Surreal

2134 Words
Sikel Villavicencio Nagising akong parang may mabigat na semento ang nakabalot aking braso, sinundan pa ito ng hindi matawarang p*******t ng ulo sa hindi malamang dahilan. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata, unang natanaw ang likuran ng lalaking nasa harapan na noong una ay hindi ko makilala kung sino dahil sa labo nang paligid, ngunit nang marinig ko ang boses nito, napagtanto kong hindi panaginip ang mga nangyari. Totoong hindi ko pa rin nahahanap si Jordan mula nang mawala siya, totoong pumunta ako sa Manila para humingi ng tulong pero hindi ko ito nakuha, sa halip ay nasilayan kong muli si Darius na inutusan ni Senator Agustin na ipunta ako rito. Muli kong ipinikit ang aking mga mata, gusto ko nalang muling dapuan ng antok dahil mas gugustuhin ko na ang panaginip ay ang siyang maging reyalidad ko. Hindi tama na sa pagsikat ng mga susunod na araw ay ang hinaharap ko ay isang bangungot. "Walang kahina-hinalang mga tao kaming napansin, siguradong inisa-isa ng mga bata ko ang bawat sasakyan at wala pa naman kaming nakikitang dapat maging problema," isang malalim na boses ang aking narinig. Kanina noong nakamulat ang aking mga mata, nakita ko ang liwanag sa gilid ni Darius at sa tingin ko ay galing iyon sa labas. "Sinisigurado ko na ligtas ang anak ni Senator hanggang ako ang namumuno rito sa batalyon." Sandaling katahimikan ang namayani sa dalawa, ang akala ko ay tapos na ang kanilang pag-uusap kaya susubukan ko sanang ibuka muli ang aking mga mata ngunit bigla akong may narinig na boses na halos ikataranta ko, "Siya ba? Kailangan ko lang makita sa personal ang kaniyang mukha, ayos na ang ganito kalayo dahil baka magising siya." "Hindi pa siya magigising," Bumuntong-hininga si Darius. "May gamot akong pinainom sa kaniya, kailangan kong gawin iyon dahil baka masira niya ang plano ang kaniyang ama." Binalot ako ng pagtataka. Kung gayon, hindi gaya ng iniisip, hindi dahil sa pagod kung kaya ako nakatulog? Pinainom? Sa pagkakatanda ko, wala akong anumang bagay na tinanggap mula sa lalaki kundi ang tubig na iniabot niya sa akin. Malinaw pa sa aking memorya kung papaano ko ininom iyon nang diretso upang mapawi lamang ang pagkauhaw na nararamdaman. Kung gayon, ginamit niyang pagkakataon iyon para mabigyan ako ng pampatulog. Unti-unti akong nakaramdam ng inis, at pagkadesperado na makaalis sa lugar na ito. Ngunit sino ang kausap ng lalaki? Batalyon? Militar ba ito? Nasaan na ba kami ngayon? Muli kong narinig ang maingay na makina. Bumukas ang radyo at narinig ko ang boses ng mga tagapagsalita, hindi ito tagalog. Sa gano'ng sitwasyon palang ay alam ko na wala na kami sa Manila. Gaano ba katagal akong nawala sa reyalidad at gano'n na  lamang ang pagbabago ng mga nasa paligid ko? Wala pang isang minuto ay pinatay din ni Darius iyon, maya-maya ay narinig ko siyang nagsalita at hindi dahil may kasama siya kundi dahil ako ang kinakausap nito. "Alam kong gising ka," May pakiramdam ako na hinuhuli lang ako ng lalaki kung kaya hindi ko iminulat ang aking mga mata. "Naging tensyonado ka masyado noong pinatugtog ko ang radyo kaya alam kong nakikinig ka," Bumuntong hininga ang lalaki, sumigaw ito na parang may panganib na darating ngunit hindi ako gumalaw, ni gumawa ng anumang emosyon. Makaraan ng ilang segundo ay wala namang nangyari, ni bagay na tumama sa aking mukha. Inis na muling nagbigay ito ng opinyon. "Bahala ka kung gusto mong lokohin pa ang sarili mo." Nagpatuloy kami sa byahe at talagang pinanagutan ko ang pagpapanggap na tulog haggang sa nakaramdam ako ng init sa katawan. Namatay ang makita, bumukas ang pinto at gumalaw ang kotse. Batid kong bumaba na si Darius, iminulat ko ang aking mga mata ngunit nanlaki ang mga ito nang makitang may nakatingin sa bintana. Halos atakihin ako sa puso, ramdam ko ang pagbilis ng t***k ng aking puso, gustuhin ko mang bumalik sa pagpapanggap ay hindi ko na magagawa dahil huling-huli na niya ako. "Good morning, sleeping beauty." Malokong ngumiti ang lalaki, binuksan nito ang pinto at yumuko na para bang binibigyang galaw ang maharlika. Mas lalo lamang akong nayamot sa kaniyang pang-aasar, sinubukan ko siyang sipain mula sa aking kinaroroonan ngunit kaagad siyang nakaiwas. Tumawa lamang ito at nailing habang hinihintay akong bumaba na siyang akin namang ginawa. Sa pagtapak ng aking mga paa sa labas, sumalubong sa akin ang malamig na hangin. Nasa tulay kami at natatanaw ko mula rito ang mga maliliit na bahay sa ibaba, may mga tao roon na napapatingin sa aming direksyon, at kapansin-pansin na may sasakyan. Doon ko na lamang napagtanto na hindi permanente ang mga bahay na nakatayo dahil ang mga iyon ay para sa mga manggagawa, nagkakape ang mga ito at nagtatawanan. May iilan pa na naghahanda na sa paparating na pagsikat ng araw para magtrabaho habang ang iilan ay nagsisimula na sa kanilang gampanin. Hindi pa nagbubukang liwayway pero abala na ang lahat sa ginagawa, wala sa sariling napangiti ako. Naaalala ko lamang ang mga panahon kung saan hindi pa pumasok sa buhay namin si Senator Agustin, maaga ring gigising si Papa at ipaghahanda siya ni Mama ng mga kinakailangan. Tutulong ako sa pag-aasikaso sa kaniyang mga gamit sa laot, at lilipas na naman ang isang buwan o higit pa nang hindi namin siya nakikita, ngunit nasanay na kami sa gano'ng sistema. Iyon ang buhay probinsya, at sigurado akong nasa isang probinsya na rin kami ngayon.  Ang problema, hindi ko alam kung saan. Ni ang wika ngang sinasabi nila ay hindi ko mawari kung ano. Hindi makaligtas sa aking tingin ang hamog sa paligid at kung hindi ako nagkakamali ay napapaligiran kami ng kabundukan, isa sa mga patunay ay ang lamig ng paligid. Pumasok sa isipan ko na nasa Baguio kami. Ano pa nga ba ang pup'wede? Ano pa ba ang lugar sa Pilipinas na nagbibigay ng ganitong temperatura sa kabila ng average na temperatura ng bansa? Ngunit nawala ang lahat ng mga pagtatanong na iyon nang ibuka ng katabi ko ang kaniyang bibig. Pinagmasdan ko siyang nakasandal sa kotse, nakaipit ang mga kamay nito sa bulsa ng pantalon at malayo ang tinatanaw, "Sierra Madre..." Tumingin ang lalaki sa akin, "...alam mo ba na rito hango ang pangalan mo, Sierra Kiel? Ang kabundukang ito ang pumuprotekta sa Luzon sa mga malalakas na bagyo mula sa karagatan. Pinahihina nito ang mga malalakas na delubyo para hindi gaanong makapinsala." Natagpuan ko ang sariling nakangiwi sa mga salitang iyon. Napaka-ironic na hango sa Sierra Madre ang pangalan ko ngunit ako ang kanila raw na pinoprotektahan. Ngunit hindi ko mapigilang mapaisip habang nakatingin sa mga taong nasa ibaba na abala sa pagtanggal ng mga buhangin. Kung gano'n, ang lugar na ito ang isa sa mga pinagmumulan ng mga negosyo ng mga nasa Manila at hindi naman lingid sa kaalaman ko na ginagawa nila ang bagay na ito para mayroong pagdaluyan ang tubig galing sa bundok, ngunit hindi pa naman ito ang pangunahing daanan ng tubig ngayon dahil kung oo, hindi na ako magtataka kung daraan ang mapanganib na tubig na posibleng ikapahamak nila. Sa ngayon, ito ay source pa lamang ng income ng mga nasa itaas. "Alam kong narinig mo ang pinag-usapan namin ni sergeant kanina," Muli kong ibinaling ang atensyon sa kaniya, nakatingin din ito sa akin. May lumalabas na usok mula sa kaniyang bibig sa bawat paghinga nito. "Isa siya sa mga itinalaga para bantayan ang bawat pasukan dito, kailangan naming makasigurado na nasa kaligtasan ang buhay mo habang mainit pa ang tingin sa iyo ng mga kalaban. Inaasan ko na hindi ka gagawa ng ikasisira ng plano, Sierra." Tumango na lamang ako. Batid ko na sinusunod lamang niya ang utos ni Senator Agustin, ngunit may mga pagkakataon na kinakailangan nating maging makatao at hindi lamang sunod sa tao. Kailangan ko lamang ng tamang pagkakataon para makalusot at balak ko sanang gawin iyon habang nasa byahe ngunit pinatulog naman siya ako. Kung kaya ngayon, kinakailangan kong pag-isipan ang mga magiging hakbang ko. Pinagmasdan ko si Darius na naglalakad papunta sa harapan, inutusan ito na patahimikin ang aming kapitan ngunit hindi pa naman niya ito ginagawa hindi ba? May posibilidad ba na makarating kami sa Mindoro, tumawid ng dagat nang hindi ko namamalayan? Hindi, malabo. Kung gayo'n ang siste, maaaring buhay pa ang aming kapitan. Kinakailangan ko lamang makahanap ng pagkakataon para makahiram ng telepono at mabigyang babala ang lalaki, ngunit papaano kung hindi naman kinakailangan ni Darius na umalis sa tabi ko para lamang maisagawa ang plano? "Kailangan nating maglakad mula rito," nakayuko ang lalaki, inilipat ko ang tingin sa kaniyang pinagmamasdan at nakitang walang hangin ang gulong ng kotse. Pinagmasdan ko ang daan sa harap, madilim iyon. Para kaming nasa isang katatakutang palabas na dinagdagan pa ng malamig na simoy ng hangin, naramdaman kong tumaas ang balahibo ko sa batok at hindi iyon dahil sa takot kundi sa temperatura. May mas nakatatakot pa ba sa tunay na nangyayari ngayon? Bumalik ang lalaki sa kotse at may kinuha roon, pagkatapos nang bumalik ay hnawakan nito ang aking braso, at nagpatuloy sa paglalakad. Dahil sa liwanag na nagmumula sa kotse, nakita kong mabato ang daan, ito marahil ang dahilan kung bakit hindi na kinaya ng sasakyan. Habang papalayo, unti-unting dumidilim ang paligid hanggang sa tuluyang nawala sa aming paningin ang liwanag. Kamuntikan na akong matumba dahil sa mga bato kung hindi lamang ako naalalayan ng lalaki. Ano ba ang nais nito at pinapahirapan niya ang bawat isa? Hindi ba p'wedeng buksan na lamang niya ang cellphone? Laking pasasalamat ko nang gawin niya iyon. "Kailangan mong matutong maglakad sa dilim, Sierra. "Alam kong masyadong malabo ang tingin ng mga tao sa sa dilim, kung kaya minsan ay kailangan mong paganahin ang pakiramdam mo." Yumuko ito, huli na nang napansin kong nakahubad pala ito ng sapin sa paa. Kinuha ng lalaki ang mga maliliit na bato, "Kapag nasa dagat ka, Sierra, nasa iisang direksyon mo lang kalimitang nakikita ang mga bato at ito ay nasa dalampasigan. Halos pareho lang din ang konsepto nito pagdating sa mismong kalupaan, maliban na lamang kung may taong sadyang naglagay nito doon." Itinuro niya ang nasa unahan ko, doon ay nakita ko ang mga malalaking bato. Dahil nga ito ay kalsada, mas gusto ng mga motorista na makaiwas sa mga mababatong daan kung kaya kung may pagkakataon ay itinatabi nila ang mga malalaking bato sa gilid. Mukhang sinadya ni Darius na ditong direksyon ang aking lalakaran, pero hindi ko alam kung ano ang mga nais niyang iparating sa mga ito. Para siyang nag-iiwan ng mga gulo-gulong mga salita na kinakailangan ko pang buuin para lamang maintindihan siya. "Mahalaga rin ang sapatos," muli niyang sinoot ang hawak at habang ginagawa iyon ay tumingala ito sa akin. "Kailangan nating magpalit nito mamaya, 'yong mas makapal at hindi ka madudulas habang umaakyat tayo sa bundok. Pero bago iyon, kailangan mo munang kumain." Tumuloy kami sa isang karinderya. Maaga palang ngunit halos kumpleto na ang mga nasa menu, karamihan sa mga naroroon ay mga manggagawa. Nagtatawanan ang mga ito, may hinaharot ang isang lalaki na tindera na tinutukso naman sa lalaki. Tipikal na araw para sa kanila, bagong umaga at simula na naman ng trabaho. Nang pumasok kami ay kaagad naming naagaw ang kanilang atensyon, pinaupo ako ni Darius habang siya ay nakipag-usap doon sa harapan. Ibang lengguahe ang kanilang mga sinasabi, hindi ko alam na may alam pa palang wika ang lalaki bukod sa Tagalog at Ingles. Hindi ko maiwasang mapakunot-noo nang makita ang kakaibang tingin ng babae, hindi ko man sila naiintindihan, ang mga emosyon at body language ay hindi nagsisinungaling. Mapagbirong hinampas ng babae ang braso ni Darius, ngumuso pa ito bago nakipagtawanan sa lalaki. Habang ang kasama ko naman ay hindi maitago ang saya nang magkadikit ang kanilang mga kamay nang iabot nito ang pagkain. Napailing na lamang ako at inilayo ang tingin sa kanila. May lumapit sa akin na isang manggagawa, umupo siya sa aking harapan. Base sa kaniyang tindig, hindi rin nalalayo ang kaniyang edad sa akin. Ngumiti ito at umusal ng ibang lengguahe, maya-maya ay tumawa. "Sabi ko nga dayo." Tumango-tango ang lalaki na para bang may napagtantong maganda. Tumingin akong muli kay Darius, ngunit abala pa rin ito sa ginagawa. Nang muli kong ituon ang pansin sa isang lalaki, napansin kong medyo lumapit ito sa aking puwesto. Hindi ako komportable sa gano'n, hindi nakaaaya sa pakiramdam na biglang may estranghero na lalapit sa iyo na hindi kagaya ng normal ang ginagawa. Walang anumang salita ay nilisan ko ang pwestong iyon saka lumapit kay Darius na nagulat sa aking presensya, maging ang babaeng kausap niya ay hindi rin iyon inaasahan. Pagtatanong ang namutawi sa lalaki, ibinaling ko ang tingin sa puwesto na pinag-iwanan niya sa akin at sumuod naman ang tingin niya roon. Napagtanto niya ang mga nangyayari at nagpaalam sa kausap na tinaasan pa ako ng kilay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD