Andie Gregorio
Bagong taon sa kulungan. Hindi ko alam kung ano ang masaklap: ‘yong mga nangyari sa akin doon sa kagutaban; ang nakita kong m******e sa higit dalawampung tao, o ang katotohanan na nandito ako sa kulungan nagbagong taon at may posibilidad na dito na ako sa mga susunod pang taon dahil na rin mga nangyari doon sa hotel na kung saan nga ay nakita ako ng isa sa mga ka-barako nila na may bitbit na armas. Noong ipasok kami sa kulungan, pinili nilang paghiwalayin kami ng selda para raw makasigurado sila na walang mangyayaring hindi maganda habang nasa loob gabi. Ganoon marahil ang kanilang ginagawa sa mga presong nandito, ipinaghihiwalay ang mga magkakakilala ngunit mukhang hindi naman ganoon ang siste ngayon dahil sa ang mga bilanggo ay pare-parehong may mga tingin na nakamamatay. Hindi ba p’wedeng dalhin na lamang nila ako sa kulungan na para lang sa mga magnanakaw? Hindi kasi mabuti sa pakiramdam na masyadong malalim ang iniisip ko tungkol sa mga ginawa nilang krimen kaya sila nandito. Papaano kung ang isa rito ay mamamatay tao? Hindi ko kayang makihalubilong muli sa isang taong ganoon. Pero ano ba ang inaarte ko? Wala na akong magagawa pa dahil nandito na ako.
Humigpit ang kapit ko sa malamig na rehas habang pinagmamasdan si Sierra na ipinasok sa kabilang selda. Nakatulala lang siya, ni hindi ko manlang ito nakitaan ng kaba simula nang posasan siya at dalhin dito. Para pa rin siyang bata na nandoon lang sa gilid at walang kamalay-malay. Kung ipagpapatuloy niya iyan, malamang mapapawalang sala siya. Hindi naman siya ang kumuha ng bag, ‘yon nga lang dahil nakita kami ng babaeng biktima ko, inisip nito na magkasabwat kami na totoo naman. Pero talaga bang pinaniwalaan ng mga pulis iyon? Hindi ba nila nakikita ang hitsura ni Sierra na parang isang uhuging ata na wala sa katinuan? Dapat nga sa ibang lugar ipinasok ang isang iyan, hindi dito. Sayang nga dahil magkalayo kami dahil kung nandito lamang siya ay matagal ko na siyang nasaktan dahil sa katangahan niya.
Dahil sa kaniya ay nandito ako. Paulit-ulit kong sinabi sa kaniya ang plano para maintindihan niya, nangako pa ako na malaking porsyento ang makukuha niya kapag nagtagumpay kami sa plano, ang tanging utos ko lang naman sa kaniya ay magpanggap na may hinahanap sa basurahan at kapag nakalampas na ang mga pulis ay saka niya kukunin ang mga mahahalagang gamit na nasa bag at maipasok ito sa loob ng kaniyang damit. Alin ba doon ang hindi niya maintindihan? Talagang pinapainit niya ang ulo ko dahil buong bag ang kinuha niya. Ang tanga talaga niya, hindi siya nag-iisip. Kaya ko nga siya dinala sa Divisoria para makatulong sa akin, dahil iniisip ko na p’wede ko siyang mapakinabangan bilang isang back up, pero hindi rin nangyari. Nagsayang lang ako ng perang pamasahe papunta rito, parang tinapon ko lang ang perang ginastos ko para sa pamasahe niya kung p’wede ko naman pala siyang iwan nalang doon sa ilalim ng tulay sa Balintawak Market. Oo, pera niya ang ginastos ko pero simula nang ibigay niya ito sa akin, may karapatan na ako kung saan ko dapat gastusin ang pera at may karapatan na akong magreklamo sa pigiging inutil niya.
Kung ang kapalit ng pagligtas niya sa akin mula sa lalaki na binato niya ay ang pagiging bilanggo ko at pagkabulok dito sa kulungan, sana hinayaan nalang niya ako at hindi siya nagpaka-bayani. Alam ko naman sa sarili ko na kaya ko rin ang lalaki, na kaya kong makawala mulaa sa mahigpit na pagkakapit nito sa aking damit na halos ikasakal ko na, naghahanap lang talaga ako ng pagkakataon, ng tamang tyempo para makaganti pero masyadong papansin ang babaeng iyon.
Noong dinala kami ng mga pulis sa station nila, kasunod naming dumating ang biktima ko para pormal na magsampa ng kaso. Ang ingay ng matabang baabe, pinaghahampas ako nito ng bag niya, at sinasabing kakasuhan niya raw kami para mabawasan ang mga katulad namin ngayong bagong taon. Ayon pa sa kaniya, wala raw kaming patawad dahil kahit besperas ng kasiyahan ay nambibiktima kami. Ang daming dada, kahit gusto kong magsalita hindi ko na ginawa. Pasalamat nga siya dahil iyon lang ang ginawa ko, dapat nga na maging masaya siya dahil iyon lang ang inabot niya dahil kapag nagkataon na ibang tao, baka hindi na kailangang hablutin ang bag niya dahil kusa niya itong ibibigay dahil sa takot para sa buhay niya, magpasalamat nalang siya na hindi ako ang tipo ng ganoong magnanakaw. At saka, kung tutuusin ay may kasalanan din naman siya dahil hindi siya nag-iingat. Isa pa, may dala siyang mukhang mamahaling relo, hikaw at kwintas. Alam niya na sa mga panahon ngayon ay talamak ang mga magnanakaw pero anong ginawa niya? Pumunta pa rin siya nang may suot na mga ganoon. Kaming mga magnanakaw, tinatarget namin ang mga mukhang may pera at dahil isa siya sa pinaka-nagstand out doon dahil bukod sa mga alahas niya ay nilapatan pa siya ng makeup, natural lang na siya ang aming pupuntiryahin.
Seryoso nga ang babae sa mga sinasabi nito, habang papunta kami roon sa rehas ay nakita kong nagsusulat ang babae. Wala sa mukha nito ang magbiro at dahil sa liwanag ng opisina at sa maputing kulay ng balat nito, kitang-kita ko na namumula ang kaniyang mukha dahil sa galit. Napapikit ako at napasandal nalang, nakakapagod din iyong buhay na ganito. Hindi naman sa nagsisisi ako na naging magnanakaw ako, pero dahil sa nakakasawa na rin na tumakbo. Kahit anong bilis ko sa kalye, dumating pa rin talaga itong pagkakataon na kinatatakutan ko—ang makulong. Nasa ganoong posisyon ako nang biglang may dumating na pres, may dala silang malaking camera na bitbit ng isang lalaki sa balikat at isang babae ang lumapit sa akin na may hawak na wireless na mikropono. “Siya na po ba ito?” tanong ng reporter sa isang pulis, tumango naman ang isa.
“Bakit po kayo nagnakaw, ate? Anong masasabi mo na nagbagong taon ka sa kulungan,” tanong nito sa akin. Hindi ko alam kung bakit pa niya tinatanong ‘ya samantalang obvious na ang sagot. At saka bakit ba sila nandito? Ah, siguro nga naka-duty sila ngayon. Hindi nga naman pala natutulog ang balita at hindi nila papalampasin ang pagkakataon na mainterview ang taong naging dahilan para magkagulo ang mga pulis sa Divisoria. Tumingin ako sa camara na patuloy pa ring nakatutok sa akin, ang mga kapwa ko bilanggo ay nakikiusyoso rin sa likod ko.
“Hindi ako magnanakaw,” sagot ko sa babae
“Tama po ba ang narinig ko? Itinatanggi niyo na nagnakaw kayo?”
Tumango ako. “Wala akong ninakaw, pinagbintangan lang ako.”
Kagaya ng sinabi ko, ang pangunahing motto ng isang magnanakaw ay huwag umamin na nagnakaw siya kahit na harap-harapan na ang nangyari at may nakakita. Hindi ko gustong umamin sa insidenteng iyon at saka matatandaan pa ba ng mga tao ang aking mukha? Ah, nakakabadtrip. P’’wede nga palang maging testigo ang mga pulis, p’wede nilang sabihin na ako nga ang may gawa niyon. Halimbawa: Kapag nagkataon na hindi talaga ako ang nagnakaw pero ako ang nahuli nila, p’wede nilang sabihin na ako nga ang may gawa para madiin ako sa kaso. At dahil nga alagad sila ng batas, sino ang may lakas ng loob para kwestyunin iyon?
Sunod nilang ininterview si Sierra na nasa kabilang selda pero hindi katulad ko, ang babae ay hindi manlang lumapit at nagsalita. Nanatili lang siya sa dulo at tulala, akala ko tapos na dahil paalis na ang reporter pero patakbong lumapit ang babae doon, hinila niya ang damit nito. Dahil sa nangyari, nakiusyoso din ang mga bilanggo na ka-selda ko, samantalang ang mga ka-selda naman ni Sierra ay pilit na pinapaalis ang kaniyang mga kamay sa reporter. Ang cameraman naman ay walang ginawa kung ‘di kunan ang mga nangyayari, sinubukan kong makita ang mukha ni Sierra pero dahil nakaharang ang dalawa at sumunod pa ang dalawang pulis, hindi ko na tuloy nakita pa. Ano bang trip ng babaeng ‘yon? Hindi ba niya alam na sa ginawa niya baka kasuhan din siya ng mismong reporter? Kahit kailan talaga ang tanga niya.
Natapos din ang pangyayaring iyon sa wakas, nakaalis na ang reporter at ang kasama nito, pero kahit ganoon, hindi pa rin mawala-wala ang usapin. Pinuri ng mga kaselda niya si Sierra, nagtatawanan ang mga ito sa nangyari. Habang ang babae naman ay nakita kong nagpupunas ng luha. Gusto kong pagsabihan siya dahil sa ginawa nito, pero hindi ko alam kung papaano. Sinubukan kong tawagin pero hindi ito lumalapit, ayaw nitong makipag-usap. Talaga lang naman, kung mayroong taong dapat na magalit sa aming dalawa ay ako iyon. Baka nakakalimutan niya na siya ang may kasalanan kung bakit ako nandito. Tumingin ako sa kaliwa para makita ang mga pulis, tinitingnan ko kung daraan ba sila dito.
“Sierra!” mahina pero pasigaw kong tawag. Sinigurado ko na hindi ito maririnig ng ia, bukod sa aming mga preso din. Wala naman silang pakialam sa kung anong ginagawa ko kaya ipinagpatuloy ko lang. “Sierra, ano ba?!” Tumingin sa akin ang babae, napangiti ako at sinenyasan siyang lumapit. Pero ang mga tingin niyang iyon ay natanggal sa akin dahil lumipat sa isang pulis na dumating na binuksan ang selda. Tinawag nito si Sierra sa pamamgitan ng pagsabi ng kulay ng damit nito at deskripsyon niya dahil hindi naman niya alam ang pangalan ng babae. Noong una, akala ko ay may sasabihin lang ito pero nakita kong pinapalabas niya ang babaeng iyon.
Bigla akong napatayo. Teka, ano bang nangyayari?
“Boss, saan niyo siya dadalhin?” tanong ko sa pulis, nilingon ako nito maging si Sierra na hawak niya.
“Kasama mo ito kagabi, ‘di ba?”
Oo, gabi. Lumipas na ang oras, besperas ng bagong taon kami nahuli at alasingko nang dumating dito ang reporter, oras na ang nakaraan matapos niyon at ito nga ang kanilang ginagawa. “Oo, kasama ko siya,” napakagat ako ng labi. Bakit ko sinabing magkasama kaming dalawa ng babaeng iyon? Mas maganda sana kung itinanggi ko nalang para hindi na ako madamay sakaling madiin siya sa kaso. Naabutan lang naman ako ng babae na hinihila ang bag kay Sierra, p’wede kong sabihin na kaya ko lang ginagawa iyon ay para matulungan ang babaeng biktima. Pero dahil umamin ako, ah nakakabadtrip, bakit ba kasi hindi rin ako nag-iisip. Napalunok ako. “Napagkamalan lang kami, Boss.” Dagdag ko, baka sakaling matakpan ang mga sinabi ko kanina. ”Saan mo siya dadalhin?”
Sa halip na sumagot ay nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa. Tinawag ko si Sierra pero hindi ito nagsalita o lumingon manlang. Napahampas nalang ako sa mga bakal, sinigawan ako ng isa sa mga pulis pero hindi ko na tinuon ang pansin doon. Anong gagawin nila kay Sierra? Papalayain na ba nila siya? Kung ganoon, bakit siya lang? Nakakainis talaga ang babaeng iyon kahit kailan. Matapos akong makulong dito dahil sa kaniya, ngayon makikita ko siyang pinapalaya. Tangina, sobrang nakakabadtrip.
Napaupo nalang ako, may ilang nagtatanong din sa akin kung bakit pinaalis ang kasama ko, maging sila ay nagtataka. Bakit ba nila ako tinatanong? Ako pa talaga ang ginulo nila, mukha bang may alam ako sa mga nangyayari?! Napalingon ako sa tumabi sa akin, hindi ko siya kilala pero kapansin-pansin na siya ang pinaka-matanda sa mga nandito. Ano kayang kaso ng gurang na ito? Teka, ano bang pakialam ko? Nagtanong ang matanda kung bakit dinala ang aking kasama. Isa pa ito, mukha bang may alam ako? Ang sakit nila sa mata! Kahit din naman ako ay pareho rin ang tanong, naguguluhan din ako kung bakit bigla-bigla nalang papakawalan ang isang iyon at ang pulis naman ay hindi manlang nagbigay ng impormasyon kaya nandito tuloy ako ngayon na litong-lito sa mga nangyayari. Kung ililipat man siya ng presinto, okay lang sa akin pero ang ideyang palalayain siya? Hindi ko matatanggap iyon. Hindi ko gustong mabubulok sa lugar na ito habang siya ay pagala-gala sa kalsada.
“Ikaw,” naimulat ko ang aking mga mata sa narinig. Nakita ko ang panibagong pulis, binuksan nito ang selda at pinalapit ako. Bigla akong nakaramdam ng saya. Malaya na rin ba ako tulad ni Sierra? Tumingin lang ako sa pulis, hindi ko gustong palabasin ako, gusto ko ng mga salitang nais kong marinig. Tumaas ang kilay ng pulis. “Malaya ka na,” sabi nito. Napangisi ako, sa wakas. Umalis na rin ako at sumunod sa kaniya. Habang nasa likod ko siya at naglalakad kami ay tinanong ko kung anong nangyari. “Inatras ng babae ang kaso laban sa inyo.”
Inatras? Hindi ako makapaniwala. Sa hitsura ng babaeng iyon kanina at sa mga pagbabanta niya, ibig bang sabihin ay walang kwenta ang lahat ng iyon? Ano ‘yon bigla nalang humupa ang galit niya at kinain ang mga salitang sinumpa niya na mabubulok kami rito sa presinto? Ang sabi niya, sisiguraduhin niyang makukulong kami para mabawasan ang mga magnanakaw na katulad namin ‘tapos nito lang ay sinabi ng pulis na inatras ng babae ang kaso laban sa amin. Walang kwenta, puro salita lang pala ang babaeng iyon. Tuluuyan kaming nakalabas ng police station at sa mismong labas ay nakaparada ang isang sasakyan na may taong nakatayo sa labas, pamilyar sa akin ang mukhang iyon dahil siya ang may bitbit kay Sierra kanina. Nanliit ang mga mata ko habang tinitingnan ang loob ng sasakyan. Nandoon kaya si Sierra? Oo nga naman, dahil inatras na ang kaso, posibleng nandoon din siya.
“Kamay mo,” utos ng pulis. Ipinakita ko ang kamay ko at nabigla ako nang bigla niyang posasan iyon. Teka nga! Umatras ako pero hinila niya ako papalapit. “Hindi ba ikaw iyong nasa ShareMe? Iyong sumikat noong nakaraang taon dahil sa pinatay ang lolo mo?” Napalunok ako, hindi ko alam ang tamang sasabihin sa kaniya dahil hindi ko alam ang magiging reaksyon nito. “Hindi ba ikaw rin ang nasa hotel kasama ang ilang armadong grupo? Huwag ka nang tumanggi dahil nasa wanted list ka na namin.”
Pinagpapawisan ako ng malamig sa mga nangyayari. Akala ko ay okay na ang lahat, na malaya na ako dahil inatras na ang kaso pero hindi pa pala. Ano bang binabalak nilang gawin? Maniniwala ba sila kapag sinabi kong hindi ako kasama ng mga iyon? Saan ba nila ako dadalhin? Papatayin ba nila ako?
Pinasok ako ng pulis sa kotse at sinimulang paandarin iyon nang makapasok rin silang dalawa. Tumingin ang driver sa akin na siyang kumausap din sa akin sa labas. “Swerte mo dahil may gustong makipagkilala sa iyo.” Wika nito saka sinimulan nang paandarin ang sasakyan.
May gustong makipagkilala sa akin? Sino naman? Tumingin ako kay Sierra na walang imik, tulala pa rin ito pero walang bahid ng kaba sa kaniyang mukha. Oras na ang lumipas, mula sa naglalakihang building sa Manila ay naging poste nalang ng mga ilaw, wala na akong ibang makitang mga establishemento at alam kong wala na kami sa syudad. Ilang oras na ba ang byinahe namin? Tumingin ako kay Sierra, natutulog na ang babae katulad ng isang pulis. Hindi ako makatulog, hindi ako mapalagay sa mga nangyayari. Pakiramdam ko ay may masama silang gagawin sa akin.
“Ugh!” tumama ang aking mukha sa likod ng upuan ng driver nang bigla itong huminto. Iaayos ko pa nga lang sana ang upo ko pero bigla akong nakarinig ng putok ng baril, nang tingnan ko ang nasa harapan ko, wala ng buhay ang pulis at may tumutulong dugo sa noo nito. Napamura ang lalaking katabi nito, maging si Sierra ay nagising at sa unang pagkakataon ay nakitaan ko ito ng takot sa mga mata. Umupo ako, pilit na nagtago. Hindi ko alam ang mga nangyayari sa labas at hindi ko gustong sumilip para alamin iyon. Napatingin ako sa isa pang lalaking pulis, kinuha nito ang baril niya at kinasa iyon, maya-maya ay nakipagpalitan din siya ng bala sa mga ito. Napatakip ako ng tenga dahil sa nakabibinging mga tunog na iyon.