Chapter 15

1334 Words
Chapter 15 ANDREW NAGMADALI akong nagmaneho pabalik sa mansyon ng mga magulang ni Lincy. Hindi ko maipaliwanag ang kaba ko pero may pakiramdam akong hindi maganda ang dahilan kung bakit nila ako hinahanap. Pagdating ko ay naabutan ko si Manang Fely na naglilinis sa sala. "Nay Fely, nasaan po sila?" tanong ko sa matanda sabay abot sa kamay nito upang magmano. "Sina Donya Corazon ba, hijo?" "Opo. Tinawagan po kasi nila ako at pinauuwi. Mayroon raw kaming mahalagang pag-uusapan." Nagitla ito na tila biglang may naalala. "Ay! Magmadali ka na roon sa opisina ni Don Emilio. Mukhang mahalaga ang pag-uusapan ninyo dahil dumating rin ang abogado ng pamilya ninyo." "Sige po. Salamat po." Umalon ang kaba sa dibdib ko nang banggitin ni Nanay Fely ang tungkol sa pagdating raw ng isang abogado. Kinakabahan man ay naglakas-loob akong kumatok sa pinto bago pumasok. Si Atty. Mariano ang nagbukas ng pinto para sa akin. "Pasok po kayo, Mr. De Vera," alok nito sa akin. "Umupo ka, hijo," mahinahong sabi ni Tatay. Ang hinahong iyon ay lalong nagpapakaba sa akin. Umupo ako gaya nang utos nito sa akin. Wala pa itong sinasabi pero nagsimula nang manlamig ang mga palad ko. Ang lakas na rin ng dagundong ng dibdib ko. Wala akong ideya kung bakit ipinatawag nila ang abogado. "Hijo, ipinatawag ka namin dahil mayroon kaming gustong ayusin sa mga naiwang ari-arian ng asawa mo," pagsisimula ni Nanay. "Ano pong tungkol sa mga naiwan niya?" "Nagkasundo kami ng tatay mo na kami muna ang hahawak sa lahat ng dokumento patungkol sa mga ari-arian ng aming anak. Hindi naman sa inaalisan ka namin ng karapatan ngunit iyon ay pundar niya noong hindi pa kayo mag-asawa at mayroon siyang inihandang pre-nuptial agreement na hindi ito magiging conjugal property kapag ikinasal kayo, at nakasaad sa batas na kaming mga magulang niya ang in-charge roon kapag may nangyaring masama sa kaniya," paliwanag ni Nanay sa akin. Bagama't mahinahon ang pagkakapaliwanag niya ay biglang nag-init ang ulo ko. "Kamamatay lang po ng asawa ko pero pinakialaman niyo na po agad ang mga naiwan niya. Asawa po niya ako at hindi basta kung sino lang. Wala po ba kayong tiwala sa akin? Bakit pakiramdam ko po ay ayaw ninyong ipagkatiwala sa akin ang mga naiwan niya?" medyo pagalit kong sabi. Si Atty. Mariano ang sumagot. "Mr. De Vera, huwag po kayong magalit. Mayroong prenup agreement na nangyari bago po kayo ikasal. Hindi mo po puwedeng ariing sa iyo ang mga bagay na naipundar niya noong siya ay dalaga pa lalo pa at protektado ito ng isang kasulatan na pareho ninyong nilagdaan. Ang kaniyang mga naipundar noong siya ay dalaga pa ay maaaring mapunta sa kaniyang mga magulang lalo pa at wala naman kayong anak na maaaring pamanahan no'n," dagdag pa ni Attorney. What?! Nalintikan na! Ito na nga ba ang sinasabi ko sa pagiging taklesa ni Freya. Sa sobrang pagmamadali niya na mapunta sa akin ang ari-arian ni Lincy ay hindi man lang pumasok sa isip niya na kailangan ng legal na paraan para mapunta iyon sa akin. At ngayong namatay si Lincy nang hindi pa man lang nai-de-deklara na conjugal property na iyon ay lalo akong mahihirapan na makuha iyon. Pumirma ako sa prenup agreement nang hindi ko man lang pinag-iisipan? Seryoso? Masyado akong natuwa nang magdesisyon siyang pakakasalan ako pero hindi ko man lang inintindi ang totoong ibig sabihin ng prenup agreement. Mautak rin talaga ang Lincy na iyon. Siniguro talaga niyang hindi ko makukuha ang alinman sa pundar niya. "I-Ibig sabihin po ay walang matitirang kahit na ano sa akin?" tila ay walang lakas kong tanong. Para akong kandilang nauupos pagkarinig ko sa lahat ng sinabi nila sa akin. Lintik na Freya! Kung hindi siya nakialam at hindi ako pinangunahan na lagyan ng droga ang inumin ni Lincy sa party ay wala sana ako sa ganitong posisyon. Literal akong pupulutin nito sa kangkungan. "Mayroon naman, hijo. May karapatan ka sa coffee farm na ipinundar ninyo ni Lincy bilang mag-asawa. It's all yours, hijo. Palaguin mo iyon upang makapagsimula ka ulit. Hindi ka namin pipigilan kung gusto mong mag-asawa ulit at bumuo ng sarili mong pamilya. Karapatan mo iyon. Hindi kami magiging masaya ganoon rin ang aming anak kung makikita namin na malulugmok ka sa kalungkutan dahil sa pagkawala ni Lincy. Ayaw naming panghimasukan ang personal na buhay mo. Malaya kang magkaroon ulit ng bago mong buhay," sabi ni Nanay. "I-Ibig sabihib po ba no'n ay pinaalis niyo na ako rito sa mansyon?" Natawa silang mag-asawa. "Wala kaming sinabing gano'n, hijo," natatawang sabi ni Tatay. "Mali ka lang ng pagkakaintindi. Ang ibig sabihin namin ng nanay mo ay parte ka pa rin ng aming pamilya kung nanaisin mo pa. Hindi ba't naging pamilya mo lamang kami dahil asawa mo si Lincy? Ngayon na wala na ang aming anak ay gusto rin namin na makapagsimula ka ulit lalo na at bata ka pa. Hindi mo kailangang ikulong ang sarili mo rito. Wala kang obligasyon sa amin," dagdag pa nito. "A-ano po ang gagawin ninyo sa mga naipundar noon ni Lincy?" hindi ko napigilang itanong sa kanila. "Hindi pa namin alam. Ang balak sana namin ay i-donate ang mga ito sa charity. Maraming mga nangangailangan at kapus-palad ang matutulungan no'n," nakangiting sabi ni Nanay. "S-sigurado po kayo? Iyon po kaya ang gusto ni Lincy?" "Oo naman, hijo. Bakit mo naitanong iyan? Kilala mo ang aming anak. Matulungin siya at hindi iyon manghihinayang kung mapupunta sa pagtulong ang mga naiwan niya." "W-wala naman po. Iyon lamang po ang dahilan kaya ninyo ako ipinatawag?" "Ipinatawag ka namin dahil gusto naming gawing opisyal ang pagmamay-ari mo sa negosyong pinundar ninyo ng aming anak." Hati ang nararamdaman ko. Gusto kong magdiwang dahil mapupunta na sa pangalan ko ang coffee farm. Masasabi kong akin na ito sa legal na paraan pero nangangahulugan naman iyon na wala na akong ibang puwede pang habulin sa mga ari-arian ni Lincy. Malawak ang coffee farm at milyon ang maaari kong makuha kapag ibinenta ko iyon. Inilatag ni Atty. Mariano ang mga dokumentong kinakailangan kong pirmahan upang mailipat sa pangalan ko ang coffee farm na binili namin noon ni Lincy. Wala pa itong masyadong kita dahil kamakailan lang ito nag-operate. Binasa ko ang nakasaad sa kasulatan at saka ito pinirmahan. Hindi ko napigilang magtanong muli sa kanila. Pakiramdam ko kasi separation pay ko ito kung ako ay isang empleyado. "Gusto ko lang po malaman kung k-kanino po nakapangalan ang bahay namin ni Lincy?" "Ah, iyon ba, hijo? Conjugal property iyon kaya ipinauubaya na rin namin sa iyo 'yon. Nariyan rin kasama ng mga pinirmahan mo iyon. Hindi mo ba binasa nang maige?" sabi ni Nanay. Mabilis kong tiningnan muli ang mga papeles at kasama nga ang aming bahay sa ipapangalan na sa akin. "H-hindi po ako makapaniwala na ganito kadali niyo lang ibibigay sa akin ang coffee farm at bahay namin ni Lincy gayong wala naman akong ambag kahit sentimo sa pagpundar noon. Parang nakakahiya naman pong tinanggap ko iyon," kunwari ay pagdadrama ko para malaman kung bakit nagmamadali silang ayusin ang mga naiwan ni Lincy. Iba ang pakiramdam ko sa usaping ito. "Wala ka man sigurong naiambag sa pinansiyal na aspeto pero malaki rin ang naitulong mo sa anak namin sa pag-manage ng assets niya. Isipin mo na lang na tulong niya ito sa iyo para sa iyong bagong simula," nakangiting sabi ni Nanay. Mukhang wala akong mahihita sa matandang ito ngayon. Malalaman ko rin ang talagang dahilan kung bakit nagmamadali silang ilipat sa pangalan ko ang coffee farm at bahay namin ni Lincy. Ang mahalaga ay mayroon akong nakuha. Hindi naman na siguro iyon masama para magbuhay hari ako. Wala naman akong ninakaw. Kusa nila iyong ibinigay sa akin. "Maraming salamat po sa pagtanggap niyo sa akin bilang asawa ng inyong anak kahit pa napakalaki ng agwat sa antas ng ating pamumuhay. Hindi ninyo ako minaliit kahit pa halos si Lincy na ang nagbihis at nagpakain sa akin." "Wala iyon, hijo. Kung sino ang mahal ng anak namin ay mamahalin rin namin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD