3RD PERSON POV
MONDAY ngayon. Nandito muli si Jhe sa school, normal na araw at tapos na ang masayang weekend.
Maaga siyang nakarating dito sapagkat himala na maaga din siyang nagising. Nagdalawang isip pa nga siya kung huhubadin ba niya ang pulseras na bigay ni Kyle o hindi.
Pero sa huli, mas pinili niya na isuot iyon at wag hubarin sapagkat hindi man lahat ng bagay ay maaaring itago habang buhay. Speaking of that, ayan naglalakad na palapit sa kanyang dereksyon ang kanyang kaibigan na si Rona. Napangiti pa siya dito na parang di pinagtaguan ang kaibigan kahapon.
"Bes Jhe."
"Oi Rons, good morning," bati pa niya pabalik dito.
"Good morning din." Ibinaba nito ang dalang dustpan at sako sa kanyang harapan.
"Salamat, anong atin?" tanong pa niya, habang nagwawalis siya ng mga tuyong dahon sa labas ng room. Pakiramdam kasi niya ay may gusto itong sabihin.
"Wala naman, nagtext ako sayo kahapon, di mo nabasa?"
"Oo, nung nakauwi na ako galing simbahan saka ko nakita," makatotohanan naman niyang sagot, habang nagpapatuloy sa ginagawa.
Parang nabigla naman ito dahil sa kanyang sinabi. "Ah--- Teka, ibigsabihin hapon ka din nagsimba?"
"Oo, lagi naman, bakit?"
"Hala, sabi na nga ba, baka ikaw yung nakita ko kahapon," may pagturo at paghampas na turan pa nito sa kanya.
"Talaga? Parang di kita napansin," tugon naman niya, habang hinahaplos ang masakit na balikat. 'Mabigat talaga kamay ng babaeng ito.'
"Dapat pala tinawag kita." May panghihinayang pa sa boses nito.
"Mn," aniya, sabay tango, doon lang niya na-realize ang kanyang sinabi. Napatakip siya sa kanyang bibig nang maisip na nahahawa na siya sa pag 'Mn' ni Kyle.
"Bakit?" nagtataka pa na puna nito sa kanya.
"Wala, may naalala lang ako," napapailing na saad niya. At dahil nakalagay sa kanyang mukha ang dalawang kamay doon ni Rona napansin ang kanyang suot.
"Teka, ganda naman ng bracelet mo, saan mo yan nabili?"
"Ah hindi, may nagbigay lang," napapakamot pa sa ulo na sagot niya dito.
"Talaga, sino---" naputol ang sasabihin ni Rona nang biglang sumulpot sa likod nito ang makulit na si Leah.
"---Yung boyfriend mo ba? Akalain mo nga naman may pumatol talaga sayo." nakangisi at mapang asar na pahayag pa nito. Minsan naiinis na din siya dahil sa kakulitan nito at di nakakatuwang biro, pero pinipili na lamang niya na wag patulan.
Napailing na lamang siya. 'Kaya di ko masabi ang tungkol kay Dude eh, wala naman kasing issue, pero pinapalaki na agad.'
"Mga loka, wala nga akong boyfriend, ang kulit nyo," aniya pa, habang pilit na ngumingiti sa mga ito.
"Oo nga naman Leah, tigilan mo na si bes, bigyan natin siya ng privacy." Pagsang ayon ni Rona sa kanya, kaya napahinga siya nang maluwag, kahit kailan talaga, savior niya itong si Ronna.
Ang maarte namang si Leah ay sumiring pa sa kanya bago mag walk out palayo.
"Pagpasensyahan mo na ang babaeng yun bes," pagpapakalma pa nito sa kanya, tumango lang naman siya at mas minabuti na tapusin ang ginagawa lalo na at magsisimula na ang klase.
Sa totoo lamang, nakakaramdam din siya nang pagka-guilty dahil kahit sa best friend niyang si Ronna ay hindi niya magawang maikwento ang tungkol kay Dude. Pero naisip din naman niya na hindi naman niya obligasyon na ipaalam ang lahat ng nangyayari pagdating sa kanyang buhay lalo na sa mga taong katulad ni Leah.
'Siguro, hahanap ako tyempo para masabi ko kay Rona, pero pagdating sa ibang tao, hindi na nila kailangang malaman pa iyon.' isip-isip pa niya, at saka napatingala sa asul na kalangitan.
▼△▼△▼△▼△
DUMAAN nang kay bilis ang sumunod na linggo, hindi sila madalas nagkita ni Kyle dahil sinabihan niya ito na wag na siyang sunduin paghapon, ayaw pa nitong pumayag nung una, pero dahil pinagbantanaan niyang hindi siya pupunta sa event kung patuloy itong mangungulit kaya wala itong nagawa kung hindi sundin ang kagustuhan niya.
Sa mga araw na hindi sila nagkikita, medyo nami-miss din niya ito, pero hindi naman sobra sapagkat kapag gabi ay nakakausap pa rin niya ito sa cellphone. Walang palya ang pagtawag nito sa kanya kaya kahit paano ay hindi siya nalulungkot.
Natapos na ang buong linggo, ito na ang araw na pinakahihintay nila ni Kyle, sabado ang unang araw para sa Friendship day ng school nito.
Sa totoo lamang, hindi lang dahil sa event kaya excited si Jhe, ayaw man niyang aminin sa sarili, pero mas sabik siyang makita ang kaibigan na si Kyle. Isang linggo din silang di nagkita nito.
Dahil doon kaya nasobrahan si Jhe sa excitement at di niya nagawang makatulog buong magdag.
Sarap na sarap pa siya sa pagsiksik sa kanyang unan, nang marinig niya ang malakas na pagkatok mula sa baba.
"Hmm, ingay," antok na bulong pa siya,
hindi niya pinansin iyon at ipinagpatuloy ang pagtulog.
Makakatulog na sana ulit siya nang marinig ang malakas na ingay na iyon ulit, dahil sa inis ay napabalilwas siya ng higa at napabangon.
"Ano bang--- Sino ba y--- HALA!!!"malakas na sigaw niya nang mapagtanto kung anong araw ngayon.
Pagtingin niya sa nakasabit na orasan, halos mapatalon siya sa kama dahil sa oras na nakapaskil doon. 'Shete! alas otso na!'
Nagmamadaling napababa siya sa higaan at sumilip sa bintana. Tama ang hinala niya, si Kyle nga ang nakakatok sa kanilang gate. Gawa pa naman sa yero ang gate nila kaya maingay at malakas ang tunog kapag nagagalaw iyon.
Walang hilamos at mumug nang bumaba siya para pagbuksan ito. Na-bounce pa ang magulo at kulot niyang buhok habang nagmamadali sa pagbaba sa hagdan. 'Buti na lang buhok ko ang na-bounce, hindi ang bilbil ko,' napakamot siya sa kanyang ulo, sapagkat nagagawa pa niyang magbiro sa oras na ito.
"Dude, sorry talaga! Halika pasok ka muna," natatarantang sigaw niya dito pagbukas ng gate.
Wala naman itong imik, tumango lang at sumunod sa kanya papasok. Pinaupo muna niya ito sa sofang kawayan.
"Ah teka, anong ngang gagawin ko," hindi magkaintindihang tanong niya sa sarili. Hindi na niya alam ang dapat unahin, ipagtitimpla ba niya ng milo si Kyle o aakyat na para magbihis.
"You need to take a bath," saad naman ni Kyle mula sa kanyang likuran. Nakatayo ito doon at pinagmamasdan ang kakatuwang itsura niya.
"Ah Oo, tama ka!" sigaw pa niya at saka mabilis na umakyat papuntang kwarto. Hindi niya alam kasunod pala niya ito, feel at home pa itong naglakad papasok sa kanyang kwarto na para bang tunay na kapamilya.
Siya naman ay tumakbo patungo sa banyo dala ang twalya para maligo. Dahil sa pagmamadali ay nakalimutan niyang dalhin ang damit na bihisan patungo sa loob ng banyo.
Matapos maligo, gamit ang mala-ninja skill niya sa bilis. Nang oras na para magbihis, doon niya naalala na naiwan sa kwarto ang kanyang damit, at napapinid pa ang kanyang labi nang maisip na hindi lang damit ang naiwan, pati undergarments niya tulad ng panty at b*a.
Nakahanda na naman iyon kagabi pa dahil sa pagiging excited niya, pero sa huli nakaligtaan pa rin niya dahil sa pagmamadali.
Dahil ang banyo ay wala sa loob ng kanyang kwarto, problema talaga ito.
Sumilip siya sa labas ng pintuan at sumigaw, naalala kasi niya na nakasalubong niya kanina si Kyle nung palabas na siya sa kwarto. 'Ewan ko kung anong ginagawa niya sa kwarto ko, pero salamat at nandun siya. Sana marinig niya ako.'
"Dude!!!"
"Yes?" may pagtaas pa nang kilay na sagot nito, habang palabas ng kanyang kwarto.
Nasa dulo ng hallway ang banyo kaya tanaw niya ang pinto ng kanyang kwarto at kwarto ng kanyang kuya kapag narito.
"Kunin mo ang damit ko dyan, nakapatong sa table ko!" utos pa niya. Iyon ay ang kanyang P.E uniform at undergarments.
Tumango lang naman ito at pumasok ulit sa kwarto, maya-maya kita niyang paparating na ito.
"Salamat Dude," masayang aniya, at mabilis na tinanggap ang dala nito.
Nakapagbihis na siya at saka lumabas ng banyo.
Nang makabalik siya sa kwarto, napataas ang kanyang kilay nang makita ang ginagawa no Kyle sa loob.
"Anong oras ka nagising? Antok ka pa ata," pagpuna pa niya dito na kumportableng nakahilata sa kanyang higaan.
'Super feel at home talaga ang isang 'to,' napapailing na saad pa niya sa kanyang isipan. Alam niyang hindi ito tulog at nakapikit lamang kaya kinakausap pa rin niya.
"Dude, ano pa nga ang dapat kong dalhin?"
"Your school ID and don't forget your bracelet," sagot pa nito, medyo nagtaka siya dun sa part ng bracelet, pero pinagsa walang bahala na lamang niya.
"Oo, di ko naman hinuhubad yun," pahayag naman niya pabalik.
Nang makuha ang kailangan, matapos magsuklay at magpulbo, hinarap na niya ang kumportableng si Kyle na nakahiga sa maliit at magulo niyang kama.
"Dude, bumangon ka na dyan, magugusot ang suot mo oh." Tinapik pa niya ang paa nito sapagkat nakalawit iyon sa kama. Masyado itong matangkad kaya di kasya sa kanyang higaan.
Nagmulat naman ito ng mata at saka umupo, naghikab at nag inat ng braso. Dala ang suklay nilapitan ulit niya ito para suklayan, nagulo kasi ang buhok nito dahil sa paghiga.
Kinuha din niya ang pulbo at nilagyan ang likod nito. Habang ginagawa niya iyong lahat. Tahimik at mabait na nakaupo lang ito at di nagrereklamo.
Sa tingin pa nga niya ay masaya ito at gusto ang kanyang ginagawa.
Bago isara ang pinto at lumabas ng bahay, mabilis pa siyang humarap kay Kyle na nasa kanyang likuran.
"Dude, sorry talaga ah, tinanghali tuloy tayo," aniya pa, sabay yakap nang mahigpit sa katawan nito.
Medyo nagulat ito dahil sa kanyang ginagawa, pero di nagtagal at malambing na sinuklian din nito ang kanyang yakap. Sumiksik pa ito sa kanyang leeg at inamoy siya nang ilang beses kaya hindi niya napigilang di mapatawa dahil sa kiliti na nararamdaman.
Itutulak na sana niya ito palayo nang marinig niya ang mahinang bulong nito sa kanyang tenga. "I miss you."
Napangiti siya at hinaplos ang buhok nito, mas niyakap niya ito nang mahigpit at saka sumiksik sa dibdib nito bago sumagot. "Na-miss din kita, Dude."
Halos 9:00 am na sila nang makaalis sa bahay at magba-byahe pa patungo sa school nito.
MAKALIPAS ang ilang sandali, nakarating din sila sa eskwelahan ni Kyle. Ipinasok nito ang sasakyan sa loob ng school patungo sa exclusive na parking lot dito.
Ngayon lamang siya nakapasok dito, kaya naman di niya inaasahan na malaki pala talaga ang buong campus na ito. Kanina, pansin na niya ang dami ng mga taong masaya-sayang naglalakad papasok kasama ang mga kabarkada at kaibigan ng mga ito.
'Mukhang tama nga ang nakasaad dun sa pamplet na binigay ni Dude sa akin noon, open for all pala talaga ang event na ito. Pwede rin dumalo pati mga outsider,' isip-isip pa niya habang pinagmamasdan ang mga tao kanina.
Ngayon, nakapag-park na sila. Palabas na siya nang magarang sasakyan ni Kyle nang mapansin niyang wala na siyang katabi sa loob. Napalinga pa siya sa paligid. Iyon pala ay nasa kanyang tabi na para ipagbukas siya nang pintuan. "Ah salamat, Dude," aniya.
Inabot pa nito ang kanyang kamay para alalayan nang tapikin niya iyon. "Luko, di ako prinsesa para alalayan mo pa," natatawang aniya pa dito.
Di naman ito umimik, pero parang nakita niyang napalabi ito dahil sa failed attempt sa pagiging gentleman. Patago pa siyang napatawa at saka ibinaling ang paningin sa paligid.
Doon niya nakita na, hindi pala basta-basta talaga ang mga event kapag private school na ang gumawa. Mangha siyang napasilay sa buong paligid.
Nasa may parking lot pa lang sila, pero puno na ng mga desensyo dito. May mga banderitas at makukulay na palamuti. Dito pa lang din ay may makikita na silang mga booth. Habang papalapit sila sa gitna ng campus kung saan ay matatagpuan ang mas maraming booth na may kanya-kanyang pakulo at dating.
Karamihan ay pagkain ang tinda, at mga palaro.
Unang araw pa lamang ay di na magkamayaw ang dami ng mga tao dito. Katulad ng nasa pamplet, makikita dito ang mga estudyante na karamihan ay galing sa iba't ibang paaralan.
May mga galing din sa ibang private school, at meron din sa katulad niyang public. Lahat ng magkakapartner ay parehas naka P.E uniform, habang makikilala naman ang mga outsider sapagkat naka-casual attire ang mga ito.
Pagdating nila sa venue, habang napapasilay sa paligid. Pansin niya na lahat ng magkaka-partner ay may suot na bracelet na katulad ng kanila. Medyo nasaktan siya nang malaman na hindi ganun ka espesyal ang bracelet na meron siya, akala pa naman niya galing talaga iyon kay Kyle.
Mukhang provided pala iyon ng school, para sa magkaka-partner, pero kahit masakit mag-aasume na special, hindi na lamang niya iyon binigyan pa ng pansin sapagkat ang mahalaga ay parte siya nang event na ito.
Napangiti pa nga siya nang malaman na lahat ng mga kasali sa event at may partner na estudyante ng LPU, may discount sa lahat ng booth at iba pang activities na meron dito. Ang astig lang din sapagkat may magaganap na play sa theatre nila dito, meron ding horror house, movie house at planetarium. Iba talaga ang paghahanda na meron ang school na ito.
Dahil wala pa siyang agahan, tanghali na at gutom na din siya. Huhugutin na sana niya sa kanyang bulsa ang 100 pesos na pabaon sa kanya ng nanay niya nang mapansin niyang lahat ng mga katulad nilang magkaka-partner ay lumalapit sa isang booth sa may entrance ng venue.
"Dude, kailangan ata natin magpa-register dun," saad pa niya dito, sabay hila sa kamay nito papunta doon.
"Mn."
Malaki at matangkad man ito, pero walang hirap na nagpahigit ito sa kanya.
SA KABILANG BANDA...
"Zen, saan ka pupunta?" tanong pa ni Ken sa kasama niya. Napansin din kasi niyang iniwan nito sa isang table ang partner nitong si Vinah.
"Dyan lang sa may gate, tutulungan ko si Jed, marami daw silang dala," sagot naman nito, at tinutukoy ang isa pang member ng SSG na nagpunta sa bayan para bumili ng mga dagdag na prize para sa mga palarong isasagawa mamaya.
Ang SSG kasi ang nakatoka na maghandle no'n bukod sa pagmo-monitor at paglo-log in ng mga participants para sa event na ito.
"Ano ba yan, hanggang ngayon ba naman busy pa rin kayo," nagrereklamo pang saad niya dito. Napatawa lang naman ito sa kanya.
"Oo nga, dapat pala nag suggest ako na dapat kapag SSG members ay wala nang partner, mahirap kumilos kapag may inaalala ka." Pagtukoy pa nito sa kasamang si Vinah. Nagu-guilty ito sa pag iwan sa kapareha dahil sa kanyang trabaho at gawain.
"Dapat nga kaso wala na tayong magagawa dyan." Napakibit-balikat pa siya, habang naglalakad sila patungo sa may gate ng school.
"Ikaw ba, nasaan na partner mo?" tanong pa nito nang makarating sila sa may venue kung saan ay tunay namang napakaraming tao.
Dahil din sa malakas at nakakaindak na tugtugin kaya mas maging buhay ang paligid.
"Ah last minute na umatras yung inimbitahan ko, kaya ngayon wala akong kasama."
"Mabuti yan."
Nagtaka naman siya sa naging sagot nito. "Bakit naman?"
Mala-anghel naman na ngumiti ito sa kanya, alam niyang may kailangan ito at alam din niya sa kanyang sarili na di niya kayang tumanggi. "Habang busy ako, ikaw muna bahala kay Vinah."
Napalunok na lamang siya nang wala sa oras at napatango. 'The F, iba talaga ang angel power ng isang 'to. Ang lakas ng epekto.' isip-isip pa niya.
Habang naglalakad, may isang bagay na nakaagaw ng kanyang atensyon. May pamilyar na mukha siyang nakilala kaya mabilis siyang napalingon para hanapin iyon sa gitna ng mga taong nakapaligid sa kanila.
"Anong problema, Ken?"
"Parang nakita ko si Cap---"
"Si Kyle ba yun?"
Naputol ang kanyang sasabihin ng dahil sa pahayag ni Raizen, at sa dereksyon na itinuro nito.
Mula sa kanilang kinatatayuan, kahit napakadaming tao at maingay ang paligid. Hindi siya magkakamali, si Kyle nga ang lalaking iyon na may kausap na babae. Hindi man kapanipaniwala, pero napagmasdan pa nila kung paano hilahin ng babae ang kanilang kababata patungo sa registration booth.
Napabulong na lamang siya habang sinusundan ng tingin ang dalawa mula sa di kalayuan.
"U-Umattend si Captain?"