Nagulat kami nang biglang kumilos ang mga alipores niya at lumapit sa amin. Hinawakan ng dalawang lalaki sa Jax at kinaladkad. Napasigaw ako at hahabol sana ako sa kaniya nang may humawak naman sa akin.
“Let go of her, Keane.”
Napalingon ako kay Keane na walang pagda-dalawang-isip na binitawan ako at nilahad ako sa lalaking kumukuha sa akin. Umiling ako at inabot ko siya pero ngumiti lang siya sa akin, pinapahiwatig na magtiwala ako sa mga kasamahan niya.
Napalunok ako at napatingin ako sa gawi nila Basil na apat na lalaki ang nakabantay sa kaniya. Buhat niya ngayon si Laina sa mga kamay niya. Nakahinga ako ng maluwag dahil wala silang ginawang masama kay Laina.
Inalalayan nila kami patungo sa pintuan palabas sa gusali. Sinilip ko si Range mula sa balikat ko na naiwan sa gitna habang hawak ang locket. Para itong isang diyamante na sobrang iniingatan niya. Hinaplos-haplos niya ito at ang huling naabutan ko ay ang pag-alog ng balikat niya bago siya tuluyang mawala sa paningin ko.
Bumungad sa akin ang matataas na puno at magubat na daan. Mabuti na lang dahil naka pants ako at kung hindi ay mangangati ang binti ko dahil sa mga damo na halos kasing laki ko.
Inalalayan kami ng mga lalaki habang tinatahak namin ang daan. Kulang na lang ay itulak nila ako dahil sa bagal ko maglakad. Hindi ko makita kung ano o sino ang nasa harapan ko. Tumingala ako at natagpuan kong makulimlim parin ang paligid. Hindi na talaga nagbago ang atmospera ng lugar. Simula noong makarating kami rito ay nanatiling maulap ang kalangitan.
“Bilisan niyo!”
Napaigtad ako nang may sumigaw sa harapan. Hindi ko alam kung sa kapatid ko o kay Basil sila nagagalit. Ngunit, nang marinig kong nagreklamo ang kapatid ko ay nalaman ko na ang sagot.
“W-where are we going?” sinubukan ko magtanong sa lalaking nakahawak sa siko ko. Ngunit, nanatili ang kaniyang atensyon sa harapan niya at parang walang narinig.
Mukhang walang pag-asa na sagutin nila ang tanong ko kaya’t nanahimik na lang ako at nagpa-alalay sa kanila. Makalipas ang ilang minutong paglalakad ay sa wakas huminto na kami. Ramdam ko ang pangangalay ng mga tuhod ko at ang kapaguran ng katawan ko. Gusto ko munang mahiga at magpahinga saglit. Kung maaari lang ay maupo na ako sa mismong pwesto ko ngayon ay gagawin ko. Ngunit, humigpit ang pagkakahawak sa akin ng lalaki at ang isa naman ay may tinutok na itak sa akin. Napabuntong-hininga ako. Wala talaga akong takas.
Nagtataka ako kung bakit kami huminto kaya’t sinubukan kong sumilip kung ano ang nasa harapan. Nangunot ang noo ko sa mataas na bakod na nakaharang sa daan namin. Napatingala ako at halos hindi ko na maaninag kung hanggang saan aabot ang taas nito dahil natatakpan na ito ng mga kakahuyan ng gubat at mahamog ang gawing taas.
Sa sobrang tahimik ay muntikan na ako mapasigaw nang sunod-sunod na tatlong mahihinang katok ang narinig ko. Napatingin ako sa harapan namin at natagpuan kong may isang lalaki ang malapit sa bakod. Siya ang kumakatok.
Matapos niyang kumatok ay naghintay ako kung may mangyayari ba. Tahimik. Napalingon ako sa paligid. Wala namang nagbago?
Nabalik ang atensyon ko sa lalaki nang kumatok muli siya. Sa pagkakataong ito naman ay isang mahinang katok at isang malakas. Wala paring nangyari. Ganon parin ang itsura ng paligid. Nanatili lang kaming nakatayo sa mga pwesto namin. Hindi pa nagtatapos ang lahat dahil kumatok muli ang lalaki ng dalawang mahinang katok, isang mahaba, at isang mahinang katok ulit.
“Bruh, Elsa won’t come out.”
Lahat kami ay napatingin kay Jax na mukhang nanliit sa pwesto niya at sinenyasan niya na ituloy ng lalaki ang nais gawin. Napailing na lang sila at ako naman ay napatampal sa noo ko.
“Hehe, sorry. Go on.” kinagat niya ang daliri niya.
Binalik na lang ng lalaki ang atensyon niya sa bakod at inangat niya ang kamay niya. Kumatok siya ng mahina. Isang beses lang ito at saglit lang. Nag-abang ako kung kakatok ba siya muli, pero, mukhang ito na ang huling katok niya dahil umatras siya, tila, may inaabangan siyang mangyayari. Napatingala ako sa bakod. Naningkit ang mata ko nang makita kong nabitak ang mataas na kahoy. Akala ko ay masisira ito dahil napa-atras ako ngunit pinigilan ako ng lalaki.
Unti-unti ay biglang nagkaroon ng hati sa gitna ang bakod. Yumanig ang paligid kaya’t bumaba ang tingin ko sa lupa. Gumagalaw ang mga bato at mga damo. Humigpit ang pagkakahawak ng mga alipores sa akin kaya’t hindi ako makatakas o makatakbo sa takot.
Buong akala ko ay guguho ang paligid pero maling akala ko lang pala ito dahil unti-unting bumukas ang bakod. Napapikit ako dahil may liwanag na sumisilay mula sa loob nito.
Nang tuluyan na itong bumukas ay dahan-dahan kong dinilat ang mata ko at napanganga ako sa bumungad sa harapan namin. Maski sila Jax at Basil ay walang masabi. Tinulak kami ng lalaki kaya’t wala kaming nagawa kundi ang magpatuloy maglakad habang nililibot ko ang paningin ko sa paligid.
Kung hindi ito paraiso ay hindi ko na alam kung ano ang tawag sa lugar na ito. Wala na akong pake kung halos pasukan na ng langaw ang bibig ko. Hindi maipaliwanag ng mga salita kung gaano ako kahanga-hanga sa nakikita ko ngayon. May dumaan na paro-paro sa harapan ko at sinundan ko ito ng tingin hanggang sa magtungo ito sa bulaklak.
Nang maitapak namin ang mga paa namin sa loob ay saglit kaming huminto. Ang mga taong may kaniya-kaniyang pinagkakaabalahan ay napunta sa amin ang kanilang mga mata. Kinagat ko ang labi ko dahil hindi ko alam kung saan ako titingin. Sa mga tao ba o sa kagandahan ng lugar.
Para itong isang nayon. Napapalibutan ang bawat bahay ng mga ilaw na kumikinang at nagbibigay liwanag sa buong lugar. Makaluma ang disenyo ng mga bahay, para kang dinadala sa unang mga panahon. Bawat bahay at may mga kakahuyan na nagsisilbing pader nila at mga bulaklak na naka-aligid.
May mga batang naglalaro sa isang gilid, ngunit, natigilan sila nang mapatingin sa amin. Halata ang pagtataka sa kanilang mga mukha kung sino kami. Malinis sila, kumpara sa amin na nababahiran ng mga dugo at dumi. Pakiramdam ko tuloy ay isa kaming pulubi na nahuli ng mga kapulisan at dadalhin ngayon sa mga kulungan dahil pakalat-kalat kami sa labas.
“Damn…this place looks magical.” narinig kong bulong ni Jax sa unahan.
Nang magsalita siya ay bigla kaming tinulak ng lalaki. Inalalayan nila kami habang naglalakad kami sa gitna. Bawat mata ay sinusundan kami ng tingin. Ang iba ay nandidire, ang iba ay naaawa, at may mga masama ang tingin sa amin. Halo-halong mga emosyon ang nakikita ko. Napalunok ako. Nakakapagtaka man kung paano nila natayo ang lugar na ito, ngunit, nakakatakot dahil sa mga taong naninirahan. Ramdam ko ang kanilang mapag-akusang tingin na tumatagos hanggang kaluluwa ko.
Hindi ko alam kung gusto ko ba tumakas o manatili sa lugar na ito.
Nang huminto na kami sa isang bahay na mas malaki kumpara sa mga nadaanan namin ay hindi ko maiwasan na mamangha sa ganda ng pagkakadisenyo nito. Isa itong malaking puno na nilagyan ng bubong, pader, hanggang sa mabuo ito na tahanan. May mga nakakabit na ilaw at mga rosas na nakalagay sa paso sa paligid nito. Napapalibutan din ng tangkay ng puno na may mga dahon na berde.
Buong akala ko ay papalayain na nila kami sa lugar nila. Hindi ko sukat akalain na dadalhin nila kami rito. Ito ba ang tinatawag nilang haven? Ilang araw ba nilang binuo ang nayon na ito?
Nahinto ako sa pag-iisip ko ng kung ano-ano nang tinulak na kami ng mga lalaki. Napa-abante kami at sumunod sa mga alipores ni Range. May hinawi silang kurtina at sa likod nito ay isang pintuan na parte ng puno. Binuksan nila ito at pinapasok kami sa loob.
Nang matungtungan na namin ang loob ng bahay ay natulala na lang ako sa ganda ng mga muwebles at disenyo ng loob. Pakiramdam ko ay nakapasok ako sa loob ng isang fantasy movie. Malamlam ang liwanag ng paligid na nagbibigay kaginhawaan sa pakiramdam ko.
Napalingon ako sa mga alipores niya nang iwan na nila kami. Nang kami na lang ang naiwan ay nagtaka ako nang mapagtanto kong si Jax lang pala ang kasama ko sa loob. Saan napunta sila Laina at Basil?
“They were guided through that door, ate.”
Mukhang napansin ni Jax ang pagkalito sa mukha ko at palingon-lingon ko sa bawat sulok ng paligid kaya’t siya na ang sumagot sa question mark na nakatatak sa noo ko. Well, ako kasi ang huling pumasok kanina at nasa unahan sila kaya hindi ko alam.
Bigla na lang siyang tumakbo patungo sa sofa na may takip na kumot at basta na lang siyang nahiga rito. Ako naman ay sumunod sa kaniya habang sinusuri ko ang buong lugar. Para akong hinihipnotismo dahil pakiramdam ko ay ayaw ko nang umalis dito. Ang gaan sa pakiramdam at gusto kong matulog dito nang ilang buwan.
Napamura ng malutong si Jax.
“Gusto kong tumira rito!” tsaka siya nagpagulong-gulong sa sahig na parang bata.
“Jax, behave.” suway ko sa kaniya at sinamaan ko siya ng tingin. Wala kaming ideya kung sino ang nakatira rito at bakit dito kami dinala, pero kailangan parin namin mag bigay galang sa may ari. Pero etong kasama ko naman ay pinanganak na talagang walang hiya.
“Good thing they didn’t kill us.” aniya at bigla siyang bumangon. Nagtungo siya sa mga collection ng mga armas na nakasabit sa pader. Kuminang ang mata niya, tila, nakakita siya ng laruan.
“Don’t touch that!” suway ko sa kaniya at hinila ko ang likuran ng shirt niya. Nagpumiglas naman siya kaya’t binitawan ko siya at bumagsak siya sa sahig. Natulala siya sa kisame habang nakatihaya ng higa. Pinagmasdan ko naman siya. Sa unang pagkakataon nang makatungtong ang paa namin sa lugar na ito ay nakitaan ko ng payapa ang mukha niya.
Ngumiti ako ng malumanay at dahan-dahan akong umupo sa gilid niya. Hinaplos ko ang kaniyang buhok. Sumilay ang ngiti sa labi niya pero hindi siya nagbato ng tingin sa akin. Nanatili ang kaniyang atensyon sa kisame, mukhang malalim ang iniisip.
“This place brings peace in my heart. I feel, strong and…”
“Free?” ako na ang tumapos sa gusto niyang ipahiwatig. Sunod-sunod siyang tumango.
“Yeah.”
Hindi na ako nagsalita muli. Sa halip ay dahan-dahan akong nahiga sa tabi niya at parehas namin pinakatitigan ang kisame. Napa-awang ng kaunti ang labi ko dahil parang isang kalawakan ang disenyo ng kisame. Hindi ko namalayan may luha na palang tumulo sa pisngi ko, umaagos pababa.
“I-it’s beautiful…”
“Y-yeah…it is…” bulong ni Jax sa gilid ko at naramdaman kong lumingon siya sa akin.