Tinatawag na tayo ng Avila.
Ilang linggo na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin naaalis sa aking isipan ang huling mga salitang sinabi sa akin ni Alex bago niya akong tuluyang iniwan sa kakahuyan.
Tinatawag na tayo ng Avila.
Mariin akong umiling nang paulit-ulit bago naglakad patungo sa harapan ng salamin upang tingnan ang aking hitsura. Ngayon ang huling laro namin sa InterUniversity para sa championship game laban sa Jacksonville. Inayos ko ang pagkakatali ng aking buhok. Hinigpitan ko iyon at sinigurong walang makakatakas kahit isang pirasong hibla nito.
“Anak kumain ka na, para maihatid ka na ng Papa mo sa sports complex.” saad ni Mama.
Malayo pa lang ako, naramdaman ko na ang pagbaliktad ng sikmura ko. Amoy ko agad ang kakaibang lansa ng niluluto niyang fried chicken.
“Ma, wala bang ibang ulam?”
Nagtatakang lumingon sa akin si Mama. Kumunot pa ang noo nito at mukhang tinatantiya kung tama baa ng pagkakarinig niya sa sinabi ko.
“Ayaw mo ba ng ulam? Hindi ba’t paborito mo ito?”
Alanganin akong ngumiti at tiniis ang kakaibang amoy ng manok na nanunuot sa ilong ko. Nang makita ni Mama ang reaksiyon ko, agad niyang itinabi sa kabilang stove ang kawali at tinakpan iyon.
“Ipagluluto na lang kita ng corned beef.” sabi niya kaya tumango ako.
Hindi naman nagtagal ang kaniyang pagluluto dahil ilang saglit lang, inihain niya na rin iyon sa lamesa.
“Siya nga pala, birthday mo na bukas anak. Gaya ng sabi mo, ayaw mong magpa-party. Pero anak, wala ka bang ibang gustong gawin? Ayaw mo bang lumabas? Mag-mall kasama ang mga kaibigan mo?”
Pagkasabi niya ng salitang kaibigan agad akong nag-angat ng tingin sa kaniya.
“Naaalala mo ang mga kaibigan ko?” tanong ko sa kaniya, umaasang maaalala niya sina Ilah at Raven.
“Siyempre naman. Sina Jolina at Kesiah, hindi ba? Paano ko naman sila makakalimutan anak, sila pala ang kinukuwento mo sa akin at sila rin ang palaging dinadala mo rito sa bahay magmula noon pa.”
Marahan akong napayuko. Marahil hindi lang pagbura ng alaala ang kakayahan ni Ilah. Marahil ay nagawa niya ring manipulahin ang mga alaala ng mga tao na nasa paligid namin. Maging mga magulang ko, hindi natakasan ang kakayahan niyang iyon. Tipid akong ngumiti at tumango kay Mama. Pagkatapos kong kumain, agad akong tumayo at nagpaalam na sa kaniya. Mukhang kanina pa rin ako hinihintay ni Papa sa labas kaya paglabas ko ng gate, mabilis akong sumakay sa loob ng sasakyan.
“Championship niyo ngayong araw hindi ba?” tanong nito pagkasakay ko sa loob.
“Opo.” tipid kong sagot.
“Gaya pa rin ng dati, kapag nanalo, magiging masaya kami ng Mama mo, kapag natalo, ayos lang. No pressure, anak.” saad niya saka binigyan ako ng isang matamis na ngiti.
Ngumiti rin ako bilang ganti. Napakasuwerte ko sa mga magulang ko. Hindi man nila ako tunay na anak, hindi naman nila ako tinuring na iba sa kanila. Sila ang nag-alaga sa akin mula pagkabata at pinuno nila ako ng pagmamahal na hindi naibigay sa akin ng totoo kong mga magulang.
Masaya ako sa piling nila. Pero bakit ngayon pakiramdam ko nagbago na iyon. Parang may kulang sa akin at hindi ko matukoy kung ano iyon. Sa parking na ako ibinaba ni Papa dahil hindi na puwedeng magparada ng sasakyan sa front gate ng sports complex dahil napakarami ng tao sa paligid.
Iba’t ibang kulay ng uniporme ang nakikita ko. Mayroon pang mga naka-band attire na bumibili ng tubig sa mga tindahan sa paligid. Alam kong kanina pa dapat ako narito. Kung sa tutuusin ay dapat sumama pa ako sa parade na ginanap, kaso wala talaga akong gana maglakad. Huminga ako ng malalim bago kinuha ang backpack sa backseat at isinuot iyon. Kinuha ko rin ang bola at mahigpit na hiwakan bago dumungaw muli sa bintana ng passenger seat para magpaalam kay Papa.
“Good luck, anak.”
Nag-thumbs up lang ako sa kaniya bago mabilis na nakipagsiksikan sa mga tao. Masyadong malayo ang court ng volleyball kaya mas binilisan ko pa ang paglalakad. Nang tuluyan na akong makapasok sa loob ng complex ay tumakbo na ako patungo sa kinaroonan ng mga kasama ko.
Sabay-sabay naman silang nakahinga ng maluwag ng makita nila ako.
“Akala namin hindi ka na darating, kinabahan kami.” saad ni Ynez habang ang kaniyang kamay ay nakahawak sa kaniyang dibdib.
“Puwede bang mawala ako? Championship game ‘to.” sabi ko sabay lapag ng gamit ko sa bakanteng upuan.
Lumapit naman agad si Coach nang makita niyang dumating na ako. Tinawag niya na rin ang iba pang miyembro para makapag-meeting muna kami bago magsimula ang laban.
‘Go fight win!” sabay-sabay naming sigaw bago bumalik sa kaniya-kaniya naming puwesto.
“Kierra.”
Napalingon ako sa tumawag ng pangalan ko. Hindi ko alam kung ngingiti ako o sisimangot dahil ang tumawag sa akin ay walang iba kundi ang team captain ng Jacksonville Women’s Volleyball team na si Xandra.
“Good luck.” aniya saka ngumisi at nagpatuloy na sa paglalakad patungo sa kabilang panig ng court.
“May sinabi na naman ba sa’yo si Xandra Vasquez?” tanong sa akin ni Ynez.
“Good luck daw.” sabi ko.
Nakasunod pa rin ang tingin ko kay Xandra habang patungo ito sa teammates niya.
“Hindi na talaga siya nagbago, mayabang pa rin hanggang ngayon. Hindi yata nadala sa panlalampaso mo sa kaniya sa loob ng dalawang season.”
“Hayaan mo na. Upo muna tayo.” ‘yaya ko sa kaniya
Pagkarating namin sa bench agad kaming inabutan ng energy drink ng mga kasama natin.
“Mukhang malakas ang Jacksonville ngayon dahil sa mga bagong miyembro ng team nila. Sa tingin mo, mananalo kaya tayo ngayon Kanah?”
Ramdam ko sa boses ni Shian ang pangamba.
“Wala namang sigurado. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya. Huli na ‘to. Manalo man o matalo, ang importante nakapaglaro tayo.”
Nakita kong tumango ang iba pa naming kasama, maging si coach. Nang marinig naming magsalita ang emcee, mabilis na kaming pumasok sa loob ng court. Panay ang hiyawan ng mga tao sa paligid nang makita ang pagpasok namin.
Ang iba naming nakalaban sa mga nakalipas na araw ay naroon din ay nakikihiyaw kasama ng ibang manunuod.
“Go Kierra, kaya niyo ‘yan!” sigaw ng team captain ng volleyteam ng Jefferson University.
Ngumiti ako sa kaniya at marahang tumango. Pumikit ako nang mariin nang maramdaman ang kakaibang kaba sa aking dibdib. Ikinuyom ko rin ang dalawang kamay ko para kalmahin ang sarili ko.
Unang nag-serve ang kabilang team at nasalo naman iyon ni Ynez. Hindi ko akalain unang quarter pa lang ng laro, magiging dikit na ang laban. Aaminin ko, masyado silang magaling ngayong season. Halos ayaw nilang nalalamangan sila kaya sa tuwing magbe-break, palagi kong pinaaalalahanan ang kagrupo ko na lakasan nila ang depensa.
Hanggang sa dumako kami sa huling quarter ng laban. Panay ang ngisi ni Xandra sa akin sa tuwing pupuntos sila. Lamang na rin sila ng halos limang points. Bumaling ako sa orasan at nakitang dalawang minuto na lang ang natitira. Kailangan naming mabawi ‘yon.
“Ynez, sa kanan mo!” sigaw ko.
Hindi iyon napansin ni Ynez pero ginawa niya pa rin ang lahat para maabot iyon. Ang kaso, bukod sa hindi niya ito nasalo, mukhang nabalian pa yata siya noong bumagsak siya sa sahig ng court. Sumigaw agad ng time-out ang coach namin saka mabilis na pinull-out sa team si Ynez. Pinalitan ito ng isa naming baguhan na si Hannah.
Muli akong bumaling sa orasan bago bumalik ng tingin kay Xandra. Malinaw na nakita ko ang ginawa niyang pagtaas ng kilay. Muli akong pumikit at pinakalma ang aking sarili. Kung dati nasa likuran ako nakapuwesto, sandali akong sumenyas kay Aida para magpalit kaming dalawa. Nagulat pa siya sa suhestiyon ko. Maging ang coach namin ay napatayo sa ginawa ko.
Isang malakas na hampas ng bola mula sa kalaban ang mabilis kong nasalo. Napatayo ang mga manunuod nang makita nila ang ginawa ko. Bumuwelo ako sa pagbato muli ng bola ngunit kung inaakala nilang sa kanila iyon tatama, nagkakamali silang lahat. Mabilis kong hinampas ang bola sa walang taong parte ng kabilang court.
Napuno ng hiyawan ang complex. Dinig na dinig ko rin ang excitement sa boses ng mga emcee na kanina pa nagpapalitan ng kanilang opinion sa laro. Ilang segundo na lang at kailangan kong bawiin ang mga puntos na nawala sa amin.
Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima.
Hindi ako tumigil hanggang sa malamangan ko sila. Wala akong pakialam kung sumakit ang buong katawan ko mamaya o magkasakit ako pagkatapos ng larong ito. Ang importante sa akin ngayon, ay maipakita sa mga kalaban namin na hindi dapat kami minamaliit kagaya ng ginagawa ni Xandra.
“Five seconds!” dinig kong sigaw ng aming coach.
Lamang na kami ng limang puntos kaya kahit na maipasok pa ng kalaban ang bola, panalo na kami. Pero hindi ako pumayag na sila ang pupuntos sa huling natitirang segundo. Pumuwesto ako at inihanda ang sarili na saluhin ang bolang nasa possession ng kalaban.
“Kierra!” sigaw ni Ynez.
Alam kong tatama sa akin ang bola. Pero sa huling sandali ay nagawa ko iyong iwasan at mabilis na hinampas pabalik sa kabilang court. Muling napuno ng hiwayan ang complex. Napahiga ako sa sahig nang sa wakas ay matapos ang laro.
Doon ko na naramdaman ang kirot ng katawan ko.
“Panalo tayo!” masayang sigaw ni Ynez.
“MVP na naman si Kierra.” tuwang-tuwang saad ng coach namin na ngayon ay may hawak na energy drink at towel.
Inabot nito agad iyon sa akin.
“Congrats.”
Napaangat ang tingin ko kay Xandra na ngayon ay nasa harapan ko. Dahan-dahang bumaba ang tingin ko sa kaniyang kamay na nakalahad sa harapan ko. Tipid akong ngumiti at pabirong tinampal iyon.
“Congrats din. Good game.”
Tumawa siya bago naglakad papalayo sa amin. Pagkatapos ng laro ay nagdesisyon kaming kumain sa labas. Inabutan pa kami ng gabi dahil napasarap ang kuwentuhan at kainan.
“Ihahatid ka na namin.” saad ni Shian pagkalabas namin sa restaurant.
Umiling ako.
“Padating na rin naman si Papa.”
“Sigurado ka ha.”
“Oo, sige na.”
Kumaway ako sa kanila nang makasakay sila sa sasakyan. Habang ako naman ay naglakad patungong waiting shed.
Wala nang gaanong tao sa labas na naglalakad dahil alas otso na ng gabi. Iilang restaurant at tindahan na rin lang ang nakabukas. Marahang paglalakad lamang ang ginawa ko dahil masakit ang paa ko. Sa hindi kalayuan ay may natanaw akong mga lalaking naglalakad patungo sa akin.
Nang titigan ko silang maigi ay saka ko nakita ang kanilang mga matang kulay pula. Ilang sandali pa ay lumiwanag ang paligid nang may itarak silang kung ano sa kanilang likuran. Nanlaki ang mata ko at mabilis na napatakbo nang maalala kung saan ko sila nakita. Sila ang mga taong nasa panaginip ko.
Mabilis ang naging pagtakbo ko. Pero mas mabilis sila. Ilang metro na lamang ang layo nila sa akin nang biglang may humili sa braso ko. Napatili ako nang makitang kagaya ng mga taong humahabol sa akin, ay ganoon din ang hitsura ng dalawang taong humila sa akin. Ang kaibahan lamang ay kulay puti at abo ang kulay ng kanilang mga pakpak. At ng titigan ko sila ay saka ko nakilala kung sino ang mga ito.
Sina Ilah at Raven.
“Kierra, paparating na ang Papa mo. Sumakay ka agad sa sasakyan at sabihin mo umuwi na kayo kaagad.”
“Taong-ibon kayo?” naguguluhang tanong ko.
“Wala nang oras para sa pagpapaliwanag.”
May dinukot siyang kung ano sa kaniyang tagiliran at may inilabas siyang pulseras.
“Suotin mo ito, habang suot mo ang bagay na iyan, hindi ka matutunton ng mga Ravena.” aniya saka mabilis na inilagay sa kaliwang palapulsuhan ko ang pulseras na kulay asul.
“Nag-aabang na sa waiting shed ang Papa mo, magmadali ka.” sambit ni Raven.
“Pag uwi mo, magmadali sa pagkuha ng mga gamit na kakailanganin mo. Magdala ka ng sapat na dami ng damit at agad kang magtungo sa likurang bahagi ng bahay niyo. Doon ka hihintayin ni Alex.”
“Taong-ibon din si Alex.”
“Mulawin. Mulawin ang tawag sa uri namin, sa uri natin.” sagot ni Raven.
“Huwag mo ring kalilimutang kunin ang balahibong nakasabit sa iyong kama. Iyon ang ugatpak mo, huwag na huwag mong hahayaang makuha iyon ng mga pulang taong-ibon dahil sa ugatpak mo nakasalalay ang lahat.”
Hindi ko na alam ang gagawin ko sa pagkakataong ito.
“Pero paano ang mga magulang ko?”
Hinawakan ni Ilah ang dalawang kamay ko.
“Gagawin naming lahat ni Raven ang lahat para mapanatili silang ligtas. At tungkol sa kanilang alaala, ako na ang bahala roon.”
Marahang hinaplos ni Ilah ang luha sa aking pisngi.
“Magmadali ka.” aniya sabay tulak sa akin papalayo.
Nagmadali ako sa pagtakbo patungo kay Papa. Pilit kong pinakalma ang aking sarili, saglit na pinunasan ang aking luha bago tuluyang pumasok sa sasakyan.
“Congratulations, anak.” masiglang sambit ni Papa.
Tanging ngiti lang ang nagawa ko bago pumikit at sumandal sa backrest ng passenger seat.
“Pahinga ka lang diyan, anak. Bukas babawi kami sa iyo ng Mama mo.”
Hindi na ako sumagot. Dahil paniguradong maririnig at mapapansin lang niya ang pagkabasag ng boses ko. Gusto kong humingi ng tawad sa kanila sa bagay na gagawin ko. Gusto kong sabihin na wala nang bukas para sa aming tatlo dahil aalis na ako. Pagkarating namin sa bahay ay mabilis akong nagpaalam para magtungo na sa aking silid.
Pagkapasok ko ay maibilis koi tong ini-lock. Una kong kinuha ang nakasabit na bahalibo sa aking kama at isinuot iyon sa aking leeg at ginawang kuwintas. Kumuha ako ng bag at kumuha ng ilang pirasong pares ng damit. Bago ako tuluyang lumabas ay muli kong pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng aking kuwarto.
Kung sana normal lang akong tao. Hindi ko na kailangan pang umalis dito.Nang makita kong umilaw ang suot kong pulseras ay nagmadali akong nagtungo sa likod ng aming bahay. Tama si Ilah. Naroon nga si Alex pero nasa anyong tao pa rin siya.
Bakas ang pangamba sa kaniyang hitsura habang patuloy kami sa pagtakbo sa gitna ng kakahuyan. Napatingin ako sa pulseras na suot ko nang biglang nawala ang pagkinang nito.
“Nahanap tayo ng mga Ravena.” aniya saka mabilis na itinarak sa kaniyang gulugod ang hawak niyang balahibo.
Ilang sandali lang ay nagkaroon na rin siya ng pakpak katulad nina Ilah at Raven. Mabilis niya akong hinawakan sa beywang saka agad na lumipad sa himpapawid.
“Kumapit ka nang mabuti.”
Gaya ng kaniyang sinabi ay humawak nga ako nang mabuti sa kaniya.
Nang sinubukan kong lumingon sa aking likuran ay saka ko nakita ang mga pulang taong-ibon na nakasunod sa amin.
Unti-unti akong nakaramdam ng pagkirot ng aking likuran kasabay ng pagkinang ng bahalibong nakasabit sa aking leeg.
Hindi tumigil ang pagsakit nito hanggang tuluyan na akong mapabitaw kay Alex. Naramdaman ko ang pagbagsak ko sa ere. Maya-maya ay nakaramdaman kong may tumusok na kung ano sa aking gulugod. Hanggang sa namalayan ko na lang na lumilipad na pala ako.