Sikel Villavicencio
Walang pagdadalawang-isip na itinulak ako ni Darius para lamang makapasok ako sa loob ng sasakyan. Pilit ko pang iharang ang aking mga paa habang yakap niya ako pero nauwi lang din sa wala ang aking ginawa. Marahas niyang isinarado ang pinto sa backseat kung saan ako naroroon, kung saan-saan dumapo ang aking mga mata para lamang makahanap ng bagay na makakapagligtas sa akin ngunit malinis ang laman ng sasakyan. Kailangan kong makakuha ng pagkakataon para makatakas, pero papaano ko gagawin iyon? Dumako sa labas ang aking tingin at nakita kong naroroon sina Senator Agustin na may hawak na cellphone habang kinakausap nang seryoso ang binatang si Darius na mariing nakikinig habang nakasandal sa kotse at naka-krus ang braso sa dibdib. Sa kagustuhang marinig ang pinag-uusapan nila ay sinubukan kong tingnan ang nasa driver's seat ngunit masyadong maraming button ang nando'n, pero nang desidido na akong ilapat ang daliri sa pag-asang iyon ang makakapagbaba ng bintana, naisip kong masyado kong magiging halata kung kaya bumalik ako sa kinauupuan at siniksik ang sarili bago inilapat ang tenga sa bintana.
Napahilamos ako ng aking mukha dahil hindi ko sila marinig. Masyado silang malayo sa aking puwesto kung kaya pilit kong sinubukang basahin ang mga mensaheng kanilang ipinaparating sa isa at isa sa pamamagitan ng pagbukas at sara ng labi, pagkumpas ng mga kamay, bawat pagtango at ang mga ekspresyon ng mga ito sa mukha. Hindi ko pa man nabubuo sa aking isipan ang mga sinasabi nila, nakita kong tumingin sa direksyon ko si Senator Agustin. Sa pagkagulat, naiyuko ko ang aking sarili para magtago ngunit napagtanto ko na hindi pala niya ako nakikita. Ibinalik ko sa dating p'westo ang sarili, nakita kong makailang beses niyang tinapik ang balikat ni Darius. Natapos ang kanilang usapan, pinaglaruan ng binata ang susi ng kotse bago naglakad patungo sa likuran. Nang bumalik siya sa paningin ko, nakita kong may hawak na siyang posas. Bumukas ang pinto sa harapan at tuluyan na siyang pumasok, tumingin ito sa akin.
"Huwag kang mag-alala, Sierra, wala akong balak na gamitin ito sa iyo kung susunod ka."
Inilayo ko ang tingin sa kaniya at napahawak sa sarili ngunit tinanggal ko rin iyon nang makaramdam ng p*******t. Hindi nakawala iyon sa mga mata ni Darius, nawala ang pagkaseryoso ng kaniyang mukha at napabuntong hininga nang malalim. Bumalik ang atensyon nito sa harapan, saka sinimulang patunugin ang sasakyan. Ibinaba nito nang bahagya ang bintana sa aking puwesto para makita ako ng lalaki na seryosong nakatingin. Muli kong inilihis ang aking paningin at lihim na ininda ang bawat sakit na natamo mula sa mga nangyari. Hindi ko kailanman inisip na magagawa akong saktan nito physically, pero ano pa nga ba ang ikinabago niyon? Kung ang mga taong ay kayang manakit sa iyo emotionally, malaki ang tyansang saktan ka rin nito sa pisikal.
Pinagmasdan kong muli ang nasa labas. Naagaw ng swimming pool ang aking atesnyon. Naaalala ko pa kung gaano kasaya ang aking lalaking kapatid nang sabihing sumasali sa paligsahan angdalaga at dapat akong pumunta sa laban. Malinaw pa sa aking memorya ang paghamon ng binata sa larangan ng paglangoy na siyang tinanggihan ko. Ang mga tingin ng pangungulila dahil sa taong lumipas na hindi ko sila binisita at pagkadismaya dahil hindi sila ang dahilan kung bakit ako muling pumarito. Ngunit sa kabila niyon ay naging mabuti ang kaniyang pakikitungo. Pumaroon kaming muli sa mga dinaanan ko kanina nang pumunta ako rito, nang pumaroon kami sa guard house ay nakita ko ang guwardyang lumapit sa aming direksyon. Nang ibaba ang bintana, sumalubong ang kaniyang mga kilay. Batid ko na natatandaan niya ako dahil siya iyong pilit akong inilalayo sa lugar na ito at hinusgahan akong pumaroon sa rekto upang ipagawa ang mga dokumento ko. Pumunta siya sa nagmamaneho, kinuha niya ang pangalan ni Darius saka umalis.
Kahit na nababalutan ng mga puno ang lugar na ito, hindi nakaligtas sa aking tingin ang tuluyang paglubog ng araw. Gayunpaman, hindi binalot ng kadiliman ang paligid dahil na rin sa mga liwanag na nagmumula sa mga poste. Nang tumingin ako sa harapan, napansin kong nakatingin din si Darius sa akin sa pamamagitan ng salamin. Kahit nahuli ko siya ay hindi nito sinubukang ilayo ang mga mata. "Hindi ka pa nakakakain, 'di ba? Kailangan mo nang kumain. Masyado pang malayo ang pupuntahan natin baka magutom ka." wika nito.
Napahawak ako sa aking sikmura. Kanina pa ito tumutunog pero hindi ko magawang tumanggap ng pagkain na galing sa nakaw kaya kahit ano pang sarap ng mga pagkain sa hapag-kainan kanina, hindi ko nakuhang bumigay dahil lamang sa gutom. Pero hindi ko na kaya ngayon, kung gugustuhin kong tumakas mamaya, kailangan ko ng lakas. Bigla kong naalala ang aking shouldered bag, hinanap ko iyon at nakita kong nasa ilalim na dahil sa pagtulak sa akin kanina ay nalaglag, sinilip ko ang mga laman nito at naroroon nga ang aking pera at cellphone. Pero inilahad ni Darius ang kaniyang kamay, at alam ko na kaagad ang nais nitong iparating. Nagdadalawang isip man, inilagay ko iyon sa kaniyang kamay.
"Kailangan nating makasigurado na walang nagbabantay sa iyo," Binuksan niya ang cellphone, tinanggal at sinira niya ang sim card bago itinapon ang cellphone sa labas. Hindi ako nakaangal sa bilis ng mga pangyayari at nang mapagtanto ng utak ko ang ginawa niya, kaagad na tumaas ang boses ko sa kaniya ngunit ipinagkibit-balikat niya lamang iyon at nagpatuloy sa pagmamaneho. Huminto kami sa isang fast food chain, bumaba si Darius at pinagbuksan ako ng pinto. Mula rito, naaamoy ko na ang halimuyak ng mga lutuin. Litaw na litaw ang kulay pula at puting brand ng kumpanya, maging ang bubuyog na maiging nakatayo roon at nakangiti, tanaw ko rin mula rito ang mga pamilyang kumakain at nagkukwentuhunan habang sinusulit ang huling araw ng pahinga. Walang patid ang pagdagsa ng mga tao, ang iba sa mga ito ay wala ng pakialam sa mga nakakasalamuha nila at kapwa mabilis sa paglalakad. Kung simpleng araw ito ay marahil ikinatuwa ko pa ngunit ngayon ay hindi.
Tumingin ako sa kamay na hawak sa aking braso. Hindi na gaanong mahigpit ang hawak niya roon ngunit alam kong sa paraan ng kaniyang ginagawa ay ayaw niya akong pakawalan. May mga tao akong nakakabanggaan, may iilan na titingin sa aking direksyon dahil sa buhok kong parang hindi sinusuklay, at damit ng puti na nagusot, pero pagkalaan ng ilang segundo ay tatanggalin din nila ang tingin sa akin. Nakahihiya man ang mga pangyayari, alam kong makakalimutan din nila ako. Pinagbuksan kami ng guwardya na masayang binati kami, kaagad kaming pumila sa counter. Habang wala pa kami sa harapan, lumapit sa akin si Darius at iniyos ang aking buhok. Noong una, hindi ko maunawaan kung bakit niya iyon ginagawa pero nang mapag-alaman kong nakatingin sa akin ang karamihan sa mga tao, napagtanto kong ginagawa niya iyon para hindi makahakot ng atensyon.
"Kailangan pa talaga kitang hilahin papunta rito para lang samahan mo ako," sabi ng lalaki. Kamuntikan na akong mapangiwi dahil nakanguso ito na mukhang nagpapa-cute. "Sabi ko naman sa iyo na magdate tayo, 'di ba? Kahit sagot ko na."
Ngunit kahit magkagayo'n, hindi nakalagpas sa mga taong mapanghinala ang mga nangyayari. Nakita kong may taong kumuha ng larawan namin at natatawa ito. Hindi ko gusto ang pumapasok sa isipan nito base reaksyon niya. Muli akong tumingin kay Darius, matangkad itong lalaki, may kaputian at maangas ang dating. Hindi maipagkakaila na mukha itong banyaga, ngunit dahil sa kinagisnang kapaligiran, naging matatas itong managalog. Nanliit ang mga mata ko nang mapagtanto kung ano ang pumapasok sa isipan ng kumuha ng litrato. Base sa itsura ni Darius at sa aking ayos ngayon, malaki ang posibilidad na ang malaswang imaheng iyon ang pumapasok sa isipan ng kumuha ng litrato.
"Good evening! May I take your order?" Sinipat ako ng babae sa counter. Tinanong ako nito kung ayos lang ako at ang lalaki ang sumagot niyon para sa akin kasunod ng pagsabi nito ng mga kakainin para mabaling sa iba ang atensyon ng kahera. Dalawang punong plastic ng pagkain ang binili ng lalaki, habang naglalakad kami palabas ay muli kong lumingon sa likuran. Napansin kong nakatingin pa rin ang mga ito sa amin, at ginawa kong pagkakataon na iyon para bahagyang itaas ang aking kamay, itiniklop ko ang hinlalaki, sunod ay sinarado iyon nang tuluyan. Ito lamang ang naiisip kong paraan, at nagbabakasakali na may makaalam ng aking ibig na iparating. Bumalik ang aking atensyon sa daan nang tawagin ako ni Darius, napayuko na lamang ako sa pagkadismaya.
"Sir, sandali!" Tinawag kami ng babae kaya kaagad akong nabuhayan ng pag-asa. Nang lilingon na sana ako, narinig kong napamura ang aking katabi at napansin na nakatingin siya sa harapan kung saan sinarado ng guwardya ang pinto at pinakiusapan ang mga tao sa loob na kumalma. "Sir, kailangan mong ibigay sa akin 'yang kasama mo, alam namin na may ginagawa kang hindi maganda sa kaniya. Sundin mo nalang para wala ng gulo."
Tumingin ako sa babaeng cashier. Masyado itong matapang para gawin iyon, ni hindi niya naisip na maaaring may armas ang lalaking kasama ko. Tumingin ito sa akin na para bang tinatanong kung ano ang aking pakiramdam, hindi ko mapigilang mapangiti sa katotohanang may mabubuti pa ring tao sa mundo na handang tumlong sa kapwa nila. Tumango lamang ang babae bago muling tumingin kay Darius na nagtataka sa kung papaanong paraan ay nakahingi ako ng tulong kahit na hindi ako umaalis sa kaniyang tabi. Naniniwala akong magagawan ng paraan hindi man lahat, kundi karamihan sa mga bagay kung kaya hindi ko matanggap kung bakit hindi sila maglalaan ng oras para hanapin si Jordan dahil kung sa tutuusin, sa pamamagitan ng kanilang resources ay malaki ang posibilidad na mahanap ang lalaki, kaya nga lumuwas ako papunta rito dala ang pagbabakasakali na matutulungan nila ako.
"Sir--"
Hinagis ni Darius ang isang plastic na pagkain doon sa babae. Dala ng gulat, napalayo ito at napayuko para makaiwas. Sunod niyang hinagis ang isa pa sa guwardya na hindi na nakabwelo at naiwang walang bantay ang pinto. Masyadong mabilis ang mga pangyayari, hindi nagawang magpaputok ng guwardya dahil sa mga sibilyan na nasa paligid na nagkagulo. Naramdaman ko na lamang ang sarili na sumusunod sa agos, tumatakbo papalayo at pilit na itinatayo ang sarili sa pagkadapa. Hila pa rin ako ng lalaki, nang makarating kami sa puwesto ng sasakyan, muli ako nitong itinulak bago pinatunog ang makina at nagsimulang magmaneho palabas sa lugar na iyon. Bakas sa kaniyang mukha ang tensyon hbang naiipit sa gitna ng trapiko, paulit-ulit siyang tumitingin sa bawat kotse na para bang may hinahanap, pinagpapawisan kaming pareho kahit na malamig sa loob. Nang batid niyang nakalayo na kami, habang nasa gitna pa rin ng mabagal na daloy ng sasakyan ay naihampas niya ang manibela.
"Putangina, Sikel! Nag-iisip ka ba?!" Halos maputol ang ugat sa kaniyang leeg. Hindi ako makapagsalita dahil sa gulat. Napasabunot ito ng buhok at napatingala. "Hindi mo kilala ang mga taong iyon 'tapos magtitiwala ka sa kanila?"
"Hindi rin kita kilala," mahinang sambit ko. Tumingin ito sa akin, at lakas loob kong sinalubong ang kaniyang mga titig. "Hindi kita kilala, Darius."
"Sierra..." Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga. Pansamantalang nabalot ng katahimikan ang paligid nang maya-maya ay muli itong nagsalita. "Hindi lang ikaw ang nahihirapan sa mga nangyayari. Ang papa mo, nakatanggap din siya ng brahang iyon."
Hinayaan ko siyang magsalita. Wala na akong ganang sayangin ang natitira pang lakas ko sa pakikipagtalo. Wala akong kinain, ni ininom. Nagsama-sama na ang pagod sa aking pagtakbo, at pagpupumilit na tumakas. Nais ko na lamang na magising sa kwarto kung saan mapagtatanto kong panaginip lamang ang lahat ng ito.
"Normal lang para sa mga kagaya niya ng makatanggap ng pagbabanta. Almusal, tanghalian, gabihan, at meryenda na nga nila iyon. Pero sa pagkakataong ito, batid ni Senator Agustin na hindi nagloloko ang sinumang nasa likod ng lahat." Tumingin sa akin ang lalaki, napansin nitong paulit-ulit kong binabasa ang aking bibig. May kinuha ito sa kaniyang tabi, binuksan niya iyon at bahagyang gumilid. Pagkaraan ng ilang sandali ay inabot niya sa akin ang bote ng tubig. Dahil sa uhaw, kinuha iyon at kaagad na ininom. Dumaloy ang tubig sa aking lalamunan na nagpakawala ng aking uhaw, sunod-sunod ang aking naging paglunok na durating sa puntong tumutulo iyon at nabulunan ako. Tumingin ako kay Darius na kanina pa ako pinagmamasdan.
"Hindi ka naman halatang nauuhaw," sumilay ang ngiti sa labi nito. Ngunit napansin kong lumalabo ang kaniyang mukha, bumibigat din ang talukap ng aking mga mata, maging ang aking katawan ay parang unti-unting nagiging paralisado. Gustuhin ko mang umusal ngunit walang lakas akong gawin iyon. Nais gumana ng aking utak, isipin kung ano ang mga nangyayari ngunit masyado na akong pagod. Bago tuluyang bumigay, narinig ko pa ang mga huling salita ni Darius. "Palagi kang mag-iingat, Sierra."