“Guess what?”
Nakangising sumalubong sa akin ang Presidente ng aming klase na si Jolina. Nginitian ko lamang siya at mabilis na iniwasan ang kaniyang nakaharang na kamay sa pintuan. Natawa ako nang makita ko siyang sumimangot. Padabog pa siyang naglakad palapit sa akin. Tumayo siya sa harapan ko at pinameywangan ako. Mabilis kong inayos ang gamit ko sa upuan bago tuluyang humarap sa kaniya.
“Hulaan mo kung anong sasabihin ko.”
“Ang agang tsismis naman ‘yan Juls.”
Umayos ito sa pagkakatayo, ipinag-ekis ang kaniyang mga braso at pinagtaasan ako ng kilay. Sandali kong inilibot ang aking paningin sa paligid at bahagyang nagtaka dahil kami pa lang dalawa ang tao sa loob ng classroom. Nasaan na ang iba?
“Well, matagal-tagal ka ring hindi nakapasok sa klase kaya nahuhuli ka na sa mga balita.”
Kumunot ang noo ko.
“Isang linggo lang akong nawala.” pagtatama ko sa kaniya.
“Whatever. Anyway, because today is Monday, aside from welcoming back you here in El Damien University, mayroon pa tayong dalawang biyaya na kailangang i-welcome.”
Mas lalo akong naguluhan sa kaniyang sinabi. Biyaya na kailangang i-welcome?
“Biyaya?” tanong ko.
“Biyaya, blessing from above, hulog ng langit.”
Mabilis siyang naglakad patungo sa pintuan ng aming classroom, mukhang may sinisilip sa labas.
“May dalawang poging transferee na papasok ngayon sa klase natin. Nakaka-excite hindi ba?”
“Dahil lang doon excited ka? Marami rin namang guwapo sa buong El Damien ah. Sa sobrang dami, hindi mo nga mabilang sa daliri mo yung crush mo sa kanila, tapos plano mo pa yatang magdagdag. Aba naman, Jolina, mamigay ka naman sa iba.”
Inirapan niya lang ako at muling sumilip sa labas.
“Porket wala kang hilig sa mga lalaki kaya madali para sa iyo na sabihin iyan.”
Tumawa ako dahil sa sinabi niya. Naglakad ako palapit sa kaniya at inakbayan siya gamit ang kanang braso ko.
“Hindi ko pa maisingit sa schedule ang pagkakaroon ng crush, Juls. Importanteng unahin ang pag-aaral at training sa volleyball.”
Mapakla siyang ngumiti.
“Yes, team captain.” saad niya sa pinakamalamyang tono.
Muli siyang dumungaw sa labas ng pinto at nang may makita sa hindi kalayuan ay agad na napapalakpak.
“Ayan na sila!” sabi niya sa akin.
Niyaya pa niya akong lumapit upang tingnan kung sino ang nasa labas. Nanlaki ang mata ko nang makita ang kaganapan sa labas. Ang mga kaklase ko, may hawak na mga banner habang naglalakad at nakasunod sa dalawang lalaking naglalakad patungo sa amin. Kakaiba. At talagang may na fansclub sila kaagad dito sa El Damien huh.
Mabilis kong kinalabit si Jolina.
“Akala ko ba kata-transfer lang dito sa school?”
“Oo nga, kata-transfer lang. Bigyan kita ng trivia para alam mo. Iyang si Alex Juarez at Lance Riego, kilalang mga basketball player iyan sa Jacksonville. Ang totoo niyan, hindi lang eskuwelahan nila sila sikat, maging sa ibang mga university sa iba’t ibang panig ng bansa kilala rin sila.”
Kinusot ko pa ang aking mga mata saka muling pinagmasdan ang dalawang lalaking naglalakad. Naitakip ko ang aking bibig nang makilala ang isa sa dalawa. Si Alex? Tama ba ang nakikita ko ngayon? Muli kong kinusot ang aking dalawang mata sa pag-aakalang namamalikmata lamang ako pero hindi, si Alex nga. Si Alex na pumunta sa bahay namin kamakailan lang. Si Alex na kaibigan ng pinsan kong si Kael.
“Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?” tanong ni Jolina.
Umayos siya sa pagkakatayo at sinuklay pa niya ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang mga daliri. Hindi ko na sinagot ang tanong ni Jolina bagkus ay tumabi na lamang ako sa gilid para hindi maharangan ang dadaanan ng mga kaklase ko.
Hindi nagtagal ay nakarating na rin sa kinaroroonan namin ang dalawang lalaki. Hindi malaman ni Jolina kung anong gagawin habang ako naman ay nakayuko lang at nagpapanggap na tinitingnan kung may dumi ba ang suot kong sapatos.
“Kierra Ricafrente, tama ba?”
Napaangat ang tingin ko sa lalaking katabi ni Alex. Maging si Alex yata ay nagulat din sa biglaang pagtatanong sa akin ng lalaki dahil napahinto siya sa paglalakad.
“Uhm. Oo ako nga.”
“Lance Riego.” tipid nitong sambit bago dire-diretsong pumasok sa loob.
Huminto pa ito sandali sa tabi ni Alex saka pasimpleng ngumisi.
“Nakita mo ba ‘yon?” tanong ko kay Jolina.
Kunot-noo siyang bumaling sa akin.
“Ang alin?”
“Si Lance, nginisihan niya si Alex.”
“Huh? Seryoso ka ba? Nakatitig ako sa kanila pero hindi ko iyon nakita.”
Napaisip ako. Imposible. Sigurado ako sa nakita ko. Nauna nang pumasok sa classroom si Jolina, sumunod naman ako. Walang gana akong umupo sa sarili kong upuan at nangalumbaba na lamang habang hinihintay ang professor namin sa unang subject ngayong umaga. Hindi sinasadyang bumaling ang tingin ko sa mga kaklase kong nakatingin din sa akin sa kasalukuyan.
“Bakit?” naguguluhang tanong ko.
Kakaiba sila ngayong araw ah. Nakakapanibago. Palipat-lipat ang kanilang tingin sa akin at upuan na nasa magkabilang gilid ko. Dahan-dahan naman akong lumingon sa parehong gilid ko at saka natantong kaya pala kakaiba ang tingin ng mga kaklase ko ay dahil nasa magkabilang gilid ko nakaupo sina Lance at Alex.
“Napakasuwerte naman talaga ni Kierra. Kung alam ko lang na doon uupo malapit sa kaniya yang dalawang poging ‘yan, panigurado last week pa ako nakipagpalit sa kaniya ng puwesto.” pabulong na sambit ni Sandy sa katabi niyang si Millie.
Sa totoo lang, hindi ako sanay na nakukuha ang atensiyon ng karamihan. Lalo na rito sa classroom. Hindi ako iyong tipong maingay, hindi rin ako gaanong active sa recitation. Kaya hindi ko alam kung ano ang gagawin kapag nakakaranas ng ganitong sitwasyon. Mas okay pa kapag nasa court kasi kahit papaano naka-focus ang attention ko sa laro at hindi ko gaanong naririnig ang pinag-uusapan ng karamihan.
“Kierra!”
Gulat na bumaling ako sa dalawang taong tumawag sa pangalan ko. Bakit naman ganoon? Bakit kailangan pa nilang sumigaw? Nagmadaling pumasok sa classroom sina Raven at Ilah ngunit agad ding napahinto nang mapatingin sa dalawang taong nakaupo sa tabi ko.
Hindi ko mawari kung bakit ganoon ang reaksiyon nila. Lalo na nung mapatingin sila kay Lance. Parang may kung anong takot na bumalot sa kanilang pagkatao.
“Kierra, gusto mo bang lumipat ng upuan?” alanganing tanong ni Ilah habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa aming tatlo.
“Dito ka na lang sa upuan ko, palitan na lang tayo.” sabi niya pa.
Agad naman akong tumango bilang pagsang-ayon sa kaniyang suhestiyon. Tumayo na ako at naglakad palapit sa dating upuan ni Ilah. Ang upuan na kaniyang tinutukoy ay ang upuan sa kanang gilid ni Alex. Mabuti na rin iyon at mas malapit sa bintana.
Nang matapos ang klase namin sa dalawang subject, nagdesisyon kaming magtungo sa cafeteria para kumain. Hindi umalis sa magkabilang gilid ko sina Raven at Ilah. Hindi ko rin alam kung anong trip nila ngayon. Para namang may kukuha sa akin kung makapagbantay sila.
“Anong order niyo? Ako na ang bibili.” sabi ko sa kanilang dalawa nang makahanap na kami ng bakanteng lamesa.
Masuwerte nga’t may bakante pa, kadalasan kasi ay nagkakaubusan ng lamesa dahil halos sabay-sabay ang break ng mga estudyante.
“Spaghetti sa akin.” sabi ni Raven.
“Burger lang saka soda.” saad naman ni Ilah sabay abot ng pera sa akin.
Tinanggihan ko iyon. Ngayon pa talaga siya mag-aabot huh. Parang ‘di pa sila sanay na nililibre.
“Ako rin pala, isang soda.” pahabol ni Raven.
Tumango lang ako at mabilis na nagtungo sa counter para bumili ng pagkain. Isang tray ang bitbit ko nang masalubong ko si Lance. Muntik ko pa nga siyang mabangga, mabuti na lang at nakahinto ako kaagad. Nang makabalik ako sa puwesto namin, nagulat na lang ako nang makita si Alex na nakaupo na roon. Alanganing bumaling sa akin si Ilah.
“Ah, wala na kasing bakanteng upuan. Eh may space pa naman kaya dito ko na siya pinaupo. Hindi ba, Alex?”
Kumunot ang noo ko sa sinabi ni Ilah. Paano niya nalaman ang pangalan ni Alex eh hindi naman ito nagpakilala kanina sa harap ng klase? At hindi rin siya nakipag-usap sa kahit kaninong kaklase namin, kaya paano niya nakilala si Alex?
“Magkakilala kayo?” tanong ko.
Natigilan naman si Ilah at nakagat ang kaniyang ibabang labi.
“Magkababata kaming tatlo nina Raven. Halos sabay-sabay kaming lumaki.”
Tumango na lang ako saka inilapag ang tray sa lamesa. Kinuha na nila ang kani-kanilang pagkain at saka nagsimula ng kumain. Habang abala kami sa pagkain at pagkukuwentuhan, bigla na lang lumapit sa puwesto namin si Lance. Nang makita niyang wala ng bakanteng upuan, agad niyang pinatayo ang isang estudyanteng lalaki na nasa kabilang lamesa at inutusan itong dalhin ang upuan sa bakanteng puwesto sa tabi ko. Walang nagawa ang lalaki dahil halatang natakot ito sa aura ni Lance. Napatitig na lamang ako sa kaniya dahil sa ginawa niya. Anong problema niya?
“Makikiupo lang, Kierra.”
Wala sa sariling napatango na lang ako bago muling bumaling sa kinakain ko.
“Siya nga pala, anong plano mo sa birthday mo?” tanong ni Raven.
Saglit akong napaisip. Ano nga bang plano ko sa birthday ko? Humarap ako sa kaniya at umiling.
“Wala akong plano. Alam niyo namang hindi ako mahilig sa party. Siguro matutulog na lang ako buong maghapon, tutal Sabado naman iyon.”
“Walang kainan sa inyo?”
Agad siyang binatukan ni Ilah.
“‘Yan diyan ka magaling. Puro ka kain.”
Agad na hinimas ni Raven ang kaniyang batok saka sinamaan ng tingin si Ilah.
“Nagbabakasakali lang naman ako.”
Tumawa ako sa kalokohan ni Raven.
“Puwede ko naman kayong pakainin. Manok nga lang ang ipapakain ko sa inyo. Gusto niyo ‘yon fried chicken?”
As if on cue, sabay-sabay silang napaubong apat dahil sa sinabi ko. Biro ko lang naman iyon dahil alam kong parehong allergic si Ilah at Raven sa manok. Hindi ko inaasahang pati si Alex at Lance magre-react sa sinabi ko. Napatingin ako sa dalawang lalaking kumakain sa tabi ko na sabay umiinom ng tubig.
“Nice joke, Kierra.” tatawa-tawang saad ni Raven.
“Ayaw niyo rin sa manok?” tanong ko kina Lance at Alex.
Mabilis silang umiwas ng tingin sa akin.
“Huwag mo sabihing kumakain ka ng manok?” tanong ni Lance nang hindi tumitingin sa akin.
“Oo naman. Masarap kaya.”
Mabilis niyang naitakip ang kaniyang bibig dahil sa narinig. Agad siyang tumayo at naglakad patungo sa pinakamalapit na men’s CR. Nasusuka yata.
“Bakit? Anong ginawa ko?” naguguluhang tanong ko sabay baling kina Ilah.
Sabay pa silang nagkibit-balikat ni Raven. Nang tumingin ako kay Alex, bigla naman siyang tumalikod at humawak sa kaniyang sikmura. Nagdesisyon na lamang akong hindi magsalita at ipagpatuloy na lang ang pagkain. Ilang minuto pa ay nakabalik na rin si Lance. Pero halatang sumuka ito dahil pulang-pula ang mukha nito.
Hindi na ako nagtanong dahil baka bigla siyang magalit. Hindi sinasadyang napabaling ako sa Aurelius Building. Ang building ng mga Psychology students. Sa third floor nito ay naroon matatagpuan ang faculty room. Akmang isusubo ko ang burger sa aking bibig nang muli akong napatingin sa third floor ng building. May kung anong bagay na nakasabit sa railings at panay ang galaw nito.
I narrowed my eyes so I can see it clearly. Mali ako. Hindi ito bagay kundi bata.
“Bata!” saad ko sa mabilis na tumayo sa aking upuan.
Maging sina Ilah, Raven at Alex napatayo sa sinabi ko.
“What are you talking about Kierra? Bata? Saan? At isa pa bakit nakatayo kayong apat?” tanong ng kararating lang na si Jolina.
Kasama nito ang isa pa naming kaklase na si Kesiah.
“May bata na nakasabit sa railings sa third floor ng Aurelius building.” kinakabahan kong saad sa kaniya.
“Wala akong makita, Kanah. Ang layo kaya ng Aurelius building. Are you even serious?”
Marahan akong umiling. Kinusot ko pa ang mata bago muling tumingin doon. Naroon pa rin ang bata. Bigla akong kinabahan nang marinig ang iyak nito. Sinubukan kong alisin sa isipan ko ang pag-iyak nito pero hindi ko kaya. Kailangang may gawin ako. Mabilis akong umalis sa puwesto namin at patakbong lumabas ng cafeteria.
“Kierra, sandali.”
Hindi ko na pinansin si Jolina.
Tumakbo sa gitna ng malawak na damuhan. Pabilis nang pabilis ang takbo ko. Hindi ko alam kung paano ko nagagawa ito pero wala na akong pakialam. Ang importante ay mailigtas ko ang bata.
“Kierra!”
Napapikit ako nang marinig ang boses ni Ilah sa isip ko.
“Kierra, tumalon ka.” utos pa niya.
Bumaling ako sa bata at kitang-kita ko kung paano dumulas ang kamay niya mula sa pagkakahawak sa railings. Mabilis akong tumalon. Hindi ko alam kung paano nangyaring nahawakan ko kaagad sa beywang ang bata. Ngunit bago pa man ako kami tuluyang makababa naramdaman ko na naman ang pagsakit ng aking likuran. Nawalan ako ng balanse. Alam kong malalaglag kaming dalawa sa lupa kaya mabilis kong niyakap ang umiiyak na bata.
Pumikit ako nang mariin. Alam kong babagsak kaming dalawa pero bigla na lamang may puwersang naghiwalay sa amin ng bata. Pagmulat ko, nakita ko si Alex sa aking harapan at mahigpit na nakahawak sa braso ko. Habang ang bata naman ay hawak ni Raven. Nang tumapak ang paa ko sa lupa, agad akong umayos ng pagkakatayo. Maglalakad na sana ako nang maramdaman kong muli ang pagkirot ng aking likuran.
“Kierra!”
Mabilis na lumapit si Ilah at hinawakan ako sa braso para maalalayan. Ramdam ko ang unti-unting pagbigat ng talukap ng aking mga mata. Hanggang sa tuluyan akong bumagsak sa balikat ni Ilah.