Sikel Villavicencio
"Pagtiisan muna ng sikmura niyo ito," iniabot ni Darius ang pagkain na binili niya sa bayan. Hindi magkamayaw ang mga kalalakihan sa pagkuha nito. Karamihan sa mga ito ay nakasuot ng decolor na damit, kapansin-pansin ang ibang mga bata na nilalamig dahil sa basang kasuotan, ngunit walang pakialam ang mga mas nakatatanda sa paligid. Tila ba sanay na ang mga ito sa mga nangyayari, mga batang puno ng pawis at amoy putik, nagkalat ang mga ito sa paligid at walang sinuman ang nagtangkang kwestyunin ang mga ito. "Natapon kasi ang mga dapat na dadalhin ko," nilingon ako ng lalaki at kaagad akong napaiwas ng tingin. Alam ko ang nais nitong iparating; ang mga pagkain na binili niya kahapon sa isang fast food chain na umabot sa dalawang plastic na kaniyang inihagis sa dalawang taong naging sagabal sa aming tangkang pag-alis sa lugar na iyon. Ang mga pagkain pala na iyon ay para sa mga mamamayan na nakatira rito sa ilalim ng bundok. Muli kong pinasadasaan ng tingin ang paligid, hindi maalis sa aking paningin ang isang 4 wheeler truck na may kargang mga kargamento, nasa loob iyon ng mga kahon kung kaya hindi ko malaman kung ano ang nilalaman. Sa gilid nito ay may isang lalaking nagbabantay, casual lamang ang kasuotan ngunit nababalot ng panyo ang kalahi ng mukha, hindi rin ako mapalagay sa bitbit nitong mahabang armas. Panay ang ikot ng mga tingin nito sa paligid at nang tumama ang tingin nito sa akin ay kaagad kong ibinaling ang atensyon sa ibang bagay.
Pumaroon ang aking mga mata sa isang batang babae, may hawak itong kahoy na inukit para maging isang sandata. Natutuwa ito habang tinanggalan ng shell ang pinakuluang itlog na binili ni Darius sa karinderya, dahil nahihirapan ay ipinatong nito ang kahoy sa kaniyang harapan upang masulit ang pagkakataon na makain ang pagkain ngunit hindi pa man nakatatagal sa gano'ng kalagayan ay may kumuhang bata at itinutok sa kaniya iyon, nagkunwaring pinatamaan ang babae at gumawa ng tunog. Lumapit si Darius sa kanila at ginulo ang buhok ng batang lalaki. "Magaling," tinanguan niya ito at inutusang bumalik sa ginagawa. Matapos niyon ay seryosong ibinaling ng binata ang tingin sa harapan na tuluyan nang nakaligtaan ang gutom na naramdaman.
"Pasensya po!" Tumayo ang bata, pagkatapos ay yumuko. Hindi ko mabasa ang emosyon nito dahil masyadong mababa ang kaniyang pagkakayuko. "Hindi na mauulit!"
Lumuhod siya upang pumantay ang tangkad ng isa at isa. "Hindi mo dapat hinahayaan na mawala ang atensyon mo sa bagay na magiging pangunahing seguridad mo."
"Alam ko po 'yon, gutom lang talaga sa pagsasanay. Hindi na mauulit."
Hindi ko maiwasang makaramdam ng kakaiba sa mga nangyayari. Hindi naman ako gano'n kaignorante upang hindi tuluyang maunawaan ang mga nangyayari, mula sa pagtungo palang namin dito kung saan makikita ang mga batang pagod at halos mawalan ng malay ngunit pilit na ipinapatayo ng mas nakatatanda sa kanila, ang mga lalaking may bitbit na malalaking armas, ang mga lugar na ito na tago sa syudad, ang mga truck na naglalaman ng malalaking kahon, maging ang kumpol ng pera na tinanggap ni Darius kanina sa isang transaksyon. Napayukom ako ng aking kamao, batid kong masamang tao si Senator Agustin ngunit hindi ko inaasahan na aabot sa puntong magiging isa siyang protektor ng mga nagaganap na kamalian sa bansa. Kahit ang mga batang walang kamuwang-muwang sa mundo ay nagiging alipin ng mga mapanlinlang na mga salita mula sa mga nasa paligid nila. Hindi dapat ganito ang nangyayari, wala dapat na dumaranak na dugo mula sa mga taong biktima lang din ng mga mapang-aliping Pilipino na sasa itaas. Bakit ba ang mga tao ay gano'n na lamang nahihirapan na sundin ang tama? Naramdaman kong uminit ang aking mukha, kaagad kong pinahid ang mga luha habang sinasarili ang hindi ko maintindihang emosyon na nararamdaman. Tama bang isipin ko na nararapat lamang na makatanggap ng pagbabanta sa buhay ni Senator Agustin? Ngunit papaano kung nakitil ang kaniyang buhay, matatapos na ba ang lahat sa gano'n? Iiral bang muli ang hustisya?
Dumako ang tingin ko sa lugar kung saan kami naroroon. Hindi ito isang matinong bahay, mas masasabi kong isa itong bodega na hindi nasa maayos na kalagayan. Walang matibas na pundasyon, tanging mga kawayan at mga trapal ang tumatakip sa paligid. P'wede itong matanggal at masira sa loob lamang ng labing limang minuto kung kanilang nanaisin. Nasa ilalim kami ng paanan ng bundok, ngunit nasa hilera pa rin na sementado. Nakakapagtaka na dito nila napiling pumwesto gayo'ng magiging agaw atensyon sila sa mga motorista, ngunit ang pagtatakang iyon ay napawi rin nang maalala ko ang senaryo na aking nakita noong magising ako mula sa tabletang pampatulog na ipinainom sa akin ni Darius.
"Walang kahina-hinalang mga tao kaming napansin, siguradong inisa-isa ng mga bata ko ang bawat sasakyan at wala pa naman kaming nakikitang dapat maging problema. Sinisigurado ko na ligtas ang anak ni Senator hanggang ako ang namumuno rito sa batalyon."
Tama. Hindi makagagalaw ang isa nang walang tumutulong na maisagawa ang kaniyang mga plano. Hindi na nakagugulat sa isang politiko na gawing asset ang mga militar. Ngunit sa pagkakataong ito, batid kong hindi lamang ako ang pinoprotektahan kundi maging ang mga kargamentong narito at may hinala na ako kung ano ang mga nilalaman ng mga iyon.
"Masyado yatang malalim ang iniisip mo?" Nilingon ko ang binata na tapos na pala sa ginagawa. Nakaalis na rin ang ibang mga sasakyan at ang natitira na lamang ay ang mga nagbabantay sa lugar na iyon. Naupo si Darius sa kahoy na pahingahan, tinanggal niya ang sapin sa paa. Patakbong lumapit sa amin ang dalawang mga bata, may bitbit ang bawat isa sa kanila ng parang isang botang sapatos. Sinabi sa akin nito na suotin iyon na siyang aking ginawa, binigyan din kami ng tubig na siyang tinanggap ng binata. "Kailangan pa nating umakyat sa bundok para marating ang kampo," tumango na lamang ako sa kaniya at hindi na nagpaabot ng sumunod na katanungan, ngunit batid ko sa aking sarili na may mga nais pa akong malaman. Kung naririto lamang sana ang aking cellphone ay mayroon akong magiging dokumento.
Nagpatuloy kami sa paglalakad kasama ang dalawang batang kapwa tikom ang bibig, tila ba pasan ng mga ito ang bigat ng problema sa mundo habang nakatingin sa mga basang d**o sa daan. Hindi ko maiwasang mabahala sa kanilang mga naranasan habang narito sa bundok, nawala ang kislap sa kanilang mga mata at nabuhay lamang doon ang pagod at pagkadesperado na matapos ang ginagawang paglalakbay. Ni hindi nila magawang matuwa sa mga nadaraan naming mga bulaklak. Nang makarating kami sa isang batis, nakitaan ko ng kompetisyon ang kanilang mga mukha, kapwa ayaw nilang magpatalo at pilit na pinapahirapan ang sarili sa paraang hindi pagkapit sa hawakan, inilalagay nila sa kapahamakan ang kanilang buhay at kahit batid nila na may mga matutulis na bato sa ilalim ay hindi naging alintana sa kanilang ginagawa. Mula sa aking mga nakita, napatanong ako sa aking sarili: Ano ang ikinakatakot ng mga batang ito? May higit pa ba silang naranasan na mas delikado sa ginagawa ngayon? Tumingin ako sa kanilang mga inukit na laruan at napailing na lamang, maging kay Darius. Kung sino pa ang may isip, sila pa itong walang kakayahan na magdesisyon ng tama.
Napakapit ako sa isang puno nang maramdamang umiikot ang aking paligid. Kamuntikan na akong matumba kung hindi lamang naging maagap ang batang lalaki, sa sandaling pagkakataon ay nakitaan ko ito ng sensiridad sa mga tama. "Kaya mo pa ba?" Tanong nito, para siyang isang matanda sa paraan ng pananalita. Tinanguan ko ang batang lalaki. Kaya ko pa naman, dala lamang ng pagod ang nangyayari dahil hindi naman maipagkakaila na mula pa kanina ay wala na kaming tigil sa paglalakad, huminto man kami sa ibaba kanina ay panandaliaan lang, at saka dahil pataas ang aming pinupuntahan, bumibigat ang aking katawan dahil na rin sa gravity. Tumingin ang batang lalaki kay Darius at tinanong ito kung may plano ba siyang tulungan ako, ngunit umiling ang binata.
"Kailangan nating magpatuloy, kailangan mong palakasin ang mga binti mo." Dinapuan nito ng tingin ang aking binti. Batid ko naman na wala iyong kalamanlan, mas may muscle pa ang mga batang aking kasama kumpara sa akin. Nangingirot na rin ang mga ito at bahagyang nanginginig. Iniwan kami ni Darius, umupo ang mga bata sa malaking bato habang hinihintay ang pagdating ng lalaki at nang masilayan namin ito ay may dala ng putol na kahoy at bunga ng saging, sunod ay inabot ito sa akin na siyang tinanggap ko naman. Nagpatuloy kami sa paglalakad, masukal ang kabundukan, maraming nagkalat na mga tuyo at basang dahon sa aming daan na nagpapabagal sa amin dahil na rin lumulubog ang aming mga paa. Nawala sa isipan ko kung ilang oras na kaming naglalakad hanggang sa may nakasalubong kaming mga kabataan na puno ng putik ang katawan, nakilala ito ng dalawang batang kasama namin.
"Saan kayo galing? Lumiban kayo sa pag-eensayo." Kasabay namin ang mga ito sa paglalakad, tumingin ang mga ito sa akin at nabalot ng pagtataka ang kanilang mga mukha, nagdadalawang isip pa ito na magtanong ukol sa akin ngunit hindi rin nila napigilan. "Bago ba siyang kasapi?"
"Hindi kami lumiban, may misyon lang kami." sagot ng batang babae
"Siguro nga bagong miyembro siya," wika ng batang lalaki bago tumingin sa akin, marahil ay naghihintay itong tutulan o sang-ayunan ko ang kaniyang sinabi ngunit wala akong ginawa alinman doon. "Kasama siya si Jose kanina, baka magkasintahan sila."
Pagtataka ang namutawi sa akin. Jose? Si Darius ba ang tinutukoy nito? Walang duda iyon dahil sino pa ba ang aking kasa-kasama kundi ang binatang iyon lamang. At sa kabilang banda, hindi malayo ang posibilidad na gumagamit ang mga ito ng alyas upang maprotekhanan ang mga sariling pagkakakilanlan, ngunit bakit kinakailangan pang gawin iyon kung sila-sila rin dito ang magkakasama? May posibilidad ba na wala rin silang tiwala sa isa at isa? Napailing ako upang maiwaksi ang mga pumapasok sa isipan. Hindi ko na dapat pinoproblema ang mga bagay na iyon. Kailangan kong itatak sa aking isipan ang aking layunin at iyon ay ang makaalis sa lugar na ito. Kailangan kong mahanap si Jordan, ngunit bago iyon ay dapat ko munang isipin kung papaano makatatakas sa lugar na ito, saka ko na poproblemahin ang mga militar na nasa ibaba.
Gayo'n na lamang ang pagpakakawala ko ng malalim na hininga nang masilayan ang mga bahay sa hindi kalayuan. Nakumpirma ko na iyon nga aming destinasyon nang sabihin ng batang lalaki. Mula sa aming kinaroroonan ay nakita ko ang iba pang kumpol ng mga tao, sa unang tingin ay hindi mo iisipin na mayroong mga naninirahan sa bundok na ito ngunit ano pa ba ang dapat na kwestyunin? Nasa harapan ko ang katibayan na may mga mamamayan ang pilit na nagtatago sa Sierra Madre upang hasain ang mga kabataan na kalabanin ang gobyerno at protektahan ang kanilang samahan kahit pa buhay ng mga ito ang kapalit, mga taong hindi ko batid kung ano ang mga pinaglalaban at kung may kamalayanan ba sila na ginagamit lamang sila ni Senator Agustin para sa makasariling mga plano nito.
Nang makarating kami roon ay kaagad akong napaupo. Bahagya kong inunat ang aking binti, habang paulit-ulit na pinadaraan doon ang aking kamay. Lumapit sa akin si Darius, pinagpapawisan din ang binata kung kaya hinubad nito ang kasuotan. Nasilayan ko ang magandang hubog ng katawan nito, ang matipunong dibdib at mga braso dulot ng mga mabibigat na pagsasanay. Iniwas ko ang tingin ko roon at ibinaling ang atensyon sa binti, narinig ko ang mahinang pagtawa ng binata bago ito umalis patungo sa kung saan, sinundan ko ito ng tingin hanggang sa mawala siya.
"Maliligo siya sa batis," wika ng batang babae at pinagmasdan ako. Inabutan ako nito ng inumin na kaagad kong kinuha. "Kailangan mo na ring maligo." Kusang hinawakan ko ang aking damit at inamoy iyon. Hindi na nga kaaya-aya, ngunit wala naman akong kahit miski isang dalang kasuotan. Bakit ba naisipan akong dalhin dito pagkatapos ay wala akong ibang pagpipilian kundi makigamit ng pagmamay-ari ng iba?
"Kayo ba maliligo rin?" Hindi ko naman nais na kaming dalawa lamang ni Darius ang naroroon. May posibilidad na hindi pero mabuti na ang makasigurado.
"May dalang pagkain si Jose kanina kaya kakain muna kami. Ikaw ba kumain na?"
Sunod-sunod ang aking naging pag-iling kahit na alam ko sa sariling kumain na ako. Tumango ang bata at inutusan akong sumunod sa kaniya, pumaroon kami sa isang hapag-kainan kung saan may ilang mga bata ang kumakain na. Nagkakamay ang ilan sa mga ito at sarap na sarap sa karinderyang lutuin. Hindi ko tuloy maiwasang alalahanin na mas masarap pa sana roon ang kanilang mga ulam. Pinaupo ako ng bata, naroon ang mga pagkakataon na panaka-nakang sumusulyap ang mga mumunti sa akin nang mayroong nagtatanong na mga mata ngunit dahil may mga nakatatandang nakabantay sa kanila ay napili na lamang nilang itikom ang mga bibig.