Chapter 8

1947 Words
Chapter 8 LINCY NAGSUOT ako ng hooded jacket at face mask para itago ang itsura ko. Naroon na sa labas ng bahay nila si Angel at nag-aabang sa akin. Upang mapadali ang aking pagtakas kay Andrea ay kumuha na rin ako ng masasakyan namin. Kinakabahan ako dahil pakiramdam ko ay isa akong kidnapper na itinatakas ang kapatid ni Angel. Gaya nang dati ay hindi naka-lock ang pinto kaya madali lamang akong makapasok. Naroong nakaratay ang payat na katawan ng bata. Binuhat ko ito at lumabas. Nagmadali kaming sumakay sa sasakyan at nagtungo sa mansyon ng aking mga magulang. Malungkot at walang sigla ang mansyon kagaya ng aking mga magulang. Mabuti na lamang at mababait ang mga tauhan nila kaya hindi kami pinagsamaan ng ugali bagkus ay inasikaso pa kami sa pagdating namin. Tunay na nakakahawa nga ang magandang gawain at asal. Napasa sa kanila ang magandang pag-uugali at kasanayan ng aking mga magulang kung kaya ay naging mahabagin at matulungin rin sila sa bawat taong lumalapit upang humingi ng tulong. Buhat ko pa rin ang nanghihinang si Andrea. Sinalubong at inalalayan kami ni Manong Romy at Manang Fely. Sila ang matagal ng kasama sa bahay ng aking mga magulang. Maliit pa ako ay naninilbihan na sa aming pamilya at pamilya na rin ang turing namin sa kanila kaya kinuha nina Nanay ang anak nilang si Freya para pag-aralin bilang pagtanaw ng utang na loob sa mahabang panahon ng kanilang paninilbihan. Napakabait ng mga magulang ni Freya at hindi ko alam kung saan nakuha ng animal na 'yon ang animal niyang ugali. Patawarin ako ng langit sa mga pinagsasabi ko ngayon. Hindi ko lang mapigilang magalit sa kaniya dahil pagtapos siyang kupkupin at bigyan ng maayos na buhay ay kahayupan pa ang isinukli niya. Nakipagsabwatan siyang patayin ang nagbigay sa kaniya ng malaking tulong dahil sa paghahangad niya ng sobra pa sa mayro'n siya. "Ano ang kailangan niyo, ineng?" awang-awa na tanong ni Manang Fely. Nagtutubig na rin ang mga mata nitong nakatingin kay Andrea na kalong ko pa rin. "Hihingi po sana ako ng tulong para sa kapatid ko," malungkot na sabi ko. "Upo muna kayo, ineng," alok ni Mang Romy sa amin ng upuan. Inutusan niya akong ihiga sa isang mahabang upuan si Andrea upang hindi ako mangalay sa pagkalong sa kaniya. Ipinaghanda rin ako ng meryenda ni Manang Fely. "Naku, ineng! Kamamatay lang ng alaga kong si Lincy. Ang anak ng may-ari ng mansyon na ito. Nakakaawa naman ang kapatid mo. Susubukan kong tanungin si Donya Corazon kung makakaharap siya sa inyo upang makausap ninyo. Hintayin niyo lamang ako rito," sabi nito sa akin. Naghintay ako ng ilang mga sandali pa sa kinauupuan ko at isang matanda na walang kagana-gana at napakalungkot ang humarap sa amin. Parang tinutusok ng libo-libong karayom ang puso ko. "Nabanggit ng aking kasambahay na nangangailangan raw kayo ng tulong. Anong tulong ba ang kailangan ninyo?" puno ng concern niyang tanong sa akin. Tinapunan rin niya ng tingin si Andrea na payapang nakahiga sa upuan. Sa kabila ng kaniyang pagluluksa ay nagagawa pa rin niyang humarap sa tao at tumulong. Napakasuwerte ko sa aking magulang. Kung matutuklasan lamang niya na naghihiganti ako ay paniguradong malulungkot ito. "Opo, gusto ko po sanang mamasukan sa inyo bilang kasambahay para maipagamot ko po ang aking kapatid." "Ano ba ang nangyari sa kaniya? Napakaputla at nanghihina siya," nag-aalalang tanong niya sa akin. "H-hindi ko po alam. Hindi pa po siya natitingnan ng doktor." Napabuntong-hininga ito. "Ako na ang bahala sa pagpapagamot sa kaniya. Pasasamahan ko kayo sa aking tauhan at dalahin mo sa ospital iyang kapatid mo. Hindi mo na kailangang mamasukan sa akin dahil libre na ang pagpapagamot niya," sabi niya. Nataranta ako sa sinabi niyang iyon. Patay! Hindi iyon ang motibo ko. Idadahilan ko lang sana si Andrea para tanggapin niya kami rito. Kumbaga ay double purpose. Mailalayo ko si Andrea sa mapang-abuso niyang mga magulang at mababantayan ko rin ang galaw ni Andrew at Freya. "Kailangan ko po ng trabaho!" napalakas ang pagkakasabi ko no'n. Nagulat rin siya sa inasal ko. "P-pasensya na po kayo. Nagpapasalamat po ako sa tulong ninyo na ipagamot ng libre ang aking kapatid pero ayaw ko po na aasa lamang ako sa awa at libre para maipagamot siya at makaraos kami sa araw-araw na gastusin." Akala ko ay magagalit si Nanay sa sinabi ko pero ngumiti. "Pareho kayo ng pananaw ng anak kong si Lincy. Ganyan na ganyan rin siya. Ayaw niya ng umaasa lang sa bigay o hingi. Ang gusto niya ang pagtrabahuan ang bawat bagay na gusto niyang makuha." "Talaga po?" "Oo, hija. O siya, kung ayaw mo talaga ng libre ay pumapayag na akong mamasukan ka rito sa amin. Tamang-tama, may makakasama na sina Fely sa pag-aasikaso ng mansiyon," nakangiting sabi nito. "Maraming salamat po. Ipinangangako ko pong hindi kayo magsisisi sa pagtanggap ninyo sa amin ng kapatid ko," naluluhang sabi ko. Luha ng kagalakan dahil muli silang makakasama kahit sa ganitong paraan man lang. Napakabait pa rin niya. Ni hindi man lamang naakpektuhan ng pagkawala ko ang kabutihan niya. "Dalahin mo na muna sa ospital ang kapatid mo at ng matingnan ng doktor. Sa pakiwari ko ay kinakailangan na siyang i-confine para manumbalik ang kaniyang lakas." NAGTAGAL kami ng halos isang linggo sa ospital sa utos ng doktor na tumingin kay Andrea. Matinding dehydration ang nagpahina sa munti niyang katawan. Sa awa ng Panginoon ay mabilis itong naka-recover. Pinayagan na rin ito na makauwi at doon ipagpatuloy ang bed rest para sa lubusan nitong paggaling. "Masaya ako para sa kapatid ko, Ate. Maraming salamat sa tulong mo," masayang sabi sa akin ni Angel. Habang nakangiting nakatingin sa kapatid na natutulog. Private room naman ang kinaroroonan namin kaya wala akong alinlangan sa pakikipag-usap sa kaniya. "Masaya rin ako na natulungan ko kayo, Angel. Ako at ang Ate Elliana mo na ang bahala sa kapatid mo. Wala ka ng dapat alalahanin pa." "Sina Mama at Papa," nakayukong sabi niya. Oo nga pala! Itinakas ko lamang si Andrea sa kanila at baka pinaghahanap na nila ito. Sumilay ang takot sa akin na mahanap nila ang bata at pasakitan ulit. Taga-kabilang bayan lamang sila at madali nila kaming mahahanap kung sasadyain nila. "B-bakit?" kinakabahang tanong ko. "Alam na ba nila kung nasaan ang kapatid mo?" pahabol ko pang tanong. "Hindi po, Ate. Masaya sila kasi wala na si Andrea. Wala na raw po silang po-problemahin. Masaya sila sa pagkawala niya katulad no'ng walang nakaalam na napatay ako ni mama," malungkot na sabi niya. Hindi ko alam kung paano ko pagagaanin ang loob niya lalo pa at napakasakit naman talaga para sa isang anak na pabayaan siya ng mga taong dapat na unang nag-aaruga sa kanila. "Gusto mo bang ipakulong sila para mapagbayaran nila ang kapabayaan na ginawa nila sa inyo?" hindi ko napigilang itanong sa kaniya. Para sa akin ay nararapat lamang na makulong sila at pagbayaran ang mga ginawa nila. Mga buhay ng inosenteng bata ang sinira nila. Iyon ang mahirap sa mga bumubuo ng pamilya pero hindi pa totoong handa. Bata ang naghihirap at kailangang magsakripisyo dahil sa pagiging iresponsable nila. Gusto palang mag-adik, nakaisip pang gumawa ng bata. Napatay nila tapos ang idadahilan lamang ay nadala ng init ng ulo o epekto ng droga. "Huwag na po. Sapat na po na nakaalis na kami sa puder nila. Nakakaawa naman po sila kung makukulong sila. Mahal namin sila kahit gano'n po ang ginawa nila sa amin." "Sigurado ka? Kapag hindi sila nakulong ay maaari silang magkaroon ng iba pang mga anak na puwede ring sapitin ang katulad ng sa inyo. Naiintindihan ko na mahal niyo sila pero kailangan rin nilang pagbayaran ang masamang ginawa nila sa inyo para matuto sila." "Okay lang, Ate. Siguro ay darating rin ang araw na maiisip at pagsisisihan rin nila ang mga ginawa nila sa amin. Bahala na po si Lord sa kanila." Lalo akong humanga sa kaniya. Sa murang edad niya ay napakalaki na ng pagtitiwala niya sa Diyos. Ako kaya? Kailan nga ba ako huling tumawag sa kaniya? Nakakahiya mang aminin ay hindi ko naisip na ipaubaya sa kaniya ang ginawa sa akin ni Andrew at Freya. Hindi dahil wala akong pananalig sa kaniya ngunit dahil kailangan ako ng mga magulang ko. Ayaw kong sapitin rin nila ang nangyari sa akin. "Paano kung hindi?" Gusto kong makarinig ng honest na sagot mula sa isang bata na walang muwang sa pagtatanim ng galit. "Eh, 'di, hindi sila makakapunta sa heaven at paparusahan sila ni Lord. Ang sabi po sa church ay masama raw po ang gumanti. Si Lord lang daw po ang may karapatang gumanti para ipagtanggol ang naaapi." Nangilabot ako sa sinabi niya at napaluha. Maiintindihan naman siguro ako ng Diyos kung bakit kailangan kong gawin ito. Mali man ang pakikialam ng isang kaluluwa sa mga buhay ay ito na lang ang natitirang paraan ko para maingatan ang mga magulang ko. Wala naman talagang halaga sa akin kung makaganti ako sa kanila o hindi. Ano pa ba ang magiging silbi no'n? Kahit makaganti ako ay hindi na maibabalik no'n ang buhay ko na kinitil nila. "Ngayon na maayos na ang lagay ng kapatid mo at kaunting pahinga na lang ang kinakailangan niya ay payapa ka na ba? Tatawid ka na ba sa kabilang-buhay?" "Hindi pa, Ate." Napamulaga ako. "Ha? Bakit? Hihintayin mo pa bang tumanda ang kapatid mo para sabay kayong aalis?" "Ikaw ang hihintayin ko, Ate. Bilang kapalit sa pagtulong mo sa kapatid ko ay tutulungan rin kitang maingatan ang mga magulang mo. Aalis ako kapag handa ka na ring umalis." "Talaga?" "Opo, Ate." "Sa tingin mo ba ay sa parehong lugar tayo mapupunta? Salbahe ako, eh. Tingnan mo at gaganti ako. Baka hindi ako sa heaven mapunta," natatawang sabi ko. "Ginagawa mo iyan para maingatan ang mga magulang mo. Kung hindi mo sila ipakukulong, eh, 'di mapapatay rin nila ang parents mo. Naiintindihan po kita. Mayroon kang dapat protektahan kaya kailangan may gawin ka." "Paano ang tagasundo mo?" "Kinausap ko siya ulit. Sinabi ko po na may gusto pa akong gawin bago tuluyang umalis." "Mamaya na tayo mag-usap ulit, Angel. Iuuwi ko muna itong kapatid mo para mas makapagpahinga siya." Ipinasundo kami ni Nanay para hindi kami mahirapan sa biyahe. Pagdating namin ay nakahanda na rin ang kwarto na tutulugan namin sa mansyon. Ang mga kwarto ng kasambahay ay kasingganda rin ng iba pang mga kwarto sa mansyon. Walang diskriminasyon. Ang katwiran ni Nanay ay wala raw maidadagdag sa pagkatao niya ang pagkakaroon ng magarang kwarto na iba sa kwarto ng mga katulong. Puno na rin ng mga gamit na kakailanganin namin ang buong kwarto. Ramdam talaga ang pagtanggap niya bilang parte ng pamilya kahit hindi niya ako lubusang kilala. Mamayang gabi pa ako puwedeng umalis sa katawan ni Elliana para makapagpahinga rin siya at hindi makahalata ang mga tao rito. Lumabas ako sa kwarto pagtapos kong masiguro na ayos na ang lagay ni Andrea. Naglibot-libot ako at nagkunwaring kinakabisado ko pa lang ang buong lugar. Habang naglilibot ay hinarang ay ako ni Freya na kung makaasta ay daig pa ang may-ari ng mansyon. "Who are you?" maarteng tanong nito sabay tingin sa akin magmula ulo hanggang paa. Pasalamat siya at kailangan kong magkunwari na hindi siya kilala, kung hindi ay ilalampaso ko ang mukha niya sa sahig. Si Manang Fely ang sumagot sa tanong niya. "Siya si Elliana. Ang bagong kasambahay rito, anak." "Hindi ba't sinabi ko na sa'yo na huwag na huwag mo akong tatawaging anak?" inis na sabi nito sa ina at pagkatapos ay umalis. Nalungkot si Manang Fely ngunit pinilit pa ring ngumiti para itago iyon sa akin. "Halika, hija. Ililibot kita rito para makabisado mo ang mansyon," alok niya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD