HIS LOVE, HIS OBSESSION
Keehana
Sa sinabi niyang iyon ay napukaw ang atensiyon ko. Sinamaan ko ito ng tingin dahil hindi ko na nagustuhan ang sinabi nito patungkol sa nanay ko.
“Excuse me? Hindi gawain ni Mama ang mandukot ng babae, ‘no! Hindi siya makukulong dahil alam kong mabait ang Mama ko, baka ina mo ang tinutukoy mo,” ganti ko rito.
Pero kahit na alam kong pang-aasar niya lang iyon sa akin ay hindi ko pa rin maiwasang hindi kabahan sa kaalamang makukulong ito.
Hindi, hindi iyon mangyayari!
Mabait ang Mama ko at kilala ko siya noon pa. Hindi niya magagawa ang bagay na iyon sa ibang tao. At buntis pa siya, paano niya magagawang gumawa ng ganoon?
Kaya hindi ako naniniwala sa mga paratang nito sa ina ko.
Tinawanan niya ako. “Bahala ka sa buhay mo. Kung ayaw mong maniwala, edi huwag. Pulis ang tatay ko rito kaya may ideya at alam ako sa mga nangyayari sa paligid. Ikaw lang itong hindi nakakaalam tungkol sa nanay mong pokpok...”
Umirap na lamang ako rito at hindi na pinansin. Baliw na talaga ito. Kung ano-ano na ang pinagsasasabi.
Inirapan ko pa ito bago umalis sa lugar na iyon. Doon na lang ako sa first floor maglilinis para malayo ako sa bakulaw na iyon. Bahala siya rito sa fourth floor mag-isa.
Bitbit ko ang balde na may lamang tubig na hindi naman ganoon karami. Kailangan ko na ring palitan ang laman niyon dahil madumi na ang tubig. Sa likurang bahagi pa naman nitong school ang igiban ng tubig.
Walang gana akong naglakad sa hallway ng unang palapag nang makababa ako. Wala gaanong estudyante sa paligid dahil oras ng klase, mayamaya pa ang lunch.
Ang bawat makakasalubong ko na guro ay binabati ko dahil kailangan iyon. Mapapagalitan kasi ako kung hindi ko gagawin.
Bumuntong hininga ako nang makarating sa pakay ko. Agad kong pinalitan ng bagong tubig ang balde ko at saka iyon binuhat papunta sa mga lilinisan kong bintana rito sa labas ng building. Ang dami kasing bintana rito na malalabo na tingnan at puro alikabok.
Tiningnan ko ang repleksiyon ko sa salamin na kulay brown. Napabuga pa ako ng hininga dahil mukha na akong batang gusgusin. Ang kaninang maayos na pagkaka-ponytail ko sa buhok ay nagulo na dahil nagsilabasan na ang mga baby hair ko.
Napanguso na lamang ako at inumpisahan nang linisin ang mga iyon.
Mabuti na lamang at walang classroom dito sa area na nililinisan ko, puro room lang ito para sa ibang mga aktibidad, at saka canteen na rin. Nakakahiya kasi dahil baka pagtawanan ako ng mga estudyante.
Hmmp. Isang linggo lang naman ito, pagkatapos niyon ay bakasiyon na.
'Kaunting tiis pa, Keehana...'
“...yep. Ngayon nga ay may bago na namang nawala na estudyante. Ganoon din ang sinabi ng nanay kanina, pare-parehas lang sila ng reklamo at inirereklamo. Nababahala na talaga ako rito, Colonel.”
Napa-ayos ako ng tayo nang marinig ko ang pamilyar na boses ng may-ari ng school namin. Mahina lamang ang usapan nila ng kung sino mang kausap niya pero nabosesan ko agad ang nagsalita.
“... we’ve been working twenty-four hours to solve this problem, so don’t worry. Iniimbestigahan na ng team ang mga nangyayari. But for now, bantayan n’yo muna nang maigi ang mga bata at paalalahanan, inform their parents as well,” wika ng kausap nito na ang lalim ng boses at mukhang matured na.
Hinintay ko muna na makalapit ang mga ito. At nang makalapit na nga ay inayos ko ang postura.
Nilingon ko ang mga iyon upang bumati sana, ngunit halos lumuwa ang mga mata ko nang makita ko na naman si Sir Al. Magkausap at magkasama sila ni Sir Garry na siyang may-ari nitong school.
Napakamot na lamang ako ng batok at binati ang mga ito nang mapadaan sila sa puwesto ko.
“Magandang umaga, Sir Garry at, uhm, Sir Al.” Hindi ko alam kung ngiti o ngiwi ba ang nagawa ko sa harap nila.
Ngumiti sa akin ang matandang may-ari ng school, pati na rin si Sir Al na mukhang nagulat din nang makita ako.
“Oh! Hi, Keehana. Dito ka pala nag-aaral,” mangha ngunit gulat niyang sambit. Pinasadahan niya pa ng tingin ang katawan ko, pati na rin ang balde’t basahan na hawak ko. Doon ay nakita kong umangat ang sulok ng labi niya. “What happened? Bakit ka naglilinis mag-isa riyan?”
Uhm. Paano ba ‘to? Nakakahiya naman dahil kinausap pa ako ni Sir Al gayong nag-uusap silang dalawa ni Sir Garry.
Hilaw akong tumawa upang pagtakpan ang ilang na nararamdaman. “Na-community service po, Sir,” magalang kong wika at nagbaba ng tingin.
Iba na naman kasi ito kung tumingin. Hindi ko na lamang ito pinansin.
Nag-paalam na sila dahil mag-uusap pa sila sa opisina ni Sir Garry.
Nagkibit-balikat ako nang maka-alis ang mga ito. Bakit kaya narito iyon? Dito ba si Sir Al nagtatrabaho?
Hay! Tinapos ko na lamang ang mga gawain ko para sa unang araw ko sa parusa sa amin.
Hindi naging madali iyon para sa akin dahil ngalay na ngalay ang mga braso ko sa kakapunas ng mga bintana at dumi.
“Huh. Isang linggo lang, Keehana. Kaya mo ’to,” bulong ko sa sarili habang sinusuklay ang buhok kong nagulo.
Gusto ko nang maka-uwi ngayon dahil pagod na pagod na ang katawan ko, lalo na ang mga braso ko’t kamay.
Inirapan ko pa nang palihim si Marco na hindi kalayuan sa akin ang puwesto. Pauwi na rin ito ngayon at uunahan ko itong lumabas para hindi kami magsabay.
Nang mailigpit ko na ang mga gamit ko ay dali-dali akong bumaba para umalis na.
Mabibilis ang mga lakad na ginawa ko para lamang hindi maglandas ulit ang direksiyon namin ni Marco-ng bully.
Hanggang ngayon ay napipikon pa rin ako sa mga sinabi niya kanina patungkol sa ina ko. Ang kapal ng mukha niyang magsalita ng ganoon. E, hindi naman iyon gawain ni Mama. Ang bait-bait niyon tapos gagawa ng krimen tulad ng sinabi niya? Hindi ako naniniwala.
Nang makalabas ako ng gate ay napahinga ako nang malalim.
Isa-isa kong tiningnan ang mga kotse na nakaparada sa harapan ko, iyon kasi ang bagay na wala kami kaya hanggang tingin na lang ako sa mga ‘yon. Ayoko namang mainggit sa iba kong mga kaklase na naka-kotse kapag papasok at uuwi. Tinawanan ko na lamang ang sarili.
‘Hay, buhay. Huwag ka nang maghangad ng mga ganiyang bagay, Keehana. Unahin mo kung paano mo mapakakain ang mga kapatid mo at sarili mo...’
Inunat ko ang mga braso at saka humikab bago naglakad pauwi.
Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ako nang mapansin kong may gumalaw na kotse sa gilid ko.
Hindi ko na iyon pinansin pa at ipinagpatuloy ang paglalakad.
Pero halos atakihin ako sa kaba nang may bumusina sa akin nang pagkalakas-lakas.
Kumunot ang noo ko dahil sa inis at nilingon ang hudas na iyon. Buwisit iyon, a. Sumakit tuloy ang tainga ko.
Nang mailibot ko ang tingin ay napansin ko agad si Sir Al na lumabas mula sa sasakyan nito. Suot-suot pa rin nito ang isang t-shirt na itim at sumbrero na suot niya rin kanina nang magkita kami sa loob ng school.
Hapon na, a? Bakit narito pa ito?
Inalis ko ang pagka-inis sa mukha ko at nginitian ito. Kung hindi ko lang ito kilala ay baka hinagisan ko na ng bato ang kotse nito. Maaari naman kasi akong tawagin, hindi ’yong nambubusina nang malakas.
Napansin ko namang nakatitig na naman ito sa akin kaya kinawayan ko ito bago talikuran, bigla ko kasing nakita si Marco na lumabas na ng gate.
At alam kong lalo lang ako nitong aasarin kapag nakita niya akong may kausap na lalaki, lalo na’t mukhang mayaman si Sir Al. Naku po, ayoko nang madagdagan ang mga paratang nila sa akin.
Tinawag pa ako ni Sir Al pero dire-diretso na akong naglakad.
Hanggang sa medyo nakalayo na ako sa school ay sunod pa rin nang sunod si Sir Al.
Napangiwi ako habang nag-iisip kung kailan ba ako tatantanan nitong lalaki na ito. Ang sagwa na tingnan kapag magkasama kami. Para siyang sugar daddy ko pero hindi naman. Ang matured na kasi niya tingnan.
Tumigil ako sa paglalakad at saka hinarap ito. Nilapitan ko ang kotse niyang itim at kinatok ang bintana. Sinubukan ko pang silipin ang loob pero masiyadong tinted ang salamin niya.
Bumuga ako ng hangin nang buksan niya na ang bintana sa tabi niya.
Bumungad sa akin ang mga naglalarong ngisi sa labi niya.
“Sir, kung kakausapin n’yo po ulit ako tungkol sa Mama ko, sa susunod na lang po dahil may gagawin pa ako.”
‘Huwag ka na ring sumunod-sunod, please lang. Nakakahiya na dahil pag-iisipan na naman ako lalo nito ng mga nakakakita sa akin.’
Nais kong sabihin pa iyon pero baka ma-offend lang siya lalo kaya huwag na lang.
Nang hindi ito tumugon ay napakamot ako ng kilay. Binuksan niya ang bintana sa tabi niya at ipinatong dito ang siko. Doon ay nakita kong dahan-dahan niyang hinimas ang ibabang labi niya habang pinagmamasdan ako.
“Sir Al,” tawag ko rito na ikinangisi niya lalo.
Tumingin ito sa harap niya bago ako muling balingan ng tingin. “Didn’t I told you to stop calling me Sir Al? Just my name,” maangas na anito.
Nahigit ko ang hininga sa sinabi nito. Ang tatas nito mag-Ingles. Bagay na bagay sa kaniya, lalo ang malalim niyang boses.
Tumango-tango ako para manahimik na ang kaluluwa nito. “Sige po, pero sa susunod na lang po ninyo ako kausapin tungkol sa Mama ko. Wala akong ibang masasabi sa inyo kundi ang wala pa siya rito.” Diretso ko itong tiningnan sa mata kahit na kakaiba ito kung tumingin.
Ngunit imbis na umiwas ay ngumisi pa ito lalo na tila ba ay may binabalak na masama. “And remove that ‘po’, Keehana. Get in, I’ll drive you home.”
Doon ako umiwas ng tingin. “Hindi na, Al. Kung nais mong maka-usap si Mama ay hanapin mo na lang siya sa mga bar doon sa siyudad. Malamang ay naroon iyon.”
Iniiwasan ko nga ang mga tsismis tungkol sa mga lalaki pero heto siya’t ihahatid pa ako sa bahay. Nasabi ko naman na ata sa kaniya noong Sabado ang tungkol sa mga paratang sa akin ng mga kapit-bahay naming pakialamera at tsismosa. Sana naman ay aware siya na hindi ako gaanong dumidikit sa mga kalalakihan, maliban na lang kay Oliver.
Nang mapatingin ako ulit dito ay napansin kong dumilim ang mukha nito kaya agad akong nakaramdam ng kaunting takot.
Sumeryoso ang mukha nito na ikinawala ng mapaglarong ngisi nito kanina.
“Why? Gusto lang naman kitang makausap sa bahay ninyo. Masama ba iyon? Ikaw ang gusto kong kausapin,” anito na tila nangongonsensiya pa.
Kinagat ko ang ibabang labi dahil hindi ko na alam ang mga ibabato kong salita.
Bakit ba nito ninanais na makausap ako sa bahay namin? Alam naman niya ang kalagayan ng bahay namin, parang bibigay na nga iyon, e.
Napahinga na lamang ako at kinamot ang ulo. “Hindi naman. Kaso nga lang, ano kasi.” Umayos ako ng tayo at tumikhim. “Basta. Sa susunod na lang,” mabilis kong wika at akmang tatakbo sana palayo nang makita ko sa ‘di kalayuan si Oliver na naglalakad.
Napatigil ako at saka ito pinagmasdan na suot-suot ang friendly smile niya, iyon ang napapansin ko sa kaniya palagi. Ang ngiti niya na kahit sinong tao ay gugustuhin siyang maging kaibigan.
Nakasuot ito ng kupas na pantalon at puting shirt. Naglalakad lamang ito sa ilalim ng init araw.
Natawa ako nang mahina. “Oliver!” tawag ko rito na ikinalingon nito sa akin.
Agad na lumiwanag ang mukha nito nang pumihit paharap sa direksiyon ko.
Kinawayan ko ito habang natatawa. Hindi ko akalain na magkakasabay pa kami ng uwi.
Narinig kong muling bumusina si Al kaya nilingon ko ito na nasa tabi ko pa rin.
Sumilip ito sa bintana na may mababakas na kadiliman sa mukha. “Come here, Keehana,” matigas nitong utos sa akin.
Huh? Bakit na naman?