Deception

2147 Words
Sikel Villavicencio "Anesthesia," mahinang bulong ng boses lalaki ang aking narinig. Ramdam ko ang mga daliri na pinaglalaruan ang aking buhok. Kasalukuyan akong nakahiga sa malambot na kama, hindi ko inaasahan na may bagay din palang ganito sa kanila, ngunit hindi makaligtas sa aking pang-amoy ang halimuyak nito. Maaari kayang pumuta pa sila sa bayan upang bumili nito? O hindi kaya ay isa ito sa mga nakatabi sa kampo militar. Hindi ako sigurado sa bagay na iyon ngunit isa lamang ang namumukod tangi: masarap sa pakiramdam. Simula nang dumating ako sa lugar na ito, hindi ako nakaranas ng matinong tulog, sariwa pa sa aking memorya ang pag-ubos ng lakas ko sa pagtangkang pagtakas ngunit nauuwi lamang sa wala. Hindi ko ramdam ang aking katawan. Para akong nasa kaulapan na punong-puno ang makukulay na bagay, lumulundag at umaakyat sa kalawakan, nakikita ko ang mga bituin. Wala akong ibang nais kundi ang manatili sa lugar nito, hindi ko gusto na maputol ang isang masayang panaginip. Oo, panaginip. Hindi gaya ng bangungot na aking naranasan kung kailanman nangyari iyon, ang nangyayari ngayon ay kontrolado ko. Kung nais ko mang magkaroon ng masaganang pagkain, kung nais ko mang makarating sa mga lugar na nais kong mapuntahan, iisipin ko lamang ito at sa isang iglap ay mararamdaman at maaamoy ko ito na para bang tunay itong nalalasap. "Jordan," tumingin ako sa binata. Naramdaman ko ang hangin na humahampas sa aking mukha. Kasalukuyan kaming nasa byahe, pinagigitnaan kami ng mga bagay na ginamit ko mula sa naganap na demo class. Hawak ko ang kaniyang bewang, habang siya naman ay nakatutok ang tingin sa daan. "Ikaw ba 'yan?" "Nakagugulat ka naman," aniya sabay tawa. "Kanina ka pa tahimik 'tapos bigla ka nalang magsasalita. Anong meron? Teka, saan?" Huminto kami sa isang crossing. Merong daan pakaliwa at kanan kung kaya hindi batid ng lalaki kung saan ang patungo. Nasabi niya sa akin noon na hindi niya alam ang daan papunta sa amin ngunit nang mapuntahan namin ang kanilang bahay at makilala ko ang kaniyang kapatid, may parte sa akin na nagsasabing kilala niya ako at alam niya kung saan ako nakatira. Hindi ko nagsalita. Muli niya akong tinanong ngunit hindi ako sumagot, wala tuloy siyang naging choice kundi ang itigil nang tuluyan ang sasakyan upang bumaba at humarap sa akin. Muli ko na namang nasilayan ang kaniyang mukha. Namutawi roon ang pagtatanong, naghihintay siya ng aking sasabihin ngunit hinila ko lamang siya at inundayan ng yakap. Hindi siya nakagalaw sa kinatatayuan, hinayaan niyang yakapin ko siya, kasunod niyon ay ang pagyakap din niya sa akin pabalik. Mararamdaman mo roon ang kaniyang pag-iingat, banayad ang kaniyang mga kamay na paulit-ulit na hinahagod ang aking likuran. "Anong problema?" Mas lalo kong idiniin ang sarili sa kaniya. "Patawad..." Hindi ito umusal. Marahil dahil ako ang kumukontrol sa kaniya at hindi ko batid ang kaniyang magiging reaksyon sa aking sasabihin. Hindi ko nais na diktahan siya ng kung ano ang kaniyang mararamdaman, kung ito man ay galit ay mauunawaan ko. Mas gusto kong magpakita siya ng pagkamuwi sa akin, sa pamilya ko, at sa taong nasa likod nito dahil mas lalo lang akong malulubog, kakainin ng konsensya kung sa kabila ng lahat ay mabuti pa rin ang kaniyang ipapakita. "Kaya pala sobrang kakaiba 'yong mga ikinikilos niya. Hindi naman siguro siya ganito Jose, 'di ba? Kapag nasa mabuting katinuan. Mahihirapan tayong kumilos kapag palagi siyang hindi pumapayag sa mga gusto natin," wika ng babae. Tuluyang naglaho ang imahe sa aking harapan. Nawala rin si Jordan at natagpuan ko ang sarili na nakayakap sa hangin. Maya-maya pa ay kinuha na ako ng wisyo, batid ko na ang mga nangyayari sa aking paligid ngunit hindi ko magawang makakilos. Ramdam kong muli ang bigat ng aking katawan, ang p*******t ng aking bewang, braso, at likod, maging ang panaka-nakang pagkirot ng binti dahil sa tama ng bala. Magkagayunman ay pinili kong manatili sa posisyon at makinig sa kanilang pag-uusap, ngunit pinili kong huwag magpahalata. Naalala ko pa ang sinabi sa akin ni Darius noong magpanggap akong tulog habang nakikinig sa usapan sa pagitan nila ng isang lalaki at natuto na ako. "Kahit hindi siya nasa ilalim ng anesthesia, sa palagay ko gano'n pa rin ang ikikilos niya," bumuntong hininga ang lalaki. "Kailangan ko munang makasigurado na kakain siya bago ako umalis." Narinig ko ang pagpitik ng dila ng babae. Umalis ito sa tabi ko at narinig ko nalang na malayo na sila dahil sa paghina ng kanilang boses, marahil ay hinila ito ng babae. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata, nasilayan ko ang dalawa na nag-uusap at mukhang nagtatalo. Hindi ko marinig ang kanilang usapan, basta nakita ko ang unti-unting pagsang-ayon ni Darius sa mga sinabi ng babae. Dalawang beses na tinapik ng babae ang balikat nito hanggang sa tuluyan nang umalis. Kung tama ang aking pagkakatagpi sa mga nangyayari, nais ng lalaki na pumarito muna hanggang nakasisigurado niya na may laman na ang aking tiyan, ngunit nais ng dalaga na tumuloy na ito sa nais puntahan. Nabalot ang aking isipan ng mga theorya; ano ang pupwedeng puntahan nito? Pinatawag ba muli ito ni Senator Agustin? Sa anong dahilan? Bumalik ang babae, pinagpagan nito ang kamay bago mahinahong hinawakan ang kaniyang armas. Itinaas pa nito ang bagay na iyon sa itinutok sa kung saan na parang may binabaril, hanggang sa itinuon ito sa aking direksyon at nagkunwaring pinatamaan ako. Sa gulat at kaba, hindi ko napigilan ang mapapitlag. Hindi pa rin ako nakakaahon sa mga nangyari sa akin sa kagubatan ng Sierra Madre, sariwa pa rin ang alaala ng walang tigil na pag-agos ng aking dugo kagaya ng mga sugat ko ngayon. Sumilay ang ngisi sa dalaga, huli na para magpanggap akong natutulog dahil sa pangalawang pagkakataon ay nahuli na naman akong nagkukunwari. Ibinaba nito ang itim na bagay bgo pumaroon sa kinaroroonan ko. Saglit na ngumiti ang babae bago umupo. "Kumusta na ang pakiramdam mo?" Hindi ako sumagot. Tama si Darius. Hindi dahil sa anesthesia kung bakit hindi normal ang aking mga ikinilos, hindi dahil sa mga itinurok sa akin ang nag-udyok upang pagtangkaan ang aking buhay. At kahit na nasa normal na kalagayan, wala mang ipinasok sa aking katawan, ang aking mga naging reaksyon ay siyang resulta ng matinding emosyon na tuluyang sumabog dahil sa kanilang kagagawan. Naunawaan ng babae na hindi ko nais umusal ng miski ano, napabuga na lamang ito ng hangin at napatingala na para bang may pinagdadaanang mabigat na suliranin. Batid ko na ayaw nitong napupunta sa wala ang mga nangyayari, hindi nito gusto na maabala ang tunay na layunin kagaya na lamang ng hindi niya pagsang-ayon sa nais ni Darius na manatili muna dahil lamang sa akin. Ngunit kahit na alam kong kumukulo na rin ang emosyon nito ay pinipilit niya pa ring magtimpi, pero hindi ako sigurado kung hanggang kailan iyon magtatagal lalo pa na wala si Darius sa paligid dahil may inasikaso ito. Pupwede nitong gawin ang mga nais at walang makapipigil sa kanila. "Kain ka muna. May inihanda akong noodles para sa 'yo," umalis ito at pagbalik ay may dalang pagkain. May inihanda rin siyang tsokolate at sa amoy ng mga ito, hindi ko maiwasang matakam. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Ngunit hanggang kailan ko matitiis ang gutom at uhaw? Wala na akong laway dahil sa paulit-ulit na aking paglunok dito, natutuyo na rin ang aking labi dahil sa ginaw sa bundok, pumipintig din ang ugat sa aking sintido dahil sa mga nararamdaman. Miski ang aking katawan ay iisa lang din ang sinasabi. "Gusto ko nga palang humingi ng tawad dahil sa inasal ng kasamahan namin," muli itong naupo at napahilamos ng mukha. "Hindi ko talaga alam kung ano ang pumasok sa utak ng lalaking 'yon at nagawa siya sa ito, pero sinisigurado ko na tuturuan namin siya ng leksyon." Ibinuka ko ang aking bibig, sinubukan kong magsalita at paos na boses ang lumabas doon. Sinubukan pa akong painumin ng tubig ng babae para maibsan ang pagkapaos ngunit tinanggihan ko. "Anong makukuha niyo rito?" tanong ko sa ilalim ng mahinang paraan. Kumunot ang noo ng babae, tila ba hindi narinig ang aking mga sinabi kung kaya muli ko itong inulit upang maintindihan niya. "Anong ibig mong sabihin?" "Ang nakukuha niyo rito? Sa pagtago sa bundok at paghawak ng mga 'yan? Sa pagturo sa mga bata kung papaano gumamit ng armas kaysa ipasok sila sa paaralan para matuto kung papaano magbasa at magsulat? Sa pagtitiis ninyo sa buhay dito sa bundok kaysa kumuha ng mas maraming oportunidad sa ibaba? Anong nakukuha niyo sa pagiging rebelde?" Sandaling natigilan ang babae, hinahanap nito ang mga sasabihin at pinoproseso ang aking mga naging katanungan. "Sa tingin mo ba talaga maraming oportunidad sa ibaba para sa mga kagaya namin?" May bahid ng pang-iinsulto niyang tanong, itinuro pa nito ang sarili bago umiling. Para niyang winakasan ang pag-asa para magbagong buhay, tinuldukan niya ang kakayahan na makaahon at masyado niyang minamaliit ang kaniyang kapasidad. "Sa tingin mo ba kapag pumasok ako bilang janitress, makakapasa ako? College graduate ang hanap nila, ni kahit birth certificate nga wala ako, diploma pa kaya?" "Bakit hindi ka mag-aral para makakuha? Pumunta sa local government unit para makakuha ng birth certificate?" Tumayo ang babae, mukhang naiinis dahil sa bawat problema niya ay may nakahain akong solusyon. "Gusto mo ata akong mamatay," aniya saka dinuro ako "Hindi mo ata alam na nagsilipana ang mga mukha namin sa social media at isa kami sa mga hina-hunting ng mga alagad ng batas." "Una sa lahat, bakit ka ba pumasok dito?" Nais kong malaman ang kaniyang iniisip. Batid ko na alam niyang ang pakikisama sa mga rebelde ay may kapalit na parusa at ang mga nararanasan niya ngayon ay isa sa mga resulta ng kaniyang pakikipagkasundo. Kung batid niya ang magiging kahihinatnan ng gagawin at mas lamang dito ang negatibo, bakit pa niya naisipang sumama sa samahan? "Para sa aking ipaglalaban." Tumaas ang aking kilay. Nakuha niya ang aking interes. Isa sa mga kamangha-manghang aspeto ng pagiging tao ay ang mga prinsipyo ng bawat isa. "Ano ang pinaglalaban mo?" Tumindig ang babae, taas-noo itong tumingin sa akin at sumagot. "Para sa kapayapaan, sa demokrasya, sa idelohiya, para sa bayan." Umangat ang aking labi. Sinubukan kong ayusin ang aking pagkakahiga upang makita siya nang husto. Sumilay ang pagtataka sa mukha ng babae dahil sa aking ginawa. Sinalubong ko ang kaniyang mga tingin, ang mga matang puno ng determinasyon at desperasyon. Inalala ko ang pagtatagpong naganap sa ilalim ng gubat ng Sierra Madre, ang mga malalaking sasakyan na may lamang mga kahon ng kargamento, ang kumpol ng pera na kanilang hawak sa naganap na transaksyon, ang mga malalaking tao na may hawak na armas na halos kalahati ng kanilang katawan. "Anong iniisip mo?" Ngumiti ako sa kaniya. "Hindi p'pwedeng magtugma ang mga kaharasan at kapayapaan. Hindi angkop na sabihing ipinaglalaban niyo ang kapayapaan sa bansa kung may hawak kayong mga baril at sinasaktan ang mga taong nakagawa lamang ng kaunting pagkakamali. Hindi niyo masasabing ipinaglalaban niyo ang demokrasya kung inaalipin niyo sa mga ilegal na gamot ang mga Pilipino at hinahayaan niyong kontrolin kayo ng mas nakatataas sa inyo." Napakagat siya ng labi dahil sa nararamdaman, sarado ang kaniyang kamao at nais na lumapit sa akin ngunit hindi niya magawa. Naging marahas din ang kaniyang paghinga habang matalim na tingin ang ipinupukol sa akin. Hanggang sa lumipas ang ilang segundo ay padabog na umalis at pinagbagsakan ako ng pinto. Sa kaniyang pag-alis ay kumawala sa aking ang buntong hininga, napasulyap ako sa pagkain na kaniyang iniwan, saka napailing. Hinila ko na lamang ang kumot at ibinalot iyon sa aking sarili. Sinubukan kong itulog ang gutom na nararamdaman ngunit sumasakit na ang aking tiyan. Gaano pa katagal ang buhay ng tao kapag hindi nakaiinom ng tubig at pagkain? Muling bumukas ang pinto. Tinanggal ko ang kumot na nakatakip sa akin at pinagmasdan ang babae na muling bumalik. Mabilis at mabigat ang mga naging paghakbang nito, ni hindi manlang ako dinapuan ng tingin. Pumaroon ito sa mesa sa tabi kung saan naroroon ang mga pagkain, kinuha ito ng babae at dahil sa pagmamadali ay bahagyang natapon ngunit hindi niya iyon pinagtuunan ng pansin. Muli siyang bumalik sa paglalakad at sa kalagitnaan niyon ay tumigil siya at humarap sa akin. "Kung hindi mo kakainin ito, ibibigay ko nalang sa iba. Mas marami ang nagugutom dito na may interes kumain." Hinayaan ko na lamang siya. Nang tuluyan siyang mawala sa aking paningin ay napasulyap sa mga natapon na pagkain. Bagaman kaniyang sinabi na ibibigay niya iyon sa mga nangangailangan, batid ko hindi pagtulong sa iba ang kaniyang iniisip. Masyado ko atang nasipa ang kaniyang ego kung kaya gano'n na lamang ang kaniyang naging kilos. Hindi naman na ito bago sa ating kultura; kapag may mga pagkakataon na natatalo tayo sa isang makabuluhang diskusyon, pinipili nating maging personalan ang pag-atake at sasabayan ng simpatya ng mga tao upang masabi na siya ang nagwagi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD