MAAGA ang aming flight ni Daddy patungong Cebu, dalawang ticket na pala ang i-b-in-ook niya kahit na hindi naman siya sigurado kung sasama ba ako sa kaniya kaya naman hindi na kami namroblema pa para sa ticket at agad kaming nakaalis. Dahil nga maaga, inaantok pa ako, sa buong byahe ay tulog ako, ginising na lamang ako ni Daddy nang palapag na ang eroplano. “Teka lang, baka nand’yan lang ang mga Tita at Tito mo, medyo malabo na ang mga mata ko,” sabi niya habang iginagala ang tingin sa mga taong nag-aabang ng kanilang mga mahal sa buhay na kanilang susunduin. Sa bandang kaliwa ay nabasa ko ang pangalan ni Daddy na nakasulat sa isang malaki at puting kartolina, mismong nakaagaw ng aking atensiyon. At nang tingnan ko ang may hawak ay agad kong namukhaan bagaman hindi ako gano'n kasigurado.

