"YOU mean, 'yong girl sa bar and then 'yong girl na tumalo sa'yo sa race ay iisa?"
Nagsuot muna ng leather gloves si Seven bago tumango kay Claude. Nasa racing club sila ng gabing iyon at naghihintay na mag-umpisa ang karera. Kanina pa rin n'ya inililibot ang paningin sa kabuohan ng lugar para hanapin ang taong pakay.
"Yeah, and unfortunately, s'ya rin ang new assignment ko," aniya saka sunod namang isinuot ang knee at elbow pads. Mahigpit kasing ipinapatupad sa Kawashiwa Racing Club ang pagsusuot ng safety gear para sa safety ng bawat kalahok.
"Seriously, kups? Wow! Baka destiny kayo?" sabat naman ni Zyair na as usual, sagad sa gums ang pag-ngisi.
Umastang ibabato ni Seven ang helmet na hawak sa kumag na kaibigan. Kahit kailan talaga, panira ito ng mood niya. "f**k you! Destiny mo, mukha mo! Kilabutan ka nga! " asik niya rito saka pinukol si Zyair ng masamang tingin.
"Pero seriously Sev, siya talaga ang misyon mo?"
Binalingan niya si Claude dahil sa tanong nitong iyon. "Actually, 'yong ama n'yang durugista ang misyon ko," aniya. "But my plan is, 'yong babaeng 'yon ang uunahin ko. Kukunin ko ang loob n'ya." Bahagya niyang hininaan ang boses nang sabihin 'yon dahil baka nariyan lang sa paligid ang aroganteng babae at marinig pa sila.
"Kaya mo naman kaya? Eh, 'di ba sabi mo, creepy 'yong girl? Tapos ang angas kamo. Tinawag ka pa ngang talunan, remember?" singit naman ni Zyair na ipinagdiinan pa ang salitang "talunan."
Dinuro-duro ni Seven sa mukha ang lintek na si Zyair. Kahit kailan talaga, napaka-alaskador ng gago niyang kaibigan. "f**k you!" singhal niya sabay taas ng gitnang daliri. Napipikon na talaga siya sa kumag na ito. Kung hindi nga lang n'ya ito kaibigan, kanina pa sana ito nakatikim ng the moves niya sa Aikido.
"Gago ka, Zy! Stop blabbering nonsense," saway naman ni Claude kay Zyair. "Alam mong tungkol sa trabaho ang pinag-uusapan, eh!"
"Sorry!" ani Zyair saka nag-peace sign pa sa dalawa. "So, ano nga? Paano mo lalapitan 'yong girl, e sabi mo nga she's arrogant?" seryosong tanong na nito.
Umiling naman si Seven. "I dunno. Wala pa 'kong plan. Pero kung makita ko s'ya ngayon dito, I'll make my move," aniya kahit hindi siya sure sa naisip. Hanggang ngayon kasi, asar pa rin siya sa Kinette Wong na 'yon at hindi niya alam kung paano ito malalapitan na hindi niya naiisip ang pagtawag nitong talunan sa kan'ya.
"Good evening, racers! Please go to the starting line. Tonight, eight participants will race to win twenty thousand cash!"
Sabay-sabay silang naglingunan sa starting line ng race nang marinig ang announcement na 'yon. "Let's go! Kating-kati na 'kong makipagkarera at pakainin kayo ng alikabok!" nakangising saad ni Seven sa dalawang kaibigan.
Kaagad na s'yang sumakay sa bagong-bago at makintab pa niyang Harley Davidson na plain black ang kulay. Reward sa kan'ya 'yon ng kanyang Daddy no'ng makapasa siyang agent sa DISG. Pansamantalang nawala ang yamot niya at pakiramdam niya ay tumaas ang kanyang adrenaline.
Kaagad din namang sumakay sina Claude at Zyair sa kaniya-kaniya nitong mga motorsiklo. "Ulol ka, Sev!" sabat naman ni Zyair. "Puro ka yabang, kupal! Kaya ka tinatalo ng babae, eh!" buska pa nito.
"Malay mo naman Zy, manalo na s'ya. Mukhang wala dito 'yong girl e," segunda naman ni Claude saka ngumisi rin. Nakasakay na rin ito sa sariling motorsiklo.
"Ito kayo, oh?" masama ang mukha na turan ni Seven sa dalawang ungas saka itinaas ng gitnang daliri. Nagtawanan naman ang dalawa sa pagiging pikon niya, matapos niyon ay sabay-sabay silang nagsuot ng helmet.
Habang tinutungo nina Seven ang starting line sakay ng kanyang motorsiklo, ay inisa-isa naman n'ya ng tingin ang walong racers at nagbabaka-sakali na naroon ang mayabang na babae. At mayamaya pa, halos mapunit ang kanyang bibig sa pagkakangisi nang makita ang pulang Ducati.
Nanalo ka lang ng isang beses, akala mo kung sino ka na! Ngayon mo ako subukan, Kinette Wong! ani Seven habang nakatingin sa taong sakay niyon na nakasuot ng yellow overall leather suit.
Subalit 'di niya inaasahan ang paglingon ni Kinette Wong sa gawi niya. And though, may ilang meters ang layo nito, kitang-kita niya ang singkit na mga mata nitong nakatingin sa kan'ya.
Ano kayang tinitingin-tingin ng wirdong 'to? Naga-gwapuhan siguro sa'kin, 'to, isip-isip n'ya. Pero instead na matuwa siya, nakaramdam pa siya ng kilabot sa naisip. Mabuti pa sana kung maganda at sexy ito 'tulad ng girlfriend niyang si Lexi, matutuwa siya. Pero pag 'gaya nitong wirdo at arogante, pakiramdam niya mas lalo siyang maiinis.
Sino ba namang gugustuhing mapansin ng babaeng 'to? He hates color yellow dahil para sa kan'ya ay 'yon ang pinakabaduy na kulay, at yellow ang suot nitong overall suit. Bukod pa ro'n, yellow din ang helmet nito na may mukha ng isang cartoon character na yellow sponge na kasing weird din nito.
Magbabawi sana ng tingin si Seven dahil nakaramdam s'ya ng inis at kilabot dahil ng mga sandaling 'yon nang bigla nitong hubarin ang suot na helmet at sukat ay ngisihan siya.
Hindi na maganda, baliw pa! isip-isip niya saka ibinalik ang atensyon sa unahan ng race track. Seven knew that she just wanted to annoy him, pero mamaya na n'ya ito papatulan kapag nailampaso na niya ito sa karera.
This time, sa isang race track na pagmamay-ari ng racing club sila magkakarera. Malaki ang race track, kompleto sa equipments at facilities. Napapalibutan din iyon ng mga bleachers kung saan nakaupo ang mangilan-ngilang manonood ng gabing 'yon. Kadalasan, doon idinaraos ang malakihang racing event na sinasalihan ng mga sikat at professional racers.
Well, silang magkakaibigan ay hobby lang naman ang pangangarera. Hindi naman nila ito kina-career dahil naka-focus sila sa kani-kanilang mga trabaho. Basically, hilig lang nilang tatlo ang racing kaya't naisisingit pa nila 'yon sa kabila ng trabaho.
Ilang sandali pa, tumayo na sa gitna ng race track ang babaeng may hawak ng itim at puting flag senyales na mag-uumpisa na ang race. Ihinanda na ni Seven ang sarili, maging ang kanyang Harley. Because he's hundred percent sure, he'll win this time.
Makikita mo, maling kinalaban mo ang isang Seven Cruz!
° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° °
TSUMAMBA ka lang, ungas! Pasalamat ka't wala ako sa mood! isip-isip ni Kinette habang pasimpleng nakatingin sa ungas na lalaking nanguna sa race kanina. Ito ang lalaking natalo niya noon sa karera, at ang tumulong sa kan'ya sa club no'ng mapaaway siya.
Makaalis na nga! Inis niyang itinapon ang bote ng mineral water na wala ng laman sa isang gilid, saka kinuha ang panyo niyang may print ng mukha ni Spongebob na nabili pa niya sa souvenir shop sa California no'ng magkaroon ng business trip ang daddy niya at sapilitan siyang isinama. Kaagad niyang pinunasan ang pawis n'yang tumatagaktak sa kanyang mukha at leeg.
"Hi!"
Nahinto sa pagpupunas ng pawisang mukha si Kinette nang marinig iyon. Matapos ay kunot-noo niyang nilingon ang lalaking nakatayo sa kanyang harapan. Ano kayang kailangan ng ungas na 'to? At nagsama pa talaga ng alipores, huh?
"What do you need?" inis niyang tanong sa lalaki. Ipinakita niyang hindi siya interesado sa anumang balak nito.
Umiling ito. "Nothing important. Gusto ko lang sanang magpakilala," sabi nitong sinamahan pa ng matamis na ngiti. Ang dalawang kaibigan naman nito ay nakatingin din sa kan'ya at kapwa nakangiti.
Ano kayang trip ng isang 'to? Parang kanina lang, gusto n'ya kong kainin ng buhay kung makatingin, huh? Tinaasan lang ng kilay ni Kinette ang mga kaharap saka ipinagpatuloy ang naudlot na pagpupunas ng mukha. Hindi siya tumugon sa sinabi nito dahil wala siyang oras para sa mga ganoong bagay.
"By the way, I'm Seven. How about you?" pangungulit pa ng lalaki na muling nagpabaling sa kan'ya rito.
Seven, huh? Do I look, I care? Itinabi muna ni Kinette ang panyo sa bulsa ng kanyang overall suit bago muling binalingan ang kaharap. Malapad ang pagkakangiti nito sa kan'ya habang nakalahad ang kamay at naghihintay na abutin niya. "And I'm Eight," nakangising pamimilosopo n'ya sa sinabing pangalan nito.
Kitang-kita niya kung paanong nawala ang matamis ngiti ng lalaki dahil sa sinabi niya. Samantalang ang dalawang kasama naman nito ay tila nagpipigil naman ng tawa ng mga sandaling 'yon. Mga ungas!
"No, I'm serious. My name is Seven. How about you?" giit pa ng lalaki na parang hindi pansin ang kawalan niya ng interes sa sinasabi nito. "Alam mo kasi, ilang beses na tayong nagkikita kaya—"
"Wala ka bang commonsense?" putol ni Kinette sa sinasabi nito. Bakas naman ang pagkapahiya sa mukha ng kaharap, pero wala siyang pakialam. Hindi siya interesado sa ungas na 'to o sa kahit sinong lalaki. For her, salot lang ang mga lalaki sa lipunan. At isa na roon ang magaling niyang ama.
"Look, I really don't care kung Seven, Eight, Nine, o Ten pa ang pangalan mo, okay?" iritableng pagpapatuloy niya. "Isn't it obvious that I'm not interested in what you're saying? Are you idiot?" asik pa niya sa lalaki. Walang pakialam si Kinette kung napapahiya man ito sa ginagawa niya at lumalabas siyang walang modo. Well, gano'n naman siya pinalaki—walang modo.
"Pero nagpapakilala lang naman ako sa'yo, Miss. May masama ba ro'n?" giit pa nito na bakas naman sa mukha ang pagkapahiya at pagka-insulto. Ang dalawang alipores naman nito ay kapwa walang imik ng mga sandaling 'yon.
"I don't f*****g care. Sa iba ka na lang magpakilala, 'wag sa'kin. Wala akong oras sa mga tulad mo," supalpal niyang muli saka walang sabi-sabing tinalikuran ang mga ito at sumakay sa kanyang motorsiklo at basta na lang nilampasan.
She was once deceived and hurt by someone she trusted so much. Kaya naman ipinangako n'ya sa sariling hinding-hindi na siya magtitiwala pa sa kahit sino. Never.
NANG makauwi sa kanilang mansyon, hindi in-expect ni Kinette na maaabutan niya ang kanyang Daddy. Nakaupo ito sa sala at may hawak na cellphone at tasa ng kape.
As usual, masama na naman ang mukha ng matandang hukluban dahil tinakasan niyang muli ang kanyang mga bodyguard. Idagdag pang madaling-araw na siyang nakauwi ng sandaling 'yon.
"Bukas na bukas, magha-hire ako bagong bodyguards mo. And I make it sure na hindi ka na makakatakas pa!" anunsyo ng kanyang daddy na mababakas ang galit sa anyo.
Nagkibit-balikat lang si Kinette sa kanyang daddy. "Do whatever you want," matabang niyang sagot saka nakapamulsang nilampasan lang ito.
She doesn't really care kung kumuha pa ito ng napakaraming bodyguards. Gagawa at gagawa pa rin naman siya ng paraan para matakasan ang mga 'yon. And just like others, susuko rin ang mga ito at magre-resign.