Nasa sarili kong kuwarto na ako nang magising ako. Hindi ko alam kung anong nangyari at hindi ko namalayang nakauwi na pala ako. Sinong naghatid sa akin pauwi? Mabilis akong napahawak sa aking balikat dahil muli kong naramdaman ang pagkirot ng aking likuran. Nang bumaling ako sa labas ng bintana saka ko lang napansin na madilim na. Dumako ang aking paningin sa wall clock. Alas siete na pala ng gabi.
Mabilis akong napatingin sa pinto ng aking kuwarto nang marinig na may pumihit ng seradura nito. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang sina Ilah at Raven iyon. Nasa kanilang likuran ang mga magulang ko. Nang makita ni Papa na gising na ako, mabilis siyang lumapit sa akin.
Inilapat niya ang kaniyang palad sa aking noo upang i-check ang aking temperatura. Ayos lang ako. Wala naman akong lagnat, ramdam ko. Pero ang kakaibang sakit sa likuran ko ang dahilan kung bakit ako nanghihina.
“Kumusta na ang pakiramdam mo anak? Masakit pa ba ang likod mo?” tanong ni Mama.
Umiling ako.
“Hindi na po gaano. Mas gumaan na yung pakiramdam ko ngayon kumpara kanina.” sagot ko.
“Hindi kaya nagkakaganyan ka dahil nasosobrahan ka sa training? Nakakapagpahinga ka pa ba anak? Baka naman kinakawawa ka na ng coach mo.”
Muli akong umiling. Hindi naman ako napapagod dati kahit gaano katagal ang training namin. Sigurado akong hindi ito dahil sa training. Unang taon ko pa lang sa kolehiyo, parte na ako ng volleyball team. Mas malala pa nga noon ang training namin pero hindi naman sumasakit ang katawan ko ng ganito.
“Ipinaalam ko nga pala sa coach mo na hindi ka muna sasali sa training hangga’t hindi gumagaling iyang likuran mo.”
“Pero hindi po puwede ‘Pa. Malapit na ang InterUniversity Meet. Kailangan ako roon dahil ako ang team captain.” pangangatwiran ko.
Hindi ako puwedeng umabsent dahil sa akin nakadepende ang mga teammate ko.
“Tama ang Papa mo, Kierra. Mas makabubuti ngang magpahinga ka muna. Para umayos na ‘yang pakiramdam mo.” saad ni Ilah kaya napatingin ako sa kaniya.
“Ayokong magbirthday ka nang may sakit, anak. Please, makinig ka muna sa amin kahit ngayon lang.”
Wala akong ibang nagawa kundi bumuntong-hininga. Wala rin naman akong magagawa kapag magulang ko na ang nagdesisyon.
“Kapag may kailangan ka, magsabi ka lang. Nariyan ang mga kaibigan mo. Aasikasuhin lang namin ng Mama mo ang mga bisitang dumating.”
Simpleng tango lang ang naging sagot sa sinabi ni Papa. Paglabas ni Papa ay saka ako bumaling sa dalawang kaibigan kong tahimik na nag-uusap sa isang tabi. Halos dalawang taon ko na ring kaibigan sina Ilah at Raven. Sila ang una kong naging kaibigan noong unang araw na pumasok ako ng El Damien. Sobrang gaan ng paligid ko kapag nariyan sila sa tabi ko. Likas na masayahin ang dalawa at tila walang puwang ang kalungkutan kapag sila ang kasama ko.
Nang matapos silang mag-usap ay saka sila humarap sa akin.
“Hindi pa ba kayo uuwi?”
Naglakad palapit sa akin si Ilah at umupo sa paanang parte ng aking kama.
“Pinapaalis mo na kami?”
Tumawa ako at saka umiling. Kahit kailan talaga. Marahan akong bumaba ng kama at isinuot ang aking tsinelas na ginagamit sa loob ng bahay.
“Anong gusto niyong meryenda? Fried chicken?” pang-asar na tanong ko.
Ngumisi lang si Raven sa akin, si Ilah naman ay pinagtaasan ako ng kilay. Sandali akong nagtungo sa kusina para kumuha ng meryenda. Saktong may pizza pa roon kaya iyon na lang ang inilagay ko sa pinggan at dinala sa kuwarto kung saan naroon ang mga kaibigan ko. Pagbalik ko sa kuwarto ay nakita ko si Ilah na tahimik na nakamasid sa puting balahibo na nakasabit sa pinakamataas na parte ng headboard ng kama ko.
“Ang sabi ni Mama, nakita niya raw iyan sa tabi ko noong makita niya ako sa labas ng gate ng bahay namin. Naniniwala siyang suwerte ang balahibong iyan at iyan daw ang nagdala sa akin sa pamilyang ito.”
Ngumiti lang sa akin si Ilah habang si Raven ay tamihik na nagmamasid lang sa isang tabi. Inilapag ko ang pinggan sa bedside table at muling umupo sa kama.
“May naalala ka ba sa nangyari kanina?” tanong ni Raven sa akin.
Mabilis akong tumango. Naalala ko lahat. Kung gaano ako kabilis tumakbo at kung paano ako nakatalon ng ubod ng taas. Naalala ko kung paano ko sinagip ang bata. Pero posible nga bang nangyari iyon? Hindi ba ako nananaginip? Paanong narinig ko ang boses ni Ilah kahit sobrang layo niya? Paano ko nakitang nakasabit ang bata sa railings? Napakalayo ng Aurelius building sa cafeteria kaya paano ko nagawa iyon?
Napahawak ako sa ulo ko nang maramdamang bahagya itong pumintig.
“Nababaliw na ba ako?” tanong ko sa kanilang dalawa.
Nakita kong sabay silang napayuko. Bumuntong-hininga si Ilah.
“Walang imposible sa mundong ‘to, Kierra.” saad ni Ilah.
“Hindi lang naman tao ang nagmamay-ari ng daigdig. Mayroon pang ibang nilalang na nariyan sa paligid pero hindi lang nakikita ng pangkaraniwang mata. May dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng bagay, Kierra. Yung nangyari sa’yo kanina, isa iyong patunay na hindi ka normal kagaya ng iba.”
Naramdaman ko ang pagbigat ng aking dibdib. Hindi ko alam kung dapat ko bang paniwalaan ang sinasabi ng kaibigan ko. Paanong nangyaring hindi ako normal? Ilang taon akong nabuhay kasama sina Mama at Papa. Paanong naiiba ako? Dahil lang ba sa nangyari kanina kaya iyon nasabi ni Ilah?
“Normal ako, Ilah. Ano bang sinasabi mo?” inis na sambit ko.
“Kung normal ka, paano mo ipapaliwanag yung nagawa mo kanina? Kung normal ka, paano ka nakatakbo ng mabilis, nakatalon ng mataas?”
“Volleyball player ako, alam niyo naman iyon hindi ba. Posibleng nakatakbo ako ng mabilis dahil nakasanayan na namin iyon sa training. At iyong mataas na pagtalon, baka ano, dahil lang sa…”
Nakagat ko aking ibabang labi dahil wala na akong maisip na dahilan kung bakit nangyayari sa akin ito. Totoong nakakatalon ako ng mataas, pero hindi kasing taas ng talon na nagawa ko kanina.
“Ang pagsakit ng likuran mo, sa tingin mo ba normal ‘yan?”
Umiwas ako ng tingin kay Raven.
“Akala mo ba hindi namin alam na ilang beses ka nang pinatingnan ng mga magulang mo sa espesyalista. Pero ano, hindi ba wala silang makitang diperensiya?”
“Dahil wala naman talaga.” giit ko.
“Wala nga ba? Hindi mo ba naisip na kaya hindi nila makita ang pagbabago sa iyo dahil hindi ka naman normal katulad nila?” tanong ni Raven.
“Hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko. Ano bang alam niyo tungkol sa akin? Bakit hindi niyo na lang ako diretsuhin?”
Umiling si Ilah.
“Gustuhin man naming sabihin sa’yo ngayon, gusto man naming sagutin ang mga katanungang bumabagabag sa’yo, pero hindi namin kayang gawin iyon. Ayaw naming pangunahan ka sa pagtuklas ng tunay mong pagkatao. Gusto naming ikaw ang mismo ang makaalam kung sino ka talaga at kung anong papel mo sa buhay namin.”
“Hindi ko naiintindihan.”
Tumayo si Raven at naglakad patungo sa akin.
“Sa tamang panahong inilaan sa’yo ng tadhana, malalaman mo rin ang lihim ng tunay mong pagkatao, Kierra. Nandito lang kami ni Ilah. Hindi kami aalis sa tabi mo.”
Naluluhang bumaling ako sa headboard ng aking kama. Biglang lumiwanag ang balahibong nakasabit doon. Kasabay nito ang pagsakit ng aking likuran. Hindi ko napigilang sumigaw sa sobrang sakit. Mabilis lumapit si Ilah sa akin at may salitang binitiwan ngunit hindi ko maintindihan. Nakita kong may inabot na maliit na bagay si Raven kay Ilah. Berde ang kulay niyon at kasing laki lamang ng buto ng langka. Inilagay ni Ilah iyon sa kaniyang kamay at may binulong doon bago inilapat ang kaniyang palad sa aking dibdib. Ilang sandali pa ay unti-unting nawala ang kirot ng aking likuran.
“Ang berdeng binhi ay isang uri ng binhi na may kakayahang magpagaling ng anumang uri ng sakit. Malaki ang maitutulong nito sa iyo, Kierra.”
Hinihingal na bumaling akong muli sa balahibo. Hindi na ito kumikinang pero mas lalong pumuti ang kulay nito at mas lalo itong humaba kumpara sa natural nitong sukat.
“Nagsisimula nang magising ang iyong ugatpak. ‘Pag dumating ang tamang panahon, kusa itong kikilos para bumalik sa iyo, kaya palaging sumasakit ang likuran mo ay dahil handa na ang iyong katawan na tanggapin ang iyong pakpak. Hinihintay ka na ng puno ng Mulawin. Hinihintay na ng Avila ang pagbabalik mo.”
Mulawin? Avila? Lumapit sa akin si Raven, ganoon din si Ilah at inilagay ang kanilang kamay sa ibabaw ng aking ulo.
“Sa ngalan ni Dakila at mga pinuno ng Avila na matagal ng namayapa, humihingi kami ng gabay para maalagaan at mapag-ingatan namin ang sugo ng lahing Mulawin at Ravena. Ang magbibigkis muli sa dalawang lahi. Ang magbibigay ng liwanag sa kadiliman at magbibigay ng kapayapaan sa gitna ng kaguluhan.”
Unti-unti akong nakaramdam ng antok. Tuluyan nang pumikit ang aking mga mata. Naramdaman ng muli ng aking likuran ang lambot ng aking higaan. Gising pa ako. Pero may enerhiyang pumipilit sa akin na matulog at magpahinga na lamang. May mga imaheng biglang lumitaw sa aking isipan. Imahe ng isang babaeng may hawak na sanggol at walang tigil sa pagtakbo. Tila may tinatakasan ito at halata ang pagkabalisa dahil panay ang tingin niya sa kaniyang paligid.
Duguan ang braso nito at panay ang iyak habang tahimik namang nakamasid sa kaniya ang batang sanggol.
“Mithi, patawad anak.” saad nito bago inilapag ang nakabalot na bata sa labas ng gate ng isang napakagandang bahay.