HIS LOVE, HIS OBSESSION
Keehana
Naku po. Baka isa itong sindikato. At nagbabalak na manguha ng mga kabataang babae upang gawing puta. Iyon pa naman ang kumakalat ngayon na balita rito.
Agad na nanlamig ang katawan ko sa napagtanto kung kaya’t napatingin ako rito. “S-Sige po. Kailangan na po kasi naming magpahinga,” paalam ko rito habang inaayos ang pagkakabuhat sa kapatid ko.
Muli akong napatingin dito nang hindi man lang ito nagsalita o gumalaw sa puwesto niya.
Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kaniya ay napatikhim ito at saka umayos ng tayo mula sa pagkakasandal niya sa kotse niya.
“M-May kailangan pa po ba kayo?” naiilang at kinakabahan kong tanong. Ang angas kasi nito kung makatingin sa akin. Parang nanghahamon ng away sa kanto.
Muli itong tumikhim at pasimple pa akong pinasadahan ng tingin na ikinailang ko lalo. “Anak ka ni Matilda Louise, hindi ba? Nasaan siya?”
Mas lalo ata akong natakot sa tanong niyang iyon. Bakit niya hinahanap ang Mama ko?
Hindi kaya isa itong kustomer ni Mama? Naku po! Ano ang sasabihin ko?
Nakagat ko tuloy ang ibabang labi ko habang pinagpapawisan na. Eto na nga ba ang problema kay Mama, hinahanap na siya ng kustomer niya.
Hala!
Hilaw akong tumawa. “A-Ah, opo, e. Anak niya nga ako. Pero pasensiya na at wala po siya rito, Sir. Umalis po kaninang madaling araw,” pag-aamin ko. Nakahinga naman ako nang maluwag nang tumango-tango ito. “Sige ho, papasok na po kami,” muli kong paalam. Hindi ko na ito hinintay pang sumagot dahil nakakatakot ang presensiya nito.
Ngumiwi pa ako pagkatalikod ko rito.
Ano kaya ang pakay niyon sa Mama ko? Aaminin kong medyo nakakakilabot siya.
Napailing-iling na lamang ako nang makapasok na kami ni Lanie.
“Baby, huwag mo na ulit kakausapin iyon, ha? Bad guy iyon,” wika ko na may halong pananakot sa kapatid kong nauto ko agad.
Sinilip ko pa sa bintana kung naroon pa ang lalaki, pero mabuti at wala na. Nakahinga tuloy ako nang maluwag. Mabuti naman at wala na iyon...
Matapos ang araw na iyon ay sumapit na ang Sabado. Wala na ulit kaming pasok. Kung kaya’t kailangan kong s-um-ideline para naman may pangkain kami. Wala kasing naibigay si Mama sa amin nang magpunta ito rito noong Huwebes. Aniya ay ginagastusan niya ang baby girl niya dahil sa malapit na nga itong manganak. Naiintindihan ko naman at saka wala lamang iyon sa akin dahil kaya ko namang kumita sa pagsa-sideline ko.
Napangiti ako sa tuwa habang pinagmamasdan ang mga kinita kong pera sa pagtitinda ng sampaguita at basahan sa gilid lamang ng kalsada, sa tabi ng terminal. Ito ang sideline ko ngayong walang pasok.
Sa terminal ng tricycle talaga ako pumwesto dahil alam kong mabili ang mga ito sa mga driver. At hindi naman ako nagkamali dahil umabot na sa halos dalawang daan ang kinita ko.
Nakakapagod man pero para sa amin ng mga kapatid ko ay gagawin ko ito. Nasa loob lamang sila ng bahay ngayon at sinabihan ko na huwag nang lumabas muna.
“Keehana-ng maganda!” Napalingon ako sa sumigaw. Si Oliver pala ulit.
Napangiti agad ako, ngunit agad na nawala ang ngiti ko nang mapansing may mga kasama pa itong kalalakihan. Tila galing pa ang mga kasama nito sa pagba-basketball dahil sa pawis ng mga ito at porma.
Naiilang tuloy akong harapin ito lalo’t ilag ako sa mga kalalakihang hindi ko kilala, ang dami pa.
“A-Ah, hello, Oliver. Kumusta ka na?” Kumaway ako rito nang makalapit sa akin.
Nagpakawala ito ng isang masayang ngiti sa akin. “Okay lang ako, Keehana. Oo nga pala at nabigyan na ako ng tulong ni gov. Mag-aaral ako sa Lunes ng caregiving at pagkatapos ko raw roon ay maaari niya akong ipadala sa ibang bansa para magkaroon ng malaking kita.” Kita ko ang ningning sa mga mata nito nang magkuwento ito patungkol doon.
“Talaga? Naku! Napaka-suwerte mo, Oliver. Malaki ang kita sa ibang bansa sa pagke-caregiving. Mabuti ‘yan.” Masaya ako para rito dahil magkakaroon na ito ng pantustos sa pamilya niya. Suwerte pa at ibang bansa, ang laki talaga ng sahod.
“Oo, salamat, Keehana-ng maganda. Oo nga pala, ito pala ang mga tropa ko. Balak daw nila bumili ng tinitinda mo, e. Nakita ka kasi nila kanina na nakatambay rito,” anito pa na ikinatigil ko saglit.
Nabitin sa ere ang ngiti ko at tiningnan ang mga kasamahan niya na nakatingin sa akin. O—Okay?
“A-Ahm, ganoon ba? He-he. Hello sa inyo, ano po ba ang bibilhin ninyo?” Inilahad ko ang mga hawak kong basahan at sampaguita.
Ngumiti pa sa akin iyong lalaking katabi ni Oli bago ito mag-abot ng bayad. “Ehem. Sampung basahan, Miss ganda.”
Ha? Basahan? Saan naman nila gagamitin?
Awkward na lamang akong ngumiti rito at kumuha ng sampung basahan at saka inabot dito. Malugod naman niya iyong tinanggap at hinawakan pa nang pasimple ang kamay ko pagkakuha.
Tuloy ay naghiyawan ang mga lalaking nasa likuran nito.
Hindi ko na lamang iyon inintindi at kumuha ng isusukli rito sa pera nitong isang daan.
Nang mabilang ko na ang isusukli rito ay nag-angat ako ng tingin sa kanila at iniuma roon ang perang sukli.
Ngunit halos mapanganga ako nang isa-isa niyang ibinahagi sa mga kasama niya ang basahan at ipinampunas nila iyon sa mukha, likod at mga braso.
Napakamot na lamang ako sa sentido dahil sa ginawa ng mga ito. Ang weird nila tingnan na gawing pamunas ng pawis ang basahan. Pero hinayaan ko na lamang dahil iyon ang gusto nila. Nagpasalamat pa ako sa mga ito.
“Walang anuman, Miss ganda. Magtitinda ka ba ulit dito bukas?” hirit pa niyong lalaki na bumili. Bakas sa mukha nito ang kakaibang ngiti.
Nagkibit-balikat ako rito. “Hindi ko pa po alam, e. Depende po,” tugon ko.
Magsasalita pa sana sila nang may dumaan na mga sasakyan ng pulis sa gilid namin. Oh, mukhang may huhulihin ngayon dito, a.
Sa hindi ko malamang dahilan ay nataranta bigla ang mga kasamahan ni Oli na ikinakunot ng noo ko. Napatingin ako sa mga ito na bigla na lamang nagpaalam sa amin ni Oliver bago tumakbo palayo.
“Ayan na ang mga pulis!”
Naiwan kaming nakatayo ni Oliver sa tabi habang pinagmamasdan ang mga tao na biglang nagkagulo.
Ang mga kalalakihan kanina na nagsasabong sa gilid ay tila kasing bilis ng hangin kung magsitaguan. Nawala rin ang mga kanina’y nagsusugal.
Mahina tuloy akong natawa habang pinagmamasdan ang paligid. Nakakatawa ang mga reaksiyon nila nang makakita ng sasakyan ng pulis.
Napailing na lamang ako habang natatawa pa rin. Mga tao nga naman.
“Hindi ka pa ba uuwi, Keehana?” biglang tanong sa akin ng katabi ko kung kaya’t nilingon ko ito.
Nagkibit-balikat ako. “Tiyak na wala na gaanong bibili sa akin dahil nagtago na ang mga tao. Siguro ay oo,” buntong hininga kong saad. Nais ko pa sanang dagdagan ang kita ko pero huwag na lamang. Nais ko na ring magpahinga.
“Ganoon ba? Tara, ihahatid na lang kita sa inyo,” aya niya na ikinangiti ko.
Nagpasalamat ako rito bago kami sumakay sa tricycle niya na nakaparada lang sa gilid. Muli ay pinagmasdan ko ang mga naka-unipormeng mga pulis na sinusuyod ang lugar na tila may hinahanap.
Huminga ako nang malalim habang tinatanaw ang mga iyon papalayo.
Minsan ay naiisip ko na huwag akong mag-aasawa ng mga katulad nilang alagad ng batas. Dahil natatakot ako na malaman nila ang tungkol sa trabaho ng ina ko. Malamang ay magkakagulo lamang kami dahil paniguradong huhulihin nila ang ina ko, na hindi ko hahayaan.
Mahal na mahal ko ang ina ko na sa puntong kahit alam kong mali siya sa trabaho niya ay handa akong pagtakpan iyon sa mata ng batas. Hindi ko ata kakayanin kung makita ko siya na nasa bilangguan. Nadudurog ang puso ko.
Kaya hinding-hindi talaga ako papatol sa mga alagad ng batas. Hinding-hindi...
“Keehana, kilala mo ba iyong pulis na anak ng gobernadora?” biglang aniya habang nasa kalsada pa rin kami at papunta na sa bahay.
Awtomatikong kumunot ang noo ko sa naging tanong nito, ang tono pa ng boses nito ay parang naiinis.
Hala. Ano kaya ang nangyari rito?
“Oo, kilala ko lang iyon bilang hepe ng kapulisan dito sa probinsiya, pero hindi ko pa nakikita ang mukha. Bakit?” Sa pagkakaalam ko ay ito lamang ang nagpulis sa pamilya nila. Ang isa kasi nitong kapatid na lalaki ay sundalo, ang babae naman ay hindi ko alam. Minsan ko lamang kasi iyon marinig sa mga usapan dito, e.
“Naka-usap ko kasi iyon kahapon dahil nasanggi ko ang kotse niya. Aba, niyabangan ba naman ako. Kinakausap ko lang naman iyon, e. Hindi ko naman sinasadya. Napaka-yabang niya na akala mo kung sino. Anak lang naman ng gobernadora at dating pulis. Tsk. Ang yabang...”
Agad ko itong sinita at tinawanan. “Naku, Oli, baka may makarinig sa iyo at baka mapano ka pa. Hayaan mo na lang, baka may problema lang iyon sa buhay,” wika ko.
Hindi ko naman kilala iyon para magsalita rito. Basta alam kong mabait si gobernadora. At saka hindi ko pa nakikita ang hitsura ng mga anak niya, wala naman kaming telebisyon. Wala rin namang load ang cellphone ko pang-search sa mga iyon. Mayroon kaming internet at computer sa school pero bawal gamitin kung hindi tungkol sa pag-aaral ang paggagamitan.
“Tsk. Kahit na. Ang pangit na ng tingin ko sa lalaking iyon. Hindi porket mataas ang katungkulan niya bilang pulis dito ay gagawin na niya iyon sa akin. Humingi na nga ako ng pasensiya at nagbigay na ng pampa-ayos niya sa nagasgasang kotse, e,” inis pa ring wika nito na tinawanan ko na lamang.
Hindi na ako nagbigay pa ng komento rito dahil tumapat na kami sa bahay namin.
“O, paano. Papasok na ako. Salamat sa paghatid, Oli. Ingat ka sa pamamasada,” ngiting anas ko at kinawayan ito pagbaba ko ng tricycle.
Agad naman itong tumango at ngumiti sa akin nang matamis bago magpaalam.
Tuloy ay tanaw-tanaw ko ito habang papalayo ito.
Napakabait na lalaki niyong si Oliver, pero kahit na alam kong may lihim itong pagtingin sa akin ay hindi ko iyon pinapansin.
Ayoko pa kasing magkaroon ng karelasiyon.
Pumasok ako sa bahay at ganoon na lamang ang gulat ko nang makita ko na naman ang lalaking naka-usap ko noong Biyernes.
Naku po! Patay na!
Hinahanap na naman ba niya ang Mama ko? Wala rito iyon.
Ano kaya ang atraso rito ni Mama at talagang sinasadya talaga nitong pumunta rito? Baka talagang kustomer ito ni Mama.
“M-Magandang hapon, Sir. Sandali lamang po,” taranta kong saad at tumakbo papunta sa kuwarto namin.
Naabutan ko roon si Owen na nag-iisa. Ang mga kapatid kasi namin ay naroon at kausap ang estrangherong lalaki.
“Oh? Bakit ka tahimik, Owen? May masakit ba sa ‘yo?” Tulala kasi ito at animo’y malalim ang iniisip.
Nakakunot pa ang noo nito na ikinabahala ko.
Tinapik ko ito nang hindi ito tumugon.
“A-Ate,” kinakabahang sambit nito. Nawala ang ngiti ko at napalitan ng pag-aalala. “Tingin ko ay hinahanap ka na talaga ng tunay mong ama...”
Huh?
Napanganga ako sa sinabi nito.
“Bakit?” Inilapag ko ang mga dala ko sa gilid.
“E, iyong lalaki na pinapasok ni Tania kanina ay ikaw po ang hinahanap niya. Baka po half brother n’yo na po iyon at nais na kayong kunin para dalhin sa tunay mong tatay. Ate, huwag kang sasama kapag kinuha ka ng lalaki na iyon, a? Dito ka lang sa amin.”
“Owen naman, ’wag mo ngang takutin si ate. Kinakabahan ako sa iyo, e. At saka hindi naman talaga ako sasama kung sakaling ganoon nga.”
Totoo ’yon. Hindi ko sila ipagpapalit sa kahit na sino. Kahit pa sa totoo kong ama.
“’Wag mo nang pansinin ’yon, okay? Ako na ang bahalang kumausap doon mamaya. Kung bakit ba naman kasi pinapasok ni Tania iyon, e,” nangungunsumi kong turan.
Agad akong nagpalit ng damit upang palitan ang pinagpawisang saplot. Pagkatapos ay hinarap ko ang bata na hanggang ngayon ay tahimik. “Dito ka lang, ha? Sasabihan ko ang mga bata na pumunta rito,” wika ko.
Tumango ito kaya bumuntong hininga ako bago lumabas ng kuwarto.