Chapter 10

1624 Words
Chapter 10 LINCY KATATAPOS ko lamang maglinis ng kusina nang magdesisyon akong bumalik sa kwarto namin ni Andrea upang tingnan kung kumusta na ang lagay nito. Pabalik na ako sa kwarto namin nang masalubong ko si Freya na mukhang wala sa mood. Nagkunwari akong hindi ko siya napansin pero mabilis pa sa alas-kwatro niya akong nilapitan at tinarayan. "Kabago-bago mo lang dito pero kung makaasta ka akala mo kung sino ka, ah?!" galit nitong sabi sa akin. "B-bakit po, ma'am?" Ano pong problema niyo sa akin?" "Problema? Ikaw dapat ang tinatanong ko niyan! Sino ang nag-hire sa'yo rito? Ni hindi ka man lang marunong magbigay ng galang sa mga nakatira sa bahay." "Ah, iyon po ba? Hindi ko po intensyon na bastusin kayo. Hindi ko lang po talaga kayo napansin agad. Kung na-offend ko po kayo ay pasensya na po." Napaka-demanding talaga ng babaeng ito. Akala mo kung sinong anak ng Poncio Pilato ay sampid lang siya rito. Mas magaspang pa ang pag-uugali niya kaysa sa talagang nagmamay-ari ng bahay na nagpatuloy sa kaniya ng walang pangmamaliit. Noong madiskubre ko ang pagtataksil nila sa akin ni Andrew ay gusto ko siyang kalbuhin at tadtarin ng pino saka itapon ang pira-piraso niyang katawan sa dagat para pagpiyestahan ng mga lamang-dagat. "Hindi ko alam kung bakit kinuha ka pa nila, eh, hindi naman nangangailangan ng dagdag na kasambahay rito sa mansyon," inis niyang palatak sa akin. Kalma ka lang, Lincy. Hinga ng malalim at ng makontrol mo ang galit mo. Walang puwedeng makatuklas agad ng katauhan mo. Mahaba-haba pang panahon ang titiisin mo sa pakikisama sa babaeng iyan. "Ako po ang kusang nag-apply rito para maipagamot ko po ang kapatid ko." "What?! May bitbit ka pang dagdag palamunin? Ibang klase rin kayong mga patay-gutom, 'no? Palibhasa ay balitado ang pagiging uto-uto ng may-ari nitong mansyon ay abusado kayo. I'm sure na isa ka sa mga hampas-lupang nangangarap na makatira sa isang mansyon. So cheap! Nagdahilan ka pa na may kapatid kang may sakit. Sus! lumang tugtugin na iyan," pang-iinsulto niya sa akin. Sobrang lulutong ng pagtawag niya sa akin ng hampas-lupa at patay-gutom. Talagang sanay siya sa pang-iinsulto sa kapwa niya kahit isa lang rin siya sa mga hamak na kinupkop ng mga magulang ko at binigyan ng maayos na buhay. "Anak po kayo ng may-ari ng mansyon?" magalang pero bahid rin ng sarcasm na tanong ko. Para itong natauhan at bakas sa mukha nito ang pagkapahiya. "At sino ka naman para tanungin ako kung anak ako ng may-ari nitong mansyon?" mataray pa rin nitong tanong. "Hindi po ba at anak ka ni Manang Fely? Ibig sabihin ay pareho lang tayong kinupkop rito ng may-ari kaya wala ka pong karapatan na insultuhin ako. Kung patay-gutom at hampas-lupa ang tawag mo sa mga taong kinukupkop rito ay ganoon ka rin dahil kinupkop ka lamang din," buong-tapang na pagsupalpal ko sa kaniya. Akala niya siguro ay magpapaapekto at magpapatalo ako sa magaspang niyang pag-uugali. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa akin upang makabalik kaya sisiguruhin kong puputulin ko ang sanga-sanga na niyang sungay. Itinaas nito ang kanang kamay niya at tangka akong sasampalin. Sa ganoong eksena siya naabutan ni Nanay. "What's the problem here, Freya? Bakit mo sasampalin ang bagong kasambahay rito?" tanong sa kaniya ni Nanay. Dali-dali niyang ibinaba ang kamay niya at nakangiting tumingin kay nanay. "M-mali po kayo ng pagkakaintindi, 'Nay." "Anong mali ang pagkakaintindi ko? Matanda na ako pero hindi ako bulag. Kitang-kita ng dalawang mata ko na gusto mo siyang saktan." Lihim na nagdiwang ang kalooban ko dahil nabigyan ko ng ideya ang nanay ko tungkol sa tunay na kulay ng ahas na ito. Walang mahagilap na salita si Freya upang depensahan ang sarili niya. Natahimik lang ito at sakto namang dumating ang walang kuwenta kong asawa. "Ano pong nangyayari dito?" naguguluhang tanong niya. "Si Freya ay naabutan kong inambahan ng sampal si Elliana. Matagal ko nang napapansin ang pagiging arogante niya sa mga tauhan ng mansiyon at ng farm pero lagi ko lang itong pinalalagpas dahil iniisip ko na lang na baka stressed lang siya sa dami ng trabaho. Ngunit, si Elliana ay bago lamang dito. Ano naman ang magiging kasalanan nito sa kaniya para pagbuhatan niya ng kamay?" galit na sabi ni Nanay. May ideya na pala si nanay sa ugali ni Freya. Madali ko na lang na gatungan iyon para mabuksan na nang tuluyan ang mga mata niya sa hindi magandang intensyon nito sa pagdikit sa kaniya. "Huwag ka na pong magpaka-stress, 'Nay. Ako na po ang bahalang makipag-usap kay Freya. Bawal ka po ma-stress, iyon po ang bilin ng doktor mo," sabi ni Andrew. Inalalayan niya ito at iginiya pabalik sa kwarto. Naiwan kaming dalawa ni Freya at lumapit naman si Manang Fely nang makahalata ito sa komosyon. Gigil na gigil sa akin si Freya at iyon ang gusto ko. Gusto kong magalit siya sa akin hanggang sa lumabas ang tunay niyang kulay. Nagsisimula pa lang ako. Hindi ako papayag na makakapamuhay siya ng maayos sa kabila ng panloloko niya sa akin at paghangad niya ng kamatayan sa aking mga magulang ng dahil sa yaman na pinag-iinteresan niya. Mahal ko si Manang Fely bilang pangalawang magulang pero mahal ko rin ang nanay ko at hindi ako papayag may mangyaring masama sa kaniya dahil sa anak niya. "Sipsip ka rin, ano? Ngayon lang ito. Pasalamat ka at dumating agad ang matandang hukluban para ipagtanggol ka. Hindi uubra sa akin ang pagiging straw mo. Aayawan ka rin nila," gigil na turan niya sa akin. "Ano ang nangyayari dito? Bakit kayo nag-aaway?" tanong ni Manang Fely habang palipat-lipat ng tingin sa aming dalawa ni Freya. "Pagsabihan mo 'yang alaga mo na huwag masyadong pabida dito. Kung sinu-sino na lang ang pinatitira niyo rito sa mansyon. Kaya pala nag-iba ang simoy ng hangin dito, iyon naman pala ay namulot kayo ng basura," sermon nito sa nanay niya bago padabog na umalis. Hindi ako gumanti pero sa loob ko ay wala akong pakialam sa mga panlalait niyang sumasalamin rin naman sa pagkatao niya. Mas masahol pa siya sa basurang dinamitan ng maganda. "Pagpasensyahan mo na ang anak ko, Elliana. Hindi ko rin alam kung bakit nagkaganiyan siya. Noon naman ay napakabait niyang bata. Hindi siya nanghahamak ng kapwa niya. Pero noong pinatira siya rito ng mag-asawa at itinuring na parang sarili nilang anak ay nagbago siya. Nakakahiya mang aminin ay naging mataas ang pagtingin niya sa sarili niya. Kahit kaming mga magulang niya ay hindi na niya iginagalang. Kung maliitin niya kami ay gano'n na lang dahil hindi namin naibigay sa kaniya ang naibigay sa kaniya ng may-ari itong mansyon. Lagi niyang ipinapamukha na wala kaming kuwentang mga magulang dahil mahirap lamang kami," malungkot niya sabi. Ramdam ko ang bigat ng kaniyang kalooban dahil sa ginagawa sa kanila ng sarili nilang anak. "Hindi po ba niya naiisip na kaya siya kinupkop ng may-ari nitong mansyon ay dahil sa inyong mag-asawa? Kaya siya kinupkop ay bilang pasasalamat sa inyo sa mahabang panahon na paninilbihan sa kanilang pamilya at dahil wala ring kapatid si Lincy. Kinupkop siya para maranasan ni Lincy na magkaroon ng kapatid," diretsong sabi ko na nagpatahimik kay Manang Fely. Nakatingin ito sa akin at hindi makapaniwala sa narinig niya. "P-paano mo nalaman ang mga bagay na iyan?" Ako naman ang napalunok nang ilang ulit. Bakit ba kasi hindi ko makontrol ang bibig ko? Baka mabulilyaso agad ang mga plano ko. "A-ang alin po?" patay-malisyang tanong ko. "Iyong mga sinabi mo. Paano mo nalaman na matagal na kaming naninilbihan rito at kung bakit kinuha nila si Freya upang pag-aralin at patirahin rin dito? Sa pagkakatanda ko ay wala naman akong naikuwento tungkol doon." Sabi ko na, eh. Nagdududa na sa akin si Manang Fely. Kailangan ay maalis ko sa kaniya ang pagdududa sa akin. "Ah, eh. Parang nabanggit niyo po sa akin iyon sa kusina no'ng nagkukuwento po kayo ng tungkol sa buhay niyo rito sa mansyon." Aminado rin akong kinakabahan ako. Lumalabas ang pagiging Lincy ko na hindi dapat biglaan. "Ganoon ba? Naku! Matanda na talaga ako. Makakalimutin na. O, siya. Maghanda na tayo ng pananghalian para sa kanila. Pasensya ka na ulit sa anak ko. Hayaan mo't ako na ang bahalang kumausap sa kaniya." "Wala pong kaso sa akin iyon, Manang Fely. Hindi naman po ako maramdamin. Baka stressed lang din po sa buhay 'yon kaya gano'n ang inaasal niya." "Siguro nga. Ang lulutuin natin ngayon ay ang madalas na lutuin ng alaga kong si Lincy sa tuwing kompleto ang tao rito sa bahay. Magluluto tayo ng kaldereta. Iyon ang specialty ni Lincy. Ngayon lang ulit nakompleto ang tao rito sa bahay ngunit, siya naman ang wala na. Sana ay ma-perfect ko ang lasa nito alang-alang sa kaniya. Gusto kong maalala pa rin nila si Lincy kahit sa ganitong paraan man lang." Na-touch ako sa sinabing iyon ni Manang Fely. Gusto ko siyang yakapin at magpasalamat sa pag-alaala sa akin kahit sa mga simpleng bagay na katulad nito. "Manang Fely, kung ayos lamang po sa inyo ay ako na lang po ang magluluto ng kaldereta. Specialty ko rin po ito," masayang alok ko. Gusto kong gawin ang pagluluto hindi lang para takutin si Andrew at Freya kundi para iparamdam sa mga magulang ko ang pagmamahal ko sa pamamagitan ng pagluluto. "Sigurado ka?" "Opo. Nakakatuwa ka namang bata ka. Kay bago-bago mo pa lamang ay naaasahan na agad kita rito sa kusina. Sige, ikaw na ang magluto at ng matikman namin iyang specialty mo." Masaya akong naghanda ng mga ingredients sa recipe ko habang inaalala ang mga panahong wala pa akong asawa at ang tanging habit ko lang ay ang pakainin ang mga magulang ko ng mga pinagpapraktisan kong lutuin. Lulubusin ko na ang pagkakataong ito upang pagsilbihan muli sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD