Chapter 13
LINCY
MAINIT ang ulo ni Andrew dahil hindi niya maayos-ayos ang neck tie niya. Noon pa man ay sanay itong ako ang nag-aayos nito para sa kaniya.
"Sir, gusto mo po bang ako na lang ang mag-ayos ng neck tie mo?" alok ko sa kaniya.
Tumingin ito sa akin na parang hindi naniniwala. "Marunong ka?"
"Opo. Madali ang po iyan," nakangiting sabi ko.
"Sige, halika. Ayusin mo," utos nito sa akin.
Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ang neck tie niya. Kaunting espasyo lamang ang pagitan namin at naaamoy ko ang pabango niya. Iba na ito. Hindi na ang madalas nitong gamit noong nabubuhay pa ako. Siguro ay regalo ito sa kaniya ni Freya.
Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya ay ramdam ko ang pagtitig niya sa akin. Mabilis ko lang naayos ang neck tie niya.
"Okay na po, Sir," nakangiting sabi ko sabay layo sa kaniya. Nakatingin pa rin ito sa akin at tila may nais itanong.
"Ano ang gamit mong pabango?" kunot-noong tanong niya. Sinadya ko talagang bumili ng paborito kong pabango sa unang sahod. Victoria's secret- Rush. Matamis ang amoy nito at naiiwan talaga ang amoy. Gusto kong mabaliw sila sa kaiisip kung bakit nangangalat sa pamamahay na ito ang mga bagay na makapagpapaalala sa akin.
"Victoria's secret po, pero imitation lang po. Hindi ko po afford ang original," nakangiting sabi ko. Well, nagsasabi naman ako ng totoo. Binili ko lang ito sa isang bentahan ng mga pabango. Tig-250 lang ang presyo. Hindi rin naman halatang mumurahin kasi mabango at katulad lang ng mga original.
"Ah, gano'n ba? Saan ka pala natutong mag-ayos ng necktie?" tanong niyang muli.
"Napanood ko lang po. Matandain naman po ako kahit papaano," sagot ko.
"Taga-saan ka nga pala, Elliana? Alam mo ba na malaki ang pagkakapareho ninyo ng asawa ko?" pagsisimula niya ng topic.
"Iyan rin po ang sabi sa akin ng biyenan ninyo. Pasensya na po kung naaalala niyo siya dahil sa akin. Alam ko naman po na masakit pa rin sa inyo ang pagkawala niya at pakiramdam ko ay wrong timing ang pagdating ko sa buhay ninyo. Sa halip na unti-unti ay makalimot kayo ay parang ako pa ang nagpapaalala ng mga bagay tungkol sa kaniya."
Sumilay naman ang lungkot sa mga mata niya. Lungkot na hindi ko magawang paniwalaan. Paano siya malulungkot sa pagkawala ko gayong siya ang dahilan nito?
Nagpakawala muna ito ng isang malalim na buntong-hininga. "Ang hirap pala mabuhay kapag nawala ang taong nakasanayan mong makasama sa loob ng maraming taon. Nahihirapan akong magpalakad ng negosyong naiwan niya dahil siya ang nakakaalam kung paano ito i-manage nang maayos," malungkot na sabi niya.
Talagang mahihirapan siya dahil nagsisimula pa lang ang negosyong iniwan ko. Dahil mahilig kami sa kape ay plantasyon ng kape ang binuksan kong negosyo gamit ang savings namin mula sa ibang negosyo. Wala talaga siyang alam sa pag-manage dahil sabay sa agos lang siya. Kung ano ang sabihin ko ay 'yon lamang ang ginagawa niya. Ang kapal ng mukha niyang pag-interesan ang negosyong hindi man lang niya alam kung paano patakbuhin!
"Lahat naman po ng nawawalan ay kailangang mag-adjust sa panibagong set-up. Mahirap man po ay kailangan ninyong magpatuloy. Kailangan ninyong ipagpatuloy ang nasimulan ninyo kahit mag-isa niyo na lang gagawin ang lahat ng iyon."
"Salamat sa pagpapagaan ng loob ko. Ang hirap lang ipagpatuloy lalo't hindi ko alam kung papaano. Hindi ko inasahan na sa isang iglap ay iiwan niya ako nang mag-isa. Siya ang magaling sa ganitong mga bagay. Taga-suporta lang ako."
"Ano po ba ang hindi mo kaya sa pagpapatakbo ng negosyo ninyo ngayon?" curious kong tanong. Kahit noon pa man ay wala akong alam sa strengths and weaknesses niya tungkol sa negosyo namin. Nasanay rin siguro ako na ako palagi ang nasusunod kasi ako naman ang nakakaalam ng gagawin. Ngayon ko napagtanto na hindi ko man lang sinubukan na hingiin ang opinyon niya o turuan siya para matuto rin siya sa pamamalakad.
"Sa totoo lang, lahat. Nakapanliliit pala sa sarili na wala man lang akong alam. Ginagawa na lang akong katatawanan ng mga trabahador dahil mas marunong pa raw sila kaysa sa akin. Ginamit ko lang raw ang asawa ko para makaahon sa hirap."
Ewan ko pero nagkaroon ng kirot sa loob ko ang sinabi niya. Nasasaktan ako sa pagkakasabi niya kahit iyon naman talaga ang totoo. Nagawa niya akong patayin dahil sa paghangad na mapasakanya ang mga ari-arian ng pamilya ko.
"Bakit hindi mo po subukang humingi ng tulong? Sa parents po ng asawa niyo, ayaw niyo po bang humingi ng tulong sa kanila?"
"May isang taong tumutulong sa akin noon pa man. Siya ang kaisa-isang tao na naniwalang may magagawa ako. Naniwala siya sa akin at hinayaan akong gawin ang mga bagay ayon sa sarili kong kakayahan at diskarte. Hindi ko naramdaman na minamaliit niya ako at lagi siyang masaya sa mga nagagawa ko kahit pakiramdam ko ay wala lang 'yon."
Base sa mga sinabi niya ay alam kong si Freya ang tinutukoy niya. Hindi ko akalain na ganoon pala ang epekto ng babaeng iyon sa kaniya. Siya ang nag-boost ng confidence ni Andrew na hindi ko nagawa. Akala ko noon ay sapat na 'yong tinanggap ko siya bilang siya ng walang halong panghuhusga at pangmamaliit.
Sanay ako sa pamamahala ng negosyo at hindi ko naisip na nasasaktan ko siya sa tuwing ako lang ang nagpa-plano at gumagawa ng lahat. Akala ko ay sapat na ang pagsilbihan ko siya bilang asawa at ibigay sa kaniya ang lahat ng puwede kong ibigay sa kaniya.
Simula naman ng magtayo kami ng negosyo ay hinayaan ko siyang makipag-usap sa mga investors kasi iyon ang forte niya. Magaling siyang magsalita. Nakakaakit ang paraan niya ng panghihikayat at malaki ang naitulong no'n sa aming negosyo. Hindi ko rin naman nakakalimutang papurihan siya sa tuwing may na-a-achieve siya. Kulang pa ba iyon? Sapat bang dahilan ang pagkukulang na iyon para patayin nila ako?
Mag-asawa kami. Dapat ay kami ang magkakampi. Kung nagkulang ako ay sana sinabi niya sa akin para napunuan ko iyon at hindi niya hinanap agad sa iba.
Marami rin naman siyang pagkukulang bilang asawa pero lahat iyon ay inintindi ko. Kahit pa marami ang nagpaparamdam ng pag-ibig nila sa akin kahit kami ay mag-asawa na at mas lamang sila sa maraming aspeto kaysa sa kaniya ay hindi pumasok sa isip ko na lokohin siya.
"Kaibigan mo po?"
"Oo. Malapit kong kaibigan."
"Ibig sabihin po ba ay hindi kayo sinusuportahan ng asawa ninyo noon? Wala po ba siyang tiwala sa'yo? Hindi ka po ba niya pinupuri kapag may maganda kang nagagawa?" tanong ko.
Gusto kong marinig ang lahat mula sa kaniya. Gusto kong marinig ang totoong saloobin niya sa akin bilang asawa niya.
"Mabuting tao ang asawa ko. Mabait, maganda, matalino, masipag at napakamatulungin. Bagama't mabuti siyang asawa sa akin ay pakiramdam ko ay nayapakan niya ang pagiging lalaki ko. Lahat ay siya ang gumagawa. Ni minsan ay hindi niya hiningi ang opinyon ko. Sabagay, wala naman kasi akong alam. Lagi lang akong sumusunod sa gusto niya. Sa tuwing sinusubukan ko na tumulong ay lagi niyang ipinamumukha sa akin na kaya niya kahit wala ang tulong ko. For the longest time, pakiramdam ko ay hindi niya ako kailangan."
Marahil ay sumobra ako sa pagiging independent ko. Nakalimutan ko na babae pa rin ako na dapat magpasakop sa asawa ko. Nadala ko hanggang sa pagkakaroon ko ng asawa ang pagiging strong independent woman ko. Akala ko kasi ay magiging proud siya sa akin kapag marami akong achievements na puwede niyang ipagmalaki sa mga kakilala at mga kaibigan niya. Akala ko kasi ay magiging masaya siya dahil hindi ako basta babae lang na nasa bahay lang at umaasa sa asawa. Akala ko ay masaya siya dahil may maitutulong ako sa kaniya sa paghanap-buhay at pagtaguyod ng aming pamilya. Mali pala ang inakala kong tama. Na-intimidate ko siya. Nawalan siya ng confidence dahil sa ginawa ko. Bakit ngayon ko lang nalalaman ang lahat ng ito? Bakit kung kailang wala na ako?
"Baka mali lang po kayo ng pag-aakala. Paano po kung ang tunay na dahilan kaya siya nagpipilit ay dahil gusto niyang maging proud kayo sa kaniya? Gusto niyang maipagmalaki niyo siya sa mga kaibigan at kakilala niyo. Hindi po ba't tipikal na sa mga babaeng may asawa ang nasa bahay lang at umaasa sa asawa? Ayaw niyo po ba na katuwang niyo ang asawa niyo sa pagbuo ng kinabukasan ng pamilya ninyo? Siguro ay masyado lang ninyong inunang isipin ang sinasabi ng iba kaya hindi na ninyo nakita ang pagsusumikap ng asawa niyo," depensa ko naman. Kahit sa ganitong paraan man lang ay maipaintindi ko pa rin sa kaniya na mali ang pagkakaintindi niya sa lahat ng ginawa ko noon na pagsusumikap.
"Nakikita ko iyon. Ang hindi niya nakita ay ang kagustuhan ko na makatulong. Nagmukha akong palamunin lamang sa halip na nagbabanat ng buto para ibigay sa kaniya ang pangangailangan niya."
"Wala po ako sa tamang posisyon para magtanong pero minahal niyo po ba ang asawa ninyo?"
Natahimik ito sa tanong ko. Bahagya rin siyang nag-iwas ng tingin sa akin. "Sa tingin ko ay oo. Kaya nga pinakasalan ko siya, eh. Pero..."
"Mahal niyo po ba siya kaya niyo siya pinakasalan o napilitan na lang kayong may maramdaman dahil kasal na kayo? Ibig sabihin ba no'n ay posibleng totoo ang ibinibintang ng tao sa inyo na pera lang ng pamilya nila ang habol niyo kaya niyo siya pinakasalan?" buong lakas ng loob kong tanong sa kaniya. Bahala na kung mainis siya sa akin.
"May importante pa akong lalakarin, Elliana. Salamat sa oras at pagtulong mong ayusin ang neck tie ko. Pasensya ka na sa kung anu-anong pinagsasasabi ko. Magkunwari ka na lang na wala kang narinig."
Hindi na niya ako hinintay pang makasagot at nagmadali itong umalis.
Malalaman ko rin ang totoo kung bakit niya nagawa iyon sa akin. Lalabas rin ang totoo sa lalong madaling panahon.