LIPAD 10

1188 Words
“Nandito na tayo.” masiglang sambit ni Raven saka itinuro ang isang malaking kuweba na sa tingin ko ay daan papasok sa loob ng tirahan ng Tres Aves. Naglakad si Alex patungo sa mga kawal at isa-isa itong kinausap. Nakita kong halos lahat ng kausapin nito ay tumatango at umaalis. “Inutusan ko silang magbantay sa paligid. Malaki ang posibilidad na may nakasunod sa atin ngayon lalo na at alam na ng mga hunyango at musang kung saan tayo naroon.” Matipid akong ngumiti sa kaniya. Lumapit naman sa akin si Ilah at hinawakan ang aking kamay. “Halika, tayo na at pumasok sa tirahan ng Tres Aves.” Hindi pa man kami nakakahakbang papasok ng kuweba nang may makita kaming papalabas. Isang magandang babae na nababalot ng balahibo ang palibot ng mukha. “Si Mayi!” nakangiting sambit ni Ilah. “Anong ginagawa rito ng mga Mulawin?” nakangiting tanong nito kay Ilah at Raven. “Narito rin ang isa sa mga sugo ng Mulawin.” Marahan itong naglakad patungo sa kinaroroonan namin ni Alex. “Alexus. Nakatutuwa at nagkita tayong muli.” Umayos sa pagkakatayo si Alex at nakangiting nag-angat ng tingin kay Mayi. “Masaya ako at nagkaroon ng pagkakataong mapadalaw kayo rito sa aming tirahan.”  Marahan namang ibinaling ni Mayi ang kaniyang paningin sa akin bago muling bumalik ito kay Alex. Nanatili namang nakababa ang tingin ko dahil nahihiya ako sa hitsura ng aking mga mata. “Sino ito? Isang tao? Isang tabon?” tanong nito. Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Alex bago marahang hinawakan ang aking kamay. “Si Kierra. Ang anak ni Dawis at Amira.” Bahagyang napaatras si Mayi nang marinig ang tinuran ni Alex. Dahan-dahan din akong nag-angat ng tingin para makita ang kaniyang kabuuan. “Totoo nga ang balita. Nagbalik ka na.” Dahil hindi ko alam kung anong sasabihin ko ay nanatili lamang akong nakatingin sa kaniya. “Ang kulay ng iyong mga mata, hati sa dalawa.” Tipid akong ngumiti sa kaniya at napahawak ako sa labas ng aking kaliwang mata. “Ang sabi sa propesiya ay ikaw raw ang pinakamalakas na lahi ng taong-ibon na nabubuhay sa henerasyong ito.” Nakita ko ang paniningkit ng kaniyang mga mata. Tila ba’y pinag-aaralan niyang mabuti ang aking hitsura at reaksiyon. “Wala akong alam sa mga sinasabi niyo.” Mahina kong sambit sa kaniya. Sa bungad ng kuweba ay mayroong lumabas ng dalawang lalaki na kapareho ng hitsura ni Mayi. Huminto agad ang mga ito nang makita ako. Nakita ko ang mabilis na paghugot ng sandata ng isa sa kanila at mabilis na hinagis ito sa kinaroroonan ko. Sa sobrang pagkabigla ko ay hindi ko na nagawang umilag, pero naitaas ko ang isang kamay ko. Ang plano ko ay sanggain lamang ito. Pero nagulat ako nang makitang hawak ko na ang sandata ng lalaking miyembro ng Tres Aves. “Kierra ang palad mo!” sigaw ni Ilah saka mabilis na lumapit sa akin. Doon ko lang napansin na tumutulo na sa mga tuyong dahon ang dugo mula sa aking palad. “Bakit mo ginawa iyon?” galit na tanong ni Raven sa lalaking bumato sa akin ng espada. Maging si Alex ay handa na siyang sugurin ngunit nahawakan ko agad ang braso niya kaya huminto siya sa kaniyang kinatatayuan. “Nasisiraan ka na ba ng bait, Felix?” inis na tanong ni Mayi sa kaniyang kasama. Mahinang tumawa ang lalaki at diretsong bumaling ang mga niya sa akin. “Nakamamangha. Mabilis mong nasalag ang aking sandata.” anito saka marahang naglakad patungo sa akin. Hawak ko pa rin ang kaniyang sandata kaya naman pagdating niya sa harapan ko ay agad ko itong inabot sa kaniya. Pagkakuha niya sa kaniyang sandata ay mabilis niyang kinuha ang kamay ko at pinagmasdan ang sugat sa palad ko. Mabilis naman akong hinawakan ni Alex sa braso at hinila palayo kay Felix. “Kalma, Alexus. Hindi ko aagawin sa’yo ang nakatakda para sa iyo.” Masama ang tingin ni Alex sa kaniya. “Pumunta kami rito para makipagkasundo, hindi para makipaglaban Felix. Hindi mo kailangang manakit para lang maipakita mong magaling ka at matapang ka.” Nakita kong lumapit ang isa pang lalaki na kasali sa kanila. Kung hindi ako nagkakamali ay Leon ang pangalan nito. “Kasunduan? Anong uri ng kasunduan?” Lumapit si Ilah at Raven sa kanila. “Makikiusap kami na kung maaari ay tulungan niyo kami sa pinakamalaking digmaang papalapit sa pagitan ng mga Ravena at Mulawin. Malaki ang posibilidad na muli nilang buhayin ang Buwarka na matagal nang pinaslang ng inyong mga magulang noong panahon nina Aguiluz at Alwina. Kaya pakiusap nangangailangan kami ng tulong mula sa inyo.” Napakunot ang noo ng tatlo. “Bakit niyo pa kaiilanganin ang tulong namin kung nariyan na ang anak ni Amira sa inyo.” “Kierra. Kierra ang pangalan ko.” pagpapakilala ko sa kanila. Napahinto naman sila at bumaling sa akin. “Hindi ko man alam ng lubusan kung anong nangyayari. Pero ako na mismo ang nakikiusap na sana ay tulungan ninyo kami. Naging kabahagi rin naman ng mga Mulawin ang inyong mga magulang noon, sana sa henerasyong ito ay amin pa rin kayo pumanig.” Natahimik silang tatlo at nagkatinginan. Maya-maya ay tumango sila sa isa’t isa na wari ba’y may bagay silang napagkaintindihan. Nakapagtataka dahil hindi naman sila nagsasalita. Nag-aalalang bumaling sa akin si Ilah. “Kailangan mong humarap sa mga hamon na ibibigay nila.” Huh? Paano niya naman nalaman iyon? Lumapit sa akin si Alex nang makita niya ang naguguluhan kong ekspresyon. “May kakayahang mag-usap ang Tres Aves gamit ang kanilang isipan. May kakayahang magbasa ng isipan si Ilah kaya alam niya kung ano ang pinag-uusapan ng tatlo. “Bakit ako? Hindi naman ako magaling sa pakikipalaban? Anong alam ko sa mga hamon na ibibigay nila?” kinakabahan kong tanong. Bigla namang lumapit sa akin ang tatlo at pinagmasdan ako nang maigi ng mga ito. “Tatlong hamon ang kailangan mong mapagtagumpayan.” Pakiramdam ko ay pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano iyon gagawin. Ano namang alam ko sa paraan nila sa pakikipaglaban? Anong diskarte ang gagawin ko para magtagumpay? Nakasalalay pala sa akin ang lahat. Paniguradong malulungkot at madidismaya sa akin sina Ilah kapag hindi ko ito nagawa.  Napalunok ako ng aking sariling laway saka bumaling kay Ilah. “Kung anong kalabasan, tanggapin nalang natin.” Saad niya sa akin na kahit paano ay nagpagaan naman sa aking loob. “Tinatanggap mo ba ang aming hamon?” nakataas ang kilay na tanong sa akin ni Felix. Mukhang wala rin naman akong magagawa. Hindi naman ako puwedeng tumanggi dahil kapag ginawa ko iyon ay parang pinahiya ko lang din ang lahi ng mga Mulawin. Alam kong mataas ang kanilang expectation sa akin dahil nga isa ako sa mga sugo. Pero sa totoo lang, hindi ko alam o maramdaman ang sinasabi nila tungkol sa akin na ako ay makapangyarihan. Gayunpaman, kahit alam kong wala akong laban, susubukan ko pa rin. Humugot ako nang malalim na hininga saka diretsong tumingin sa kanila. “Tinatanggap ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD