JHE POV
NANG hapon ding iyon, matapos ang nakakapagod na araw sa school. Nakalabas na ako ng gate kasama ang aking mga kaklase.
"Bes, hindi ka ba sasakay ng jeep?" tanong pa ni Ronna nang makalingon siya sa akin.
"Hindi na, Rons maglalakad na lang muna ako."
"Ganun ba, sya ingat Jhe," aniya, sabay kaway sa akin bago maglakad patungo sa sakayan ng jeep kasabay ang ibang mga estudyante.
Ang araw na ito ay isa sa mga pinaka-kapos sa pera na araw ko. Umaga pa lang kasi naningil na agad ang aming treasurer pambili ng floor wax, tapos halos lahat ng subject ay may kailangan ipa-xerox.
Napabuntong hininga na lamang ako dahil sa stress at pagod, hindi na rin maitatanggi ang pagkalam ng aking sikmura dahil sa gutom.
'Sa halip na malungkot pa ako dito, makauwi na nga lang, may mga assignment pa akong dapat gawin.' isip-isip ko pa habang patawid ako ng kalsada, hindi ko rin inaasahan na may tatawag sa akin, kaya mabilis ko itong sinagot na hindi na nasilayan ang caller ID.
"Hello po?" nagmamadaling ani ko, at medyo hinihingal pa dahil sa mabilis na pagtawid.
"Why so formal?" Napataas ang aking kilay nang marinig ang malalim at pamilyar na boses mula sa kabilang linya.
"Oi ikaw pala Dude, bakit ka napatawag?"
"Turn to your left, I'm near at the 7/11."
Hm, napalingon naman ako sa dereksyon na sinabi niya at...
Oo nga no, kita kong itinaas pa niya ang kamay para mapansin ko siya mula sa malayo. Sa totoo lamang, kahit tumayo lang siya doon ay walang duda na makikita ko siya.
Takaw atensyon ba naman ang kanyang tangkad at simple, pero astig na pananamit, ayaw ko nang pag usapan ang kanyang mukha, ayaw ko kasing maging parang isang sirang plaka na paulit-ulit na sinasabing gwapo siya.
At higit sa lahat, karamihan ng mga taong dumadaan, karaniwang nang mga babae ay halos maputol ang leeg para lumingon sa kanya. Nasobrahan ata sa angas at karisma ang isang 'to.
Napailing na lamang ako nang bahagya at naglakad patungo sa kanyang kinalalagyan. Sa tingin ko ay kailangan nang matigil ang pagpunta niya dito.
Baka mamaya may kaklase na naman akong makakita sa kanya.
"Anong ginagawa mo na naman dito, Dude?"
Hindi naman siya sumagot at tinitigan lamang ako.
"Teka, wag mong sabihin na, susunduin mo na naman a--?"
"Then I won't say it."
Aba't, ang lakas talaga ng isang 'to. 'Hays bakit ba na-attached sa akin ang lalaking to eh wala naman akong ginagawa sa kanya.'
"Hindi, umuwi ka na, hindi ako sasama sayo at wag ka na ulit pupunta dito," nakayukong ani ko para di ko makita ang mukha niya habang sinasabi ang mga bagay na iyon.
Alam kong maaawa na naman ako kapag tiningnan ko siya kaso lumipas na ang ilang minuto, pero walang nagsasalita o umiimik kaya naman napatunghay ako.
Nagulat ako nang makita na wala na akong kaharap, iniwan na ako ng luko, baka nagtampo at umalis na.
'Luko din, nag walk out ba naman nang walang pasabi.' Napakamot na lang ako sa aking ulo dahil sa nangyari. May kung anong pagkadismaya din akong biglang naramdaman.
'Psh akala ko pa naman, mangungulit siya kahit kaunti. Hays ako ata ang gago, bakit ako magrereklamo eh ako naman ang nagpaalis sa kanya.'
Parang mababaliw na ata ang ako sa tayong 'to, kinakausap at nakikipagtalo na ako sa aking sarili kaya naman bago pa ako mabaliw ng tuluyan ay nagpasya na lamang din akong umalis.
Nang makatalikod ako at handa nang maglakad ay biglang naman akong marinig nang pagbukas ng pinto ng 7/11 mula sa aking likuran.
Kasunod noon ang boses ng bwisit na lalaking akala ko ay nagwalk out na.
"Hey, where you going?"
"Luko ka, ikaw ang saan nagpunta? Akala ko iniwan mo na ako!" Huli na nang matakpan ko ang aking bibig, nasabi ko na iyon at narinig na rin niya.
'Shete, daig ko pa ang naghihinanakit na girlfriend nito ah. Nakakahiya talaga,' isip-isip ko pa habang napapaiwas ng tingin sa kanya.
"I will never leave you, I just bought something," saad pa niya, sabay pakita sa akin ng hawak na C2.
Napabuntong hininga naman ako lalo na nang masilayan ko ang malapad na ngisi sa labi niya. 'Mukha talaga siyang aso.'
"Ewan ko sayo, sige uuwi na ako." Kailangan ko nang umalis dito bago pa mawala ang kaunting dignidad at kahihiyan na meron ako.
"Wait--"
Mula sa pagpigil muli niyang iyon sa akin, nagkaroon pa kami ng mahaba, as in mahabang diskusyon. Sa huli...
"Pagkakain ko nito, aalis na ako ha," ani ko habang puno ang bibig at ngumunguya ng donut sa loob ng kotse niya.
"Mn," tipid, pero masayang sagot naman niya, habang isinasalin ang C2 sa isang tumbler para mas madali ko iyong mainom.
Sorry na self, nasuhulan tayo ng pagkain, di na ako nakatanggi nung ipinakita niya sa akin ang isang box na donuts. Gutom pa naman ako buong maghapon sapagkat wala akong pera.
Napapanguso ako habang nakain nang maisip ko na nadala ako sa temtasyon ng pagkain at...
Kumportable at malamig na pakiramdam sa loob ng sasakyan niya, pagkatapos ng nakakapagod na araw, masarap talaga magpahinga at kumain.
Pero kahit gaano kabuti ang ipinapakita niya sa akin, minsan di mawala sa akin na magduda pa rin at magtanong.
'Ano nga kaya ang rason niya kung bakit siya nakikipagkaibigan sa akin, sigurado akong may dahilan siya sa paglapit sa akin. Kung ano iyon ay hindi ko alam.'
Ang alam ko lang ngayon ay masaya ako na kausap siya at kasama, sana nga lamang ay totoo at bukal ang intensyon niya sa pakikipag kaibigan sa akin.
"Hey?"
"Ha?" gulat na tanong ko, di ko napansin na tulala na pala ako dito.
"Are you okay? You stop eating."
"Ah wala haha, pagod lang ako. Ito oh kain ka din," natatawa ko pang palusot, sabay abot sa kanya nang isang donut.
Tinanggap naman niya iyon at tahimik na kinain. Napangiti naman ako dahil napakamasunurin niya, pero minsan naman ay napaka-kulit.
Wala talaga sa itsura kung anong ugali ang meron siya, kaya naman hindi ko mapigilang isipin na kahit ang laki-laki niyang lalaki eh cute din naman pala siya.
"What is it?" tanong pa niya, nahuli niyang nakatitig ako sa kanya, umiling ako at ipinagpatuloy ang pagkain.
"Take some rest, I know you're tired."
"Paanong di ako mapapagod eh daig pa namin ang nagde-death march kapag lumilipad ng classroom."
"What do you mean?" kunot noo niyang tanong.
Palibhasa kasi sa private school siya napasok kaya di niya alam ang feeling nang lumipat ng classroom. Mga teachers ata ang napunta sa classroom nila kapag iba na ang subject tapos ang buong building pa ata nila ay air-con.
"Malalayo kasi bawat classroom sa amin tapos mainit maglakad papunta dun, dadaan ka muna sa mala-disyertong field, iikot sa likod ng canteen tapos aakyat at tatawid ng bakod--" sagot ko na lang, napatango naman siya nang biglang mapalingon sa akin.
"Really?" nagtatakang aniya nang mabanggit ko ang pagtawid ng bakod.
"Syempre hindi," natatawa kong sagot, napailing naman siya habang nagmamaneho.
Napatigil ako sa pagtawa nang mapagtanto ko ang lahat. 'T-Teka, n-nagmamaneho?'
"Uii, di ba usapan natin pagkakain, uuwi na ako?" Pinanlakihan ko pa siya ng mata para makita niyang seryoso ako.
"Mn, that's why we're driving, so you can finally go home," kaswal at patay malisyang sagot pa niya, habang seryoso na nagmamaneho.
Hays ano pa bang magagawa ko eh naandar na tong sasakyan, alangan namang tumalon ako. Hinayaan ko na lang siya, habang ako naman ay sumandal na lamang at ipinikit ang mga mata.
Maya-maya pa, bago ako makatulog ay naramdaman kong huminto na ang kotse. Nang imulat ko ang aking mga mata, tama nga nasa tapat na kami ng aking bahay.
"We're here."
"Salamat, Dude," sagot ko, habang tinatanggal ang seatbelt.
Hawak ko na ang aking bag nang lumapit siya sa akin, nagulat ako sa kanyang pagyakap gusto ko sana siyang itulak palayo, pero may lungkot akong nararamdaman mula sa kanya kaya nikayap ko na lang din siya nang bahagya at tinapik ang kanyang likod.
"Kawawa ka namang bata, okay lang yan," bulong ko pa at saka hinaplos ang kanyang buhok.
Nang maalala ko na wala nga pala siyang kasamang pamilya dito sapagkat nasa ibang bansa lahat, doon ko na isip na mas maganda talaga ang simpleng pamilya kaysa sa mga mayayaman.
Mapera nga, magkakalayo at malungkot naman, ngayon kahit kaunti ay naiintidahan ko na ang kanyang nararamdaman. Naghahanap siya nang kalinga mula sa ibang tao, iyon din siguro ang dahilan kung bakit na-attached siya sa akin, masaya at sabik din siyang makilala ang aking mga magulang.
Habang pinagmamasdan ang pagtakbo ng kanyang sasakyan palayo, saka ko napagtanto na kahit ano pa ang dahilan sa paglapit niya sa akin, hindi ko na iisipin iyon, ang mahalaga kahit sandaling panahon ay maging masaya siya.
▼△▼△▼△▼△
SA MGA sumunod na araw, nagpatuloy pa rin ang pagpunta ni Dude sa school para sunduin ako. Ako ang napagod sa kakasabi sa kanya, kahit kailan naman ay hindi siya nakinig sa akin.
Ngayon ay friday, bukas ay weekend na naman at kailangan pa rin magsimba at magpa-perma ng mass attendance. Nasa last subject na kami kung saan ay A.P at mukhang may pa-exam pa si Ma'am ah.
"Okay class, maghanda kayo ng isang buong papel at sagutan ito," sabi pa ni Ma'am sabay turo sa mga tanong na nasa black board.
Napahinga ako ng maluwag nang maalala na meron pa akong papel, pero alam kong pagkakaguluhan ito kapag inilabas ko kaya pasimple lamang akong kumuha mula sa aking bag.
Habang dahan-dahan akong pumipilas ng papel, nakita si Rona na kumikindat sa akin, walang papel ang loka ka mukhang nagbu-beautiful eyes na siya sa pagkindat sa akin. Napatawa naman ako ng mahina at ikinuha din siya ng isang papel at mala-ninja na inabot iyon nang palihim.
Nang makuha niya ang papel, tumingin pa siya at nag-signal nang pasasalamat. Tumango naman ako at saka humarap sa unahan para simulan ang exam ni Ma'am para makauwi na.
Habang nagpapangalan ako ng aking papel, napalingon kaming lahat nang dahil sa aming teacher. Kausap nito si Berting.
"Robert! Magsimula ka na sa exam."
"Ma'am wala po akong papel," napapakamot naman sa ulong sagot ni Berting kay Ma'am.
"Hay naku nga, anong klase kang estudyante? Wala kang dalang sandata, kung nasa gera ka, matagal ka nang patay," pangaral pa ng teacher namin na may halong pagpapatawa sa kanya.
Kita naman naming lahat na napakamot muli sa ulo si Berting bago sumagot.
"Opo Ma'am, sorry po, sa susunod po magdadala na ako ng granada."
Dahil sa sagot nito ay napuno ng tawanan ang aming silid aralan, kahit ako'y napatawa din dahil sa kalukohan niya. Hindi talaga mawawala sa isang klase ang mga kengkoy o clown na tulad niya. Sila yung bumubuhay sa isang klase kaya naman hindi nagiging boring ang lahat.
Napasigaw at palakpak pa ng malakas ang iba naming kaklaseng lalaki na suportang-suporta sa mga kalukohan nito. Bago pa matapos ang oras ay nagpasya na akong magsimula sa pag sasagot.
"Class, pass your paper and goodbye."
"Goodbye, Ma'am!" sigaw pa naming lahat.
Mabuti na lamang ngayon ay hindi ako cleaners kaya makakauwi ako ng maaga. Kung makakauwi nga ba ako ng maaga? Baka ambushin na naman ako ni Dude paglabas ng gate, hays, wala talagang sawa at pagod ang isang iyon.
"Jhe, pupunta sila sa may palengke para bumili ng bbq, sama tayo," pag aanyaya pa sa akin ni Rons matapos umakbay sa akin. Pandak siya kaya naman halos mapatingkayad na siya maabot lamang ako.
Tanda ko may barya pang natira sa aking bulsa ngayong araw, gusto ko din sumama sa kanila at kumain ng isaw o betamax doon kaso kalalabas pa lamang namin ng gate nang mapansin ko ang pigura ni Dude mula sa malayo.
Shete talagang lalaki yan ah, sa galing mang-ambush. Bago pa siya makalapit sa amin ay humarap na ako sa aking mga kasama. "Naku, may gagawin nga pala ako ngayon mga tropa-pips, sige kayo na lang muna ha."
"Naman Jhe, basta ha sama ka sa susunod."
"Oo nga, di ka na namin nakakasama," reklamo pa ng iba naming kasama.
"Kayo talaga, baka busy lang si Bes," ani pa ni Rona sa mga kasama namin para pagtakpan ako.
"Sige na bes, una ka na." Kumindat pa siya sa akin, kaya tumango naman ako at kumindat pa sa kanya.
"Oo salamat Rons, sige mga tropa-pips pramis sasama ako sa susunod."
Pagkasabi ko noon ay nagpaiwan ako ng ilang minuto at nang makita ko na nakalayo na sila, mabilis pa kay flash na tumakbo ako palapit kay Dude. Napatingin pa sa amin ang ibang mga estudyanteng naroon at naglalakad din.
"Dude, ikaw na--"
"Yes and I'm here to fetch you," mabilis din niyang sagot sabay hila sa akin kung nasaan ang kotse niya.
Pansin ko na may kakaiba sa kanya ngayon, para bang kinakabahan siya na ewan. Dahil doon ay bigla din akong nakaramdam ng ganun.
'Nakakahawa ang kaba niya ah.'