Pagkarating na pagkarating pa lamang ni Cameron sa mansyon niya ay kaagad niyang natanaw ang nagwawalang si Sabel. Dahil sa pagwawalang ginagawa ni Sabel kahit isa ay wala man lang makaawat sa babae, lalo na’t natatakot ang mga ito na baka mas lalo lamang lumaki ang gulo. Isama mo pa rito na alam ng mga trabahador ni Cameron na wala ang mga itong karapatan na makialam sa gulo sa pagitan ng amo nila. Wala namang nagawa si Cameron kundi ang bumuntong-hininga nang malalim dahil hindi niya inaasahan na susundan siya ni Sabel sa hacienda niya. Kung kaya’t hindi maipagkakaila ni Cameron sa kaniyang sarili na hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala ang galit na nararamdaman niya sa dati niyang kasintahan na si Sabel. Bukod dito, hindi pa rin makalimutan ni Cameron ang ginawang panloloko sa kaniya ni Sabel na siyang dahilan upang gumuho ang matagal na niyang pangarap para sa kanilang dalawa. Halos mapamura naman si Cameron sa kaniyang sarili nang mapagtanto niyang hindi niya kasama pabalik ng mansyon si Alexandra dahil sa pagmamadali niya kanina.
“Honey, you’re here! Sabihan mo nga itong ang mga tauhan mo hindi man lang ako pinapasok sa loob ng mansyon mo. Ang init-init pa naman dito sa labas,” nagagalak na litanya naman ni Sabel kay Cameron.
Sa suot na bestida ni Sabel hindi maipagkakaila ni Cameron na mas lalo itong gumanda sa kaniyang paningin. Habang ang dibdib naman nito ay halos lumuwa na para bang sinadya talaga ni Sabel na ganoon ang isuot. Sa halip na makaramdam ng tuwa si Cameron kay Sabel tiningnan lamang niya ito mula ulo hanggang paa bago umismid na para bang nandidiri siya sa dati niyang kasintahan. Bukod dito, hindi rin mawala-wala sa isip niya ang senaryong tumatak sa isip niya na siyang dahilan upang mas lalo lamang makaramdam ng pagkasuklam si Cameron sa dati niyang kasintahan. Dahil sa kaniyang naging reaksyon kaagad na napatiim ng bagang si Sabel na para bang hindi ito natutuwa sa ipinakitang emosyon ni Cameron.
“What are you doing here, Miss Olivares? Kung hindi ako nagkakamali matagal na tayong walang koneksyon sa isa’t isa!” walang emosyon na pagtatanong naman ni Cameron kay Sabel.
“Nandito ako para humingi ng tawad sa iyo, Honey. Sana ay mapatawad mo ako, Honey. Alam mo naman na ikaw lang ang mahal ko,” pagsusumamong sagot naman ni Sabel sa harapan ni Cameron.
Isang pagak na tawa naman ang kumawala sa bibig ni Cameron bago niya muling kausapin ang babaeng nanakit at nanloko sa kaniya. “Hindi ko alam na ganiyan na pala kakapal ang mukha mo! Talagang sinundan mo pa ako rito sa hacienda ko!”
“Kaya nga nandito ako para humingi ng tawad. Nakikiusap ako sa iyo, Honey. Tayo na lang ulit. Hindi ko kaya na wala ka sa buhay ko.”
“Huwag mo akong patawaning babae ka! Kung dati ay naloko mo ako puwes hindi muna na ako maloloko pa sa ikatlong pagkakataon! Umalis ka na rito! Hindi na kita kailangan pa!” Nanlilisik ang mata na pahayag ni Cameron kay Sabel.
Kasabay naman nito ay ang pagtalikod ni Cameron na akmang papasok na sana sa loob ng kaniyang mansyon nang bigla na lamang siyang niyakap ni Sabel. Kung dati ay nakararamdam pa siya ng tuwa kapag niyayakap siya ng babae para bang lahat ng ‘yon ay bigla na lamang nawala na parang isang bula. Kung kaya’t walang pagdadalawang-isip na inalis niya ang pagkakayakap sa kaniya ni Sabel bago muling magpatuloy sa kaniyang paglalakad. Samantalang naiwan namang lumuluha sa labas ng mansyon niya si Sabel habang nakahalumpasay na akala mo’y nalugi sa negosyo. Kaniya-kaniya namang alis ang mga trabahador ni Cameron na kanina lamang ay nakikinig sa usapan ng amo nila at ng dating kasintahan ng binata.
“Alam kong nasasabi mo lang ‘yan dahil galit ka sa akin, Honey! Pangako gagawin ko ang lahat bumalik ka lamang sa akin!” Pasigaw na litanya ni Sabel kay Cameron na patuloy pa rin na naglalakad papasok ng mansyon.
Nang tuluyan nang makapasok sa mansyon niya si Cameron mabilis siyang nagtungo sa loob ng kwarto niya upang ibuhos ang lahat ng sakit na kaniyang nararamdaman. Noong una, akala ni Cameron ay ganoon na lamang kadali na makalilimutan niya si Sabel, ngunit nang muli niyang makita ang dati niyang kasintahan pakiramdam ng binata ay muling bumalik sa kaniya ang sakit na naranasan niya dahil sa ginawa nito. Hanggang sa namalayan na lamang ni Cameron na muli na naman siyang lumuluha dahil sa babaeng labis niyang minahal ngunit hindi niya akalain na lolokohin lamang siya ni Sabel. Kasabay naman nito ay ang pagpasok ni Nanay Ising sa kwarto niya habang may dala-dalang tubig ang matanda.
“Utoy, heto muna ang tubig uminom ka muna upang kumalma kahit papaano.”
“Maraming salamat po, Nanay Ising. Sino bang nagsabi sa babaeng ‘yon na nandito ako?”
“Hindi ko rin alam, Utoy. Kumusta na ang pakiramdam mo? Nasasaktan ka pa rin ba?” may pag-aalalang tanong naman ni Nanay Ising kay Cameron.
“Hindi naman po ganoon kadali na mawala ang sakit na nararamdaman ko dahil sa ginawa ng babaeng ‘yon!”
“Hayaan mo, makalilimutan mo rin siya, Utoy. Hindi lamang naman si Sabel ang babae sa mundo. Makatatagpo ka rin ng babaeng magmamahal sa iyo kung sino ka hindi dahil sa rami ng pera mo.”
“Sana nga po, Nanay Ising.”
Isang ngiti na lamang ang naisukli ng matanda kay Cameron bago lumabas ng kwarto ng binata. Nang mapag-isa si Cameron mabilis niyang pinunasan ang luha na naglandas sa kaniyang pisngi bago magtungo sa banyo. Hindi pa nagtagal ay natapos na ang kaniyang panliligo at ganoon na lamang ang pagkunot ng noo ni Cameron nang makita niya sa labas na malakas na ang ulan na siyang ikinailing niya. Nang makaramdam ng gutom ay bumaba na si Cameron ngunit ang bumungad sa kaniya ay ang balisang si Nanay Ising na siyang labis niyang ipinagtaka.
“Is there a problem, Nanay Ising?” Nakakunot ang noo na pagtatanong naman ni Cameron sa matanda.
“Nag-aalala lang kasi ako kay Alexandra. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin bumabalik ang dalagang ‘yon. Nag-aalala lang ako kay Alexandra lalo na’t hindi naman kabisado ng dalagang ‘yon ang lugar na ito,” balisang tugon naman ni Nanay Ising kay Cameron.
Kaagad namang napatampal ng noo niya si Cameron nang maalala niyang basta lamang niya iniwanan si Alexandra sa may Hidden Falls. Akmang papalabas na sana si Cameron sa mansyon niya upang hanapin si Alexandra nang bigla na lamang bumukas ang pinto at kaagad na bumungad sa kanila ang basang-basa ng ulan na dalaga na kanina pang hinahanap ni Nanay Ising. Mabilis namang napakunot ang noo ni Cameron nang makita niya kung ano ang hawak ni Alexandra sa kaliwang kamay na siyang labis niyang ikinailing na lamang.
“Saan galing ‘yang hawak mo?” may pagtatakang tanong ni Cameron kay Alexandra.
SAMANTALANG, isang malamig na titig lamang ang naisukli ni Alexandra kay Cameron habang nababakas sa mukha niya ang matinding pagkaiyamot dahil sa nangyari. Bagamat alam ni Alexandra na may kasalanan din siya sa nangyari sa pagitan nila ni Cameron hindi akalain ng dalaga na gagamitin lamang siyang parausan ng binatang nasa harapan niya. Sa halip na sagutin ni Alexandra ang naging tanong sa kaniya ni Cameron nagpatuloy lamang siya sa pagpasok ng mansyon habang bitbit pa rin niya ang mangga na siya pa mismo ang pumitas sa puno. Kasabay naman nito ay walang imik siyang nagtungo sa kaniyang kwarto nang hindi man lang pinapansin si Cameron na matiim lamang na nakatitig sa kaniya. Hindi rin maipagkakaila ni Alexandra sa kaniyang sarili na nagtatampo siya kay Cameron, lalo na’t pakiramdam niya ay nakalimutan na siya ng binatang balikan sa Hidden Falls.
“I’m asking you, Alexandra! Saan galing ‘yang hawak mong mangga?”
“Nag-magic ako! Dati kasi akong magician!” pabalang na tugon naman ni Alexandra kay Cameron.
Hindi naman maiwasan ni Cameron na makaramdam ng inis dahil sa naging sagot dito ni Alexandra kung kaya’t kaagad na napatiim ng bagang ang binata bago muling kausapin ang dalaga. “Hindi ako nakikipagbiruan sa iyo, Alexandra. Nagtatanong ako sa iyo nang maayos sagutin mo ako nang matino!”
“Sino bang nakikipagbiruan sa iyo?”
“Alam kong mali ako na iwan ka sa Hidden Falls nagkaroon lang talaga ng problema kaya nakalimutan kita.”
“Hindi ko kailangan ng paliwanag mo! Pwede ba hayaan mo muna akong makapaglinis man lang ng katawan ko! Hindi mo ba nakikita ‘tong hitsura ko? Daig ko pa ang basang sisiw na nalunod sa tubig!”
Akmang pa sanang sasagot si Cameron nang pigilan ito ni Nanay Ising na ngayon ay nababakas sa mukha ng matanda ang matinding pag-aalala. Kung kaya’t walang nagawa si Cameron kundi ang manahimik na lamang, lalo na’t alam ng binata na may kasalanan din ito sa nangyari. Isama mo pa rito na hindi maipagkakaila ni Cameron sa sarili nito na sandaling nakalimutan ng binata si Alexandra nang dahil lamang kay Sabel. Nang makarating si Alexandra sa kwarto niya walang siyang sinayang na oras at kaagad na naligo upang linisin ang buo niyang katawan. Bukod sa nababalot siya ng putik may iilan din galos ang ibang parte ng katawan niya, lalo na’t hindi niya inaasahan na ganoon kasukal ang dadaanan niya makaalis lamang sa Hidden Falls. Laking pasasalamat na lamang ni Alexandra na natatandaan pa niya ang daan kaya madali siyang nakabalik sa mansyon.
“Siraulong lalaking ‘yon! Matapos niyang pagpiyestahan ang dibdib ko iiwanan niya lang ako dahil sa babaeng pakakasalan niya!” naiyayamot na asik naman ni Alexandra sa kaniyang sarili.
Nang matapos siyang maglinis ng kaniyang katawan kaagad siyang lumabas ng kwarto niya upang kainin ang pinitas niyang mangga sa nadaanan niyang puno kanina. Laking pasasalamat na lamang ni Alexandra na walang anumang mababangis na hayop siyang nakasalubong kaya ligtas siyang nakabalik ng mansyon. Kaagad namang nawalan ng gana si Alexandra nang makita niyang prenteng nakaupo sa hapagkainan si Cameron habang humihigop ito ng salabat na ginawa pa mismo ni Nanay Ising.
“Kumain ka na rito, Alexandra.”
“Ayokong kumain! Nawalan na ako ng gana! Kumain kang mag-isa kung gusto mo! Huwag mo ‘kong mapilit-pilit diyan sa gusto mo!”
“Ano ba naman kayong dalawa para kayong mga bata. Hindi pa kayo nagkakabating dalawa?” pagsingit naman ni Nanay Ising sa usapan nina Cameron at Alexandra.
Sandali namang natahimik sina Cameron at Alexandra dahil sa naging pahayag sa kanila ni Nanay Ising. Sa halip na makipagtalo pa kay Cameron pinili na lamang ni Alexandra na magtungo sa kusina upang kumuha ng kutsilyo para mabalatan ang manggang pinitas niya sa dinaanan niya kanina. Habang si Cameron naman ay matiim lamang na tumitig kay Alexandra bago muling humigop ng mainit na salabat na sakto sa panahon, lalo na’t hindi pa rin tumitigil ang buhos ng ulan.
“Saan ka pupunta, Alexandra? Kumain ka na muna rito pwede ba?”
“Sa kusina! Kukuha ng kutsilyo nang maisaksak ko na sa iyo! Kalalaki mong tao napakadaldal mo! Huwag mo nga akong pakialaman!”
Imbis na makipagtalo pa hinayaan na lamang ni Cameron si Alexandra, lalo na’t napansin ng binata na mukhang nagalit nga ang dalaga dahil sa pag-iwan nito sa Hidden Falls. Pailing-iling lamang naman si Nanay Ising na para bang nadidismaya sa nangyayari kina Cameron at Alexandra. Dahil hindi na nakatiis ang matanda kaagad na tumikhim si Nanay Ising at walang pagdadalawang-isip na tinanong si Cameron kung ano nga ba ang nangyari kung bakit ganoon na lamang ang galit ni Alexandra sa binata.
“May nangyari ba sa inyo na hindi ko nalalaman? Bakit mukhang galit na galit yata si Alexandra sa iyo? Ano ba kasi ang ginawa mo sa kaniya, Utoy?”
“Sa pagmamadali ko po kasi kanina naiwanan ko siya sa Hidden Falls,” mahinahong paliwanag naman ni Cameron kay Nanay Ising.
“Kaya naman pala ganoon na lamang ang galit niya sa ‘yo. Hintayin mo na lang lumamig ang ulo niya bago ka humingi ng tawad kay Alexandra.”
“Hihingi naman talaga ako ng tawad, Nanay Ising. Hindi ko lang talaga inaasahan na tatarayan niya ako.”
“Masanay ka na sa kaniya. Ganiyan talaga si Alexandra kapag nagagalit. Naalala ko pa nga dati nagkaaway sila ng Mommy niya isang linggo rin na nagkulong si Alexandra sa kwarto niya.”
“Ganoon po ba talaga ang ugali niya? Talagang nakatiis siya ng isang linggo na hindi lumalabas ng kaniyang kwarto?”
“Oo. Pero kahit na ganiyan ang ugali niya madali siyang magdamdam hindi niya lang ipinapakita sa iba. Kaya ikaw huwag mo na ulit pasasamain ang loob ni Alexandra. Baka mamaya dito pa ‘yan sumpungin sa mansyon mo ang hirap pa naman niyang paamuin.”
“Opo, Nanay Ising. Maraming salamat po sa payo ninyo.”
Isang ngiti na lamang ang naisukli ng matanda bago magtungo sa kusina. Habang si Cameron naman ay nagpatuloy lamang sa paghigop niya nang mainit na sabaw ng salabat. Hindi pa nagtagal ay lumabas na si Alexandra sa kusina na ngayon ay dala-dala na ang isang plato na naglalaman ng ginayat niyang mangga. Lihim na lamang na napangiti si Cameron nang makita nitong toyo ang sawsawan ni Alexandra na nasisiguro ng binata na may halo itong asukal. Muli na namang napangiti si Cameron nang mapagtanto ng binata kung bakit sumpungin si Alexandra.
“Mukhang kailangan ko yatang habaan ang pasensiya ko. Hindi ko akalain na toyoin pala ang bisita ko,” bulong naman ni Cameron sa isip nito.