Chapter 12

1961 Words
Chapter 12 LINCY TULUYAN nang nanumbalik ang lakas ni Andrea ngunit kapansin-pansin ang kaniyang kalungkutan dahil sa madalas nitong pagmumukmok sa kwarto. Tumutulong naman ito sa mga gawaing-bahay pero pagtapos no'n ay babalik siya sa kwarto at magmumukmok ulit. Naaalarma ako sa nakikita ko sa kaniya. Minadali kong tapusin ang ginagawa ko at sinundan ito sa kwarto namin. Muli ay naroon siya nakaupo sa kama at nakatingin sa kawalan. "Andrea, bakit malungkot ka? Napapansin ko ang madalas na pagmumukmok mo rito sa kwarto. Ayaw mo ba rito?" nag-aalalang tanong ko. Malungkot itong tumingin sa akin. "Hindi po ikaw si Ate Elliana," tila ay natatakot nitong sabi sa akin. Ako naman ay natauhan rin sa sinabi niyang iyon. Marahil ay nakikita niya ako kaya siya ay natatakot sa akin. "Natatakot ka ba sa akin?" tanong kong muli. Hindi ko alam kung paano ko ipaliliwanag sa kaniya ang set-up namin ni Elliana. Sana ay kinausap ito ng kapatid niyang si Angel para naipaliwanag ang lahat. Marahan itong tumango at bahagyang nag-iwas ng tingin sa akin. Ini-lock ko muna ang pinto bago kausaping muli si Andrea. "Pasensya na kung nakalimot akong nakikita mo kung sino talaga ako. Hindi ako masamang tao, Andrea, at kayang patunayan sa'yo 'yon ng ate mo. Pansamantala kong hinihiram ang katawan ng Ate Elliana mo para iligtas ang aking mga magulang. Ako nga pala ang Ate Lincy mo pero tatawagin mo akong Ate Elliana dahil hindi nila puwedeng malaman ang totoo at maaari iyong ikapahamak ng Ate Elliana mo. "Bakit mo po ako dinala rito?" Naguluhan ako at hindi mawari kung ano ang nais niyang ipahiwatig. "Ano ang ibig mong sabihin, Andrea?" "Sana hinayaan mo na lang po akong mamatay sa amin. Dahil po sa ginawa mo ay hindi na po kami magkakasama ng ate ko," naluluhang sagot niya. Nasaktan ako sa narinig kong sagot niya. Napakasakit marinig mula sa isang bata na mas gusto niyang matapos na lang ang buhay niya dahil sa mga pasakit na dinanas niya mula sa sarili niyang mga magulang. Naiintindihan ko kung bakit naisip niya iyon. Ang ate na lang niya kasi ang mayroon siya. Si Angel ang naging sandalan at kakampi niya sa lahat ng hirap at pasakit sa buhay nila. Siguro ay naiisip niyang wala nang silbi ang buhay niya dahil mag-isa na lamang siya. "Andrea, nalulungkot akong marinig ang lahat ng iyan mula sa'yo. Alam ko ang nangyari sa ate mo, at ang lahat ng pinagdaanan ninyo. Ang ate mo mismo ang may kagustuhan na umayos ang buhay mo at gawin ang mga bagay na hindi na niya magagawa kahit kailan. Gusto niyang magpatuloy ka sa buhay at magkaroon ng magandang kinabukasan kaya siya humingi ng tulong para sa'yo. Mahal na mahal ka ng ate mo at kahit ang kamatayan ay hindi naging hadlang para iparamdam niya iyon sa'yo. Huwag mo sanang sayangin ang oportunidad na ito para sa'yo," mahabang pagpapaliwanag ko sa kaniya. "Wala na pong silbi ang lahat ng iyan dahil wala na rin ang ate ko. Mag-isa na lang ako sa buhay." "Hindi ka nag-iisa, Andrea. Narito pa ang Ate Elliana mo. Mag-isa na rin siya sa buhay at nangako siya kay Angel na siya na ang magiging pamilya mo magmula ngayon. Maliban na lang kung gusto mong umuwi ulit sa mga magulang mo. Nasa kabilang-bayan lang naman ang bahay ninyo kaya madali ka lang makauuwi kung gugustuhin mo." Rumihistro ang takot sa mukha niya. "Hindi na ako babalik roon kahit kailan! Ayaw ko sa kanila. Masasamang tao sila! Pinatay nila ang ate ko!" sigaw nito. Mabilis ko siyang nilapitan at niyakap nang mahigpit upang pakalmahin. Kung si Angel ay parang anghel sa pagkakaroon ng busilak na kalooban at madali lang sa kaniya ang patawarin ang mga magulang niya sa sinapit niya sa mga kamay nila ay kabaligtaran naman niya itong si Andrea. Siya ay puno ng hinanakit at nakikita ko sa mga mata niya ang paghihimagsik. "Ayaw rin ng ate mo at lalong-lalo na ako na babalik ka pa sa ganoong klase ng mga magulang. Wala silang karapatan na magkaroon ng mga anak. Tinanong ko noon ang ate mo kung gusto ba niyang makulong sila ay ayaw raw niya. Naaawa raw siya sa kanila. Ngayon ay gusto kong marinig ang opinyon mo, Andrea. Sang-ayon ka ba na ipakulong sila dahil sa p*******t nila sa inyo at sa pagpatay nila sa ate mo?" Nanahimik siya panandali at nag-isip nang malalim. "Puwede po silang makulong? Paano po kung magalit sila at patayin ako?" sunud-sunod na tanong nito. "Alam mo, isang planadong aksidente ang ikinamatay ko. Kaya ako nagpilit bumalik ay para iligtas sa tiyak na kapahamakan ang mga magulang ko. Asawa at kaibigan ko ang pumatay sa akin. Naiintindihan kita. Hindi ganoon kadali na ipakulong at pagbayarin sa mga kasalanan nila ang mga taong gumawa ng masama sa atin lalo pa at malalapit sila sa atin pero kailangan nating magkaroon ng lakas para ipaglaban ang karapatan natin bilang mga tao. Isipin mo na lang kung hindi sila makukulong ay mawawalan ng hustisya ang pagkamatay ng ate mo at kung magkakaroon pang muli ng mga anak ang parents niyo ay maaaring sapitin rin nila ang katulad ng sinapit ninyo. Puwedeng-puwede natin silang ipakulong. Ikaw ang tatayong testigo laban sa kanila. Sasabihin mo sa hukuman ang lahat ng ginawa nilang pang-aabuso sa inyo ng ate mo at pati na rin ang pagkamatay ng ate mo. Ikaw ang magiging buhay na patotoo sa lahat ng pagmamalupit nila sa inyo." "Paano kung magalit sila sa akin?" nag-aalalang tanong nito sa akin. Ako naman ang natahimik. Sa sobrang pagpipilit ko na dapat nilang mukha ang hustisya para sa kanila ay nakalimutan kong isa lamang siyang munting bata. Traumatic na sa kaniya ang lahat ng pinagdaanan nila at maging ang kamatayan ng kaniyang ate. Bilang isang bata ay hindi ko maiaalis sa kaniya na mag-aalala rin sa maaaring kahinatnan ng gagawin niya. Magiging traumatic rin para sa kaniya ang bawat hearing na mangyayari kapag inilaban namin ang kaso. Iyon naman ang ikinatatakot ko. Natatakot ako na baka mas maging mahirap pa para sa kaniya ang sitwasyon kapag ipinakulong niya ang kaniyang mga magulang. Maaari ring bumagabag sa kaniya ang pagpapakulong sa kanila dahil magiging dalahin niya iyon sa konsensya niya. "O, sige. Ganito na lang. Huwag mo na isipin ang mga magulang mo at ang ginawa nila sa'yo. Napakabata mo pa para ikulong ang sarili mo sa hindi magandang karanasan mo sa buhay. Magsimula ka ulit. Mangarap. Magtapos ng pag-aaral. Magkaroon ng sarili mong pamilya. Lahat iyan ay puwede mo pang magawa. Iyon ang gusto ng ate mo para sa'yo. Gusto niyang maging masaya ka sa panibagong buhay mo. Ang mahalaga ngayon ay okay ka na. Malayo ka na sa kanila at hinding-hindi ka na nila masasaktan ulit. Kung ayaw mo silang ipakulong ay ayos lang, Andrea. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo. Hindi ka rin naman pipilitin ng ate mo. Masaya siyang makita na maayos na ang lagay mo," sabi ko. Napagtanto ko na mali ang turuan ko siyang gumanti dahil iyon ang nais ko sa pagbabalik ko. Magkaiba kami. Bata siya at wala pang muwang. Para ko siyang itinutulak para lumipad kahit alam kong mahina pa ang kaniyang mga pakpak. Siguro nga ay sa ibang paraan makakamit ni Angel ang hustisya para sa pagkamatay niya. "Eh, bakit hindi po nagpapakita sa akin si Ate Angel? Galit po ba siya sa akin?" malungkot na tanong nito. Maging ako man ay hindi makapaniwala sa sinabi niya. Buong akala ko ay nakikita niya ang ate niya dahil narito siya at kasama namin sa kwarto. "S-siguro ay dahil sa kagustuhan mong mawala na rin sa mundo dahil wala na siya. Ayaw niyang iniisip mo ang gano'n," pagtatakip ko kay Angel. Nakatingin lamang sa amin si Angel na hindi ko maipaliwanag ang reaksyon sa kaniyang mga mata. Hindi ko mawari kung lungkot ba iyon o ano. Tiningnan ko siya upang iparating sa kaniya na nais siyang makausap ng kaniyang kapatid. Nagpakita itong muli kay Andrea at masaganang luha ang dumaloy sa kanilang mga mata. Ramdam ko ang pangungulila nila sa isa't-isa. "Ate, bakit ngayon ka lang nagpakita ulit sa akin? Galit ka ba?" tanong ni Andrea. "H-hindi. Nahihiya ako. Nahihiya ako sa'yo dahil naging mahina akong ate para sa'yo. Kung noon pa lang sana ay gumawa na ako ng paraan para makaalis tayo ay hindi ka na sana nasaktan nina Mama at Papa. B-buhay pa rin sana ako at naaalagaan ka ngayon. Nalulungkot rin ako kasi ayaw ko pang mamatay. Ayaw ko pang magkahiwalay tayo. Gusto kong magkasama tayong papasok at uuwi at sabay gagawa ng mga assignments at projects. Gusto ko pang makatabi ka sa pagtulog at magkukuwentuhan tayo tungkol sa maraming mga bagay hanggang sa makatulog tayo. Gusto kong sabay tayong magbibilang ng mga napamaskuhan at maghihintay ng bagong taon. Gusto kong mag-celebrate pa ng maraming birthday kasama ka. Gusto ko pang makasama kang tumira sa dream house natin. Sa tuwing naiisip ko na kapag nagkasakit ka at wala ako ay paano ka? Sinong maghahanda ng pagkain mo? Sinong magpapalit ng damit sa'yo? Sinong yayakap sa'yo sa gabi kapag natatakot ka?" lumuluhang sabi ni Angel sa kapatid niya. Nadurog ang kalooban ko nang sabihin niya ang totoong saloobin niya. Ramdam na ramdam ko 'yong hirap at sakit dahil ganoon rin ang nararamdaman ko. Gaya niya ay marami pa rin akong gustong gawin lalo na para sa mga magulang ko pero ang aga kong nawalan ng pagkakataon. Napahagulhol rin si Andrea. "Ako rin, ate. Gusto kitang kasama araw-araw. Paano na ako, ate? Mag-isa na lang ako. Sabi ko naman sa'yo ay sasama na ako pero ang gusto mo ay mabuhay pa rin ako. Ang gusto ko lang ay makasama ka lagi kahit saan pa tayo magpunta. Sorry ate kasi naging pabigat ako sa'yo. Hindi ka nakatakas kasi inuna mo pa ako. Kung nakatakas ka, eh, 'di sana ay buhay ka pa. May pagkakataon pa sana tayo para mabuhay nang magkasama. Bakit kasi ang malas natin sa magulang, Ate? Mabait naman tayo, 'di ba? Hindi tayo nagsisinungaling. Hindi tayo nag-aaway. Sasama na lang ako sa'yo, Ate," umiiyak ring tugon niya. "Hindi ka pa puwedeng sumama sa akin. Hihintayin na lang kita roon," sabi ni Angel sabay turo sa itaas. "Babantayan pa rin kita lagi. Mabuhay ka para maranasan mo pa ang maraming bagay na hindi ko na mararanasan. Basta lagi mong iisipin na mahal na mahal kita. Kapag oras mo na ay ako mismo ang babalik rito at susundo sa'yo. Kapag dumating na ang araw na iyon ay lagi na tayong magkasama at ikukuwento mo sa akin ang lahat ng nangyari sa'yo habang wala ako. Okay ba 'yon?" dagdag pa nito. "Kailan 'yon, Ate? Kailan ba ako dapat sumunod? Next year o next month?" curious na tanong ni Andrea. Natawa ako sa kabila ng seryosong palitan nila ng matitinding damdamin. "Huwag muna naman. Enjoy-in mo muna ang buhay mo rito sa lupa. Basta hihintayin kita roon." "Aalis ka na ba, Ate?" malungkot na tanong ni Andrea. "Hindi pa. Sabay na lang kami ni Ate Lincy. Tutulungan ko muna siyang makamit ang hustisya para sa kaniya tapos sabay kaming aalis kaya huwag ka nang malungkot. Matagal-tagal pa tayong magkakasama." "Talaga, ate? Lagi ka nang magpapakita sa akin para masulit natin ang magkasama habang hindi ka pa umaalis." "Oo ba. Kahit umalis na ako ay hindi ka pababayaan ni Ate Elliana. Siya na ang magiging ate mo kapag umalis na ako. Mabait siya at alam kong hindi ka niya pababayaan." Nauwi sa mahigpit na yakapan na puno ng pagmamahalan ang usapan nilang magkapatid. Masaya akong makita silang nagsasaya sa kahit kaunti pang pagkakataon. Naniniwala akong darating rin ang araw na matatanggap ni Andrea ang pagkawala ng ate niya. Hindi nga lang iyon madali dahil mangungulila ang bata niyang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD