“Unang hamon para sa iyo, Kierra ay ang matamaan mo ang lahat ng mga bunga ng pulang puno na nasa itaas ng ulo ng iyong mga kasama.” saad ni Mayi sa akin saka inabot ang pana at ang palaso na gagamitin ko para matamaan ang mga prutas.
Labis ang kabang aking nararamdaman sa pagkakataong ito dahil sa katotohanang hindi naman ako marunong gumamit ng pana. Maari kong masaktan sina Ilah, Raven at Alex o hindi kaya ay mapatay ko sila kung sakaling sa maling parte ng kanilang katawan tumama ang palasong gagamitin ko.
“Alam kong kaya mo, Kierra.” sigaw ni Ilah sa hindi kalayuan.
Marahil ay maging siya alam niya kung anong nararamdaman at iniisip ko ngayon. Sana lang talaga ay hindi ako magkamali. Napalunok ako ng aking sariling laway at pumikit nang mariin bago humugot ng isang malalim na hininga.
“Maghanda ka na.” sambit ni Felix.
Napamulat naman ako agad at mariin ang naging paghawak sa pana. Diretso lamang ang aking tingin at siniguradong naka-pokus ang aking mata sa mga bilog na prutas.
“Gawin mo na.” utos naman ni Leon.
Umayos ako sa aking posisyon at ipinosisyon nang ayos ang pana na hawak. Nararamdaman ko ang panginginig ng aking kamay dahil sa pangamba. Muli akong pumikit para alisin ang kaba sa aking dibdib. Alam kong importante ito kaya kailangan kong magawa. Malaki ang maitutulong ng Tres Aves sa mga Mulawin. Ako ang pag-asa nila.
Pagmulat ko ng aking mata ay dumiretso ako nang tingin sa direksiyon ng mga prutas. Ngunit tila may kung ano sa aking sarili na biglang nagbago. Imbes na ituloy ang pagbitaw ng palaso ay ibinaba ko ito sandali at kumuha pa ng dalawang palaso kay Mayi.
“Sigurado ka ba sa iyong gagawin? Kapag nagkamali ka, posibleng may mamatay sa kanila.” Paalala nito.
Umiling naman ako.
“Hindi ako magkakamali.”
Wala na akong sinayang na pagkakataon. Pagkalagay ko ng tatlong palaso sa pana ay agad ko itong pinakawalan. Magkakasunod itong tumama sa mga prutas. Sunod-sunod na bumagsak sa lupa ang mga prutas. Nang ma-realize ko ang aking ginawa ay bigla kong nabitawan ang pana na aking hawak.
Saan ko nakuha ang aking lakas na loob para gawin iyon?
Mabilis na tumakbo patungo sa akin ang mga kasama ko. Hinawakan ako agad ni Ilah sa aking magkabilang balikat. Mabuti at ginawa niya iyon. Bigla nalang kasi ako nakaramdam ng pag-ikot ng aking paligid. Nahihilo ako.
“Kierra, anong nangyari?!” gulat na tanong ni Raven sa akin.
“Paano mo nagawa iyon?”
Umiling ako. Umiling ako nang paulit-ulit. Hindi ko alam kung anong nangyari. Pakiramdam ko ay may kung anong sumapi sa katawan ko at bigla ko nalang naisip na gawin iyon.
“Sorry. Hindi ko alam. Bigla ko nalang ginawa. Pasensiya na. Hindi ko kayo gustong ilagay sa alanganin.”
Natahimik naman sila sandali nang marinig ang sinabi ko. Nang mag-angat ako nang tingin sa kanila ay nakita ko na halos nakakunot ang noo nilang tatlo.
“Ha? Anong sinasabi mo?” naguguluhang tanong ni Ilah.
“Galit kayo sa akin, hindi ba? Dahil hindi ako naging maingat. Alam kong konting pagkakamali lang kanina ay posible ko kayong mapatay.”
Mahinang natawa si Raven sa isang tabi. Naitakip niya pa ang kaniyang palad sa kaniyang bibig at umiiling na para bang hindi siya makapaniwala sa aking sinabi.
“Marahil ay hindi alam ng sugo ng mga Mulawin na nasa dugo ng kaniyang angkan ang pagiging isang magaling na mandirigma. Lahat ng sandata ay kayang hawakan at gamitin ni Aguiluz. Ang iyong ninuno. Kaya hindi na kami magtataka kung magagawa mo ang bagay na iyon.” Seryosong sambit ni Leon habang siya ay nakatingin sa akin.
“Kaya ka nagtataka ay dahil ngayon mo lang naranasan ang mga ito. Pero sasabihin ko sa’yo ngayon, kung nagawa mo ang bagay na ito ngayon, mas magagawa mo ulit sa mga susunod na araw. Kailangan mo lang ng tamang ensayo.”
Bumaling naman ako kay Ilah. Nagkibit-balikat ito at ngumiti sa akin.
“Hindi kami galit sa’yo. Ang totoo niyan, hanga kami sa iyo, sa ginawa mo.” saad ni Alex at marahan nitong hinaplos ang aking pisngi saka ngumiti.
“Huwag kayong pakampante dahil may dalawang hamon pang natitira.”
Bumaling ako kay Felix na ngayon ay matalim ang tingin na ibinigay sa akin.
“Labanan mo ako sa pabilisang makarating sa puno ng Silay. Ang unang makabalik sa atin dito ay iyon ang mananalo.” saad nito saka bumaling sa likuran nito.
Agad na umalma si Ilah.
“Pero wala siyang pakpak kapag umaga, Felix.”
Nakangisi itong bumaling sa amin.
“Hindi ko na iyon kasalanan.” saad nito sa boses na mapang-asar.
“Hindi ka patas sa pagbibigay mo ng hamon, Felix.” umaalmang sambit ni Raven.
Si Alex naman ay humawak lang sa aking kamay. Napatingin ako sa kaniya. Nang ngumiti siya sa akin ay bigla akong nakaramadam ng kapanatagan sa aking puso.
“Maipanalo mo man ang hamon o hindi, mananatili pa rin ako sa tabi mo.”
Marahan akong tumango sa sinabi niya. Pagkatapos ay humakbang ako patungo sa harapan ni Felix.
“Tinatanggap ko ang hamon mo.”
Akmang magsasalita pa sana si Ilah pero sumenyas ako sa kaniya na ayos lang ako. Alam kong wala akong kontrol sa ganitong mga bagay. Isa lang ang meron ako ngayon. Ang lakas ng loob na ibinigay sa akin ni Alex.
Si Mayi at Leon ang nag-asikaso sa aming dalawa. Sinugarado ng mga ito na magkapantay kaming dalawa sa aming posisyon.
“Kapag sinabi kong takbo, gawin ninyo.”
Napatingin naman akong muli kay Alex. Ngumiti siya sa akin at saka tumango.
Kaya mo ito, Kierra. Balewala sa iyo ang takbuhan. Kahit malayo ang puno ng Silay, huwag kang susuko.
“Isa, dalawa, tatlo, takbo!”
Pagkasabi ni Mayi ng huling salita ay mabilis akong tumakbo. Kahit alam kong wala akong laban, ay tumakbo pa rin ako. Sa aking kamay ay naroon ang aking ugatpak.
Mabilis ang takbo ni Felix. Hanggang ilang minuto palang ang lumilipas ay nagdesisyon na itong lumipad. Alam kong sa ganoon ay matatalo na ako, pero hindi ako nawalan nang loob. Muli akong napatingin sa aking ugatpak. Alam kong imposibleng tumubong muli ang aking mga pakpak dahil mataas pa ang sinag ng araw. Pero may kung anong enerhiya ang pumipilit sa akin na itarak ang aking ugatpak sa aking gulugod. Mabilis akong napahinto sa pagtakbo. Nang makita ni Felix ang aking ginawa ay huminto ito sa paglipad. Narinig kong muli ang mapang-asar nitong tawa.
“Ano, sugo? Sumusuko ka na ba?”
Mas lalong lumakas ang puwersa ng ugatpak ko. Tila ba nais nitong makawala sa aking pagkakahawak. Nang sa wakas ay buksan ko ang aking palad ay nanlaki ang aking mga mata nang makita ko itong biglang gumalaw ng kusa.
Ilang sandali pa ay umikot ito sa aking likuran at kusa itong tumarak sa aking gulugod. Naramdaman ko ang kakaibang lakas na ibinigay nito sa akin. Mas lalong luminaw ang aking mga mata.
Bakas sa mga mata ni Felix ang pagkagulat dahil sa nangyari.
“Ako, susuko? Asa ka!” nakangising sambit ko kay Felix saka mabilis na lumipad.
Nakatuon lamang ang aking atensiyon sa puno ng silay. Hindi ko mawari kung bakit ganoon ang nangyari sa akin. Kung iisipin ko ay talagang nakakapanibago pero parang normal lang sa aking katawan ang mga nangyayari.
Mas binilisan ko pa ang aking paglipad. Nang sa wakas ay makarating ako sa puno ng Silay ay agad akong tumalikod. Napangisi ako nang makitang malayo pa si Felix.
Muli akong lumipad at nang magkasalubong kami ay sumaludo pa ako sa kaniya. Naningkit ang kaniyang mga mata sa akin.
“Ano? Suko ka na?” tanong ko sa kaniya.
Hindi naman siya sumagot pero ilang sandali lang ay marahan niyang ibinaba ang kaniyang ulo. Dahil sa ginawa niya ay kumunot ang aking noo.
“Sumusuko na ako.”
Hindi ko akalain na sasabihin niya iyon. Sa ilang oras na nakasama ko si Felix ay nakilala ko siya bilang isang palaban na kasapi ng Tres Aves. Hindi sumagi sa aking isipan na magbibigay-galang siya sa akin at agad pa niyang tinanggap ang kaniyang pagkatalo.
Maging sina Ilah at Raven ay gulat nang bumalik kami sa kinaroroonan nila.
“Ang iyong pakpak, paano nangyari?” saad ni Ilah saka agad na lumapit sa akin.
“Hindi ko rin alam.”
Naglakad palapit sa amin si Felix.
“Nakita kong kusang kumilos ang kaniyang ugatpak. Marahil totoo nga na ikaw ang makapangyarihan sa lahat.”
Ngumiti ito at inilahad niya ang kaniyang kamay sa akin.
“Tinatanggap namin ang aming pagkatalo sa hamon.”
Naguluhan akong tumingin sa kaniya.
“Pero hindi ko pa nagagawa ang ikatlong hamon.”
Nakangiting naglakad patungo sa amin si Mayi.
“Napatunayan mo nang kaya mo, Kierra. Wala ka nang dapat na gawin pa. Napahanga mo kami sa iyong determinasyon at pagkakaroon ng lakas ng loob. Binabati kita. Magmula ngayon ay nasa inyong panig muli ang Tres Aves.”
Dahil sa labis na tuwang aking nadarama ay bigla kong nayaka si Mayi. Nang ma-realize ko ang ginawa ko ay agad naman akong bumitaw.
“Pasensiya na, nadala lang ako.”
“Wala iyon.”
Mataman siyang napatitig sa aking mga mata.
“Ang iyong mga mata. Napakagandang pagmasdan.”
Hinawakan niya ako sa aking magkabilang balikat at pinaharap sa mga kasama ko.
“Hindi ba?” tanong niya sa mga ito.
Kita ko ang pagbabago ng mga eskpresyon ng kanilang mukha. Tila ba ay masaya sila sa kanilang nakikita.
“Ang ganda. Nag-aalab ang kulay ng berde at pula sa iyong mga mata.”
Napangiti naman ako sa kanila.
“Marahil ay dahil masaya siya.” sambit ni Alex.
Ngumiti ako sa kaniya at tumango.
“Tama ka. Masaya ako. Sobrang saya ko.”