Kabanata 2

2323 Words
Minsan ay nag-aalala ako kay Mama dahil nga mahigpit na ipinagbabawal dito sa amin ang pagpu-puta, pero wala naman akong magawa para pigilan ito. Delikado pa naman lalo na kapag mga pulis na ang nakaharap nito. At ang nakakatakot pa ay ang hepe ng kapulisan namin dito ngayon na siyang panganay na anak ng gobernadora. Mahigpit iyon kaya naman nakakatakot gumawa ng krimen dito. Hindi ko man kilala ang mga anak ng gobernadora sa mukha ay naririnig ko naman sila sa mga kapit-bahay, at maging kay Mama. Nag-aalala ako dahil ang pinagtatrabahuan ni Mama ay alam kong ilegal. Napailing akong muli at iwinaksi na lamang iyon sa isipan. Sumapit ang hapon at naisip ko na umuwi agad dahil may kailangan pa akong gawin. Nagmadali akong lumabas upang makaiwas na rin kay Marco at sa tropa niya. "Hoy, babae!" Napaigtad ako nang tawagin niya na naman ako. Pipi akong nagdasal dahil sawang-sawa na talaga akong marinig ang boses niya. Tinangka pa ako nitong habulin ngunit agad na akong nakalayo. Nang makalabas ako ng school ay saka lang ako nakahinga nang maluwag. Nag-angat ako ng tingin nang nakarinig ako ng tawanan sa paligid. Nang tingnan ko ang mga estudyante ay ako pala ang pinagtatawanan nila, sa hindi ko malamang dahilan, ngunit tingin ko ay dahil sa kilala ang Mama ko bilang nagbebenta ng katawan dito sa lugar namin. Nahihiyang yumuko ako at saka tumakbo palayo. Nilakad ko lamang ang daan pauwi dahil mas makakatipid ako roon. "Mama!" Agad na tumakbo palapit sa akin si Lanie at niyakap ako sa baywang. Napangiti naman ako dahil doon. Mukhang nakipaglaro pa ito sa kapit-bahay sa tabi lang ng bahay namin. Siya lang kasi ang naiiwan sa bahay dahil lahat kami ay pumapasok sa iskuwelahan. Minsan lang din naman umuwi si Mama dahil palagi itong suma-side line kahit pa anong trabaho, maliban sa pagba-bar nito. Hindi naman nakapagtapos si Mama ng pag-aaral, hanggang grade five lang ang natapos nito kaya wala itong matinong trabaho. At saka alam ko rin na nadampot ito ng mga pulis noon ngunit tumakas siya nang dalhin sila ng mga kasamahan niya sa DSWD. "Na-miss na naman kita, Mama." Napanguso ito. Natawa ako at pinisil ang pisngi niya. Hinalikan ko siya sa noo at saka binuhat. "Ako man. Na-miss din kita. Nag-behave ka ba kanina? At iyong pinto, sinara mo ba bago ka nakipaglaro sa kapit-bahay? Hindi ka nagpapasok ng kung sino sa bahay?" tanong ko rito habang naglalakad papasok sa loob ng aming munting tahanan. Sinubsob niya ang mukha sa leeg ko. "Opo. Kanina nga po ay may malaking lalaki na nagpunta rito at hinahanap ka, Mama. Hindi ko po iyon pinapasok kasi baka magalit sa akin ang Mama ko kaya pinaalis ko po ang lalaki. Nakakatakot nga po ang katawan niyon, e. Para pong mapipisat ang katawan ko kapag nadaganan niya ako," inosenteng pagku-kuwento nito. Imbis na matawa ako sa huling sinabi nito ay sumeryoso bigla ang mukha ko. Inatake agad ako ng kaba dahil sa narinig. "Ano ang hitsura, baby? At bakit daw ako hinahanap?" Nakakapagtaka lamang. Wala namang pupunta o bibisita sa akin na kung sino dahil wala naman ako gaanong kaibigan o ano. "Medyo moreno po at pogi. Tapos malaki rin po ang katawan at matangkad. Naka-kotse pa po iyon, Mama. Mayaman." Inilapag ko siya sa sahig at kinuha ang hotdog na nabili ko kanina bago umuwi. Sinilip ko ang kaldero. Mabuti na lang at may tira pang kanin. Nag-init ako ng tubig para uminom ng gatas. Kinabahan ako sa sinabi ni Lanie. Baka naman isa 'yon sa mga kakilala ni Mama. O, baka naman ay tatay ko? Napailing na lang ako at iwinaksi 'yon sa isipan. Hindi nga ako kilala ng papa ko, maisipan pa kayang hanapin at dalawin? Pero malay ko ba, matangkad daw, e. Napahinga tuloy ako nang malalim at hindi na muna iyon inintindi... Pagpatak ng alas seis ng gabi ay umalis na agad kami sa bahay ni Lanie. Buhat-buhat ko siya habang naglalakad ako patungo sa school ng mga kapatid ko. Susunduin namin ang mga ito, na palagi naming ginagawa. Gusto ko lang masiguro na ligtas ang mga kapatid ko. "'Te, ang taas ng score ko sa periodical test namin!" bungad sa akin ni Nadine. "Ako man, ate! Hindi sayang 'yong effort ko na mag-review magdamag!" tuwang-tuwang sambit ni Tania. Bakas ang kasiyahan sa mukha nila kaya naman ay natuwa ako para sa kanila. "Mabuti naman at nag-aaral kayo nang mabuti..." Hinila ko na sila paalis doon. Saglit lang naman at nakarating na kami sa bahay. Nakabili na rin naman na ako ng ulam namin para mamaya. Nandiyan na ata si Mama... sa isip ko. Bukas ang ilaw pagkarating namin sa bahay. Samantalang pinatay ko 'yon kanina pag-alis. Tinulak ko ang sira-sira naming pinto at tama nga ako. Naririto na si Mama. Agad kaming tumakbo palapit sa kaniya at niyakap siya. "Na-miss kita, Ma!" paglalambing ko rito. Niyakap naman ako nito pabalik at saka ngumiti nang malapad. "Na-miss ko rin kayong lahat. Kumusta na? Ngayon lang ako naka-uwi, ang dami kasing kustomer, anak." Bumaba ang tingin ko sa tiyan nitong malaki na ang umbok. Agad kong hinaplos iyon. Ang bago kong kapatid na babae... "Okay lang po kami, Ma." Bumitiw ako rito nang sabihin 'yon. "May ulam na pala tayo, Ma. Kain na po tayo at mukhang pagod po kayo, e." Tumango lamang ito at naghugas ng kamay bago maupo sa sahig. Pinagbihis ko na rin ang mga bata habang naghahanda ako ng mga plato. Matapos ang ilang sandali ay masaya kaming naghapunan... AGAD AKONG nataranta nang mapansin kong napunta sa akin ang atensyon ni Sir. Hinila ko ang papel ko na kanina pa kinukuha sa akin ni Marco at nagtagumpay naman ako. “Ano ba? ‘Di ba sabi ko pakopya ako, pokpok?!” mariing bulong nito na umalingawngaw naman sa buong classroom na napakatahimik, dahilan para mapatingin sa amin ang lahat. Napayuko agad ako dahil sa kahihiyan. Kagat-kagat ko ang labi ko dahil paniguradong lagot ako nito. Matindi ang parusa sa pangongopya sa araw ng exam namin, at paniguradong masisira ang kinabukasan ko nito. Tuloy ay sobra-sobra ang pagkabog ng puso dahil sa matinding kaba. “Cheating while I’m here, huh? Ang lalakas ng loob ninyo!” sigaw ng professor na nagbabantay sa amin. Talagang nasaktuhan pa namin na mala-tigre ang bantay ngayon. Kinabahan ako nang sobra nang sabihin ‘yon ni Sir. Umiling ako sa kaniya at napatayo. Handa akong magpaliwanag. Hindi ko naman sinasadya iyon, e. Bigla na lang kasing hinila sa akin ni Marco ang papel ko nang tumalikod si Sir. At kanina niya pa ako hinihingian ng sagot pero hindi ko siya pinapansin. Nang balingan ko ng tingin si Marco ay tila nawalan ng kulay ang mukha nito. “S-Sir, I’ll explain po.” Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hala. Mapapagalitan kami nito. Ikalawang araw na ng exam namin tapos ngayon pa magkakaproblema. Tapos mapapagalitan pa kami. Talagang maaapektuhan nito ang grado ko. Baka nga mabawasan pa ang score ko nito sa exam. Talaga naman, o! Tinaasan ako ng kilay ng prof namin at masungit na tiningnan. “Save your words, Ms. Louise. Kakausapin kayo mamaya but continue your exam for now,” banas na anito na ikinalaglag ng balikat ko. “Ka-gandang babae ay walang utak. Tsk!” dagdag pa nito na ikinamaang ko bigla. Tulala ko itong tiningnan, at nang matauhan ay napayuko sa kahihiyan. Pigil ang luha ko nang ituloy namin ang exam. Halos hindi ako makapag-concentrate dahil halos talunin ako ng kaba at kahihiyan sa nangyari. Siya rin ang isa sa mga prof ko noong unang taon ko rito bilang college student, na ipinahiya rin ako sa harap ng mga kaklase ko dahil lamang sa luma at sira-sira kong kagamitan at damit. Na aniya, kung magkakaroon man siya ng anak ay hindi niya hahayaan na magsuot ng basahang damit. Matagal nang galit sa akin ang professor namin na hindi ko alam kung paano nagsimula. Kung dahil ba sa grades ko sa kaniya na medyo tumatagilid, o sa katotohanang kamag-anak ito ni Marco, o talagang nakakainis lang ang presensiya ko sa kaniya. Hindi ko alam, pero ramdam ko na pabigat nang pabigat ang dibdib ko. Nakakahiya mang aminin pero mahina talaga ako pagdating sa academics. Hindi naman sa nahuhuli ako sa klase nang sobra, pero para kasing ang hirap intindihin ng mga lesson namin para sa akin. Bumabawi na nga lamang ako sa grades ko sa behavior, e. Tapos madudungisan pa iyon ngayon. Hindi ako kasing talino ng iba kong kaklase na agad na nauunawaan ang mga turo. Ika nga ng iba, pulpol ang utak ko, na hindi ko naman itatanggi pa dahil totoo naman. Noon pa ako ganoon pero ginagawa ko naman ang lahat para pumasa at mairaos itong pag-aaral ko sa pagti-teacher. Sa lugar kasi namin ay napakababa talaga ng tingin sa amin ng mga tao, lalo na’t wala pa akong maipagmamalaki na tinapos. Dinideskartehan ko lang talaga ang pag-aaral ko, kahit na minsan ay hindi ko maintindihan ang lesson. Ang pangit pakinggan pero iyon ang totoong ginagawa ko rito. At pinilit ko talaga ang sarili ko na mag-aral ng paggu-guro para makatulong din ako sa iba kahit sa maliit na bagay. Wala rin naman akong hilig sa ibang kurso kaya ito ang kinuha ko... Sinagutan at tinapos ko ang exams namin, pagkatapos ay ipinatawag na kami sa guidance office dahil sa nangyari kanina. Panay pa ang tingin sa akin ni Marco nang masama pero ini-ignora ko na lamang iyon. Humigpit ang pagkakahawak ko sa strap ng bag ko nang papasukin na kami sa loob. Naupo kami ni Marco nang magkaharapan. Agad akong yumuko at pinawi ang ambang pagtulo ng luha ko. “Paki-kuwento sa akin ng totoong nangyari, Mr. Nuñez,” seryosong wika ng babae na naririto sa guidance office. Kinutkot ko ang kuko ko sa sobrang kaba. Sana naman ay hindi talaga maapektuhan ang grades ko, kasi bababa talaga ang grado ko kapag nangyari iyon. “Ma’am, pinapakopya po kasi ako ni Louise, e. Ayoko nga po sana pero siya itong mapilit. Sabi niya ang bababa raw ng grades ko at tinutulungan lang daw niya ako.” Napa-angat ako bigla ng ulo sa narinig ko. At talaga namang binabaliktad nito ang katotohanan! Tumubo agad ang matinding inis ko rito. “Napakasinungaling mo talaga, Marco! Kahit kailan ay hindi ako nagpakopya dahil pareho lang tayong mahina ang utak!” nanggigigil kong turan at ikinuyom ang kamay. Pikon na pikon na talaga ako sa lalaking ito! Ngunit napatahimik ako nang sitahin ako ni Mrs. Nuñez, ang babaeng namamahala rito sa guidance, na sa pagkakatanda ko ay kaanak din ni Marco. Kaya talagang malakas ang loob ng adik na si Marco na gumawa ng kalokohan sa school ay dahil marami siyang kapit dito. “Lower down your voice, Ms. Louise. Narito tayo para mag-usap nang mahinahon.” Napayuko ako. “Sorry po, Ma’am,” hinging paumanhin ko. Masiyado lamang akong nadala ng emosiyon ko. “Please lang, ayokong nakakarinig ng ganitong klaseng balita, students. Alam n’yo naman na mahigpit na ipinagbabawal dito ang pangongopya, ‘di ba? Kung hindi ninyo talaga alam ang sagot, huwag nang tangkain pa na mangopya,” mahinahong wika ni Mrs. Nuñez. Tumango ako habang nakatingin pa rin sa sahig. Dapat ay kay Marco niya iyon sinasabi, dahil kahit kailan ay hindi ako lumabag sa mga patakaran dito. Hindi ako nangongopya sa kahit na sino. “Ikaw naman, Ms. Louise. Huwag kang magpapakopya, okay? Kilala kitang isa sa mga matitinong estudyante rito.” Agad akong umapela. “Ma’am, hindi ho talaga ako nagpakopya. Hinablot na lang po kasi bigla sa akin ni Marco ang papel ko,” paliwanag ko na agad na ikina-angal ni Marco. “Hoy! Tingnan mo, ikaw nga itong gumagawa ng kuwento!” aniya at dinuro pa ako. Sinamaan ko ito ng tingin dahil sa galit ko rito. “Tahimik! Pareho kayong magko-community service rito nang isang linggo para patas. This is a serious offense. Mababawasan din ang conduct behavior ninyo dahil dito.” Tuluyan akong napapikit at lihim na sumigaw sa galit. Bwisit talaga iyang Marco na ‘yan! Dahil sa kaniya ay lalong nasira ang grado ko! Muli ko itong tiningnan nang masama bago kami lumabas ng guidance office. Patas ba kamo? Walang patas dito dahil nadamay ako na wala namang ginawang mali! Nananahimik lang naman ako kanina tapos madadawit ako sa kabaliwan ng adik na iyon! Luhaan ako nang maka-uwi sa bahay. Ang kaninang masayang araw ko ay nasira dahil sa buwisit na lalaking iyon. Pasasaan ba’t makakarma rin siya sa ginawa niya sa akin. Walang hiya siya! Ngunit agad akong napapunas ng mukha nang namataan ko si Melanie na may kausap na isang matangkad na lalaki. Sinisinok pa ako at humihikbi pero binalewala ko iyon at agad na naglakad palapit sa kapatid kong paslit. Agad naman akong napansin ng bata, kung kaya’t napalingon ang mga ito sa akin. “Ayan na po pala ang Mama ko, Kuya!” Awtomatikong kumunot ang noo ko. Kuya? Sinenyasan ko ang bata na pumasok na pero tumakbo lamang ito palapit sa akin at sinalubong ako ng yakap. Binuhat ko ang bata. Kinabahan agad ako dahil mukhang ito ang kinu-kuwento niya sa akin kahapon. Mahigpit kong niyakap ang kapatid ko habang pinipigilan ang sarili na humikbi at suminok dahil sa katatapos lamang na pag-iyak. Hindi ko na pinansin pa ang mga kapit-bahay naming nakiki-usyoso sa amin. “Magandang hapon ho, Sir. Ano po ang kailangan ninyo?” hindi komportableng tanong ko sa lalaking napakaseryoso ng mukha. Moreno ito ngunit mukhang may lahi dahil sa tangkad at hitsura nito. Mukha ring may kaya dahil ang ganda ng kotse nito na nakabalandra lamang sa harap ng bahay namin. Saglit akong umiwas ng tingin nang titigan nito ang mukha ko nang kakaiba. “May—May hinahanap lang ako na tao. Pero mukhang wala siya rito,” maangas na pagkakasabi nito kaya lihim akong napadasal. Mukhang siga ang isang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD