002: Motive

1846 Words
Kabanata 2 "Motive" M A Y A “Hi! Pwedeng maki-upo?” aniya kahit na late na yata para sabihin niya pa iyon dahil nakaupo na siya sa lamesa namin. Sabay na tumango ang dalawang kaibigan kong nakaupo sa harap namin ni Terrence. Sa gulat ko ay hindi ako agad nakapag-react. Pinagmasdan ko lang siya habang awang ang mga labi. Nang hindi ako umimik ay ako naman ang binalingan ni Terrence. Siya ang captain ng basketball team ng eskwelahan. Popular siya sa school kaya nakakapagtaka na bigla na lang siyang nakikiupo sa lamesa namin. Nang luminga ako sa paligid ay marami pa namang bakanteng upuan sa paligid. Ano kayang naisipan niya at dito pa talaga siya nakiupo, o baka naman may balak din siyang mang-bully? Imposible ‘yon, di ba? Hindi naman siya ganoon. Medyo mapresko siya, lalo na pagdating sa laban, pero never ko pa namang narinig na may binully siya. Nagyayabang lang naman siya sa game dahil magaling naman talaga siya at may maipagmamayabang talaga. Pero sa tingin ko hindi naman talaga siya masamang tao sa personal. “Ayos lang ba sa’yong dito ako maupo, miss?” Mapaglaro ang kanyang mga mata. Hindi ko mabasa kung ano ang nasa isip niya ngayon. Ano naman kaya ang dahilan niya kung bakit siya nakiupo dito sa amin? Tumango na lang din ako. S’yempre naman, payag ako. Sino bang tatanggi sa isang katulad niya? Isa pa, idol ko kaya siya, noon pa. Kaya wala talagang dahilan para tanggihan ko siya. Isang karangalan para sa akin ang makasama siya sa iisang lamesa. "Thanks," nakangiti niyang sabi. Nagkatinginan kaming tatlo. Bakas ang pagtataka sa mga ekspresyon namin at mukhang napansin yata iyon ni Terrence, kaya muli siyang nagsalita. "Oh, sorry. Did I make you feel uncomfortable?" may pag-aalalang tanong niya. Agad akong umiling. "Hindi! Ayos lang naman sa amin," sabi ko. Sinulyapan ko ang mga kaibigan kong parehong pilit ang ngiti. Hindi ko tuloy alam kung ayos lang ba talaga silang narito si Terrence, o talaga ngang hindi sila komportableng narito ito. Sa akin naman kasi ayos lang pero kung hindi pala ayos sa mga kaibigan ko... "No, it's okay. Lilipat na lang ako." Tumayo na siya agad. Nakaramdam ako ng panghihinayang sa sinabi niyang iyon. Hindi ko na naitago ang pagkasimangot ko nang sabihin niya 'yon. Pero wala naman akong magagawa kasi mukhang hindi nga talaga komportable ang mga kaibigan ko lalo na si Yana. Kita ko iyon sa kanyang mukha. Hindi kasi siya sanay sa ibang tao. Mahiyain masyado. "Uh, by the way, I uhm..." Kumunot ang noo niya at napakamot sa kanyang batok. Hinintay ko ang idudugtong niya. "I'm Terrence. Uh, kayo? Pwede ko bang hingin ang mga pangalan niyo?" maingat niyang sinabi. Kumunot ang noo ko, kahit may konting crush ako sa kanya ay hindi maalis sa akin ang pagdududa sa kung ano nga ba talaga ang tunay niyang motibo sa pakikipagkilala sa amin. Imposible kasing bigla na lang niyang naisipang maupo dito sa lamesa namin at makipagkilala. Popular guy siya kaya dapat doon lang siya sumasama sa mga kapwa niya popular. Hindi sa mga katulad namin. Imposible naman kasing mas pinili niya pang sumama sa amin kaysa sa mga katulad niya. Sumingkit ang mga mata ko habang mataman siyang tinitignan. "Bakit ginagawa mo ito?" malamig kong tanong. Kumunot muli ang noo ni Terrence sa biglang pagbabago ng tono ko. Napakamot siyang muli sa kanyang batok, tila nagtataka sa biglang malamig kong tono. "May nag-utos ba sa'yong gawin ito?" sabi ko na may halong pang-aakusa sa boses. Lito niya akong tiningnan, diretso sa mga mata. "What?" "Bakit gusto mong makipagkilala sa amin? May binabalak ka bang masama? Kasabwat mo ba sina Amanda? May pinaplano nanaman ba siyang masama sa amin ng mga kaibigan ko? Gusto niyang makaganti dahil sa nangyari kanina?" Hindi siya makasagot. Lito lamang siyang tumitig sa akin na para bang hindi niya maintindihan kung ano ang sinasabi ko dito. Tumayo na ako para mas makausap ko siya ng maayos. "Ano? Bakit hindi ka makasagot? Totoo, ano? Initusan ka ni Amanda? Gusto niyo kaming pagkaisahan ng mga kaibigan ko. Pwes, sabihin mo sa kanya, palpak ang plano niya dahil hindi naman kami uto-uto. Kung gusto niya ng away, siya ang pumunta dito. O baka naman natatakot na siya dahil sa ginawa ko sa isa sa mga demonyita niyang alagad. 'Wag kamo siyang mainggit dahil willing naman akong gawin din sa kanya 'yon." Sabay na napasinghap ang mga kaibigan ko sa sinabi kong iyon. Kitang-kita ang pagkagulat na may kahalong pagkamangha sa kanilang mga mukha. Ang nalilitong ekspresyon ni Terrence kanina ay napalitan ng kung ano. Hindi ko na mabasa kung ano iyon. Ngumiti siya at tumango. "Don't worry, hindi ako inutusan ni Amanda, o ng kahit na sino para guluhin kayong magkakaibigan. Hindi rin ako uto-uto. Nagpunta ako dito para makipagkilala dahil sa sarili kong kagustuhan. Nakita ko ang nangyari kanina sa inyo at sa grupo nina Amanda. At gusto kong malaman mo na sang-ayon ako sa ginawa mo doon kanina. Kung kaya ko lang din sanang manakit ng babae, baka nagawa ko din 'yon. Hindi tama ang ginawa niya sa kaibigan mo," may pakikisimpatya siyang bumaling kay Yana, bago muling ibinalik sa akin ang tingin. "Huwag kang mag-alala, nauunawaan ko kung may pagdududa ka sa intensyon ko. Alam kong gusto mo lang protektahan ang mga kaibigan mo. Hindi kita pipiliting maniwala sa akin. Pero gusto ko lang malaman kung palagi ba nilang ginagawa ito sa inyong tatlo?" may himig ng pag-aalala sa kanyang boses. Sa itsura niya ngayon, mukhang hindi naman talaga panget ang intensyon niya sa pagpapakilala sa amin. Bigla tuloy akong nahiya dahil hinusgahan ko siya agad. Pakiramdam ko ay nag-init ang aking buong mukha, pero agad din naman akong nakabawi. “Oo, madalas, kaya pagpasensyahan mo na kung nahusgahan kita agad,” sabi ko. Sumilay ang isang tunay na ngiti sa mga labi niya. “Ayos lang ‘yon. Naiintindihan ko ‘yon,” huminto siya at kumunot ang noo. “Pero kung noon pa pala nila ginagawa ito sa inyo, bakit hindi kayo nagsusumbong?” “Wala naman nangyayari kapag nagsusumbong kami. Tignan mo ako pa itong naparusahan. Pero ayos lang ‘yon. Aminado naman akong mali ang ginawa ko. ‘Tsaka kahit isang buwan akong maglinis ng school para sa akin worth it ‘yon. Nabangasan ko naman ‘yong bruha.” Tumawa si Terrence at mas lalo pang lumawak ang kanyang ngiti. “Ah, Maya…” Kumunot ang noo niya. “Ako si Maya. Siya naman si Alena,” turo ko kay Alena na ngumiti pagkatapos ko siyang ipakilala. “Tapos si Yana,” turo ko naman kay Yana na nahihiyang ngumiti lang din. Tumango si Terrence sa kanila bago muling bumaling sa akin. “Well, then uh…” tinignan niya ako ng mataman. Nag-iwas ako ng tingin dahil sa klase ng titig niya sa akin. Kung tumingin siya ay diretso talaga sa mga mata. Ewan ko, bigla akong nakaramdam ng pagkailang. Siguro dahil idol ko siya. “Mauna na ako, Maya. Nice to meet you guys,” aniya at bumaling na din muli sa mga kaibigan ko. ‘Tsaka lang ako ulit nag-angat ng tingin sa kanya. Matangkad kasi siya sobra. Titingalain mo talaga. “Nice to meet you din,” sabi ko. Ngumiti lang siya sa akin bago tumalikod at umalis na. Naupo akong muli nang tuluyan siyang makalayo sa pwesto namin. Nakita kong nagkatinginan ang dalawa kong kaibigan at sabay na ngumisi. “Hindi ba nasabi mo na crush mo iyon?” si Alena, hindi ko matandaan kung kailan ko nabanggit iyon sa kanila. Hindi namana ko nagkukwento sa kanila ng mga ganitong bagay dahil hindi din naman talaga ako madalas na magkagusto sa kung sino lang. Ngayon nga lang ako nagkaroon ng crush pero hindi ko matandaan na nabanggit ko iyon sa kanila. Pero kung alam ni Alena, baka nga nabanggit ko sa kanila ang tungkol doon. Nag-init ang pisngi ko sa klase ng tingin na ibinibigay sa akin ng dalawang kaharap ko ngayon. “Ano?” kunwaring iritadong tanong ko sa kanila. Mapang-uyam ang naging ngisi ni Alena, habang si Yana naman ay naiiling habang nakangiti din. Parang alam ko na kung ano ang nasa isip ng dalawang ito, ah. Iniisip siguro nilang kinikilig ako dito dahil nakausap ko ang crush plus idol kong basketball captain ng school. Hay naku! Oo, natutuwa ako na nakausap ko siya at nakapagpakilala sa kanya pero hindi naman ako kinikilig. Hindi naman malalim itong pagkakagusto ko sa lalaking iyon, humahanga lang ako sa kanya pero hindi ito kasing seryoso tulad ng feelings ni Alena para kay Darius. “May sinasabi ka ba, Yana? Wala naman kaming sinasabi, ah?” ani Alena pero bakas pa din ang pang-uuyam sa kanyang ngiti. Hindi ko na napigilan ang mapairap. “Pero ang bait ni Terrence, ano? Sana lahat ng popular dito sa school katulad niya. Pogi na tapos friendly at mabait pa.” Hindi ako umimik pero sang-ayon ako sa sinabi ni Alena. Madalas kasi sa mga popular na ‘yan, hindi namamansin. Suplada at suplado, akala mo kung sinong mga matataas na ang narating. Parepareho lang naman kaming estudyante dito na nagbabayad ng tuition. Pero kung umasta sila akala mo sila lang ang importante sa lahat. Kala mo sila ang may-ari ng school. Mabuti na lang at hindi ganoon si Terrence. Oo, hindi naman siya perfect, may mga bagay din na hindi maganda sa kanya pero, at least hindi naman siya katulad ng iba d’yan na ang taas-taas ng tingin sa mga sarili nila at ang hilig pang mam-bully. Tulad na lang ni Archer na wala ng ginawa kundi ang bwisitin ang kaibigan naming si Yana. Kaya nga pagnakakasalubong namin ang tropa nila Archer, biglang nagtatago itong si Yana. Siya kasi ang hilig puntiryahin ng lintek. Kung hindi ko lang alam na masama ang ugali ng Archer na iyon ay baka isipin ko pang may gusto lang siya kay Yana kaya siya nagpapapansin ng ganoon sa kaibigan ko. “Magkakagusto ka na lang kasi, doon pa sa supladong Darius na ‘yon,” sabi ko. “Hindi naman ganoon si Darius, Maya. Mabait naman siya. Na-mi-misinterpret lang siya ng mga tao na suplado dahil tahimik lang siyang tao,” pagtatanggol naman nitong si Yana sa kaklase niya. Tinignan ko ang kaibigan ko nang nakakunot ang noo. “Ano ka niya lawyer? Pinagtatanggol mo pa, eh, suplado naman talaga iyon. Bakit ikaw? Tahimik ka lang din naman pero namamansin ka naman, hindi katulad ng isang iyon.” “Grabe ka naman kay Darius, Maya. Basta ako naniniwala ako kay Yana, na mabait si Darius,” ani Alena. “Lahat naman mabait sa paningin ng babaeng ‘yan. Saka malamang nabulag ka na sa nararamdaman mo sa lalaking iyon, kaya naniniwala ka kay Yana na mabait talaga iyon.” Umirap si Alena. Natawa ako kasi alam kong ayaw na ayaw niyang sinasabihan ko ng masama ang crush niyang iyon. Ewan ko ba sa babaeng ito. Ang ganda-ganda niya pero ang nagugustuhan niya pa ay iyong lalaking imposible siyang pansinin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD