Ally

3097 Words
Sikel Villavicencio Hanggang kailan ba kakayanin ng isang tao ang na hindi kumain at uminom? Ilang beses ba nanalo ang prinsipyo sa sikmura? Ilang tao ba ang ipinagbili ang kaluluwa para lamang sa tinatawag nilang karangyaan? Hindi ko alam ang mga sagot sa mga nabanggit na tanong, ngunit isa lang ang nakasisigurado ako: walang nakatitiis ng gutom. At isa ako sa mga buhay na katibayan ng bagay na iyon. Pinagmasdan ko ang pagkain na nasa aking harapan: sa aking harapan ay mayroong platito na naglalaman ng sardinas na hinaluan nila ng sibuyas para hindi gaanong malansa. Sa kabila naman ay naroroon ang kanin na umuusok pa dahil bagong luto, habang sa pinakadulo ay ang dalawang piraso ng saging na aking panghimagas. Hindi na bago sa akin ang isda dahil na rin sa lumaki akong galing sa dagat, hindi kasama sa bokabularyo ang pagka-purga dahil araw-araw na iba at ibang klase ng isda ang pang-ulam kung kaya batid ko na kakayanin ko ang mga pagkain na ihahain sa akin sa mga susunod pang araw. Ayon na rin sa babae noong nakaraan, wala na raw silang gulay dahil na-konsumo na nila, pero hindi naman ibig sabihin niyon ay wala ng prutas sa paligid. "Dahan-dahan baka mabilaukan ka," wika ng malaking lalaki kasunod ng paglapag nito ng tubig. Siya ngayon ang naatasan na magbantay sa akin, marahil ay dahil hindi pa kaya ng babae na makita ang hilatsa ng aking mukha matapos ang nangyaring pag-uusap kahapon. Ngunit kahit na anong klase at paulit-ulit na pagpapaalala sa akin ng lalaki ay hindi ko iyon pinakinggan. Sunod-sunod ang aking pagsubo ng pagkain at hindi pa man nakalalagpas sa sampung segundo na ilulunok ko na iyon. Wala ring patid ang pag-inom ko ng tubig, maka-ilang beses nagpabalik-balik ang lalaki upang kunan ako ng tubig mula sa labas, ngunit hindi ko manlang nakitaan ang kaniyang ekspresyon ng pagkainis, bagkus ay may kung ano sa mga mata at kinikilos nito na nagsasabi sa akin na nais ako nitong kausapin, pero tungkol saan naman? Habang kumakain ay hindi ko maiwasang busisiin ang kaniyang katawan at mapatanong sa sarili kung ano ang nangyari sa kaniya matapos niya akong marahas na itulak. Kung hindi ako nagkakamali ay pinarusahan ito ngunit sa anong pamamaraan? Hindi ko siya makitaan ng kahit anong bahid ng dugo, ni hindi ito nahihirapan sa paglalakad dahil normal ang kaniyang ikinikilos, ni walang bahid ng marka sa kaniyang katawan maliban sa mga peklat na batid kong matagal na. Kung nagkaroon man siya ng galos, dapat ay sariwa pa ito. Mas lalo tuloy akong hindi ako mapalagay sa mga nangyayari. Bukod sa kakaiba ang pakikitungo nito sa akin, alam ko sa aking sarili na may trauma pa rin ako sa mga ginawa at sinabi niya sa akin. Habang naroroon kami sa gubat, ramdam ko ang pagkauhaw niyang makita ako upang gilitan nang buhay. Noong magising ako, hindi ako mapalagay na maaabutan ko siyang paalis ng kuwarto. Natitiyak ko na pinagmamasdan niya ako habang natutlog at kung anuman ang kaniyang iniisip, kahit na pilit kong iwaksi sa aking isipan ay hindi ko matanggal lalo pa dahil isa ako sa mga nakatanggap ng kaharasan sa kaniya. "Tungkol nga pala sa nangyari, humihingi ako ng pasensya." Kamuntikan ko nang maibuga ang inumin dahil sa mga sinabi niya. Hindi pa rin ako sanay na makarinig ng boses na malalim na para bang galing sa ibang dimension, at mas lalong hindi ako sanay na makarinig ng tawad sa isang taong halos mapatay ako. "Hindi ko talaga alam na anak ka ng protektor namin. Akala ko isa ka sa mga espiya ng militar na balak lusubin kami." Kinikitalis ko ang kaniyang mga ikinikilos. Kung ilalagay ko ang sarili sa posisyon niya, hindi nga naman ako mapapakali lalo na kung miyembro ako ng mga grupong tinutugis ng pamahalaan. Walang magiging lugar ang kapayapaan sa aking puso at isipan at panghihinalaan ko ang mga taong nasa paligid na kalaban. Nanliliit ang aking mga mata habang nakikita kong mahigpit ang kapit niya sa serbesa habang nakaupo sa upuan na halos masira dahil sa bigat niya, ni hindi nga siya magkasya roon. Pinagmasdan ko siya; makinis ang kaniyang ulo dahil sa partikular na dahilan—walang buhok doon. Hindi ko na makita ang kaniyang labi dahil sa natatakpan ng bigote na halos kasing haba na rin ng kaniyang balbas na umaabot sa kaniyang leeg, doble ang katawan nito sa akin at maging ang tangkad nito. Sino ba ang hindi matatakot sa taong kaya kang iangat mula sa lupa sa pamamagitan lamang ng isang kamay? Mas nakapangingilabot siya kapag may bitbit na armas kagaya ng una naming pagkikita. "Bakit?" kinapa niya ang kaniyang mukha. Akala marahil na ang dahilan ng aking pagtitig ay may dumi sa mukha. Umiling na lamang ako bago muling ibinalik ang atensyon sa kinakain. Narinig kko siyang bumuntong-hininga at tumingi sa labas, may batang kararating lamang. Kaagad na nakuha ng batang iyon ang aking atensyon, siya ang kasama kong umakyat papunta sa lugar na ito, ang kumain ng itlog na iniabot ni Darius. Hindi ko mapigilang ngitian siya ngunit nanatiling blangko ang kaniyang ekspresyon, nang mapagtanto kong wala itong balak na ngitian ako pabalik ay inalis ko rin iyon. Lumapit ito sa lalaki at may inabot na sulat, kaagad naman niya iyong kinuha at nang mabasa ay kinapa ang sarili, inilabas nito ang posporo ngunit wala ng laman. Itinapon niya iyon bago kinuha ang upos ng sigarilyong kaniyang hinihithit kanina, may natitira pang liwanag doon na ginawa niyang paraan upang mapasindi ang papel. "Wala na bang ibang taong magbabantay? Kakapahinga ko palang mula kahapon," umiling ang bata. Marahas na napatayo ang lalaki at sumama pa ang upuan sa kaniyang pagtayo. Tumingin ako sa batang babae, kung normal na senaryo lamang ito ay matatawa ang sinumang makakita niyon ngunit bakit ko nga ba pinagkukumpara? Hindi kami nasa normal na lugar. Tumingin sa akin ang lalaki, tinanong ako nito kung may iba pa ba akong kailangan, umiling na lamang ako bago sinimulang balatan ang saging na panghimagas. Dalawang linggo. Lumipas ang dalawang linggo at nasa gano'n pa rin akong kalagayan. Ni hindi ko alam na matatagalan ko ang pakikisama sa kanila na para bang isa lang din silang normal, pero heto ay kinaya ko. Sa loob ng dalawang linggo, nanatili akong hindi lumalabas ng bahay; tanging kuwarto, hapagkainan at banyo lamang ang aking pinupuntahan. Sa mga raw na iyon, kinailangan ko pang magsaklay dahil hindi kaya i-balanse ng isa kong paa —na walang tama ng bala— ang aking sarili lalo pa dahil may bali rin ang aking likuran. Sa buong dalawang linggong iyon, may taong pumupunta rito para dalhan ako ng pagkain at alalayan sa aking mga gagawing pagkilos. Ni hindi ko magawang makalabas dahil na rin sa mga nagbabantay, kahit pakiusapan ko ang mga ito na kailangan ko ng sikat ng araw para sa pagpapagaling, sa aking pagpapalakas, ngunit hindi pa rin nila ako pinagbigyan. Marahil ay iniisip ng mga ito na muli akong tatakas, ngunit sa paanong paraan naman? Sa tingin ba nila ay magagawa ng isang kagaya ko ang tumakbo kung sa pagtayo ay kinakailangan ko pa ng kasama? Sinubukan kong itanong sa kanila kung nasaan si Darius. Labing apat na araw ko na rin siyang hindi nasisilayan, miski ang anino nito, o kahit simpleng pangangamusta ay wala akong natanggap. Ngunit bakit ko ba iniisip ang lalaking iyon? Hindi naman dahil sa labis ko siyang gustong makita, kundi dahil alam ko na susunod sa kaniya ang mga taong narito. Nais ko lang libutin ang kampo, ang makilala at matandaan ang mga taong nasa matataas na ranggo, at mas mainam kung may makukuha akong impormasyon tungkol sa mga taong pumuprotekta sa kanila. Hindi magagawa ng katulad ni Senator Agustin ang mga bagay na ito nang mag-isa. Masyadong magiging kapit-patalim at alanganin kung siya lamang ang nagpapatakbo nito. Ang mga senador sa senado na kapwa nagpapataasan ng ihi, at kapwa pinagtatakpan ang baho ng isa at isa. Ang kinakailangan ko lamang ay makilala ang taong sa tingin ko ay tapat sa serbisyo at susubukan kong kilalanin kung sino ang mga iyon base sa mga magiging kwento ng sana ay mga makakausap ko. Ngunit ang mga planong iyon ay walang kasiguraduhan kung kailan ko magagawa. Kagaya ng sabi ko, walang nais na magpalabas sa akin sa lugar na ito. Hindi ko rin nakikita ang babaeng aking nakausap noon, maging ang malaking lalaki, mga bata na nakilala ko sa baba ng bundok, at miski si Darius. Sa aking pananatili rito, bukod sa mga iba at ibang tao na nagdadala ng aking pagkain, inumin, at mga umaalalay sa akin, may isa ring partikular na taong bumibisita. Mula sa kuwarto, narinig ko ang pagbukas at sara ng pinto. Maliit lang ang aking tinitirhan, makaiilang hakbang ka lamang ay mararating na ang bawat sulok ng bahay kung kaya hindi malabong makikilala mo kaagad ang mga tao lalo na kung sadyang maririnig mo ang mga boses ng mga ito sa labas. Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang lalaki. Nakasuot siya ng kulay asul na long sleeves na siyang hapit sa kaniyang katawan, habang ang kaniyang pang-ibaba ay itim na shorts na siyang dahilan upang makita ang kaniyang pagkaputla. Ang kaniyang buhok ay bahagyang nakababa, kapansin-pansin din na basa ang kaniyang pang-itaas dahil sa pawis na nagmula sa pag-akyat sa bundok, ngunit kahit gano'n ay nakuha niya pa ring ngumiti na para bang walang pagod na nararamdaman. Ibinaba nito ang bitbit na bagpack na kulay kayumanggi, tipikal na kulay para sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng gano'ng posisyon. Sandali itong umupo upang magpahinga habang kinakalkal ang mga gamit sa loob ng bagay na hawak. "Kumusta, dok?" Iniangat nito ang tingin sa akin. Prente itong nakaupo at kita sa paraang iyon na siya ay may pinag-aralan. "Kailangan mo ng tubig?" Mula sa pagkakahiga ay umupo ako at nagbadyang tumayo, mabilis pa sa segundo siyang nakarating sa tabi ko upang alalayan ako ngunit kaagad ko siyang pinigilan. Tinanggal ko ang kumot sa aking katawan, at tumayo. Tumingin ako sa aking kamay na nakalapat sa pader, unti-unti kong tinanggal iyon doon at dahan-dahang naglakad. Nagbabadya pa rin ang kaniyang mga kamay na sumaklolo kung kinakailangan, ngunit pinapakita ko sa kaniya na hindi na kailangan iyon. "Ayos na ako, dok." Ngunit pinilit pa rin ako nitong paupuin na siyang hindi ko sinunod. Bumuntong hininga ang doktor na para bang na-stress sa aking ginagawa, pero kinakailangan kong ipakita sa kaniya na nasa maayos na akong kalagayan. Hindi na niya kailangang magpabalik-balik sa lugar na ito para lang bisitahin ako. Hindi ko maunawaan kung bakit may mga taong kagaya niya na maayos na rin ang sahod ngunit pinipiling ilagay sa hukay ang mga paa para sa pagpunta rito. Alam kong lubos na hindi magkasundo ang mga militar at ang mga taong narito ngunit sa pagkakataong ito ay hindi makikita ang alitan sa bawat isa kahit na bitbit ang kulay na mainit sa mga bata ng grupo, malaya siyang nakapapasok at nakalalabas. Inabutan ko siya ng tubig, tinanggap niya iyon kahit alam naming dalawa na sa pagpunta niya rito ay walang mintis siyang nagdadala ng tubig. Hindi ko rin alam kung bakit iyon ang aking unang sinabi, siguro ay dahil nais kong magsimula ng pag-uusap sa pagitan naming dalawa. Sa walong beses niyang pagbisita sa loob ng dalawang linggo, nagkakaroon din ng usapan sa pagitan namin ngunit ekslusibong patungkol lang sa mga dapat at hindi ko dapat gawin. Hindi ko rin alam kung bakit niya piniling tanggapin ang aking alok, marahil dahil nagtataka lamang siya sa aking mga ikinikilos dahil sa mga nakalipas na araw, hindi gano'n kaganda ang aking naging pakikitungo sa kaniya, para bang mayroong pader na hindi niya maaaring pasukin dahil alam ko na ang bawat pag-uusap na mangyayari ay hindi dapat may pagpapahalaga siya sa akin bilang tao at pasyente niya kundi dahil may utos na kailangan niyang gawin. Pinagmasdan ko siya habang tinatanggal ang telang nakabalot sa aking binti. Katatapos lamang niyang lumabas para hugasan ang kaniyang kamay. Nilinis niya iyon at habang seryoso siyang pinapalitan iyon ng bago ay napatanong ako. "Ano 'yan?" Itinaas niya ang hawak ang pinagmasdan ito. "Gauze. This would help your skin tissue to heal, or at least protect your wound from exposure. You wanna try? You can do this to yourself if you want to." Dahil sa kuryusidad ay ginawa ko ang kaniyang suhestyon. Sinimulan niyang ilabas ang ilan pang mga kagamitan, kinuha ko ang isa sa mga iyon ngunit kaagad niya akong pinigilan. Ayon sa kaniya, kinakailangan ko raw na linisana ng aking kamay upang makasigurado na ligtas ang mga ilalagay sa aking sugat. Sinunod ko siya, hinugasan ko ang aking kamay at pagkatapos ay pinunas iyon sa aking damit, ngunit nang lumingon ako sa likuran ay naroroon siya at naka-krus ang mga braso. May nagawa ba akong mali? "Bakit?" "You like to cook food, don't you? I've heard that you are a BSSED-TLE instructor, but how come you don't know the proper way of cleaning your hands?" Hindi ko alam ang aking isasagot. Hindi dahil napahiya ako sa kaniyang sinabi ngunit dahil sa pagtataka kung sa papaano niya nalaman ang bagay na iyon tungkol sa akin. Hindi ko kailanman sinabi ang impormasyon na iyon at may hinala ako na si Darius ang may dahilan kung bakit batid ng aking kaharap ang bagay na iyon. Bakit ba alam ng mga ito ang lahat sa akin ngunit miski isa na patungkol sa kanila ay hindi ko manlang batid? Itinago ko ang aking nakatikom na kamao at humingi ng tawad sa doktor. Ayon sa kaniya, kinakailangan daw na maiging nalinis ang kamay dahil maaaring magdulot ng impeksyon ang maruming mga diliri sa sugat, baka raw mas lalong matagalan ang lalong paghilom nito. Bukod pa roon, kailangan ko raw kumuha ng malinis na panyo na siyang pupunasan ko ng basang kamay dahil mauuwi lamang sa wala kung ipapahid ito sa gamit nang kasuotan. Hinayaan kong turuan niya ako sa mga bagay na hindi pamilyar sa akin. Kung hindi ako makakukuha ng impormasyon sa mga tao sa kampo, bakit hindi ko na lamang subukang kunin ito sa doktor na kaharap ko? Kinuha ko ang isang waterproof tape at inilagay iyon sa tabi. Ayon sa kaniya, mainam daw na ito ang aking gamitin at hindi ordinaryong pandikit lang dahil mas tatagal daw ang ganitong klase at makasisigurado na hindi iyon mababasa. Ang bagay na iyon ay ikinataka ko. Kung hindi maaaring mabasa, bakit niya ito nilinis kanina? Hindi ba liquid din iyon? Anong pinagkaiba nito kung bubuhusan ko ng tubig ang sugat ngayon? Ngunit sa halip na sagutin nang maayos ay pabalang nito akong sinagot. Maaari ko raw basain ang sugat nang sa gayo'n ay malaman ko kung bakit. Lihim akong napaikot ng mata. Bakit ba hindi nalang nito sagutin nang diretso ang katanungan ko? Tuluyan kong inilagay ang tela at binalot iyon ng tape. Napabuntong hininga ang lalaki bago napatingin sa kaniyang relo. Bakit ba ganito ang ikinikilos nito ngayon? Hindi ba siya ang unang nagrepresinta na pupwede ko itong gawin sa sarili? Bakit ngayon ay naiinip siya dahil lamang sa aking mga pagkakamali na nagpapabagal ng aking pagkilos? Napailing na lamang ako, ngunit kahit na hindi nagugustuhan ang ikinikilos ay sinubukang maging kalmado. "Bakit mo naisipang mag-doktor, dok?" Umangat ang tingin nito sa akin habang inaasikaso ang mga gamot at vitamins na ibibigay. "Being in this field was not really part of my plan," may halong pagkadismaya sa kaniyang boses ang aking nahimigan. "But as they say, being a military personnel really runs into our blood and I can't get away from that family mindset." "Mahirap ang training, 'no?" Tumango siya. "Yes, have you seen any particular documentary that pertains to soldier training? You could basically imagine us doing the same thing. We eat together with our back straight like there is some sort of cement in our back, you must wake up at dawn just to prepare for physical activities and you have no choice even you are still in sore." Ramdam ko ang pait sa boses ng doktor. Ang isipin na nasa isa kang kalagayan na kung saan wala kang ibang pagpipilian kundi ang sundin ang nakagisnan ng mga nauna sa sa iyo. Naging parte na iyon ng mga kultura ng bawat tao. Ni hindi manlang pumasok sa kanilang isipan na may sariling puso, at utak ang kanilang mga anak na magdidikta sa kanilang nais marating sa buhay. Mahirap mabuhay sa mundo kung saan hindi ka pa man ipinapanganak sa mundo ay mayroon na kaagad na theorya sa isipan kung magiging ano ka. Lumapit ako sa doktor at niyakap siya, hindi na sumagi sa aking isipan ang kaniyang iisipin. Umaasa lamang ako na sa paraang ito ay sana mahanap niya ang lugar na gusto niya. Kung hindi niya nais na maging parte ng militar, maaaring hindi niya rin nais ang mga ginagawa sa kampo na ito. Kung hindi niya nagugustuhan ang mga masinsinang training, malaki ang posibilidad na tutol din siya sa ginagawang pag-eensayo ng mga kabataang naririto. Minuto ang lumipas matapos niyang umalis, hinanap ko ang aking shouldred bag. Kaagad kong nakita ito na nasa isang tabi at marumi. Ikinalat ko ang mga laman niyon, at nang makita ang hinahanap ay hindi ko mapigilan na mapangiti. Totoong mahirap na lumaking may nakatatak na sa isipan ng mga tao. Kahit na gaano pa man kabait sina Mama at Papa, kahit gaano pa man kabuti ang mga taong nakapaligid sa atin, may mga bagay talaga tayong hindi masabi sa kanila. Pinasadasaan ko ng diliri ang litrato, huminto iyon sa kaniyang labi. "Cruz..." Naagaw ng aking pansin ang isang notebook. Inalala ko kung kanino iyon galing at napagtantong pagmamay-ari iyon ni Jordan. Hindi ko pa ito nabubuksan at nawala na rin sa isip ko na gawin iyon. Pinasadasaan ko ng diliri ang bagay na iyon, binalot ito at halatang iningatan nang husto. Binuksan ko ito, tumambad sa akin ang unang pahina. Isa iyong sketch artwork, mga kamay na parang nalulunod. Teka, tama ba ang aking interpretasyon? "Ang bagsik ng hagupit Ng sa puso ay pumipintig..." Bumukas ang pinto. Kaagad kong ibinaba ang notebook na hawak at itinago iyon sa ilalim ng unan. May bitbit na planggana ang babae, lumapit ito sa kumpol ng damit na naroroon. Sa kaniyang ikinilos ay batid ko na ang nais nitong gawin. Kaagad ko siyang pinigilan. Hindi ako sanay na mayroong mga taong maglalaba ng aking mga ginamit na kasuotan, partikular na ang pangloob sa ibaba. Sapat na ang kanilang pag-alalay sa akin, at hindi ako makapapayag sa pagkakataong ito na hindi nila ako palalabasin para malabhan ang mga iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD