ang mas malakas kumain sa kanilang dalawa. Sobrang saya naman ni Seb ngayong nasa harapan niya ulit ang kanyang mga magulang, dagdag pa na katabi niya ang pinakamamahal na kasintahan. Nahihiya siya magpakita ng paglalambing kay Asha kaya saglit at marahan niya na lang na piniga ang hita nito. Tumingin at ngumiti naman ang dalaga. "You're welcome." Na lalong nagpalalim sa ngiti ni Sebastian. At nang malapit na silang matapos kumain, ay agad na ring nag-alok si Asha. “May dessert pa po tayo." Nasasabik namang sinagot ito ni Linda ng isang biro at katanungan, "Aba, may pa dessert pa! Anak, kailan ba kayo magpapakasal?" Mapaglarong tugon naman ng binata, "Mama, kanina ka pa, chill ka lang. Darating din kami do'n." At nang marinig ni Asha ang kanyang kasagutan ay napabungisngis naman 'to sa tuwa, palambing niya ring tinukso si Seb, "Kino-consider mo na ang wedding? Akala ko ba 'di ka naniniwala sa marriage?" Na sinagot naman ni Seb ng isang pabiro na katanungang naka direkta sa kanyang mga magulang, "Ma, Pa, ilang apo ba ang gusto niyo?" Talagang halata nga ang tuwa at kilig sa naniningkit na mga mata ni Asha, bigla ring lumitaw ang dimpol sa kanyang pisngi habang pinipigilan ang labis na pagngiti. Si Linda ang tumugon. "Kahit ilan, basta make sure na mapapasaya at maalagaan mo silang lahat, lalo na si Asha." Kumpiyansang ngumiti si Sebastian. "Kaya dapat kumuha ka na ng regular na trabaho, para makapagsimula ka nang mag-ipon. I’m sure may dreamhouse si Engineer!" Nasasabik na dagdag ni Linda. "Tatapusin ko na lang 'tong mga kanta na isinusulat ko, Ma, tapos mag fo-focus na ako mag-ipon." "Mabuti naman, mas magandang mag-ipon na nang mas maaga." Napatingin at napangiti sila Asha at Seb sa isa't isa. Si Marco na tahimik lang silang pinakikinggan ay bigla namang nagtanong. "Kailan mo ba mailalabas 'yang mga kanta mo, anak? Etong si Asha mukhang sabik na ring marinig 'yang mga isinulat mo." "Opo, Tito. Hindi na nga po ako makapaghintay," singit ni Asha. Saglit silang natahimik. Magsasalita sana si Seb ngunit naunahan siya ni Linda. "Basta lagi mo lang tatandaan, okay lang ang may passion pero hindi kayo magiging stable diyan. Iba pa rin ang may regular na work, okay?" Nakangiting tumango naman si Seb. Si Marco naman ang sunod na nagsalita. "Magiging stable ka rin Anak, ituloy mo lang 'yang passion mo. Kapag kailangan mo naman ng tulong nandito lang kami." Mahinahon namang iginiit ni Linda ang kanyang payo, "wala namang masama sa paglalaan mo ng oras diyan sa pag ba-banda mo, pero hindi ka pabata, kaya dapat i-priority mo na ang future mo." At malambing at pabiro niya pang dinagdagan ang kanyang sinabi, "Just always look at Asha, gugustuhin mo pa bang mawala 'yang napakagandang babae na ‘yan sa tabi mo?" Si Asha at Seb na parehas kinilig ay magkasabay na nahihiyang napabungisngis. "Pakiramdam ko si Asha, sobrang supportive naman na babae," singit naman ni Marco. Bigla ngang nagpanting ang tenga ni Linda sa narinig kaya muli siyang nagsalita. Hindi niya nagustuhan ang kontekso at dating ng sinabi ng kanyang dating asawa. "Mahirap maging supportive kung sobrang short na sa panggastos, 'di ba Asha?" Medyo nataranta nga si Seb dahil agad niyang naramdaman na nagsimula nang magparinigan ang dalawa. Si Asha naman na hindi pa kabisado ang sitwasyon ay nakangiti lang na tumatango sa kanila. "Sobrang understanding naman 'tong si Asha sa tingin ko." "May hangganan pa rin ang pagiging understanding ng isang tao, Marco." "Sabagay, merong iba na maikli." "Talagang magiging maikli kung ang iba hindi naman nakikinig. May anak at asawa na, sariling passion pa rin ang iniintindi." At sa pagkakataon ngang ito, pati si Asha ay naramdaman na ang anghang nang palitan nila ng salita. Muli nga itong nag-alok, "Tita, tito dessert na po tayo." Tumango naman sila at sinubukan pang ngumiti kay Asha. Ngunit nang papatayo na si Asha ay biglang muling nagsalita si Linda kaya bumalik siya sa kanyang pagkakaupo. "Kaya ikaw Seb, pagplanuhan mong maiigi magiging future niyo ni Asha. Pahirap nang pahirap ang buhay.." Muling sumingit naman si Marco, "ang sa ‘kin lang naman anak, sundin mo kung anong nasa puso mo, sigurado akong magiging stable din ang lahat para sa inyo ni Asha. ...kapag kailangan niyo ng tulong nandito ako," dagdag nito. "Tumigil ka nga diyan, Marco, ‘yan ka na naman sa mga payo mong 'di maintindihan," naiinis na tugon naman ni Linda. "Para kay Seb naman kasi ang mga sinabi ko, Linda." "Kaya nga, ganyan na ganyan din ang sinabi mo noong nagkokolehiyo 'yang si Seb, edi sana engineer na rin siya ngayon." "Mas importante pa ba pagiging engineer niya? Eh mukhang mas masaya naman siya ngayon." "Ayan, kasiyahan. Unahin ang kasiyahan. 'Yon ba ang gusto mo, magaya siya sa'yo?" "Magaya sa'kin? Edi mabuti. Napagtagumpayan ko naman lahat 'di gaya ng inaakala mo noon." Nanunuya sumagot si Linda, "Ha! After ilang years, at ano nga ulit ang naging kapalit?" Nanunuya at naiinis ding sumagot si marco, "Kamo hindi ka lang marunong magtiis." Lalo ngang nanggalaiti si Linda, "Ayan, ganyan ‘yan siya Asha. Para sa kanya, siya lang ang nagtitiis, na siya lang ang mabuting magulang at asawa. Sa sobrang makasarili niya binulag niya ang sarili niya sa paghihirap at pasakit na nadulot niya sa ibang tao." Sinubukan naman ni Seb na sawayin ang dalawa bago sumenyas kay Asha na tumayo na para kunin ang panghimagas nilang salad sa ref. "Ma, Pa.. Tama na yan.." Bahagya silang natauhan kaya saglit silang kumalma. Sinimulan naman nang ayusin ni Seb ang mga pinagkainan nila para mapalitan na ito ng mga mangkok na paglalagyan ng salad, ngunit nang kanyang abutin ang plato ni Linda ay nalaglag sa sahig ang isang tinidor. "O baka si Max na ‘yan, sinusundo ka na," nanunuyang pang-aasar ni Marco. Sa sobrang pagkapikon nga ay sadyang naghulog ng kutsara si Linda, "Baka andyan na rin sa pinto si ano nga ba ulit ang pangalan non? Di ba anak, alam mo pangalan non?" Naiinis na ngumisi si Marco na nang makita ni Linda ang ekpresyon nito ay nanggagalaiti siyang naglaglag ng isa pa, ngunit— Hindi nito namalayan na tinidor pala ang kanyang naihulog. Mala-satanas tuloy na napangisi si Marco. "Ayan umamin na, bukod pala do’n kay Max, may isa pa." At talagang nanlisik na ang mga mata ni Linda. Sa sobrang galit ay mabilis at padabog niyang kinuha ang mga naipong kutsara ni Seb at saka niya inilaglag lahat sa sahig, "Sigurado akong kulang pa ang mga kutsara sa bahay na 'to para diyan sa mga naging 'passion' mo." Napatitig ang lahat kay Linda. Pikon na pikon pa siyang nagdagdag ng isang paratang. "Kaya pala laging busy sa shop, napakadaming passion pala ang pinagkakabusy-han. Hay nako, kung alam ko lang yung mga 'yan noon, hindi ko sana ibinigay ang oo ko." "Huwag ka mag-alala Linda, kung pinagsisisihan mong um-oo ka, mas pinagsisihan kong nakilala kita." At sa pagkakataong ito ay tuluyan nang sumiklab ang mainit nilang pagtatalo. Si Seb ay walang nagawa kundi pagmasdan na lang at pakinggan ang pagpapalitan nila ng mainit na mga salita. Ang papalapit namang si Asha na may hawak pang lalagyan ay nahinto sa kanyang kinatatayuan. Hindi kasi alam nito kung papaano lalapit sa hapagkainan ngayong napupuno na ito ng ingay ng alitan at bangayan. Habang si Seb naman ay nakatulala at nakatitig sa kanyang ama at ina, hindi mawari kung nakikinig o nagmamasid sa napakapamilyar na eksena. Siya kasi ay tila walang malay na nakatingin sa kawalan. Ilang taon na nang huli niya itong masaksihan, at ang lahat ng naririninig niya ngayon ay ginising ang mga alaalang pilit niyang kinalilimutan. Mga aalala na nagdulot ng matinding pait at takot sa kanyang isipan. Mga bagay na bangungot para sa kanyang gunita. Kung tutuusin nga ay mababaw pa ang away na ito kumpara sa nakaraan. Wala itong binatbat sa sigawan at murahan na noon ay araw-araw niyang napapakinggan. Ngunit noon pa man, ang lubos na bumahala kay Sebastian ay ang kawalan ng pakealam ng kanyang mga magulang kung sino ang mga taong nasa paligid. Hindi sila nagbago, nagagawa pa rin nilang mag-away sa harap ng ibang tao. Ang nakakikilabot tuloy na kahihiyan noon ay muling unti-unti na nanuot sa dibdib ni Sebastian. Ang kawalan ng hiya ng kanyang mga magulang sa pagpapakita ng kanilang talento sa pagtatalo sa harap ng kahit na sino. Hindi sila namimili. Gagawin nila ito kahit na saan, kahit na kailan at kahit na sino pa ang nasa kanilang harapan. Para lamang madepensehan ang kani-kanilang sarili ay handa pa silang ipahiya ang isa't isa. Sa harap ng mga kakilala, sa harap ng iba nilang kapamilya, sa harap ng kanyang mga kaklase, sa harap sa harap ng paborito niyang guro, at sa harap ng pinakamatatalik niyang kaibigan. Ang kawalan nila ng hiya na akala niya ay naglaho na sa paglipas ng panahon. Ang akala niya na natabunan na ng masaya nilang buhay ngayon ang kanilang mga sama ng loob. Ito pala ay maling akala lamang. At ang pag-asa niya na nabura na ang ugali nilang ito ay naglaho na parang bula. Sa mga mata ni Seb ay muling biglang lumitaw ang mga imahe ng mga taong nagbubulong-bulungan. Nag-aaway na naman 'yong mag-asawa... Ano naman kaya pinag-aawayan ng dalawang iyan ngayon... Di man lang mahiya tuwing linggo magsisimba, pero araw-araw nagmumurahan. Babaero pala daw kasi 'yong mister, kaya gumanti si misis at nanlalake rin.. Seb, pustahan tayo mag-aaway na naman mama at papa mo bukas. Matic namang magaaway 'sila ulit, hulaan na lang natin kung ilang mura sasabihin nila, ano Seb, game ka? Sige na Seb, plus, minus 1 ka. Ano, G?! Ng mga taong nasanay na sa sigawan na nagmumula sa kanilang tahanan. Mga taong ginagawa na lang katatawanan ang pagtatalo at pagmumurahan ng kanyang mga magulang. Sa mga matang nakatitig nang may paghuhusga sa tuwing naglalakad sila sa daan. At sa mga bibig na pabulong na gumagalaw na halata namang sila ang pinag-uusapan. Ang mga ito ay nagdulot ng madilim na kulay sa kanyang nakaraan. Ng takot. Ng galit. At walang hanggang kalungkutan. Naging tapat lang naman siya sa kanyang sarili. Gusto niya lang naman sila ulit makita at makasama. Ang muling mayakap at mahalikan ang kanilang mga pisngi. Ang mapakilala ang kanyang pinakatatangi. Ngunit ang kasiyahan at pag-asa niya ay tuluyan nang nawala. Dahil ang katotohanan, ay hindi na sila magbabago. Mananatili na silang ganito sa isa't isa magpakailan-kailan man. Kung noon, ito na ang pinakamalungkot na bagay para kay Sebastian? Ngayon ay naging mas masaklap pa. Dahil ngayon, ang lahat ay nasaksihan na ni Asha. Ang bagay na pilit ibinabaon sa limot ni Seb ay binhi pala na ngayon ay biglang tumubo at naghatid ng isang masamang bunga. Ngayon nga ay hindi na niya maintindihan ang bawat salita na nanggagaling sa bibig ng kanyang mga magulang. Hindi na niya ito masikmura. Nagdidilim na ang kanyang paningin. Nahihirapan na siya huminga. Gusto niyang isuka ang lahat. Sa totoo lang ay matagal na niyang gusto isuka ang lahat. “Tangina—a! Tangina! T—angina. Ba't ba 'ko umasang magbabago pa kayong dalawa." Sigaw niya kasabay ang umaalingawngaw na pagkalampag sa hapagkainan. Nagtumbahan ang mga baso at natapon ang tubig. Tumilapon din ang mga natirang pagkain. Agad na natahimik ang paligid. Dinig tuloy ang napakadiin na pagkapit ni Seb sa lamesa, halos mabiyak na nga ang kanyang kuko sa daliri. Agad na lumapit si Linda, dala-dala ang isang panyo para punasan ang natapong tubig sa damit ng kanyang anak. Ngunit, itinulak siya nang malakas ni Sebastian bago tumayo at patakbong lumayo. Sa hapagkainan, sa bahay na minsan nilang naging tahanan, at sa kanyang mga magulang. Hindi na sumagi sa kanyang isipan si Asha dahil sa nararamdaman niya na kahihiyan. Kahihiyan na hinaluan ng matinding takot, lungkot, at pait. Si Asha na nngayon ay nabigla at nakakaramdam na rin ng takot ay nanatiling nakatayo sa isang tabi. Hindi niya naintindihan o nasundan ang lahat ng nangyari. Gulong-gulo ang kanyang isip. Gusto niya man humakbang para sundan ang kasintahan ngunit hindi gumagalaw ang kanyang mga paa at binti. Kaya ang tangi niyang nagawa ay muling makinig sa dalawang tao na ngayon naman ay nagsisisihan— Nagtuturuan kung sino ang may pagkakamali. . . . .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD