Q “…At doon nagtatapos ang kuwento nina Dianne at DJ.” Iyon ang naging pagtatapos ng kuwento ni Dianne habang nakatingin sa kanyang mga anak na kambal na sina Annilou at Dina, at sa bunsong anak na si Dexter. Nakaupo silang magkakatabi sa kama, ang ilaw sa silid ay bahagyang madilim, sapat lamang para makaramdam ng antok at kapanatagan. “’Yon na ’yon? ’Yon lang ang ending, Mommy?” Tanong ni Annilou habang bahagyang nakakunot ang noo at tila hindi pa kuntento. “Parang bitin po, Mom… maganda ang simula pero parang bitin naman yata ang ending ng kuwento nila.” Saad naman ni Dina sabay napakamot sa leeg, halatang naghahanap ng mas malinaw na wakas. “Anong nangyari kay Gemma, ’yong kontrabida? Kung ako ang author ng kuwento, hahatulan ko talaga siya ng silya elektrika o di kaya bitay!”

