Nakita ni Dianne na abala si DJ sa pakikipag-usap sa general manager ng establisyemento. Nakapamewang ito habang seryosong nakikinig, paminsan-minsan ay tumatango, wari’y may pinagkakasunduang mahalaga. Ilang sandali pa ang lumipas matapos ayusin ng mga waiter ang mga mesa at upuan sa paligid ng dance floor. Halatang may kakaibang mangyayari dahil tila sinadya ang pagkakaayos—maluwag ang gitna at masikip ang paligid. Bigla na lamang namatay ang ilaw. Isang iglap ay binalot ng dilim ang buong lugar. May ilang babae ang napaungol sa gulat, ang iba nama’y napahawak sa braso ng kasama. Umalingawngaw ang bulungan at tanungan ng mga tao. "Ano ang nangyayari?" tanong ng ilan, may kaba at may halong pananabik. Pati sina Dansel, Amy, at Athena ay nagtinginan, halatang walang ideya sa nagaganap.

