Decimate

3150 Words
Sikel Villavicencio Idinikit ko ang aking braso sa noo habang pinagmamasdan ang kisame. Kanina pa hindi mapalagay ang aking isipan dahil sa nangyari kanina. Nang umalis ang doktor, kasunod nitong dumating ang panibagong mukha; may dala siyang planggana na sana ay paglilipatan ng aking mga napaghubarang kasuotan ngunit kaagad ko namang pinigilan siya sa kaniyang nais gawin. Hindi maipagkakaila na naging abala ako sa kaniyang ginagawa, nasabi pa nito na sinasayang ko raw ang oras na igugugol niya sana sa gagawin na siyang hindi mawala sa aking isipan. Hindi malayo ang posibilidad na gumagawa ang mga ito ng mga bagay na nakatakda sa kanila; isa sa mga napansin ko nang makarating dito ay may mga taong nakabantay sa mga kabataan na nag-eensayo at sa mga sumunod na araw ay ibang anyo na naman ang aking masisilayan mula sa maliit na espasyo para sa isang bintana. Bukod pa roon, may mga kabataan ding nagwawalis hindi pa man sumisikat ang araw at kinabukasan ay ibang boses na naman ang aking maririnig. Isa pa sa mga patunay na totoo ang aking theorya ay ang pagkawala sa ng babaeng nakasagutan ko noong nakaraan maging ang malaking lalaki. Naaalala ko pa ang iritang ekspresyon ng lalaki nang tanungin ang bata kung wala bang magbabantay bukod sa kaniya, at ang huling patunay ay ang iba at ibang mukha na pumupunta rito para asikasuhin ako. Sa dalawang linggong iyon, labing apat na mga tao ang aking nakita. Napapaisip tuloy ako kung ilan ang mga tao sa kampong ito. Tumingin ako sa mga damit. Ang mga iyon ay ipinahiram lang sa akin, wala ni isa sa mga suot ko ngayon ay aking pagmamay-ari. Hindi ko man gustong isipin na kahit ang sipilyo ay nagamit na rin ng iba, patuloy pa rin itong pumapasok sa isipan ko. Normal lang naman na pangilabutan kung ganito ang iyong mararanasan, hindi magiging isyu ito sa akin kung galing ang mga ito sa malapit kong kakilala o kamag-anak ngunit ang magmula ang mga ito sa taong hindi ko kailanman nakita? Napailing na lamang ako. Ni hindi nga ako nakasisigurado kung mula iyon sa iisang tao o mas marami pa, ngunit mas malaki ang tyansang sa isang grupo ng mga kababaihan iyon nagmula sapagkat iba-iba ang mga disenyo nito na naaayon rin sa mga paboritong kulay at paboritong fictional character ng mga tao. Hindi nagtutugma na may makikita akong cartoon at ang isa naman ay isang bungo. Bukod pa roon, magkakaiba rin ang mga laki nito. Bakit ba ako dinala rito kung wala manlang mga bagay na nakahanda para sa akin? Muling pumasok sa isipan ang ekspresyon ni Senator Agustin at Darius noong gabing iyon. Marahil ay wala talaga ito sa kanilang plano ngunit dahil sa mga nangyari, wala silang pagpipilian kundi ang ipatuloy ako rito. Ngunit sa kabilang banda ay napapaisip din ako. Bakit kinakailangan kong magtago sa lugar na ito? Hindi ba mas magiging ligtas ako kung nasa ibang bansa? Napahilamos na lamang ako ng mukha kapagdaka'y dumako ang atensyon sa pinto. Wala pa rin ang babae. Lumabas ito kanina upang sundin ang mga pinakiusap ko; sinabi ko rito na ako na lamang ang maglalaba kasabay ng mga saloobin na ang mga gamit na iyon ay pang-personal ko na. Hindi ko rin pinalagpas ang pagkakataon upang masabi na hindi na muling mangyayari ang mga ginawa ko noon at kung kinakailangang may nagbabantay sa akin habang ginagawa ang bagay na ito para lang makasigurado na hindi ako gagawa ng anumang gulo ay hindi ko sila pipigilan. At dahil hindi ko nais bitawan ang mga gamit, wala ring nagawa ang babae kundi lumabas. Labing limang minuto na ang lumipas. Dahil walang kahit anong bagay na maaaring maging timer, ginawa ko na lamang ang pinakahuling paraan at iyon ay ang magbilang sa isipan. Kahit na hindi ako sigurado sa agwat ng pagbilang, maging ang nakakabagot na paulit-ulit na ginagawa ay wala akong pagpipilian. Kamuntikan na nga rin akong makaidlip dahil sa ginagawa kung kaya kinukurot ang sarili nang paulit-ulit. Marahil ito ang kaniyang nais, ang makatulog ako sa paghihintay sa kaniya upang masilisihan sa mga ito. Bumangon ako upang dalhin sana iyon sa aking tabi. Kung sakali mang makatutulog, mararamdaman ko ang nais pasukin ang pagkakataon na iyon. Nasa gano'n akong posisyon nang bumukas ang pinto, muling pumasok ang babae kanina ngunit hindi siya nag-iisa. Nasa tabi niya ang isa ring babae ngunit may katandaan. Kung tama ang pagkakaalala ko, ito ang siyang nakita kong sinabihan ang batang napa-hatsing habang kumakain na tuturuan ito ng leksyon. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan habang taas-noo niya akong pinasadasaan ng tingin. "Maglalaba ka?" Sunod-sunod akong tumango. "Ah, oo." Ikiniskis ko ang aking mga palad sa likuran habang kumukuha ng lakas ng loob. "Kailangan na ako ang gumawa kasi—" "Kaya na ba ng katawan mo?" Tumango ko. "Naghi—" "Sumunod ka sa akin." Bagaman hindi nagugustuhan ang pagputol niya sa aking mga sinasabi ay sumunod ako sa kaniya. Hindi pa man kami nakalalabas ng bahay ay tumigil siya at pinanliitan ako ng tingin. Sinabi nito na dalhin ko ang mga labahin dahil lalabas daw ako hindi para mamasyal kundi maglalaba. Natatarantang sinunod ko ang kaniyang sinabi, sinubukan akong tulungan ng isang babae sa pagbubuhat ngunit mahigpit na ipinagbawal nito ang gagawin. Magaling na raw ako kagaya ng aking sinabi at dapat na ako na ang gagawa ng mga gawain para sa sarili. Ayon pa sa kaniya, hindi por que anak ako ni Senator Agustin ay magbubuhay reyna ako, nasa pugad daw nila ako at kung tutuusin ay isang bihag. Binalaan pa ako ng babae na huwag magsasalita laban sa kanila sa harap ng lalaki kung hindi ay alam ko na ang mangyayari. Tumango na lamang ako sa kaniyang mga sinabi kahit na hindi naiintindihan kung bakit gano'n ang kaniyang mga iniusal. Wala sa aking isipan kung hindi buhay prinsesa ang aking nararanasan sa kanilang lugar, ngunit ang magsalita laban sa taong pumuprotekta sa kanila? Sa tingin ko ay ibang usapan iyon. Tama bang isipin ko na ang mga taong nandirito ay hindi talaga kakampi ang turing sa bawat isa? Sadyang kakaiba ang kaniyang ikinikilos kumpara sa kanilang naging paraan ng pagbati noong kararating ko lamang dito. Dahil ba iyon sa aking ginawang pagtakas? Tuluyan kaming nakalabas sa bahay. Hindi ko maiwasang mapatingala at damhin ang sikat ng araw na humahaplos sa aking balat, hinayaan ko ang aking sarili na magalak kahit batid ko na malayo pa sa paraiso ang lugar na ito. Muli kong nasilayan ang mga mukha ng mga tao at ang ilan sa mga ito ay pamilyar na sa akin, nakuha ko rin ang kanilang atensyon ngunit hindi tumagal ng sampung segundo dahil muli itong bumalik sa kani-kaniyang ginagawa. Napabuga ako nang hangin bago nagpatuloy sa paglalakad, hindi nagtagal ay nakarating din kami sa isang lugar na merong mga kababaihan. Salungat sa ekspresyon ng mga tao sa kabila, ang mga narito ay may bahid ng saya sa mga mukha. Naabutan namin silang nagkukwentuhan na para bang tipikal na may bahay at magkakaibigan, ngunit nawala iyon nang mapansin nilang paparating kami. Naging bingi sa katahimikan ang mga tao, hindi dumapo ang mga mata nila sa amin, at naging mabilis ang pagkilos ng mga ito. Bagaman nakita ng babae ang ikilos ng mga naglalaba, pinili niyang huwag silang suwayin. Inilapag ko ang planggana at hinawakan ang pulso dahil sa p*******t nito, pinaikot-ikot ko ang aking kamay upang mawala ang pangangalay. Inutusan ako nito na bilisan ang kilos, sinabi pa niya na kumuha na lamang ako ng sabon mula sa mga taong kasama ko. At pagkatapos na iyon ay tuluyan kaming iniwan nang dalawa, nang ituon ko ang atensyon sa apat na babaeng kasama ko ay kapansin-pansin na umaliwalas ang mga mukha ng mga ito, nawala ang tensyon na bumabalot kanina, nagsitinginan ang mga ito sa isa at isa na para bang may ipinaparating na mensahe saka napabungisngis. "Anong pangalan mo? Bagong kasapi ka ba?" Walang pasubaling tanong ng isa kung kaya naisiko siya ng kasama niya na tumawa at humingi ng pasensya. "Masyado lang talaga siyang gan'yan, pero mabait naman 'yan." Nagpakilala ang mga ito sa akin at pilit kong itinatak sa isipan iyon. Magmula nang makarating ako rito, sa dami ng aking mga nakasalamuha, bilang na lamang sa mga daliri ang mga naaalala ko. Dumating sa puntong gumagawa ako ng sariling kompisitong kanta na hango sa pangalan nila para lamang matandaan ko. "Ano nga palang pangalan mo?" Sandaling katahimikan. Inalala ko ang mga bilin ng babae habang naglalakad kami na huwag ko raw sasabihin ang aking tunay na pagkakakilanlan para sa aking proteksyon. Muli akong bumalik sa kasalukuyan at pinagmasdan ang apat na pares ng mga matang nakamasid, hinihintay ang aking sasabihin. "Diana," sagot ko. Pinili kong gamitin ang aking screen name sa trabaho bilang call center agent. Iyon lamang ang pangalang pumasok sa isipan ko nang sabihing kailangan kong mag-isip ng ibang alyas. Tumango ang apat at nagpatuloy sa ginagawa, habang ako naman ay ipinaghiwalay ang kulay ng mga damit. Napansin kong tumitingin sa akin ang apat na babae kung kaya hindi ko napigilan ang sariling tanungin sila. "Hindi kasi iyan ang gawain dito," tugon ng isa. Pinagmasdan ko ang kanilang mga labahan, nagkakasama nga ang mga decolor at puti. "Sa ibaba ka ba galing?" "Ibang bayan ang tinutukoy niya," pagkaklaro ng pangalawa. Tumango na lamang ako dahil wala rin namang silbi ang pagsisinungaling kung wala ka ng lusot. At isa pa, batid kong hindi rin nila ako paniniwalaan kung sasabihin kong matagal na akong miyembro rito. "Kaya pala..." "Gusto ko ng pagbabago," wika ko. "Gusto kong ipaglaban ang mga isinusulong ng samahan dahil naniniwala ako sa bagong Pilipinas." Sumang-ayon ang mga babae. Nagsimula itong magkwento ng mga dahilan kung bakit sila napunta rito, ayon sa kanila ay mga asawa nila ang mga miyembro at sa una ay tutol daw sila sa mga ito ngunit nang mawalan sila ng mga palayan na sinasaka dahil sa pagkamkam ng gobyerno, tuluyang nagbago ang kanilang pananaw at nagdesisyong lumaban. Hindi raw sila naniniwala na makukuha sa mahinahong usapin ang lahat, kailangan nilang maging malakas upang magkaroon ng boses. Kung kaya bumyahe pa sila mula sa kani-kanilang probinsya upang makapunta rito, at ang kanilang mga nagastos ay sagot ng samahan. "May kani-kaniyang istasyon ang bawat nandito," k'wento ng babae. "May sa hilaga, timog, silangan, at kanluran para makasiguradong makikita kaagad namin sakaling may kalaban." Ang bagay na iyon ay hindi ko masasabing may kasiguraduhan. Marahil nga ay may kani-kaniya silang estasyon, ngunit ang bantayan at masiguradong ligtas ang paligid? Malabo. Masyadong malaki ang Sierra Madre at suntok sa buwan ang kaniyang sinasabi. Tumango na lamang ako sa kaniyang itinuran. Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi ko pa nasisilayan ang ibang mga tao, nasa ibang estasyon sila, at sana ay naroroon si Darius. Hindi ko gustong malaman na bumaba siya ng bundok at gawin ang mga hindi kaaya-ayang mga bagay. Muli kong ibinalik ang atensyon sa mga damit, sinimulan ko ring kumuha ng tubig sa balon nang may pag-iingat. Bukas-palad din akong binigyan ng mga ito ng sabon. Nagpatuloy kami sa paglalaba, at habang naroroon ay hindi maiwasan ang usapang malalaswa. Pilit ko na lamang ipasok at ilabas sa aking tenga ang kanilang mga usapan tungkol sa kanilang mga asawa at buhay pag-ibig, ngunit sa kabilang banda ay hindi ko maiwasang mahawa sa kanilang mga tawa. "Ikaw ba Diana, may kasintahan na?" "Hinay-hinay sa pagtanong, namumula siya!" Napailing na lamang ako sa kanilang pang-aasar. "Nako, mag-iingat ka! Ang dami pa namang patusok dito," wika ng babae sabay halakhak. Ano bang naisip ng mga ito at isinama ako sa kanilang usapan? Mukha bang kailangan ko ng tusok? Binilisan ko ang pagkukuskos, kailangan ko nang makaalis dito. "Marami ding mga binata rito sa kampo, irereto kita sa isa sa kanila kung gusto mo. Maganda ka naman kaya walang magiging problema 'yon," pinagmasdan ko ang apat na mga kababaihan. Nag-uusap ang mga ito na para bang wala ako sa kanilang harapan at at lantarang ibinubugaw. Kilig na kilig ang mga ito sa mga plano na kulang na lamang ay kahit ang kasal ay pagplanuhan na rin nila. Sinubukan kong intindihin kung bakit nila ginagawa ang mga iyon, marahil masyado lang silang nababagot sa kanilang mga buhay. "Si Jose!" umangat ang tingin ko sa isang babae, ngumiti ito sa akin. "Bagay kayo ni Jose." "Aba oo, kay gwapong binata at matalino pa. Masyado nga lang mainitin ang ulo. Pero siguradong kulang lang sa dilig iyon. Ipapakilala ka namin sa kaniya Diana." "Kulang ako sa dilig?" mula sa likuran, muli kong narinig ang pamilyar na boses. Tumambol ang aking puso, kusang huminto ang aking mga kamay sa pagkuskos. Pinagmasdan ko ang apat na mga kababaihan sa harapan, partikular na ang huling nagsalita na tila nawalan ang kulay ang mukha. Dali-dali itong umalis at sinabing tapos na raw siya sa ginagawa, sinundan naman ito ng tatlo pa na halatang natataranta. Naging tahimik ang paligid, ramdam ko ang mga matang nakatingin sa akin. "Diana?" Hinarap ko siya. Kapansin-pansin ang humaba niyang buhok, tumubo rin nang bahagya ang kaniya balbas at bigote, nakasuot siya ng puting t-shirt at prenteng nakasandal sa puno habang nakapasok ang kamay sa bulsa ng shorts. "Kailangan ko raw gumamit ng ibang pangalan." Tumango si Darius, naiintindihan ang ibig sabihin ng bawat salitang aking binanggit. Lumapit ito, kinuha ang upuan na naiwan ng babae at ginamit iyon. "Bakit ikaw ang naglalaba?" "Hindi ko gustong may naglalaba ng mga gamit ko," aking sagot bago muling kumuha ng tubig sa balon para sa pang-anlaw. Tumayo ang lalaki at nagbabadyang tulungan ako ngunit aking pinigilan. "Kaya ko na." Huminga ito nang malalim at pinagmasdan ang aking katawan. Hindi ko magawang isipin na binabastos ako nito dahil may bahid ng pag-aalala sa kaniyang mukha. Malalim din ang mata nito na para bang walang naging matinong tulog, bukod pa roon, kapansin-pansin na nangangayayat siya. May kakaiba rin itong ginagawa, hindi ito makatitig sa aking mga mata nang diretso hindi gaya ng nakagawian. "Kumusta na ang pakiramdam mo?" "Maayos na," hinintay ko ang susunod na sasabihin nito. Inaasahan ko na magpupumilit siya na sabihing hindi ako maayos dahil iyon naman ang kaniyang ugali, ngunit bigo ako. Tumango lamang siya nang wala sa ayos at hindi na muli pang nagsalita. Bumalik ako sa paglalaba at pasulyap-sulyap sa kaniya ngunit nanatili siyang nakasandal sa puno at nakatalikod sa akin. Dinapuan ko ng tingin ang kaniyang pinagmamasdan ngunit walang kahit anong interesanteng bagay doon. Muli akong nagpatuloy sa ginagawa, at nang matapos iyon ay binuhat ang mga labahin. Nang makarating sa kaniyang puwesto ay hindi ko maiwasang sulyapan siya, nakapingit ang mga mata ng lalaki habang ang mga kamay nito ay bagsak sa basang mga dahon. Nagpatuloy ako sa paglalakad ngunit hindi pa man nakalalayo ay napahinto rin at nilapitan siya. "Darius," tinapik ko ang kaniyang mukha ngunit wala siyang kibo, bahagya kong nilakasan ngunit hindi pa rin siya nagising. Ano bang ginagawa ng lalaking ito sa mga nakalipas na araw? Mukhang pinabayaan niya ang kaniyang sarili, pumayat ang mukha nito. Buhuntong hininga ako bago bumwelo para sana sa isang mas malakas na sampal ngunit iminulat nito ng kaniyang mga mata, kasabay ng paghawak sa aking braso. Marahas kong hinila ang aking kamay mula sa kaniyang pagkakahawak bago salubong ang kilay na hinarap siya, sunod ay kinuha ang mga nilabhan at naglakad palayo mula sa lalaki. Napakagaling talaga nitong magpanggap. Hindi ko na dapat inaksaya ang oras sa kaniya, hindi na dapat ako nag-aalala na baka matuklaw siya ng ahas sa gubat. Nananakit ang buong katawan nang makarating ako sa kinaroroon, wala pa roon ang oras na aking iginugol sa pagsampay ng mga iyon. Isa sa mga bagay na katangian ng mga taong naririto ay mayroon silang isang salita. Noong ipinagbawal na tulungan ako, wala ni isa sa kanila ang sumuway ng pinag-uuto na iyon. Napakamasunurin ng mga taong rito talaga. Ngunit bakit ba ako naglalabas ng sama ng loob? Ako ang may kagustuhan nito. Kung hindi na sana ako nagpumilit pa na gawin ang gawaing iyon, walang mangyayari na ganito. Pabagsak akong humiga sa kama, mabuti na lamang at ang aking higaan ay mas kaaya-aya kaysa sa mga pangyayari at mga tao sa paligid. Ipinikit ko ang aking mga mata, hinayaang patuloy na dumaloy at matuyuan ng pawis ang sarili. Dahil na marahil sa pagod ay unti-unti akong dinadalaw ng antok, nararamdaman kong umaalis ang diwa sa aking sarili, hanggang sa tuluyan na akong tuluyang binalot nito. Kakaiba. Kadalasan ay palagi kong naaalala ang aking mga panaginip. Dahil nga may kakayahan akong kontrolin ito, mula paggising ay batid ko ang mga nangyayari at kaya kong i-kwento ito nang buo. Ngunit ngayong araw, habang naglalakad ay napatulala sa kawalan. Wala akong panaginip. Dala ng matinding pagod ay hindi na kinaya ng aking isipan ang lumikha ng anumang detalye. Marahil ay limitasyon din ang ating utak, sinasabi nito kung kinakailangan na nating magpahinga muna, na hindi natin dapat sinasagad ang sarili. Habang nasa estadong iyon, napagtanto ko na masyado kong inabuso ang aking katawan. Para lamang may mapatunayan sa sarili, triple ang naging pagod ko para sa mga paghahanap ng trabaho, lalo na nang malaman kong kinakailangang ipa-hospital si Papa. Hindi naman sakop ng gobyerno ang lahat ng gastusin, naririyan ang maintenance na siyang sakit sa ulo. "Sierra?" Napatingin ako sa aking harapan, doon ay nakita ko si Darius na kunot-noong nakatingin sa akin. Mas maayos na ang lagay nito nang huli kaming magkita, wala ng bakas ng pagkabalisa sa kaniyang mga mata dahil maayos na niya itong naididikit sa akin, hindi na rin pasuray-suray ang kaniyang paglalakad, at kahit malaki ang binawas ng kaniyang katawan at pagbabago ng mukha, mas nais kong makitang nasa ganito siyang kalagayan kaysa huli. "Kailangan mong bilisan, kailangan mong hasain ang tuhod mo." Magmula nang dumating siya rito mula sa kung saan man siya galing, nagsimula na ang pagbabago sa ikinikilos ng lalaki. Hindi ito makausap nang maayos na siyang una ay inakala kong pagpapanggap lamang. Bukod pa roon, nang magising ako ay natagpuan ko siyang nakatingin sa akin kung kaya halos atakihin ako sa puso kahit wala naman akong sakit. Akala ko ay panaginip lamang ang nangyayari ngunit hindi, naroroon talaga siya at walang pasubaling sinabihan akong maghanda. Ni hindi nito sinabi kung para saan, nang dalhin ko nang bag ay kaagad niya akong pinigilan. Ano ang klaseng paghahanda ang gagawin ko kung wala akong miski kahit anong dala bukod sa aking sarili? Ano ba ang iniisip ng lalaking ito? Binalot din ng pagtataka ang kampo. Sinubukan nilang alamin kung para saan ang mga ginagawa ng lalaki ngunit wala sila sa posisyon para gawin iyon sapagkat mas mataas pa rin ang katungkulan ni Darius sa kanila. Napakapit ako sa aking tuhod habang hinahabol ang aking hininga, matalim ang mga titig ang aking ipinukol. Batid kong alam niya kung ano ang nais kong iparating. Bumagsak ang kaniyang balikat. "S-sierra, h-hindi sila t-tumitigil sa p-paghahanap sa iyo..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD