Chapter 9

1825 Words
Chapter 9 LINCY "Ito ang kwarto ng may-ari ng mansyon. Hindi naman sila masyadong maselan pero may tamang oras lang na sinusunod para maglinis rito. Iyon ay tuwing ika-sampu ng umaga. Madalas ay nasa labas sila at nagkukutingting ng kung anu-ano kaya kailangan mong samantalahing maglinis sa mga gano'ng oras," paliwanag niya sa akin. Lumipat naman kami sa ibang mga kwarto hanggang sa makarating sa dati kong kwarto noong hindi pa kami mag-asawa ni Andrew. Tumigil kami sa harap nito at binuksan ng Manang Fely ang pinto. "Ito naman ay ang kwarto ng dati kong alaga noong siya ay dalaga pa. Wala ng natutulog rito pero regular pa rin itong ipinalilinis ng mag-asawa at pinabubuksan ang mga bintana upang makapasok sa loob ang sikat ng araw. Ngayon ay wala na siya," napabuntong-hininga siya at pinipigil ang emosyon niya. "K-kahit wala na siya ay lilinisin pa rin ito araw-araw. Ayaw kasi ng alaga ko sa maruming kwarto. Noong narito pa siya nakatira ay siya ang naglilinis ng kwarto niya," basag ang boses niyang sabi sa akin. Maging ako man ay naluluha rin sa nakikita ko sa kaniya. "Ako rin po ba ang maglilinis nito o kayo na po?" tanong ko pabalik. "Ipagkakatiwala ko na sa'yo magmula ngayon ang paglilinis rito. Basta kapag hindi ka sigurado sa gagawin mo ay magtanong ka muna sa akin para hindi ka magkamali," paalala niyang muli sa akin. Bago kami makalabas ay naglakas-loob akong magtanong. "Mukhang bata pa po ang alaga ninyo. Ano po ba ikinamatay niya?" Sumilip muna ito sa labas at saka isinara ang pinto. Halos pabulong lang ito kung magsalita. "Pagdating sa bagay na may kinalaman sa pagkamatay ni Lincy ay sa akin ka lang magtatanong. Iniiwasan naming ipaalala iyon sa kaniyang mga magulang para gumaan kahit papaano ang kanilang pakiramdam. Oo, bata pa siya. Thirty-two years old pa lang siya. Aksidente ang ikinamatay niya. Ang sabi ng mga pulis ay nasa ilalim raw ng ipinagbabawal na droga si Lincy kaya siya naaksidente." Iyon rin pala ang pinaniniwalaan ni Manang Fely na dahilan ng kamatayan ko. "Naniniwala po ba kayo na iyon talaga ang dahilan ng kamatayan niya? Hindi po kaya may nangyaring foul play?" Hinila niya ako palapit sa kaniya at sinenyasan na hinaan ang boses ko. "Hinaan mo ang boses mo. Baka may makarinig sa'yo. Kung ako talaga ang tatanungin ay hindi ako naniniwalang magagawa niyang gumamit ng droga, pero sino naman ang gagawa sa kaniya ng ganoon? Napakabait ni Lincy. Wala siyang nakakaaway dahil matulungin siya katulad ng mga magulang niya." "Wala siyang nakakaaway. Eh, paano po kung may naiinggit sa kaniya? Paano kung inggit ang dahilan kung bakit siya namatay? Siguro ay dapat pong pa-imbestigahang muli ang kaso niya," pagpapahiwatig ko. "Iyan ang pinaniniwalaan ng ina ni Lincy. Gusto ko ring paniwalaan iyon ngunit gusto ko nang manahimik ang kaluluwa niya. Kung totoo mang sinadya ang kamatayan niya ay alam iyon ng langit. Ang mahalaga ay kapiling na ng Panginoon si Lincy. Huwag na nating pag-usapan ang tungkol sa nangyari. Malinaw ba?" "Opo," sagot ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon ni Manang Fely tungkol sa pagkamatay ko. Hindi ko mawari kung natatakot siya o sadyang ayaw lang niyang makadagdag pa sa bigat ng loob ng mga magulang ko. Lumabas na kami ng kwarto. Nagtungo kami sa kusina at itinuro naman niya sa akin ang mga dapat tandaan sa paggamit ng kusina. Sa kalagitnaan ng pagtuturo niya sa akin ay sumulpot sa kusina si Andrew na mukhang hindi namatayan ng asawa. Pasipol-sipol pa itong lumapit kay Manang Fely. "Oh, may bago pala tayong makakasama rito sa mansyon," nakangiting puna niya sa akin. Kung nakakapatay lang ang pag-isip ng masama ay double dead na siya. "Oo, hijo. Siya si Elliana. Ang bagong kasambahay," pagpapakilala sa akin ni Manang Fely. "Hello, Elliana. Huwag kang mahihiya. Welcome ka dito. Huwag kang mahihiya magsabi ng mga kailangan mo," masayang sabi niya. Ibang klase rin ang kaplastikan niya. "Opo, sir." kunwari ay nahihiyang sabi ko. "Ano nga pala ang kailangan mo, hijo?" tanong sa kaniya ni Manang Fely. "Nagugutom po kasi ako. Gusto ko po sanang magpahanda sa inyo ng makakain." "S-sasabay ba sa'yo sa pagkain si F-freya?" tila ay nag-aalangang tanong ni Manang Fely. Sa tagal na kilala ko ang pamilya nila ay ngayon ko lamang napansin ang hindi pala magandang samahan nila ng anak nilang si Freya. Napakabait nilang mga magulang at kahit sa akin na hindi nila kaano-ano ay naiparamdam nila iyon. "Hindi ko po alam pero puwede niyo naman po siyang ipaghain rin. Ang alam ko po ay hindi pa siya kumakain." Talagang alam mo dahil para siyang linta na nakadikit palagi sa'yo. How could you, Andrew! Dito pa sa pamamahay ng mga magulang ko ninyo itutuloy ang kalandian ninyo. "Ako na lang po ang maghahanda ng makakain nila para magamay ko rin po ang paggamit ng kusina," sabat ko sa usapan nila. "Magandang ideya 'yan, hija," papuri sa akin ni Manang Fely. "Hindi naman kumplikado ang mga gusto kong pagkain. Kape, kanin at pritong hotdog na medyo tustado lang. Makakahabol pa naman iyon sa almusal dahil maaga pa. Mamaya na lang ang ibang putahe na balak niyong lutuin. Paniguradong medyo matatagalan kayo sa pagluto," sabi ni Andrew sa akin. "At isa pa pala. Ayaw ko ng maraming asukal sa kape. Hintayin ko na lang sa dining area ang pagkain," pahabol pa niya. "Bakit nga pala nandito ka, hijo?" nagtatakang tanong ni Manang Fely. "Dito po muna kami titira para mabantayan sina Nanay at Tatay. Alam niyo naman po na mas kailangan nila kami ngayon dahil sa nangyari sa asawa ko," malungkot na pagbabalita niya. Plastik! Nandito siya para isagawa ng maitim niyang plano sa mga magulang ko. "Paano ang bahay niyo ni Lincy? Sino ang titira roon? Sabagay, tama ka. Kailangan nila ng karamay ngayon. Napakabuti mo talagang bata. Naisip mo pa silang damayan kahit masakit rin sa'yo ang nangyari. Nasisiguro kong proud na proud sa'yo ang asawa mo." Kung puwede lang sumabat ay isiniwalat ko na ang tungkol sa kahayupan niya at ng anak niyang si Freya. Ewan ko lang kung masikmura nilang purihin pa siya. "Sana po ay masaya na siya kung nasaan man siya ngayon. Ipagkakatiwala ko po muna ang bahay sa mga katiwala namin doon. Siya nga po pala. Dito rin muna pansamantalang titira si Freya. Medyo marami rin pong dapat asikasuhin sa negosyo na naiwan ng asawa ko. Nagboluntaryo po siya ng tulungan ako." "Talaga?" hindi makapaniwalang sabi ni Manang Fely. Kita ko sa mga mata niya ang galak dahil makakasama niya ang kaniyang anak. Patuloy pa rin sila sa pag-uusap at nagdesisyon na ipagpatuloy iyon sa dining area. Naiwan ako sa kusina at inasikaso ang pagkain ni Andrew. Nagboluntaryo akong magluto para gawin ang madalas na ginagawa ko noon para sa kaniya. Gusto kong maalala niya ako hanggang sa matakot siya sa multong siya rin ang may gawa. Inihanda ko ang pagkain niya sa paraan na madalas kong gawin noong ako ay nabubuhay pa. Sa loob ng limang taon namin bilang mag-asawa ay nakabisado ko na ang gusto niya sa pagkain maging sa mga gamit. Dinala ko na sa dining area ang pagkain niya. Naroon siya at tutok ang mata sa screen ng cellphone niya. Hindi na iyon ang cellphone na magkasama naming binili. Bago na ito. Magagamit sigurong ebidensya laban sa kaniya ang dati nitong cellphone kaya pinalitan na. Inihain ko sa harapan niya ang pagkain niya. Tumigil ito sa paggamit ng cellphone. Una nitong ginawa ay humigop ng kape. Dalawang kutsarita ng asukal, dalawang kutsarita ng kape at tatlong kutsarita ng creamer ang perfect coffee para sa kaniya. Sa unang higop ay napaisip siya. Umulit muli at lalong napaisip. Mababakas sa reaksyon ng mukha niya ang pagkabigla sa timpla ng kape niya na ang ako lang ang nakakaalam. Sariling experiment ko lang ang naging timpla ko ng kape niya sa loob ng limang taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa. "Saan mo ito natutunan?" kunot ang noo nitong tumingin sa akin. "Ang alin po, Sir?" pagmamaang-maangan ko. "I-Itong kape," tila ay nahihintakutan niyang pagtutukoy sa gawa kong kape para sa kaniya. "Lahat naman po ay marunong magtimpla ng kape, sir. Bakit po pala? May naalala po kayo sa timpla ko?" panggagatong ko pa sa natatakot niyang reaksyon. "G-ganito ang timpla ng asawa ko," halos utal niyang sabi sa akin. "Naku, sir! Baka na-mi-miss mo lang siya kaya napagkamalan mo ang gawa kong kape. Nagkataon lang po siguro na nagkapareho ang lasa ng timpla namin." "H-hindi maaari 'yon. Siya lang ang gumagawa ng ganitong kape sa akin. A-ano ang sukat ng mga ginamit mo rito?" tanong niya. Gusto talaga niyang kumpirmahin kung nagkataon lang ang lasa o pareho talaga kami ng measurement. "Dalawang kutsarita ng asukal, dalawang kutsarita ng kape at tatlong kutsarita ng creamer po ang ginamit ko," painosenteng sabi ko. "P-pareho kayo!" "Nagkataon lang iyon, sir." "Hindi! Magkasama kami no'ng nag-experiment siya ng iba't-ibang timpla at ipinatitikim iyon sa akin." "Nag-practice rin po ako dahil gusto ko po sana maging barista. Na-mi-miss mo lang po siya kaya gano'n. Sige po, alis na po muna ako. Babalik po muna ako sa kusina. Tawagin mo lang po ako kapag may kailangan ka pa po." Tumalikod na ako sa kaniya at ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay muli itong nagsalita. "Itong hotdog. Huwag mong sabihin na nagkataon lang ulit na pareho kayo ng paraan ng pagprito?" "Ano po ba ang gusto mong iparating, sir? Hindi ko po kilala ang asawa ninyo kaya hindi ko po masasabi na pareho nga kami ng paraan ng pagtimpla ng kape o pagluto ng hotdog. Pasensya na po kung naipaalala ko siya sa'yo dahil sa mga gawa ko." "P-pasensya na. Sige, bumalik ka na sa kusina," utos niya sa akin. Lumapit sa amin si Manang Fely at nag-aalalang tiningnan si Andrew. "Ano ang nangyari, hijo? Bakit parang namumutla ka?" "W-wala po, 'Nay Fely. Pinuri ko lang po ang pagluluto ni Elliana," pagsisinungaling ni Andrew. Umpisa pa lang ito. Patikim pa lang iyang takot na nararamdaman mo. Sisiguruhin kong ikaw mismo ang maghahangad ng kamatayan mo dahil sa takot na ipararamdam ko sa'yo. Bumalik ako sa kusina at sinundan pala ako ni Manang Fely. "Ano'ng nangyari, hija? Bakit namutla nang ganoon si Sir Andrew? Ikaw na lang ang tatanungin ko dahil alam kong hindi siya magsasabi sa akin kahit tanungin ko siya nang paulit-ulit." "Iyong lasa raw po ng tinimpla kong kape ay kaparehong-kapareho raw po ng timpla ng asawa niya." "Nakakaawa naman ang batang iyon. Marahil ay nangungulila sa kaniyang asawa kaya gano'n. Pagpasensyahan mo na lang siya, Elliana. Mahirap ang pinagdadaanan niya ngayon." "Naiintindihan ko naman po. Kaya sinabi ko po na baka na-mi-miss lang niya ang asawa niya kaya inakala niyang pareho kami ng paraan sa paghanda ng pagkain." "Marahil nga, hija. Ikaw na muna ang bahalang mag-ayos rito sa kusina. Pupuntahan ko muna si Donya Corazon para painumin ng gamot niya." Pagpapaalam nito sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD