Napabalikwas ako ng bangon sa kama. Habol ang aking sariling hininga, sinubukan kong kumalma sa kabila ng takot na nararamdaman ko ngayon. Ilang araw ko nang napapanaginipan ang tungkol sa mga taong may pakpak na kulay pula. Pilit nila akong kinukuha. Pilit nilang sinasabi na nakatakda kong pamunuan ang lahing Ravena.
Mulawin. Ravena. Avila. Sa loob ng ilang araw, iyon lang ang laman ng isipan ko. Ilang araw na rin ang nakalilipas nang huli kong makita sina Ilah at Raven. Hindi na sila bumalik pa pagkatapos ng huli naming pagkikita. Hindi na nila ako muling dinalaw.
Bumalik ka na sa lahing iyong pinagmulan. Bumalik ka na sa lahing Ravena.
Mabilis akong umiling nang paulit-ulit. Pumikit ako nang mariin at pilit na inalis sa aking isipan ang mga salitang iyon. Ramdam ko pa rin ang kilabot na hatid ng boses na tumatawag sa akin. Sunod-sunod na katok ang nagpabaling sa akin sa pintuan ng aking kuwarto. Bumukas ito at agad kong nasilayan ang maaliwalas na mukha ni Mama.
“Anak, tanghali na, hindi ka ba papasok ngayon?” tanong ni Mama.
Pilit akong ngumiti.
“Papasok po ako.”
Marahan akong bumaba sa kama at naglakad patungo sa banyo para maligo. Pagkatapos kong maligo agad akong nagsuot ng uniporme. Kinuha ko na rin ang bagong laba na volleyball uniform at inilagay iyon sa paperbag. Paniguradong may training kami mamayang hapon kaya mas mabuti nang dala ko ito.
“Anak, kumain ka muna.” anyaya sa akin ni Papa.
Naglakad ako patungo sa lamesa ngunit nang makita ko kung anong ulam ay agad na bumaliktad ang aking sikmura. Adobong manok. Mabilis akong tumakbo patungong sink para sumuka. Kahit anong takip ko ng aking ilong, hindi pa rin mawala sa sistema ko ang kakaibang lansa nito. Hindi naman ako ganito kaarte at hindi rin naman ako allergic sa manok pero bakit isang tingin ko pa lang dito, pakiramdam ko maisusuka ko pati ang mga bituka ko.
“Hindi na po ako kakain, ‘Pa.” saad ko sabay suot ng backpack at mabilis na tumakbo palabas ng bahay.
Nang makalanghap ako ng sariwang hangin ay sa wakas nakahinga ako ng maluwag. Paglabas ko ng gate ay sakto namang may dumaang taxi kaya pinara ko na iyon kaagad. Sinabi ko lang sa driver na ibaba ako sa El Damien. Tumango naman ito at nagmaneho na patungong bayan. Pagdating ko sa eskwuwelahan agad akong sinalubong ni Jolina.
“Maayos na baa ng pakiramdam mo, Kierra?” tanong niya habang ang kaniyang palad ay nakalapat sa aking noo.
“Ayos na ako.” tipid na sagot ko.
Nang maalala kong muli ang ulam namin kaninang umaga ay biglang naisip ko sina Ilah at Raven.
“Juls, sina Ilah at Raven, narito na ba?”
Agad na kumunot ang kaniyang noo dahil sa tanong ko. Sinamaan pa niya ako ng tingin na para bang may ginawa akong pagkakamali sa kaniya.
“Ilah at Raven, sino ‘yon?”
Ako naman ang naguluhan sa kaniyang tanong.
“Juls, nagbibiro ka ba? Pina-prank mo ba ako? Si Ilah Rivera at Raven Celestre. Yung kaklase natin, yung mga kaibigan ko.”
Umismid si Jolina dahil sa sinabi ko.
“Alam mo, ewan ko sa’yo. Nawala ka lang ng isang linggo, nagkaganyan ka na.” aniya saka umirap.
“Ako ang kaibigan mo at si Kesiah. Baka nakakalimutan mo. Isa pa, wala tayong kaklaseng Ilah Rivera at Raven Celestre. Matulog ka pa kaya, pakiramdam ko nananaginip ka pa.” saad nito saka inis na nagmartsa papasok sa loob ng classroom.
May mga kaklase na kami roon. Naguguluhang naglakad ako papasok sa loob ng classroom. Agad akong napahinto nang makita ang dalawang babae ang nakaupo sa magkabilang gilid ng aking upuan. Upuan iyon nina Alex at Lance pero bakit sila na ngayon ang nakaupo roon? Nagbago na ba ang seating arrangement?
“Kierra, mabuti at nakapasok ka na ulit.”
Tipid akong ngumiti kay Millie na ngayo’y nakaupo sa upuan ni Alex.
“Si Lance at Alex, wala pa rin ba?”
Gaya ng reaction ni Jolina kanina, kumunot din ang mga noo nila at halatang naguluhan sa tanong ko.
“Wala tayong kaklaseng Lance at Alex.” alanganing saad ni Millie.
Tumango naman ang nakaupo sa kabilang gilid ko na si Joyce bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Millie.
“Hay nako. Ewan ko ba riyan kay Kierra. Kung sino-sino ang binabanggit. Kanina Ilah at Raven. Ngayon naman, Lance at Alex. Dapat talaga hindi ka muna pumasok. Maiintindihan naman ng mga Prof yun at ng coach mo. Hindi yung ganyan. Nag-aalala lang ako sa’yo lalo. Naku pasalamat ka at wala pa si Kesiah, kundi nakatikim ka ng batok sa kaniya.” naiiling na saad ni Jolina bago naglakad pabalik sa upuan niya sa harapan.
Tumahimik na lamang ako at hindi na nagsalita pa. Kapag lumilingon sa akin ang mga kaklase ko at kapag may nagtatanong kung ayos lang daw ba ako, ngiti lang ang isinasagot ko. Ang totoo niyan, gulong-gulo na ako. Bakit? Anong nangyari at bigla nilang hindi maalala sina Ilah at Raven samantalang magkakasama kaming lahat sa loob ng dalawang taon bilang magkakaklase. Si Alex at Lance? Yung banner na ginawa nina Millie? Nakalimutan na ba nila yung binuo nilang fansclub para roon sa dalawa?
Paglabas ng propesor namin, agad akong nagtungo sa CR. Mabilis kong sinampal ang sarili ko nang paulit-ulit, umaasang panaginip lang ang lahat. Pero balewala ang pagsampal ko sa aking pisngi. Namula lang iyon ng sobra dahil sa lakas ng impact ng pagkakasampal ko. Sinubukan ko ring hanapin ang banner na ginawa nina Millie noon, pero wala akong nakita. Bandang alas tres ng hapon ng pumunta ang coach namin sa classroom para i-excuse akong muli sa klase. Pagdating ko sa University Gym, dumiretso ako agad sa CR para magpalit ng damit. Nang mapadaan ako sa malaking salamin, nakita kong muli ang mukha kong namumula.
Humugot ako ng malalim na hininga saka lumabas ng CR. Nang masalubong ko ang ibang teammate ko ay tinanong pa nila ako kung ayos lang daw ba ako. Pagtango lang ang naging sagot ko sa kanila. Hindi ako nagsasalita dahil wala rin naman akong sasabihin. Nang magsimula ang aming training palagi kong hindi nasasalo ang bola. Hindi naman ako naninibago, bothered lang ako kaya hindi ako maka-focus sa laro. Pakiramdam ko may mali sa nangyayari sa paligid ko. Napakaraming tanong sa aking isipan.
Isang hampas ng bola mula sa isang kong teammate ang hindi ko kaagad napansin kaya tinamaan ako nito sa ulo. Mabilis na tumawag ng time-out si coach at pinaupo muna ako sa isang tabi.
“Sigurado ka ba talagang ayos ka lang? Kung hindi ka pa okay, mas makabubuti kung magpahinga ka na lang muna sa inyo.” nag-aalalang wika ni coach.
Lumapit din sa akin ang isang miyembro ng team na nakatama sa akin.
“Pasensiya na talaga Kierra, hindi ko alam na—“
“Ayos lang. Kasalanan ko, hindi ko nakita agad. Nawala ako sa focus.” agap ko sa sasabihin niya. Kasalanan ko naman talaga. Kasalanan ko kung bakit nangyayari sa akin ito.
“Break time, five minutes.”
Mabilis akong tumayo at nagdesisyong magtungo muna sa likurang bahagi ng gym para lumanghap ng sariwang hangin tulad ng lagi kong ginagawa noon pa. Pagdating ko roon, agad akong sumandal sa sementadong dingding at napahawak sa balikat ko. Nang mag-angat ako ng tingin ay may nakita akong tao sa hindi kalayuan. Bumilis ang t***k ng puso ko nang makilala kung sino ito. Si Alex. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Mabilis akong bumaba ng mabatong lupa.
“Kierra saan ka pupunta, may training pa!” dinig kong sigaw ng isa kong teammate pero hindi ko siya pinansin.
Mas importante sa akin na makausap si Alex. Binilisan ko pa ang pagtakbo. Hindi ko na inalintana ang sugat na nakukuha ko dahil sa pagkakasabit ko sa maliliit na sanga ng punong-kahoy.
“Alex! Alex!”
Nang sa wakas ay huminto ito at humarap sa akin ay nakahinga ako ng maluwag. Pumikit ako nang mariin at nagpasalamat dahil hindi ako namamalikmata.
“Sina Ilah at Raven. Nasaan sila? Anong nangyari?” diretsahang tanong ko sa kaniya.
Gaya ng dati, wala pa ring emosyon ang kaniyang mga mata. Tumingin lang siya sa akin at mukhang walang balak na sagutin ang tanong ko.
“Bakit hindi sila maalala ng mga kaklase ko, pati ikaw at si Lance. Anong nangyari? Nagmamakaawa ako, sabihin mo naman sa akin oh.”
Naramdaman ko ang panginginig ng aking mga kamay. Unti-unti na ring nangilid ang luha sa aking mga mata.
“Parang awa mo na.”
Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa akin. Natatakot na ako sa mga posibleng mangyari.
“Wala talaga silang maaalala dahil binura ni Ilah ang lahat ng alaala ng mga nakakakilala sa amin.”
“Ako? Kilala ko rin naman kayo. Bakit naaalala ko pa rin kayo? Bakit ganoon? At isa pa, paano magagawa ni Ilah na burahin ang alaala ng mga taong nakapalibot sa kaniya? Imposible.”
“Walang imposible sa mundong ‘to.”
Napatingin ako sa kaniya nang diretso nang maaalalang halos iyon din ang sinabi ni Ilah sa akin ilang araw na ang nakalilipas.
“Gusto ko lang naman malaman kung nasaan sila. Bakit sila nawala? Bakit biglaan? Bakit hindi sila nagpaalam? Bakit nangyayari sa akin lahat ng ito? Bakit may kakayahang bumura ng alaala si Ilah?”
Bahagyang yumuko si Alex at saka sunod-sunod na umiling.
“Hindi ako ang makakasagot sa tanong mo. Konting panahon na lamang at malalaman mo na rin ang lahat.”
Lumapit siya sa akin at hinawakan ang dalawang kamay ko.
“Kierra, hindi mo ba naririnig? Tinatawag na tayo ng Avila.”