“Ahh! Oh my God!” Histerikal si Fiona ng datnan ko sa likod na pintuan ng room. Kakatapos ko lang umihi pagkatapos pagkabalik ko ay nakita kong parang mahihimatay si Fiona.
Kumunot tuloy ang noo ko at napalingon sa paligid. Nagwawala lang ang isang yan kapag nasa paligid si Alfonso. Magtatapos na nga lang kami ng highschool ay hindi pa rin namamatay iyang pagkakagusto niya roon sa varsity player. Malapit na ring gumraduate ang isang yon! At saka sabi ni Fiona baka sa Ateneo ito mag-aaral dahil sa scholarship. Poor Fiona, sigurado ako iiyak iyan pagkatapos ng Graduation.
“Bakit?” Natatawang tanong ko rito. Tinuro nito ang looban ng room. Okay, may ideya na ako at hindi na kailangang sumilip pa. Saktong dumating si Ma’am Reyes, Math Teacher, kaya kailangan na talagang pumasok.
At sumakto nga ang hula ko noong nadatnan namin si Alfonso na nakatayo malapit sa table namin ni Fiona. Mas lalong kinilig itong kaibigan ko at mukhang tuko na kumakapit sa braso ko. Ramdam ko rin ang panlalamig nito sa sobrang kaba.
“Oh? Anong ginagawa mo dito, Alfonso?” Pati nga ang Math Teacher na ito ay nagtataka kung bakit nandoon si Alfonso.
Tumitig siya dito sa gawi namin bago sumagot ng—- na parehong ikinalaglag ng mga panga namin.
“Para kay Kelsey”
Uhm? Teka nga lang, kilala niya ba ako? At ano raw? Halos ma-glue na ang mga mata ko roon sa desk table at nakitang may tatlong rosas na pula na nakapatong sa isang box ng siguradong tsokolate. Nasusuka ako... hindi dahil sa mga binigay nito kundi doon sa ideyang binigyan ako ni Alfonso ng mga yan... nagtataka nga ako at anong nakita nitong isang ‘to at kailan ba ako tinitigan ng mapagpanggap na ‘to?! Ni kahit na kailan hindi ko naranasang matitigan ng isang Alfonso! Sigurado ako lalo na at napapatitig din ako sa kanya dahil kay Fiona.
Umalis ito kalaunan, pinaalis ng Math Teacher, astig, at mabuti na lang din dahil para akong natrigger habang tinititigan ng matagal ang mga binigay nito sa akin. Nilingon ko tuloy si Fiona kahit nasa gitna pa ng klasi, at pilit na binabasa. She seems normal... hindi plastik at lalong hindi galit. Nagtataka tuloy ako at bakit ganoon iyon. Dapat mainis ‘to eh, lalo na sa akin.
Pero pagkatapos ng isa pang break, nang-usisa na at lahat ang mga kaklasi, ay hindi ko pa rin nakikitaan ng pagkainis kay Fiona. Nang uwian nga ay sinapak ko itong braso nito na siyang ikinalaki ng mga mata’t butas ng ilong nito.
“Anong gagawin ko dito?” Iritableng lahad ko rito ng mga binigay ni Alfonso.
“E di kakainin! Pahingi ah,” ngisi nito.
Mas lalong hindi nawala ang pagkakunot ng noo ko at talagang sinapak pa ito ng isang beses. Napa-‘aray’ lang at hindi nagsalita.
“Dapat magalit ka!” Hindi na nakatiis na sabi ko rito. Sinigawan ko ito kahit alam kong magiging eskandalo sa mga kasabayang kaklasi na pauwi ng mga oras na yon.
“Ha? Bakit naman?”
Dinodogshow ba ako ng baliw na ‘to?! Nababasa ko naman siya kaso hindi ito ang gusto kong maging reaksyon niya. Sa halip na pahabain pa ang pag-uusap, sinadya ko na lang na itapon sa basurahang nadaanan namin ng mga bigay ni Alfonso.
Laglag tuloy ang panga nito lalo na noong pinag-aapakan ko ang mga yon para siguradong hindi mapapakinabangan.
“Bakit mo ginawa?” Nanghihinayang na tanong ni Fiona pagkakita sa mga sinayang ko.
Huminga ako nang malalim saka inayos ang bangs na nabasa dahil sa pamamawis. Inis na inis ako! Kaya namawis roon ang noo ko at talaga nga namang mas lalo pa akong nainis noong nakita sa malayo si Kuya Rameil at may kasamang ibang babae... babaeng hindi naman ako pamilyar.
“Pangit noong Alfonso! Di ba obvious na gagamitin lang ako noon?! For sure dahil sa pangit ring si Kuya Rameil!” Irap ko.
Natigilan si Fiona at lumingon kung saan naniningkit ang mga mata ko. Natawa ito saka hinila ang braso ko. Mukhang okay na naman siya, normal.
“Gwapo ni Kuya Rameil, Kels... kung hindi lang mas matanda sa’tin yan ng ilang taon siguradong maraming magkakandarapang kaedad natin.”
Umismid ako at naglakad ng mabilis, na dahilan kung bakit napabilis din si Fiona. Sakto at lumingon dito si Kuya Rameil na nakangisi.
Aaaahhhhhhhh!!! Padyak ako ng padyak habang nakatigil sa tapat ng plaza. Humagalpak tuloy sa tawa si Fiona. Hindi siguro nito mawari iyong inis ko habang nakikita ang lalaking yon. Wala rin itong ideya na long time crush ko iyon noon! Ayaw ko rin namang sabihin dahil lalong magiging komplikado.
“Inis na inis ka roon sa kapitbahay mo ah?” Natatawang tanong pa nito.
Umismid ako at tinitigan ang dumaang motor. Si Alfonso ang nagdadrive at doon ko napagtanto na kahit ano pang edadahilan ni Alfonso sa pagbigay noong mga bulaklak at tsokolate e amoy ko ng hindi ito seryoso. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit nito ginawa yon.
“Hindi ka lang ba maiinis sa’kin? Binigyan ako noong baliw mong hinahangaan.”
“Grabi ka naman,” nag-puppy eyes pa!
“Okay na ako roon, kahit medyo masakit at kesa naman manligaw iyan ng iba.” Tawang-tawa pa ng sabihin ito ni Fiona.
Napaseryoso ako at naupo sa isang tabi, tumabi rin sa akin si Fiona.
“Don’t worry, first day pa lang basted na sa akin iyang lalaki mo.”
“Man-hater ka yata, eh.”
Umiling ako at huminga ng malalim pagkatapos nakita ko si Kuya Rameil na naglalakad kasama si Romana at kasama iyong babaeng nadatnan ko kanina. Tahimik si Romana sa isang tabi at tawa ng tawa ang dalawa. Humigpit tuloy ang kapit ko rito sa nakalapag na bag sa kandungan. Kulang na lang mabutas ang katawan ni Kuya Rameil sa tulis ng pagkakatitig ko rito. Nakaramdam yata kaya ito napalingon dito, dito sa gawi namin. Napatigil pa ito sa gitna ng paglalakad saka nagmamadaling lumapit na ikinalaki ng mga mata ko! At ano naman ang gagawin ng lalaking ‘to? Bakit agad lumapit?
“Uuwi ka na?” Tanong nito, binaliwala ang pagkakagulat ko. Ni hindi yata nito ramdam na may kasama ako.
“Sama ka na sa amin.”
Umiling ako at mabilis na tumayo. Hinila ko rin patayo si Fiona at hinawakan ng mahigpit sa kamay. Ramdam niya yata ang kaba ko dahil sa higpit ng pagkakapit ko roon.
“Hindi na... ihahatid ko pa si Fiona.” Malumanay na sabi ko rito.
Napaawang ang labi nito, parang nagulat. Ngunit dahil hindi pa rin ako nakakahulma sa nangyayari, tinakasan ko ito akay-akay si Fiona at isang beses na tinitigan ang bago nitong babae. Ah, mukhang mabango rin. Ganoon pala ang type nito? Na parang laging basa ang buhok.
“Gwapo ni Kuya Rameil ‘no?” Sabi ni Fiona ng nakalayo na kami roon.
Natigilan ako sa paghakbang at hindi makapaniwalang tinitigan si Fiona... na para bang nakakita ako ng multo sa anyo nito.
“Kailan pa naging gwapo yon sa’yo?” Kunot noong tanong ko rito.
Napahagikhik ito dahilan kung bakit mas lumalim ang gitla sa noo ko’t lahat-lahat na.
“Gwapo naman talaga si Kuya Rameil ah? Higit na mas gwapo kay Alfonso.” Nguso nito.
Ah, naiintindihan ko na! Kaya lang ayaw kong magkagusto si Fiona rito. Mahirap na.
“Ibang lalaki na lang, Fion. Wag yan, bubugbugin niya lang ang puso mo.” Irap ko.
Natigilan ito saka ako tinitigan. Tinitigan talaga na parang kulang na lang ilapit nito ang mukha sa mukha ko.
“Crush mo?” Nakaawang labing tanong nito.
Nalaglag ang panga ko sa tanong nito. Namumutla nga ako habang nakatitig sa kanyang unti-unti nang napapangisi. Naitukom ko tuloy ang labi saka napalunok.
“Awit! Siya yata ang dahilan ng pagiging man-hater mo eh!” Tawang-tawang tukso pa nito.
Napalunok pa ako ng isang beses saka siya sinapak sa braso.
“Awit din! Ako magkakagusto sa lalaking ‘yon?! Lahat na wag lang siya! Baka magka-AIDS pa ako!” Irap ng irap ako sa hangin dahil sa inis.
Mas lalong lumakas ang tawa ni Fiona. Totoo naman kasi, pabling iyon! Nasabi na ni Nanay Minda na kung magkakagusto man ako sa isang lalaki, wag daw ang anak nito... hindi dahil nagtutunog kontrabida ito... kundi dahil kahit siya mismo alam lahat ng galawan ng anak nitong kulang na lang magsuot ng karatula at nakasulat doon kung gaano ito ka-LIBOG! Putragis!
Nauna akong nakauwi kay Papa kaya nagsaing na rin ako bago umakyat at nagbihis saka sinilip sina Mama na hinehele si Baby Israel. Sandali lang akong lumapit at tinanong si Mama kung may kailangan ito. Saka nagbaby talk kay Israel na hindi pa naman gaanong nagrereact dahil talagang new born pa. Bumaba rin ako kalaunan at naghanda para sa hapunan. Patapos na ako nang dumating si Papa at may dalang ilang kilong bigas at mga lulutuing ulam.
Sabay-sabay kaming kumain, at inihiga lang si Baby Israel sa maliit na higaan habang nasa gilid ng mesa. Tinitigan ko nga si Papa na bagamat pagod e obvious na masaya dahil sa bunso namin.
Kahit na hirap na hirap at ramdam ko ang pagod nito, hindi naman ako nakakaramdam ng kulang. Siguro dahil pinalaki ako ng mga magulang ko na makontento sa kung anong meron, kaya ganoon. At saka pag nagtapos na ako ng highschool, sisikapin kong mag-aral ng kolehiyo. Maraming scholarship at kayang-kaya kong kunin iyon. Hindi naman sa pagmamayabang, pero kasi simula bata ginagawa ko lahat ng makakaya ko para lang maging matalino. Gusto ko kasing mabigyan ng magandang buhay sina Mama pagdating ng tamang panahon.
Kaya ekis sa akin ang kung sinumang lalaki. Lalo na si Alfonso na hindi na nahiya at talagang nagbigay ulit ng tsokolate at talagang nanlaki pa ang mga mata ko noong nakita sa malayo si Clyde na parang papatay ng tao. Akala ko ba ay tapos na ‘to sa akin?
Dahil pa yata sa akin ay may mapapatawag sa Guidance.
“Basted ka na, Alfonso.”
Direktang sabi ko rito na ikinagulat nito lalo na ni Fiona na nalaglag pa ang pagkain sa mesa. Tumitig akong muli kay Clyde na napangiti na ng kaonti, nakikiuyuso sa malapit.
“H-hindi mo pa naman nakikita lahat ng effort ko.” Kabadong sabi nito.
Umiling ako at sumubo ng tinapay. Saka ko nilingon ang paligid at marami pala ang nakikiusyuso. May iba yatang nakarinig sa pambabasted ko kay Alfonso dahil chinismis kaagad sa katabing mesa. Umingay ng kaonti kaso desidido na kasi ako.
“Hindi na kailangan, Alfonso. Talagang basted ka na sa akin.”
Ilang minuto itong naging tahimik. Nakikiramdam naman ako sa mangyayari hanggang sa tumayo ito at naglakad palayo tulad ng ginawa ni Clyde noon.
Natahimik ako habang tinutuloy ang kinakain. Tahimik rin Fiona at walang nagbalak na magsalita. Dumukdok nga ako at pumikit saka nilapag sa tabi ang pagkaing hindi pa nauubos. Nakapikit lang ako the whole time at napapiksi ng may tumapik sa balikat ko. Nang silipin ko nga ay si Romana iyon. Napaupo tuloy ako ng maayos at nagtatakang tinitigan itong nakatayo sa tabi ko at nag-abot ng cellphone. Na ipinagtataka ko. Hindi kasi kami close ni Romana. Hindi ko rin ito gaanong pinapansin. Masyado siyang tahimik kaya nag-aalangan akong dungisan iyong pagiging inosente nito.
“Si Kuya...” sabi nito. Putok na naman sa pamumula ang pisngi. Pinkish talaga... medyo nagmana sa Kuya.
Nalaglag ang panga ko rito at napatitig sa cellphone at nakitang on ang camera nito. Nasilip ko tuloy si Kuya Rameil na parang naglalakad. Hindi ko maintindihan kung bakit ako ang nakaharap dito... e bakit nga ba?
“Kels,” kaway nito.
Naitikom ko ang labi at saka napalunok bago inayos ang cellphone paharap sa mukha ko. Kunot pa rin naman ang noo ko kaya lang hindi ko naman maibaba ang cellphone.
“Namiss ko mukha mo,” ngisi nito na ikinalaki ng mga mata ko.
Naibalik ko tuloy ang mga mata kay Romana na mas lalong namula, sigurado akong narinig nito ang sinabi ng nakakatandang kapatid. Pero bakit naman...
“Flight ko mamayang gabi,” nguso nito.
Kumunot lalo ang noo ko, at bakit niya naman sinasabi sa akin? Pakialam ko ba?
“Miss na kaagad kita,”
Huh? Teka nga lang, bakit tunog impakto sa’kin ang lalaking ‘to? Pakialam ko nga ba kung aalis na naman ito? Malamang aalis talaga siya anytime kasi trabaho niya iyon!
“May gift ako sa’yo, ibibigay ni Romana mamaya. Tanggapin mo ah? Para kahit nasa malayo ako, matatawagan kita.”
Mas lalo akong nangasim. Bakit parang nag-iba yata ang ihip ng hangin?