♥ THIRTY ♥ HANK Masyadong malakas ang hampas ko sa drums ko habang sinasabayan ko ang kanta. Kapag nahihirapan akong mag-isip ng maayos, binubuhos ko muna ang oras ko sa pagtugtog. Kahit na minsan naririnig ko namang tinatawag ako ni Baron, hindi ko muna siya pinapansin. Minsan ayaw kong makipag-usap. Nakakapagod mameke ng ngiti. Nang mangalay na mga kamay ko, tumayo ako at binaba ko ang drumsticks ko sa ibabaw ng side table bago ko binagsak ang katawan ko sa kama. Nilakasan ko pa volume ng phone ko. Mabuti na 'tong ganito keysa lalabas na naman ako at magpapakalasing. Mamaya isang buong bar na naman ang masira ko. Ilang buwan na mula no'ng masira ko ang buong Tiffler's. Langya naubos ipon ko para do'n. 'Yong pambili ko ng bahay na hindi pa nga kumpleto naibayad ko na sa nasira ko.

