Sikel Villavicencio
Bumagsak ang aking mga tuhod sa kumpol ng mga natuyong dahon na kumalat sa paligid, lumikha ito ng tunog na siyang bumasag sa pananahimik ko; sinabayan ito ng huni ng mga ibon. Kakaiba. Minsan ko nang napuri ang tunog na nililokha ng mga ito dahil sa tuwing hindi makatulog, ninanais ko na gamitin ang cellphone, matatagpuan ang sarili na hinahanap ang mga musikang huni ng ibon at mga puno, ang ihip ng hangin, o hindi kaya ay ang malumanay na pagpatak ng ulan. Magpapatugtog niyon habang nakalagay sa tenga ang earphone, at hahayaang lumipad sa kalawakan ang kaisipan.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ko ramdam ang bagay na iyon. Sumasalungat ang ipinaparating ng mga ibon—pamamaalam. Pinagmasdan ko ang aking mga darili na nanginginig, hindi ko ito makontrol; singbilis niyon ang dagundong ng aking puso habang paulit-ulit na pumapasok sa isipan ang mga sinabi ni Darius.
"Sierra, hindi sila tumitigil sa paghahanap sa iyo," nakatingin ang lalaki sa akin, bakas ang awa sa kaniyang mga mata. Nais nito akong lapitan ngunit pinili niyang magpigil, nirerespeto niya na kinakailangan kong mag-isa. Nanatili siya sa kaniyang puwesto, nagdadalawang isip kung ano ang mga susunod na sasabihin ngunit wala rin siyang mapagpipilian. Ngunit ang bagay na iyon ay wala sa aking isipan, batid ko na nasa panganib ang aking buhay kung kaya pinili nilang dalhin ako rito—ang kagubatan na mayroong kani-kaniyang estasyon upang lubos na makita ang mga nangyayari sa paligid.
"Yon lang ba ang dahilan kung bakit tayo narito?" Pinagod ba niya ako para lamang sabihin ang bagay na alam ko na? Sa pagkakaalala ko, lumuwas ako papunta sa Manila dahil nakatanggap ako ng braha, at sa pagkakataong iyon palang ay ramdam ko na hindi biro ang mga nangyayari. Ngunit ano pa ba ang dapat kong isipin bukod sa pagpaplano kung papaano ko makukuha ang loob ng mga taong narito?
Nakita ko ang kaniyang pag-aalinlangan sa susunod na sasabihin. Wala akong panahon para pag-aksayahan iyon ng oras, tumungo siya sa bahay para lamang sabihan akong maghanda, ang halos takbuhin ang aming dinaraanan dahil sa bilis ng kaniyang paglalaan at idagdag pa ang katotohanang pinagbawalan niya akong magdala ng anumang bagay bukod sa aking sarili, ang sabihin sa akin na nasa panganib ang buhay ko kahit batid ko na ang bagay na iyon, at ang pag-aalinlangan sa kaniyang mga mata. Hindi na niya dapat ako sinama rito kung hindi pa buo ang kaniyang pagpapasya. Tinalikuran ko ang lalaki, tinawag ako nito ngunit parang binging hindi ko siya pinakinggan. Pinagmasdan ko ang aming mga dinaraanan at gayo'n na lamang ang inis na naramdaman nang mapagtanto na masyadong malayo na ang narating. Wala akong nagawang palatandaan, at pawang pare-pareho ang mga puno sa lugar na ito para maunawaan kung saang direksyon ang pupuntahan. Nanliit ang aking mga mata, naalala ko na naging pasikot-sikot ang aming ginawa para lamang makarating sa lugar na ito, hinarap ko ang lalaki.
"Sinadya mo ba ito?" Walang pagdadalawang isip na tumango siya. Naibuka ko na lamang ang aking bibig. Hindi ko alam kung ikatutuwa ko na mukhang sa mga lumipas na araw at taon naming magkakilala, ngayon lamang ito nagsabi ng totoo at sa ganitong bagay pa.
"Hindi pa ba tayo babalik?"
Nanatili kami sa lugar na iyon. Pinilit niya akong maglakad muli ngunit sumandal na lamang ako sa puno at naupo. Kailangan kong kumuha ng lakas para sa pagbaba mamaya. Pinaglaruan ko ang mga dahon na nagkalat na para bang isa iyon sa pinakainteresanteng bagay sa mundo. Tinawag ako ni Darius, ngunit mas lalo ko lamang dinamihan ang kumpol ng mga dahon na nasa aking palad para ibalot iyon sa aking nakasaradong kamay para gumawa ng ingay.
"Nahanap na namin si Jordan," napahinto ako sa pagdampot ng mga dahon. Namalayan ko ang sarili na tumayo upang makuha at bahagyang lumapit sa kaniya para marinig ang kaniyang mga sasabihin. Tama ba ang narinig ko? Nakita na nila si Jordan? Nakangiti ako sa kaniya, puntong-puno ng pag-asa ang mukha. Talaga bang hinanap nito si Jordan kahit pinagbawalan ito ni Senator Agustin?
"Talaga? Saan? Kumusta siya?" Hindi ito nagsalita. Nais kong kumuha ng bato upang ihagis sa kaniya dahil iniiwan ako nito sa ere, ngunit pilit na pinigilan ang sarili. Walang mabuting maidudulot iyon lalo pa kung may kailangan ako sa kaniya. "Darius, kailangan ko siyang makita."
"Dinala ko siya rito," lalong tumambol ang puso ko sa saya. Kung gayo'n, dinala rin siya rito para masiguradong ligtas. Mas mainam nga iyon na gawin lalo na kung ginagamit ito ng kalaban upang makontrol ako. Hindi ko alam ang mga susunod na gagawin, gusto kong magpasalamat kay Darius dahil sa mga ginawa niya pero hindi ko alam kung saan at kung papaano ako magsisimula. Dalawang linggo siyang nawala para lamang maibalik nang ligtas si Jordan, sapat na ba ang pagwika ng pasasalamat para sa nangyari? Hindi naman nito nais ng materyal na bagay, sa laki ng ipinapasahod sa kaniya ng senator ay batid kong kaya niyang bumili ng kahit anong naisin niya. Huminga ako nang malalim, paulit-ulit na sinasabi ang mga salita, hanggang sa kusa na itong lumabas sa aking bibig.
"Salam—""
"Ang ulo niya," wika ng lalaki. Kumunot ang aking noo dahil hindi lubos na naunawan ang kaniyang inusal. Nawala rin ang aking ngiti habang pinapaulit sa kaniya ang mga salita. "Ang ulo niya!"
Napahilamos ng mukha si Darius, marahas ang paghinga, napasabunot pa ito ng mukha at kumawala ang sigaw sa kaniyang sarili. Sa pagkakataon na iyon, ramdam ko na hindi nagsisinungaling ang lalaki. "Tangina, Sierra, buong buhay ko pumapatay ako pero ni minsan hindi ako pumugot ng ulo ng tao nang buhay 'tapos magpapadala ng video para lang marinig ang....a-ang pagmamakaawa, ang pag-impit sa sakit, ang pagtulo ng luha dahil wala ka nang takas," kumawala ang tawa sa lalaki, puno iyon ng sarkasmo. "Demonyo ako pero may mas halang pa pala na kaluluwa kaysa sa akin. Walang puso ang ama mo pero putanginang tao nito!"
Nakayuko. Hawak pa rin ang mga dahon matapos ang mga pangyayari. Para akong nakalutang sa ere 'tapos ibinagsak nang lubusan dahil sa bigat ng nararamdaman. Pinunasan ko ang aking mga luha bago pinilit ang sarili na tumayo kahit na bahagyang nanginginig pa rin ang aking mga tuhod. Nang iangat ang tingin, nakita si Darius na nakatutok ang atensyon sa aking kinaroroonan.
"Kailangan kong umuwi..." Umiling ito. "Darius, kailangan kong umuwi."
"Alam mong hindi p'wede, Sierra. Lalo na sa mga nangyari ngayon, kailangan nating maging doble ingat."
"Hindi mo ako naiintindihan!" Tumakbo ako patungo sa kaniya, pinilit kong hablutin ang kaniyang leeg upang masakal siga Sina Mama at Papa, ngunit nauwi lamang sa pagtumba namin ang nangyari, nagpagulong-gulong kami sa ibabaw ng mga dahon; ako na sakal ang kaniyang leeg habang siya na nakakapit sa aking mga braso. Mas lalong sumisidhi ang aking emosyon nang mapansing hindi manlang siya lumalaban kung kaya makailangang beses kong sinundok ang kaniyang mukha. Tinulak ako nito, namalayan ko na lamang na pumaibabaw na siya sa akin. Sinubukan ko siyang sipain, kalmutin, ngunit kahit duraan ko siya ay hindi iyon naging sapat na dahilan upang pakawalan niya ako. Hinila nito ang aking dalawang kamay at inilagay sa magkabilang gilid ng aking mukha.
"Sierra," sabi nito sa pagitan ng paghingal. Namumula ang mukha ng lalaki, maging ang mga braso nito. "Hindi ka p'wedeng umalis. Hindi pa namin kilala kung sino ang nasa likod nito, nakipag-ugnayan na kami sa NBI at PNP para mapadali ang paghahanap. Wala kaming choice dahil sila sa mismo ang lumapit sa amin dahil kumalat na sa internet ang mga nangyayari."
Patuloy akong nagpupumiglas. Nananakit ang aking pulso dahil sa diin ng kaniyang mga kamay. "Sina mama at papa; kailangan maging ligtas sila. Nagmamakaawa ako, Darius, hindi ko kaya na mawala sila."
Hindi nakapagsalita si Darius, hinila ako nito sa isang punong mistulang baging bago itinali roon, lumilikha ng diretsong linya ang mga nangyayari at dahil naiaalis sa pwesto ang mga dahin ay lumilitaw ang lupa. Hindi na inisip ng lalaki kahit magalusan ako sa ginawa niyang iyon. Nang matapos ay napaupo siya at hinahabol ang hininga. Minuto ang lumipas na nasa gano'n kaming kalagayan,
"Magkakilala ba ang mama mo at si Jordan?" tanong nito sa kalagitnaan ng katahimikan. Akala ko ay tinulugan na ako ng lalaki, kanina ko pa pilit na pinapakawalan ang sarili ngunit hindi magawa. "Kasama sa mga natagpuan sa crime scene ang cellphone ng estudyante mo. Base sa inspeksyon, ang huling nakausap ni Jordan ay ang mama mo."
Napaisip ako sa kaniyang mga sinabi. Hindi kailanman binanggit ni mama na may nakilala siyang tao, palakwento itong tao kung kaya kung may makilala man ito ay kaagad niyang sasabihin sa akin. Teka, ano bang nangyayari? Bakit tinatanong ito sa akin ni Darius? Sinabi nito kung anong araw nawala si Jordan, maging ang araw ng pagtawag. Iyon din ang araw kung saan pinuntahan pupuntahan ko sana sila para magdala ng pagkain ngunit naging abala ako sa paghahanap sa estudyante. Naaalala ko pa na pumunta kami sa hospital ngunit hindi ko manlang nagawang bisitahin ang kuwarto kung saan sila nananatili dahil sa binalot na ako ng pagkabahala. Matalim ang mga tingin na ipinukol ko kay Darius. Hindi ko gusto ang mga ipinaparating ng kaniyang mga sinasabi, ngunit nais ko pa ring malaman kung saan patungo ang usapang ito.
"Nawawala ang mama mo."
Halos ito rin ang katumbas nang sabihin sa akin ni Tado na nasagasaan si Jordan. At ngayon lang ay nalaman kong wala na itong buhay. Napapadyak ako, pilit na hinihila ang sarili sa pagkakatali, ramdam ko ang pamamanhid ng kamay dahil sa ginagawa ngunit desperado akong makawala. Walang patid ang pag-agos ng luha ngunit hindi ko ito magawang punasan.
Tumayo si Darius nang mapagtanto na wala akong balak tumigil. Isa lamang ang nais nito sa mga panahon na iyon. Hinila nito ang aking buhok para makatayo, bumuntong hininga, bago ngumiti ito sa akin. Kasunod na lamang niyon ay ang pamimilipit ng aking tiyan, parang binaliktad ang aking sikmura, ramdam ko ang panandaling paghinto ng aking puso. Nadama ko ang mainit na hininga sa aking tenga, may mga inuusal ito ngunit masyado akong nawala sa sarili upang maisip pa iyon. Ramdam ko ang pagluwang ng pagkakatali sa akin ngunit hindi ko magawang tumakbo, umangat ako sa lupa at parang lindol ang bawat pag-alis ko sa puwesto.
Nagising akong habol ang aking hininga. Kaagad akong napabalikwas ng bangon at kumuha ng makikita kong pinakamalapit na sandata para sa kung sino mang magtatangkang lumapit. Ano ang bagay na iyon? Walang iba kundi sanga ng natuyong puno. Dumako ang tingin ko sa apoy hindi kalayuan sa akin, doon ay natagpuan ko si Darius na nakahiga. Dahan-dahan ang aking naging pag-alis sa puwesto, nilapitan ko siya habang hawak pa rin ang tinatawag na sandata, mahigpit ang kapit ko roon. Nang makarating sa puwesto ni Darius, natagpuan ko siyang hindi lang basta nakahiga kung hindi ay natutulog.
Muling bumalik sa akin ang kaniyang mga ginawa. Hindi ko gustong isipin na nagmamalasakit siya dahil kung oo, hindi ko iyon ramdam. Brutal siyang tao at ang kaniyang mga nais ang gusto niyang palaging nasusunod. Naaalala ko pa kung papaano niya ako kaladkarin sa mansyon ng Villavicencio sa Forbes Park, ang pagtapon niya sa akin papasok sa kotse na kinauntog at ikinadugo ng aking noo, maging ang mga pagsisinungaling niya sa akin taon na ang nakalilipas, at nito lang ay ang muli niyang paghila, pagtali, at pagsikmura sa akin para lamang mawala sa ulirat. Kung mabuti man siyang tao ay hindi ko ramdam iyon, o kung naging mabuti man siya ay batid kong pawang mga kasinungalingan lang.
Punong-puno na ako. Punong-puno sa mga emosyon na gustong sumabog dahil sa mga nangyayari. Dumakong muli ang aking tingin sa kahoy at kayn Darius, napahigpit ang kapit ko sa bagay na aking hawak. Iniisip kong kaliwa at kanan na itusok sa kaniyang mga mata, o hindi kaya ay paulit-ulit na isaksak sa kaniyang leeg iyon. Bumwelo ako, handang itarak iyon sa kaniya nang makarinig ako ng pagkasa ng baril.
"Huwag kang magdadalawang isip," Nakatingin ang lalaki sa akin. Maayos ang mata nito na para bang hindi siya galing sa pagkakatulog. Kung gayon, nagpapanggap na naman siya. At muli, naging biktima na naman ako. "Yan ang unang rule, Sierra."
Tinitigan ko ang baril na iyon, ngunit mas lalong itinutok ng lalaki ang baril sa akin. "Huwag kang magpapahalata sa mga plano mo. Yan ang pangalawang tatandaan mo."
Mula sa pagkakahiga ay walang kahirap-hirap itong nakatayo habang hindi pa rin inaalis ang tingin sa akin, maging ang baril nito ay nakatutok sa akin. Nakakasa iyon at balak ba niya talagang iputok? Walang duda. Maaari nga niyang gawin iyon, at dapat niyang gawin dahil makailang beses akong tumutol sa kaniyang mga sinabi at ipinag-uutos. Bibigyan pa niya ako ng pabor kapag ginawa niya iyon dahil sa mga nangyayari sa buhay ko.
Huminga nang malalim si Darius saka tumingin sa itaas. Madilim na ang paligid, nalipasan na kami ng araw maging ng pagkain. Ramdam ko ang pagkulo ng aking sikmura na sumisigaw sa kagutuman. Maaaring mayroong mga prutas dito sa paligid ngunit ang problema ay walang ilaw, meron mang apoy ay limitado lang ang masasakop nito. Wala rin kaming gasolina upang mayroong magtagal ang bitbitin na liwanag kung kinakailangan.
Ngunit si Darius. Hindi naman maaaring nakapagsimula siyang magpaapoy nang walang bitbit na lighter, hindi ba? Oo, posibleng hindi lang lighter ang dala nito. Hindi lang maliit na flashlight mula sa lighter ang magsisilbi naming liwamag dahil hindi naman siya gano'n kahina para hindi isipin na delikado ang walang liwanag sa lugar na ito. Kung bakit ba kasi hindi nalang kami bumalik sa kuta kanina.
"Nagugutom na ako." Wala sa sariling sabi ko habang pinagmamasdan ang apoy. Wala na ring nakagapos sa akin, malaya na akong gawin ang aking nais ngunit hindi pupwedeng mag-isa sa lugar na ito lalo na kung may mga estasyon sila na may mga taong hindi ako kilala. Ang muli akong mapagkamalang espiya at muling mabaril? Hindi ko na muling gustong mangyari uli iyon.
"Maghahanap tayo."
"Hahanapin mo rin ba si mama?" Tumingin siya sa akin, pilit akong ngumiti. "Sila nalang ang natitira sa akin. Sobrang bait niya para mangyari ito sa kaniya, sa lahat ng paghihirap na isinakripisyo niya sa pagpapalaki sa akin, sa mga panlalait na natanggap niya, pero nananatili pa rin siyang matatag." Hindi ko napigilan ang aking sarili, lumapit ako kay Darius at niyakap niya. Nakiusap, o mas tamang sabihin na nagmamakaawa para magawan ng paraan ang mga nangyayari.
Nakakatawa. Gusto ko siyang masaktan gayo'ng siya lang din ang batid kong makatutulong sa sitwasyon ko. Ngunit walang panahon ang kahihiyan sa mga oras na ito, kapag nasa ganitong sitwasyon, mas nanaisin mong kumapit sa patalim para lamang magawa ang gusto. Batid ko na gagawin ni Darius ang anumang pinag-uutos ni Senator Agustin, ngunit naubusan na ako ng pagpipilian.
Inialis ko ang pagkakayakap kay Darius. Hinawakan ko ang kamay ng lalaki bago muling nagtagpo ang aming mga titig. May iuusal sana siyang mga salita ngunit kaagad na nawala sa isip niya iyon nang dumampi ang labi sa isa't isa.