Ang mababan~gis na hayop na gaya n~g buwaya at iba pa ay kanilang
iginagalang at pinagbibigyang pasintabi; n~guni't di umano'y dahil sa
takot at hindi sa anomang bagay, at sa ganito'y binábangit nila sa
kanilang panunumpa na _lamunin ako n~g buwaya kundi ko tuparin:_
kaya't n~g kumilala sa Pamahalaan n~g España ang m~ga pan~gulo dito sa
Maynila at Tundó noong taong 1571 ay nan~gagsisumpa di umanong:
_sila'y ilubog n~g araw, at sila'y lamunin n~g m~ga buwaya at sila'y
kapootan n~g m~ga babae kung magculang sa canilang pan~gaco._ At upang
mabigyan pa n~g lubhang katibayan ang sumpang itó ay ginaganap ang
tinatawag nilang _pasambahan,_ na di umano'y nagsahaharap n~g larawan
n~g isang malaking hayop, saca sinasabing _lamunin sila noon cung
hindi sila tumupad n~g canilang pan~gaco,_ at pagcatapos ay nagsisindi
n~g isang candila at saca muling nagsabi na _cung paanong nauupós ang
candilang yaon ay gayon din mauupós ang magculang._ At sa ganito'y
napagkikilala na ang canilang pagpapasintabi sa m~ga hayop ay
maipaparis sa pagpapasintabi n~g taga Egipto sa m~ga pinasisintabian
naman nilang m~ga hayop din.
Ang ibang malalaking bató sa m~ga pangpan~gin ay pinagbibigyán
pasintabi na pinag-aalayan n~g hayin cahi't ano, isang putol na tikín
halimbawa. At dito sa ilog Pasig di umano'y may isang malaking bato
na ayon sa naging capaniwalaan ay buwayang naging bató (marahil sa
Guadalupe) at pinagbigyán din pasintabi n~g m~ga namamangka na
inaalayan n~g cahit ano hangang sa sinira di umano n~g m~ga pareng
agustino ang batong yaon at tinirikan n~g isang cruz, saca pinagtayuan
n~g isang munting simbahan na ipinatungcol cay San Nicolás.
Ang matatandang punong cahoy at lalong lalo na ang puno n~g baliti[42]
ay pinagbibigyan ding pasintabi at sa ganang canila'y casalanan na
pagisipang putulin, at ang dahil di umano'y siyang sinisilun~gan at
tinatahanan n~g m~ga anito[43].
Ang m~ga anitong nabangit (palibhasa'y hindi casinsacdal ni Bathala)
ay siyang m~ga ipinagtatayo n~g m~ga moog at bahay dalan~ginan na
canilang pinan~gan~ganlang _ulan~go._ Ang m~ga _ulan~go_ namang ito ay
moog na cawayan ó torre na ani P. Chirino ay marikit ang pagcayari
ayon sa caniyang nakita sa Taytay. Ang m~ga _ulan~gong_ itó marahil ay
hindi dalan~ginang bayan, sapagca't di umano'y sa canicaniyang bahay
ginaganap ang pagdalan~gin, ó cung sacali man ay bihirang gamitin n~g
bayan.
Ang pagdalan~gin ay idinaraos cailan ma't may cailan~gan silang
hilin~gin sa anitong kinauuculang tawagan, na cung halimbawang sa
pagcacasakit upang gumaling ó sa pagnanais na ang nasa hirap doon sa
cabilang buhay ay mahan~go at sa ibang bagay pa, ay ang m~ga nuno
nilang anito ang tinatawagan na di umano'y siyang m~ga nacacaalám n~g
calagayan n~g nan~gandoon sa cabilang búhay at m~ga sumasagót sa
dalan~gin n~g _catalona,_ cung halimbawa namang sa pag-paroon sa digma
ó sa pagsalakay at upang magwagí ay ang hubog n~g lan~git ang
dinadalan~ginan na canilang pinan~gan~ganlang _bataubaw;_ at gayon din
sa iba't ibang dahilan. Bucod dito ay nagsisidalan~gin sa Diyos
_Inaginid_ at sa Diyos _Amakawdak_ na dinidiyos din nila at marahil ay
sa ibang bagay naman.
Ang nan~gan~gasiwa sa pagdalan~gin ó lumalagay na pinacaparê ó
pinacapastor ay ang _catalona_ na siyang nanunungcol nito. Ang paraan
naman n~g pan~gan~gasiwa ó pagdalan~gin nitó ay mababasa sa _Dating
caugalian tungcol sa Paghihin~galó_» at gayon din sa «_Dating
caugalian tungcol sa Pag-aasawa»_ pati n~g canilang bihis at sangcap.
Ang m~ga katolonang, ito, ani Colin, ay mayayaman ano pa't nanánamit
n~g maririkit at nag hihiyas n~g maiinam[44].
Ang m~ga _catalonang_ ito, bucod sa siyang-tatawagin sa ganganitong
cailan~gan ay siya ring m~ga sangunian sa bala na (na siyang m~ga
tinatawag natin marahil na _manghuhula_ at gaya rin marahil n~g m~ga
astrologo[45]) sa Egipto na siya namang dating sangunian n~g m~ga
tagaroon.
Tungcol sa capanampalatayahán bagay sa m~ga caluluwa ay
nan~gananampalatayang may cabilang búhay na kinaroroonan n~g m~ga
caluluwa n~g namamatay, at naniniwala ring may ibang calagayan ang
mabubuti at may iba ang masasama. Ang sa mabubuti ay pinan~gan~ganlang
_caluwalhatian_ at sa tula ay _ulugan_ at ang sa masasama naman ay
_solad_ ó _casamaan._
Doón sa _kaluwalhatian,_ anila'y nacararating din ang nan~gamamatay sa
tabac, ang nan~gásasacmal n~g buwaya at ang nan~gamamatay sa lintic ó
kidlat at di umano'y sa pamamagitan n~g bahag hari umaakya't na
canilang pinan~gan~ganlang balan~gaw.
Sa pan~gin~gilin naman, ay hindi nan~gin~ginlin ang m~ga tagarito,
maliban cung ang m~ga lalaki ay pasa digma, at cung ganito'y hindi
gumagawa ang m~ga babae sa boong panahóng yaon. At gayon din sa pitong
araw n~g pagpapasimula n~g pamumun~ga n~g m~ga halamana't bukiran, na
hindi bumabayo n~g palay at hindi rin nagpapapasoc n~g taga ibang
bayan, dahil sa di umano'y panahon n~g pagdalan~gin sa Diyos upang
pagcalooban sila n~g mabuting áni.
TALABABA:
[37] Itong salitang Bathala anáng maraming mairugin sa sarili natin
wika ay han~go sa Sanscrito at nábabasa sa isang aklát n~g ating
calupaing manunulat na si G.P.A. Paterno,--sa dahong ica 36.
[38] Ani Gat Rizal ay dahil sa inísip marahil n~g m~ga Tagarito na ang
Dios na Maycapal n~g sangsinucob ay hindi nan~gan~gailan~gan n~g
gayong tahanan ó n~g m~ga pang-libang at pangpalupag-loob, dahil sa
Siya'y laging matuid at pantás at hindi nagbabago dalá n~g canyang
pagka Dios.
[39] Ang m~ga taga Grecia noóng una ay may ganito ring
pananampalataya, na ang sandaigdigan ay punô n~g canilang m~ga bantog
na canunúan na pinipintacasi nila.
[40] Aní Gat Rizal ay napagkikilalang may matuid sila sa pagsamba sa
araw at buwan, sapagca't anya'y ¿ano't di sasambahin ang sagísag ng
cagandahan, n~g cawalang hangan at n~g pagca Dios?--¿anong bagay sa
isipan n~g tao ang hihigit pa sa araw tungcol sa casacdalan, sa
cabutihan, sa cagandahan at hangang sa máihuhuwad sa cawalang
hangan?--Sa buwan naman, anya'y napagmamalas na siyang aasawa n~g
araw, siyang diosa at dahil dito'y sinasamba rin.
[41] Tungcol dito sa ibong bughaw ó asul na binangit n~g ibang
manunulat na anila'y pinan~gan~ganlang Bathala ay walang ganitong
culay ani Rizal, cundi dilaw na siyang _culyawan_ ó _cilyawan_,
Marahil aní Rizal ay walang ganitóng ibon, at cung nagcaroón man ay
maitutulad sa agila ni Jupiter, sa pavo real ni Juno, sa calapati ni
Venus, ó sa ibat íbang ibong kinatha lamang sa isip, ano pa't m~ga
sagisag na caraníwang paghalintularan sa pagca Dios, n~g tanang tao.
Ang ibon anyang ito na bughaw ó dilaw ay siya marahil na sagisag n~g
Dios na Maycapal na pinan~gan~ganlang Bathala, at sapagca't hinahamac
n~g m~ga misionero ang ano mang di nila sinasampalatayanan ay
pinagcamalán nila marahil, Anya'y maigagaya rin naman sa m~ga Ita't
Igulot na cung iya namang macakita n~g sagisag n~g Espiritu Santo ó
n~g sa m~ga Evangelista na calapati, toro, leon, atb, ay hindi
malayong ibalita naman n~g m~ga ito sa canilang m~ga caibigan na ang
m~ga cristiano ay sumasamba sa calapati, sa toro sa leon at ibp. ayon
sa pagcasagísag sa m~ga yaon.
[42] Ang puno n~g baliti rito ay isang maitutulad sa m~ga puno _lotus_
sa Egipto, China at India na pinacagagalang at pinakabigyang pasintabi
n~g m~ga tagaroon. At sa Indi di umano'y ang calasutsé ang tinatawag
na _lotus._
[43] N~g m~ga anito marahil na pinipintacasi nila sa parang at bukid.
[44] Aní Rizal, ay napagkikitang saa't saan man ay pinakikinaban~gan
ang ganitong tungculin ó hanap-buhay.
[45] Ang m~ga nanghuhula n~g magyayari ayon sa calagaya't anyo n~g
m~ga tala.
=Ikalabing anim na Pangcat.=
=Dating Pagsamba't Pananampalataya n~g m~ga tagarito.=
_(Karugtong)_
Sa pagsamba't pananampalataya sa Kalusunan; ay mapagmamalas n~g sino
mang mapag-aral n~g iba't ibang religión na yao'y isang religiong
haluán: at sapagka't hindi ang nasa ko rito'y saysayin ang dahil n~g
pagkakahalohalong yaon, kundi isaysay lamang ang dating ugali n~g m~ga
Tagarito, ay ipatutuloy ko ang tungkol naman sa Kabisayaan.
Ang m~ga taga Bisaya ay sumasampalataya rin n~g halos kagaya n~g m~ga
taga Luzón, dahil sa ganang kanila, ang Bathala nating lumalang n~g
sangsinukob at lumikha n~g tanang kinapal ay kinikilala rin at
kanilang pinamamagatang _Laon._
Kumikilala rin sila sa m~ga anito na sa kanila'y _diwata,_ na dili
iba,t ang kanila ring m~ga kanunuan na pinipintakasi't tinatawagan sa
bala n~g kailan~ganin, maging sa kati't maging sa tubig, maging sa
buhay na ito at maging sa kabila.
Nan~gagsisikilala ring gaya ang m~ga taga Luzón sa m~ga larawang
sarisaring hugis na iniin~gatan sa bahay ó kung dili'y sa m~ga yun~gib
na pawang inaalayan n~g paban~go, pagkain at ibp. at dito sa
kabisayaan (sa Sebú) nakakita n~g ganito si Pigafeta[46] na anya'y
nakadipa ang m~ga kamay, nakabuka ang m~ga hita at patiwarik ang bali
n~g m~ga paa; ang mukha'y malaki at may apat na malaking n~gipin na
kasinglaki n~g m~ga pan~gil n~g baboy-damó at nan~gakukulayan[47].
Sa araw at bwan naman ay nan~gagsi sisamba rin na gaya sa Kalusunan:
At dito nakita ni Pigafeta ang paraan n~g pagsamba sa araw, na anya'y
ganito:
Sa pagpapasimula ay tumutugtog n~g ilang malaking tambol; saka
naglalapit n~g tatlong pingan; na dalawa'y punô n~g kanin at n~g mais
na nabibilot sa dahon, at may kasamang isdâ; at ang isa'y may káyong
kambray at dalawang hidahon n~g palma Naglalatag n~g kayong kambray sa
lupa, sakâ lumalapit ang dalawang matandang babae na bawa't isa'y may
tan~gang pakakak. Pagkatapos ay nilalakaran ang kayong kambray na
nalalatag at tuloy gumagalang sa araw, sakâ isinusuot nila ang
nabangit na kayo. Kung magkagayon ay nagtatali n~g panyô sa ulo ang
isa sa m~ga ito na sa noo ibinubuhol na pinag sisikapan na magkaroon
n~g dalawang parang sun~gay at pagkatan~gan n~g ibang panyô ay
sumasayaw at humihihip n~g kanyang pakakak at tuloy gumagalang sa
araw.
Ang isa namang matandang babae ay dumadampot n~g isang dahon n~g palma
at gaya rin noong isa na sumasayaw at humihihip n~g kanyang pakakak.
Ang pagsayaw nilang ito at paghihip n~g kanilang m~ga pakakak ay
nagluluat n~g kaonti at kanilang sinasabayan n~g pagsasaysay sa araw
n~g sarisaring bagay.
Matapos ito ay binibitiwan n~g isang matandang babae ang panyô niyang
hawak sa kamay at dinadampot ang dahon n~g palma at kapwa humihihip
n~g kanilang pakakak at sumasayaw na matagal sa palibot n~g isang
baboy na nakahanda sa lupa. Ang isa'y nagsasaysay na marahan sa araw
at ang isa naman ang sumasagot. Ano pa't ang araw at ang dalawang
matandang babae ay parang may pagkakaunawaan.
Pagkatapos naman nito ay dumadampot ang isang matandang babae n~g
isang copang alak at iniaalay sa kanyang kasayawan, at habang
ipinagpapatuloy nila ang kanilang pagsasaysay sa araw ay makaapat ó
makalimang iniuukmang iinumin ang alak at habang ginagawa yaon ay
iniwiwisik ang alak sa pusò n~g baboy. Kung matapos yaon ay
binibitawan ang kopa, at humahawak n~g isang sibat na kanyang
pinaiikot sa kamay, habang sumasayaw at nagsasaysay at makaapat ó
makalimang iniuukma ang sibat sa pusô n~g baboy; n~guni't sa
katapustapusan ay isinisibat at pinapaglalagpaslagpasanan, saka
binubunot ulî na tinatakpan ang sugat at tuloy binabalot n~g damo.
Habang idinadaos ang ganitong pagdidiwan ay may apoy na laging
nakahanda at hinihipan na pinapatay n~g matandang babaeng sumisibat sa
baboy; samantalang ang isa naman ay isinasawsaw ang kanyang pakakak sa
dugo n~g baboy at saka itinatanda yaon sa noo n~g kanyang asawa at n~g
kanyang m~ga kasama at pagkatapos ay sa lahat n~g kaharap.
Kung magawa nang lahat yaon ay hinuhubad n~g dalawang matandang
babaeng yaon ang kanilang balabal at dinudulog ang nasa dalawang
pingan na walang inaanyayahan, liban sa m~ga babae lamang. Pagkatapos
ay inaalisan n~g balahibo ang baboy sa apoy at ang m~ga matandang
babae lamang ang nakagagawa noon at ang hayop na ito, di umano, ay di
maaaring kanin kailan man, malibang patayin n~g ganitong paraan.
Sa malaking bató sa m~ga pangpan~gin ay nan~gagpapasintabi rin:
kaya't sa isang dako n~g pangpang sa Potal na nasa pulo n~g Panáy ay
nan~gag-aalay ang m~ga magdadagat n~g pingan at bala na.
Gayon din sa malalaking punong cahoy na ipinacatatan~gi rin ang baliti
na di pinuputol at bagcus na ipinacacagalang.
Sa pagdalan~gin at sa anó mang pagsanguni ay sa _katalona_ rin
ipinan~gan~gasiwa na canilang pinamamagatang _babaylana_.
Nan~gagsisipaniwala ring may cabilang buhay; ano pa't ang canilang
pagsamba't pananampalataya ay masasabi nating caisa n~g m~ga taga
Luzón palibhasa'y caisang lahi; n~guni't bucod dito sa nan~gabangit ay
may iba pa silang capanaligan na siya nilang ikináiiba at dili iba't
ang sumusunod.
Ang iba'y cumikilala sa Dios _Lisbusawen_ na di umano'y siyang
kinacasama n~g m~ga caluluwa sa isang bundoc na nasa pulô n~g Burney
(marahil ay Borneo).
Ang iba naman ay kumikilala sa Dios _Sidapaw_ na siyang nagtatangkilik
n~g isang malaking punong kahoy sa isang mataas na bundok sa Panay na
pinan~gan~ganlan _Mayas_ ó _Maya_ at ang Diyós na nabangit di umano'y
siyang sumúsucat doon n~g buhay n~g tanang kinapal na pagdating sa
kanyang sukat ay namamatay na walang pagsala.
Nan~ganiniwala rin na may Diyós sa Infierno[48] na canilang
pinan~gan~ganlang _Suinuran_ at _Suigaguran_ at sa camay n~g m~ga ito
nahuhulog di umano ang balang caluluwang mamatay, at may Diyós namang
tagapagdalá n~g caluluwa sa Infierno na pinamamagatang Diyós
_Magwayan_, na pagdating sa balan~gay nito ay sinasalubong n~g Diyós
_Sumpoy_ na siya namang tagapaghatid sa Diyós Suiburanin (casama
marahil n~g Diyós Suinuran at Diyós Suigaguran) na anila'y siyang
tagasacop sa lahat ang caluluwa, maging mabuti't maging masama;
n~guni't ang m~ga ito, di umano'y hindi pinababayaan n~g Diyós Pandake
(na nasa bundoc din n~g Maya); kundi agad tinutubos dito sa
pamamagitan n~g m~ga _maganito_ na siyang pan~galan n~g m~ga haying
inihahandog sa canya roon sa bundoc: at sa ganito, ani P. Delgado, ay
hindi lubhang pinagsisicapan ang pagpapacabuti, cundi ang
pagpapacasipag upang magcaroon n~g pangtubos.
TALABABA:
[46] Si Pigafeta ay isang italiano na kasama ni Magallanes sa
pagkasumpong n~g m~ga kapuluang itó, at siyang tan~ging; sumulat n~g
aklat na tungkol sa kanilang paglalakbay at pinamagatan niyang «Ang
unang paglalakbay sa Palibot n~g Sandaigdigan».
[47] Anang iba'y hindi lahat ay gayon; kaya't sa ganang kay Rizal ay
ang masasamang dinídiyos lamang marahil ang may malaking n~giping
kasinglaki n~g pan~gil.
[48] Ang pagkilala sa Dios sa Infierno at sa ibp. ay naging
kapanaligan din na ibang nan~gábansag na lupain, gaya sa Persia, India
at atb, n~guni't marahil ay napulot ito n~g m~ga taga Bisayang Malayo
sa Religiong «Hinduismo» n~g m~ga taga India at siyang inugali hangang
dito; sapagka't sa Religiong "Hinduismo", bukod sa kumikilala sa
tatlong pinakapan~gulong Diyós ay kumikilala pa sa Diyós _Yana_ na di
umanoy, Diyos sa kainfiernohan: sa Diyos _Ganesa_ ó _Ganabali_ Diyós
n~g karunun~gan at tagahawi n~g kapansanan; sa Diyós _Kartikeya_ na
pinakapintakasi sa digma; sa araw na pinamamagatan nilang _Sunya_, sa
buwan na tinatawag nilang _Soma_ at sa ibp.
=Ikalabing pitong Pangkat.=
=Dating pagsamba't Pananampalataya n~g m~ga tagarito.=
(_Karugtóng_)
Tungkol sa kapanampalatayahán n~g hulíng bahagi n~g Pilipinas, na
Hulo't Magindanaw, ay dapat malaman muna na ang m~ga tagaroon ay hindi
namayang sabay-sabáy, kundi ang iba, na gaya n~g m~ga Manobo, Tiruray
atb, ay siyang nan~gauna; at ang iba naman ay masasapantahang m~ga
kasabay ó kasunod n~g m~ga taga Malayang nagsipamayan sa Borneo noong
dacong 1400.