Chapter 11

1927 Words
Chapter 11 LINCY PARA sa aking mga magulang ay buong pagmamahal kong ipinaghanda sila ng pagkain na madalas kong gawin para sa kanila. Nais kong lubusin ang pangalawang pagkakataon na ibinigay sa akin para mapagsilbihan muli sila. Alam kong darating ang araw na tuluyan na akong mamaaalam sa kanila at sa kabilang-buhay na lamang ako magtitiyaga maghintay sa kanila upang muli kaming magkasama. Ipinaggawa ko rin sila ng pineapple-lemon juice. Maayos ko itong inihain sa hapag kasama ng specialty kong caldereta. Nang matapos akong maghain ay agad rin silang tinawag ni Manang Fely. "Amoy pa lang mukhang masarap na," papuri agad ni Andrew sa pagkaing nakahain. Agad naman iyong sinang-ayunan ni Nanay. "Oo, nga. Mapaparami yata ang kain ko," masayang turan niya. Wala si Freya. Ayaw sigurong sumabay sa pagkain dahil sa nangyari kanina. Tumalikod na ako at tangkang pabalik na ng kusina nang magsalita si Andrew. "C-Caldereta itong niluto niyo, 'Nay Fely?" tila ay kinakabahang tanong ni Andrew. Lihim akong napangiti dahil alam kong nakilala niya ang luto ko. "Oo, hijo. Si Elliana ang nagluto niyan. Nagustuhan mo ba?" sagot ni Manang Fely sa kaniya. "Bakit, Andrew? Ayaw mo ang lasa kaya ganiyan ang reaksyon mo?" tanong ni Nanay sabay kuha ng kutsara at tinikman ang luto ko. "Masarap naman, ah?" nakangiting sabi nito. Isang pilit na ngiti naman ang itinugon ni Andrew. Sunud-sunod ang subo na ginawa ni Nanay at tila hindi nito nakikilala ang luto ko. Maya-maya pa ay natigilan ito. Tinitigan ang luto ko pati na rin ang pagkakahanda ng pagkain maging ang pineapple-lemon juice. Nagsalin ito sa baso at uminom. Tumingin ito sa akin. Iyong tingin na may halong lungkot at pagtataka. "Ikaw ba talaga ang naghanda ng lahat ng ito?" tanong ni Nanay sa akin. Nawala ang kulay ng kaniyang mukha. Naging seryoso ito at natigilan sa pagkain. Nagsimula na ring mangilid ang luha sa mga mata niya. "Opo," kinakabahang sagot ko. Tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. "P-pasensya na kayo. Hindi ko lang mapigilan ang nararamdaman ko. Kamamatay lamang ng anak kong si Lincy at lahat tayo ay nangungulila sa kaniya. Hindi lang ako makapaniwala na ito ang paraan ng Diyos para mapawi ang pangungulilang iyon," madamdaming sabi ni Nanay. "A-ano po ang ibig mong sabihin, 'Nay?" naguguluhang tanong ni Andrew. "Alam mo kung ano ang tinutukoy ko, Andrew. Kitang-kita iyon sa reaksyon mo nang matikman mo ang luto ni Elliana. Nawala man si Lincy ay may isang taong dumating sa atin na nagpapaalala ng mga bagay na madalas gawin noon ng anak ko para sa atin. Gaya na lang nitong caldereta. Si Lincy ay may sariling paraan ng pagluto ng putaheng ito na talagang naiiba sa paraan ng pagluto ng iba. Isama pa ang pineapple-lemon juice na paborito niyang i-partner rito para raw iwas-highblood dahil mapaparami ang kain natin. Sino bang mag-aakala na may isang tao na ipinanganak na katulad ng anak ko? Siguro si Elliana ang ipinadala ng Diyos upang pawiin ang ating pangugulila." "Tama po kayo, Donya Corazon. Kaninang umaga ay nakita ko ang reaksyon ni Andrew sa almusal niyang gawa rin ni Elliana. Maging ako man ay masaya dahil may pangalawang Lincy na ibinigay sa atin," maluha-luha ring sabi ni Manang Fely. "Tigilan na natin ang drama at ipagpatuloy ang pagkain. Sumabay na rin kayo sa amin, Manang Fely at Elliana." SABAY-SABAY naming pinagsaluhan ang pagkain na aking inihanda. Mababakas sa mukha ng aking ina ang kasiyahan. Takot naman ang mababasa sa mukha ni Andrew at ang lungkot sa tatay ko. Lalo siguro niyang naaalala ang pagkawala ko dahil sa ginawa ko. Hindi naman iyon ang intensyon ko. Gusto ko lang bumawi sa kanila. Gusto ko lang pasayahin sila sa kaunti pang panahon na ilalagi ko kasama sila. NASA KWARTO ako at nagpapahinga. Nakaramdam akong muli ng pagod simula nang magkaroon muli ako ng katawang-lupa. Kung pagod ako ay alam kong mas matindi pa rin ang pagod na mararamdaman ni Elliana dahil sa pagpapahiram niya sa akin ng katawan niya. Sa totoo lang ay napakarami ko pang dapat gawin sa katawan niya dahil mukhang napabayaan na niya ang sarili niya. Gusto ko na sa tuwing makikita niya sarili niya sa salamin ay ma-appreciate niya ang ganda niya kapag naaayusan siya. Tuwing gabi lang ang usapan namin na aalis ako sa katawan niya dahil siguradong tulog na silang lahat. Katatapos ko lang asikasuhin si Andrea na patuloy pa ring nagpapalakas nang may mahina ngunit sunud-sunod na katok mula sa pinto. Ipinalagay kong si Manang Fely iyon na may kailangan sa akin ngunit, hindi ko inasahan ang taong bubungad sa akin sa pagbukas ko ng pinto. Si Nanay. "Alam kong oras ng pahinga mo pero maaari ba kitang abalahin sandali?" "Wala pong kaso iyon. Ano po ang ipagagawa ninyo?" tanong ko. "Halika, hija. Sumama ka sa akin." Sumunod ako kay Nanay hanggang sa makarating kami sa dati kong kwarto. "Ano pong ginagawa natin rito?" nagtatakang tanong ko. "Ito ang dating kwarto ng yumao kong anak na si Lincy. Matagal ng walang gumagamit nito simula no'ng mag-asawa siya dahil mayroon na silang sariling bahay ni Andrew. Binibisita naman niya kami nang madalas pero hindi na niya natutulugan itong kwarto niya dahil umuuwi rin sila agad ng asawa niya. Lagi ko itong ipinalilinis dahil ayaw niya na marumi ito. Noong nabubuhay pa siya ay hindi niya ipinagkakatiwala sa iba ang paglilinis at pag-aayos ng kwartong ito," kuwento niya sa akin. "Bakit niyo po sinasabi sa akin iyan?" "Gusto ko sanang lumipat ka rito at panatilihin mo ang kaayusan ng kwartong ito." Napanganga ako sa sinabing iyon ni Nanay. Hindi niya pinakikialaman ang pag-aayos ko ng kwarto ko noon. Ngunit, ngayon ay gusto na niyang ipagtiwala niya sa isang taong ngayon pa lamang niya nakilala. "S-sigurado 'ho ba kayo? Hindi ho kaya magalit ang anak ninyo dahil ipagagamit niyo sa isang estranghero ang kwarto niya?" "Mabait na bata ang anak ko. Kahit pinalaki namin siyang hindi salat sa mga pangangailangan ay lumaki siyang mabuti at matulunging tao. Hindi niya ipinagdadamot ang anumang mga bagay na mayroon siya kahit gaano pa ito kamahal. Kung nandito siya ay alam kong matutuwa siya na may gagamit na sa kwarto niya," masayang sabi ni Nanay habang hawak ang picture ko. Napangiti rin ako. Masaya rin ako na unti-unti ay nakakapagsimula na si Nanay. Masaya akong kahit papaano ay nakahanap siya ng paglilibangan. Sumagi sa isip ko ang araw na aalis na ako nang tuluyan at ang totoong Elliana na ang makakasama nila pagdating ng araw na iyon. Darating kaya ang araw na masasabi ko sa kanila na nabigyan ako ng pagkakataon na makasama ulit sila? "Ayos lang po ako sa tulugan ko. Puwede ko naman pong linisin ito araw-araw. Salamat po sa pagtitiwala sa'kin ngunit, sa tingin ko po ay kalabisan ang gamitin ko pa ang kwarto ng anak ninyo," magalang na pagtanggi ko sa alok ni Nanay. Bagama't na-mi-miss ko ang dati kong buhay ay malinaw sa akin ang katotohanan na tapos na ang buhay ko rito sa lupa. At ayaw ko ring isipin ng iba na inaabuso ko sila lalo pa at bago lamang si Elliana rito. Ano man ang gawin ko ay maaapektuhan rin siya dahil siya ang kilala nila at hindi ako. "Ayaw mo ba sa alok ko?" malungkot na tanong niya sa akin. "Kung tutuusin po ay napakaganda ng alok niyo sa akin. Nakakatukso pong tanggapin pero alam ko po ang dahilan kung bakit ninyo iniaalok sa akin ang kwartong ito. Marahil po ay naaalala niyo siya dahil sa mga pagkakapareho namin pero gusto ko pong bigyang-linaw sa inyo na magkaibang tao po kami at kahit kailan ay hindi po ako magiging si Lincy. Ayaw ko rin pong magmukhang inaabuso ang kabutihan niyo. Sapat na po sa akin ang pagtanggap niyo sa amin ng kapatid ko. Wala po akong intensyon na pumalit sa puwesto ng anak ninyo sa bahay na ito. Masaya na po ako na mayroon akong trabaho at natutugunan no'n ang pangangailangan namin ng kapatid ko," mariing pagtanggi ko sa alok ni Nanay. Ramdam ko ang lungkot niya at susubukan ko na lang bumawi sa ibang paraan. "Hindi ba talaga kita mapipilit? Kung gayon ay ipagkakatiwala ko na lamang sa'yo ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng kwartong ito. Pasensya ka na kung awkward ang pakiramdam mo sa mga inaasal ko. Sadyang nangungulila lang ako sa aming anak. Siya ang unica hija ko." "Naiintindihan ko po kayo. Hindi po gano'n kadaling tanggapin ang pagkawala ng mga mahal natin sa buhay pero kailangan po nating magpatuloy. Kung narito po siya ay nasisiguro kong ayaw niya na nalulungkot kayo ng ganiyan. Panigurado pong mas malungkot siya dahil naging maikli ang panahon niya sa mundo para magawa ang mga bagay na gusto niya para sa sarili niya at para sa inyo." "Tama ka, hija. Napakabata pa niya para mawala sa mundong ito. Napakasakit sa aming mga magulang niya ang maglibing ng sarili naming anak. Napakasaklap ng naging kapalaran niya. Hindi namin lubos maisip na mangyayari sa kaniya ang ganoon. Napakarami pa niyang pangarap sa buhay na pinigilan ng maaga niyang kamatayan." "Ang sabi po ni Manang Fely ay aksidente raw po ang ikinamatay niya," pagpapahiwatig ko ng aking nalalaman. Naikuyom niya ang kaniyang mga palad. "Ang sabi ng mga pulis ay nasa ilalim siya ng ipinagbabawal na gamot kaya nawalan siya ng kontrol sa pagmamaneho at hindi ako naniniwala roon. Hindi magagawa iyon ng anak ko." Ito na ang pagkakataon ko upang i-brainwash si Nanay nang paunti-unti. "Base po sa mga kuwento ninyo ay mukhang mabuting tao ang anak ninyo kaya parang imposible naman po na gumagamit siya ng droga. Hindi po kaya ay may nangyaring foul play?" "Naisip ko na iyan, Elliana, dahil imposible ang dahilan ng aksidenteng kumitil sa buhay niya. Ang tanging bumabagabag lamang sa akin ay kung sino ang gagawa sa kaniya no'n. Walang nakakaaway ang anak ko. Wala akong ideya kung sino ang puwedeng gumawa sa kaniya no'n." "Hindi lang naman po kaaway ang puwedeng gumawa no'n sa kaniya. Maaari rin pong mga taong may malaking inggit sa kaniya. Minsan po ay kung sino pa ang malapit sa kaniya o ang mga taong hindi niyo inaasahan ang talagang utak sa krimen na nangyari sa anak niyo." Panandalian siyang hindi umimik at tila nag-isip ng malalim. "Hija, asawa niya ba ang tinutukoy mo?" seryosong tanong nito sa akin. Isang pekeng ngiti ang sumilay sa labi ko. Kating-kati na akong ibulgar ang lahat pero kailangan ko muna mangolekta ng ebidensya dahil hindi tatanggapin sa hukuman ang testimonya ng isang yumaong nagbalik sa katawan ng iba. Mapagkakamalan ring nasisiraan na ng bait ang aking ina 'pag nagkataon. "Puwedeng oo, puwedeng hindi rin po. Sino po ba ang huling kasama ng anak ninyo nang maaksidente siya?" "Si Andrew. Sila ang magkasama no'n dahil um-attend sila sa isang party. Nauna raw umalis ang anak dahil may meeting pang pupuntahan si Andrew kasama si Freya na isa rin sa mga katiwala ng aming negosyo. Imposibleng magagawa iyon ni Andrew sa anak ko. Mahal niya si Lincy at saksi kami ro'n." "Hindi ko naman po intensyon na siraan o pagbintangan ang asawa niya. Nagbibigay lamang po ako ng kaunting idea para sa imbestigasyon na gusto ninyo. Wala pong masama kung mag-oobserba kayo sa kinikilos ng mga tao sa paligid ninyo. Baka po mahanap ninyo ang sagot na gusto ninyo. Sige po, alis na po ako. Baka hinahanap na po ako ng kapatid ko," makahulugang sabi ko at saka umalis. Sa labas ng kwarto ay nasalubong ko si Andrew at seryosong tumingin sa akin. Sa hula ko ay nakikinig ito sa usapan namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD