Chapter 14
ANDREW
"HANGGANG kailan ba ako kailangang magtiis, ha? Ang bagal mong kumilos, Andrew!" galit na namang palatak ni Freya sa akin. Lagi na lang ganito ang bungad niya sa akin sa tuwing nagkikita kami sa bahay niya. Hindi namin magawang mag-usap ng sarilinan sa mansyon dahil iniiwasan naming makahalata ang mga magulang ni Lincy.
"Isang buwan pa lang simula nang mamatay ang asawa ko. Sa tingin mo ba ay hindi tayo pagdududahan kapag may nangyari rin sa kanila? 'Di ka rin nag-iisip, ano?" inis ring sagot ko.
"Aba! Baka nakakalimutan mong nagpapaimbestiga muli ang matandang hukluban niyang ina. Baka sa pagpapalipas mo ng pagkakataon ay maunahan ka na niya at isang araw ay bulagain ka na lang mga pulis!" sigaw niya sa akin.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at nagtaas na rin ako ng boses. "Bakit hindi na lang ikaw ang gumawa? Tutal, ikaw naman ang laging nagmamadali diyan! Ang hirap kasi sa'yo ay gusto mo lang ng ginhawa pero para kang lintang nagpapasasa sa pinagpaguran ng iba!" galit kong sumbat sa kaniya.
Isang malakas na sampal ang tinanggap ko mula sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang ipinakain niya sa akin at kung bakit humaling na humaling ako sa kaniya kahit pa wala namang kagusto-gusto sa kaniya maliban sa umaasa siya sa kakayahan ko.
Mga high school pa lamang kami ay malaki na ang pagkagusto ko kay Freya. Maganda siya at maganda ang hubog ng katawan. Lalo pang lumabas ang ganda nito noong siya ay tumuntong na sa kolehiyo. Magkababata kaming tatlo nina Lincy. Bagama't mabuting kaibigan si Lincy sa amin at likas na sa kaniya ang pagiging mabait ay hindi na-develop ang feelings ko sa kaniya. Hindi kagaya ni Lincy ang tipo kong babae. Masyado siyang mahinhin at simple. Ang gusto ko ay babaeng palaban at may strong personality at iyon ay kabaligtaran ni Lincy.
Naglakas-loob akong manligaw kay Freya pero diretso niyang sinabi sa akin na hindi gaya ko ang gusto niyang makatuluyan. Lalaking mayaman na kayang ibigay ang lahat ng naisin niya ang gusto niyang makatuluyan. Naging masugid niya akong manliligaw at alam iyon ni Lincy. Noon ay naaawa sa akin si Lincy dahil sa lahat ng effort ko na nasasayang sa panliligaw kay Freya. Hindi nakatakas sa paningin ni Freya ang concern sa akin ni Lincy. Nakipag-kasundo siya sa akin na kung makakasal ako kay Lincy at makuha ko ang yaman niya ay papayag na siyang makipag-relasyon sa akin.
Dahil sa masidhi kong pagkagusto sa kaniya ay pumayag ako sa alok niya. Itinigil ko ang pagsuyo kay Freya at niligawan si Lincy. Hindi nagtagal ang panliligaw ko sa kaniya at nauwi ito sa relasyon. Halos isang taon pa lang ang aming relasyon nang magdesisyon akong yayain na siyang magpakasal para makuha ko na ang gusto kong makuha. Agad rin siyang sumang-ayon walang pagdadalawang-isip. Hindi tumutol ang mga magulang niya dahil kilala na rin nila ako at ang pamilya ko. Malaki ang tiwala nilang magiging mabuti akong asawa sa kanilang anak.
Ang inakala kong simpleng paraan para maging mayaman ay hindi pala ganoon kadali. Halos si Lincy ang nagpapatakbo ng negosyo. Wala ring pre-nuptial agreement na nagsasabing may karapatan ako sa mga ari-arian niya no'ng kami ay hindi pa mag-asawa. Sa ilang taon na pagsasama namin ay wala akong masyadong naging bahagi sa pagpapatakbo ng negosyo kaya hindi ko magawa ang balak ko. Hanggang sa napilitan akong gumawa ng isang malaking desisyon. Ang patayin si Lincy. Naisip kong walang ibang puwedeng pamanahan ng mga naiwan niya maliban sa akin na legal niyang asawa.
"Ang kapal ng mukha mo! Kung hindi dahil sa akin ay wala kang magagawa dahil walang ibang laman 'yang utak mo kundi puro hangin! Gwapo ka at bolero pero wala kang brain cells. Sa tagal niyong mag-asawa ni Lincy ay wala akong nakitang diskarte mo para makuha ang pera niya. Pasalamat ka nga at nagagawa ko pang hintayin ka!"
"Oo, hindi pa nalilipat sa pangalan ko ang ari-arian ni Lincy pero nakinabang ka na. Pinilit kong makapagbigay sa'yo ng pera at mga luho mo. Kaya wala kang karapatan na sumbatan ako. Nasa akin pa rin nakadepende kung may mapapala ka o wala. Hindi mo maipapanakot sa akin ang tungkol sa pagkamatay ng asawa ko dahil ikaw ang naglagay ng droga sa inumin niya. Hindi lang ako ang makukulong kapag sumira ka sa usapan. Dawit ka rito. Kung babagsak ako ay isasama kita sa pagbagsak ko."
Namutla ito at natahimik. Lumambot ang reaksyon ng mukha niyang kanina lamang ay galit. Dumikit siya sa akin at ipinulupot ang braso niya sa leeg ko.
"Bakit ba kasi tayo nag-aaway nang ganito, love? Sorry kung galit na naman ako. Naiinip lang kasi ako. Alam mo namang allergic ako sa pagtira sa mansyon, 'di ba?"
"Ganoon na ba talaga kalaki ang galit mo sa parents mo? Mabait naman sila sa'yo. Honestly, hindi ko alam kung saan mo hinuhugot ang matinding galit mo sa kanila."
"Huwag ka ng magtanong, Andrew. Ayaw ko silang pag-usapan," pag-iiba niya sa usapan.
"Hindi kita maiintindihan kung hindi mo sasabihin sa akin ang totoo. Matagal ko ng alam ang matinding galit mo sa kanila pero wala kang sinasabi kung bakit. Just this once, magsabi ka ng totoo."
Umalis ito mula sa pagkakadikit sa akin at kumuha ng wine glass. Nagsalin ito ng wine at saka nilagok agad. "Inaabuso ako ng tatay ko," tipid at matabang niyang sagot.
Nagsalubong ang kilay ko. "Inaabuso? You mean, binubugbog ka?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Sexually. I am sexually abused since high school. Pinagsamantalahan ako ng tatay ko. Siya ang sumira sa puri ko. Mahabang panahon rin ang tiniis ko sa pakikisama sa kaniya sa iisang bubong kahit sukang-suka akong makita siya," puno ng hinanakit na sabi nito. Basag ang boses nito at nagsimula na ring magtubig ang mga mata niya. Ang Freya na akilala kong matapang at palaban, sa isang iglap ay nawala. Tila ba ang makapal na pader na itinayo niya ay tuluyan nang bumagsak. Para siyang nag-alis ng maskarang matagal na niyang suot.
"B-bakit ngayon mo lang iyan sinabi?"
"May maniniwala ba sa akin kapag sinabi ko na binababoy ako ng sarili kong ama? Sarili ko ngang ina ay hindi ako magawang paniwalaan. Nagalit siya sa akin dahil sinisiraan ko raw ang tatay ko para pagtakpan ang pakikipaglandian ko sa mga naging lalaki ko. See? Mas naniniwala siya sa manyak niyang asawa kaysa sa anak niyang nasira na ang dangal. Siguro naman ngayon ay naiintindihan mo na kung bakit hindi ako makatagal na makasama sila sa iisang bubong?"
"I'm sorry to hear that. Wala akong alam. Hindi ko alam na ganyan pala kabigat ang pinagdadaanan mo. Kaya ba ganoon na lang ang kagustuhan mo na mapunta sa akin ang ari-arian ng pamilya Cristobal?"
"Gusto kong makapag-asawa ng mayaman para maialis ako sa lecheng buhay ko. Kung mag-aasawa lang ako ng mahirap, ipapasa ko lang rin sa magiging anak ko ang kahirapan na ipinaranas sa akin ng mga magulang ko. Nakakatawa na pinupuri sila ng mga tao dahil sa pagsusumikap raw nilang pag-aralin ako. Wala sila alam! Sunud-sunuran ang nanay ko sa tatay ko. Takot na takot siyang maiwan kaya kahit ilang ulit na akong nagsumbong sa kaniya ay hindi niya ako magawang paniwalaan. Nang magtangka akong magsumbong sa pulis ay binaligtad niya ako. Sinabi niyang pinagbibintangan ko lang ang magaling kong ama dahil nahihiya akong aminin na sumasama ako sa kung kani-kaninong lalaki. Akalain mo bang ang gusto ng magaling kong ama ay akitin ko ang tatay ni Lincy para maging kabit at makinabang sa yaman nila? Nakakadiri siya!"
I became speechless. Sino bang mag-aakala na kinaya niyang itago ang lahat ng iyon sa loob ng maraming taon. Kaya pala niya pinagpilitan na magkaroon ng sarili niyang bahay. Itong bahay na lang niya ang matatawag niyang safe sanctuary niya. Ngunit, hindi siya mapagtataguan ang mga alaala ng nakaraan niya.
"Puwede mo na siyang ipakulong ngayon. You have the money and influence now."
"For what, Andrew? Hindi ako nagpakahirap na marating ang kinaroroonan ko ngayon para lang sirain ng nakaraan ko. Kung maipakulong ko man ang tatay ko, maibabalik ba no'n ang puri kong sapilitan niyang kinuha sa akin? Ayaw kong ipahiya ang sarili ko at ipangalandakan na pinagsawaan ako ng sarili kong ama. Hindi na iyon ang mahalaga sa akin ngayon. Ang gusto ko ay matupad lahat ng plano ko at hindi ko hahayaang may sumira no'n."
"You have a point. Anyway, it's your decision. Kung saan ka mas sasaya ay susuportahan kita."
May itatanong pa sana ako nang biglang mag-ring ang cellphone ko. Tumatawag ang nanay ni Lincy.