Naglakad na si Zeki patungong food court. Mas marami kasing pwedeng pagpilian sa food court at malapit lang sila rito.
Pagkatapos bumili ay naupo muna ito sandali sa bakanteng upuan. "Ang sakit ng mata ko! Grabe!" Sabay unat.
May tinatapos kasi siyang presentation kaya tutok ang binata maghapon sa computer, naimbitahan kasi ito upag maging speaker ng isang review center para sa darating na pharmacy board exam at turuan ang mga kukuha nito ng isang subject. Hands-on din ito sa kanilang negosyo, kaya kasabay nito ay inaasikaso rin n’ya ang kanilang studio kaya walang dapat na masayang na project. Mapa-photo shoot man ito o simpleng pagpapakuha lang ng litrato.
Tumingin ito sa malayo upang ma-relax ang kanyang mga mata, sa pagtitig niya ay may na pansin siyang isang batang lalake, nakalupasay sa sulok at nakayuko. Hindi sinasadyang matitigan ito ni Zeki at tuluyang napukaw nito ang atensyon ng binata. Inobserbahan niya ang bata ng ilang sandali. Ngunit walang pumapansin dito at habang tumatagal ay nakakutob si Zeki na baka nawawala ang bata. Hinintay pa ni Zeking lumipas ang tatlong minuto upang tignan kung may makakapansin sa bata. Ngunit wala pa ring nakakapuna rito, kaya nagdisisyon na itong lapitan ang bata.
Sumalampak si Zeki sa harapan ng bata, "Hi? Mag-isa ka lang? Sino ang kasama mo?" tanong nito.
Tumunghay ang bata, bumungad sa binata ang lukot na lukot na mukha nito. Naghahalo na ang luha at sipon nito kakaiyak. "Nawawala po ako," Panay na ang bagsak ng mga luha nito. "Hindi ko po makita si mama ko, si si mama ko," humihikbi na ito sa sobrang iyak.
"Shhh, ako nga pala si Kuya Zeki." Hinawakan n'ya ito sa kanyang balikat upang kumalma. "Tumahan ka na okay po? Ganito pupunta tayo sa mg security head office tapos mag-report tayo na nawawala ka okay? Ipapahanap natin si mama mo, promise. Kaya tumahan ka na." Pinunasan ni Zeki ang luha ng bata.
Tumango naman ang bata ngunit patuloy pa rin ito sa paghikbi. Nginitian ni Zeki ang bata, nagtitigan sila ng ilang minuto. At ng nakampante na ang bata kay Zeki, tumayo na ang dalawa at naglakad papuntang security office.
Habang naglalakad ang dalawa ay huminto na sa pag-iyak ang bata. Nalibang siguro ito, sa mga nakikita n'ya kaya napanatag na si Zeki, kahit papano ay kalmado na ito. Kaya nakuha na n'yang magtanong ng mga impormasyon tungkol sa bata.
"Ano nga pala ang pangalan mo at ilang taon ka na? Si mama mo ang kasama mo?" tanong ni Zeki.
"Gael po ang pangalan ko, 4 years old na po ako," masiglang sabi nito "Si, mama ko po." namasa na naman ang mga mata ni Gael, at nagsimula na naman itong umiyak. "Nasaan na po ang mama ko. Ang mama ko." Umiyak na ito ng tuluyan, huminto pa ito sa paglalakad at umiyak na ng umiyak.
Bahagyang nataranta si Zeki dahil pinagtitinginan na sila ng mga taong naglalakad. Maling mali ang naging tanong n'ya.
Naupo muli si Zeki at pinunasan ang mga luha ni Gael ng kanyang panyo. "Tahan na Gael, hahanapin natin si mama mo promise. Hahanapin ni kuya Zeki si mama mo, kaya tumahan ka na," sabi ni Zeki. Kinarga na n’ ito at hinimas ang likod, hindi naman pumalag ang bata at yumakap pa ito ng mahigpit kay Zeki.
Naramdaman ng binatang nangungulila na ito kanyang mama at natatakot sa kanyang pagkawala. Kaya nagmadali na ito patungong security office upang mai-report na si Gael na nawawala.
Unti-unting tumahan ang bata, ngunit hindi pa rin ito bumibitaw sa pagkakayakap ng mahigpit kay Zeki. " 'Yan, very good yang batang 'yan e." Hinimas pa muli ni Zeki ang likod ni Gael para mabawasan ang takot na nararamdaman nito. "Ganito, pag si Gael hindi na umiyak. Hmmm ibibili kita ng," putol na sabi ni Zeki.
Kumalas bigla ito sa pagkakayakap at humarap kay Zeki. "Ice cream!" agad na sagot ni Gael.
"Tama! Nang ice cream! 'Yung ice cream na masarap at malaki! Kaya magbe-behave si Gael hanggang dumating si mama. Okay ba 'yon? Hindi na iiyak si Gael 'di ba?" tanong ni Zeki.
"E, kuya gusto ko dalawa. Isang chocolate at isang cookies and cream, tapos 'yung malaki, tapos madaming topings. At springkles!" masiglang sabi ni Gael.
Nakangiting na ito, ngunit bakas pa rin ang pamumugto ng mga mata nito. At parang antok na antok na 'to, napagod siguro ito sa kakaiyak.
"Sige sige, kahit ilan pa ang gusto mo! Kaya maging behave ka ha. At sasagutin mo lahat ng tanong san g officer na magtatanong sa ‘yo mamaya ha, at pag dumating na si mama, i-hug mo s'ya ng mahigpit at mag-sorry ka sa kanya," sabi ni Zeki. "Pagkatapos ay ibibili ka ni kuya Zeki ng dalawang malaking ice cream," nakangiting sabi ni Zeki.
Pinunasan ni Zeki ang mga luha ng bata, at bumalik ulit ito sa pagkakayakap sa binata.
Nakarating na ang dalawa sa opisina ng security. Hindi na rin umiiyak pa si Gael at palagay na ang loob nito kay Zeki.
"Sir, magre-report lang sana ako ng nawawalang bata. Nakita ko siya sa may food court, mga 15 minutes ago," sabi ni Zeki sa security na nakapwesto roon.
"Okay po sir, this way po tayo sir. Sa loob na lang po tayo sir. This way po," sabi ng security guard. Inihatid nito ang dalawa sa isang kwarto at sinabihang hintayin na lang ang kanilang officer in charge.
Iniuupo ni Zeki si Gael sa upuan, ngunit para itong unggoy na nakakapit ng mahigpit kay Zeki. Ayaw nitong humiwalay kay Zeki, kaya kinandong na lang n'ya si Gael.
Tahimik nilang hinihintay ang OIC. "Kuya, kuya, dadating na po si mama ko?" tanong ni Gael.
"Opo! Makikita na natin si mama mo, kaya dapat sasagutin mo lahat ng itatanong nila ha," sabi ni Zeki.
Tumango tango si Gael at sumandal kay Zeki, at para malibang ay nilaro ni Gael ang mga kamay ng binata.
Ilang sandali lang at dumatin na ang officer in charge ng mall.
"Good afternoon po, okay po sir, nai-report nap o sa akin ang nangyari. Maari po bang paki-fill-up na lang po muna ito at ito," sabi ng OIC.
Inabot ng nito ang form, kinuha ito ni Zeki at nagsimula ng mag-fill-up.
"May bag po bang dala ang bata o kahit anong information card? I.D?" sunod na tanong ng OIC.
"Wala po, pero mama n'ya raw po ang kasama n'ya," sagot ni Zeki.
"Okay po sir, proceed na po kayo sa pag-fill-up," utos ng OIC, sinunod naman ito ni Zeki.
"Hi, anong pangalan mo?" tanong ng OIC kay Gael.
"Gael po, I'm Night Gael Natividad," bibong sagot ng bata. Hindi pa rin ito umaalis sa pagkakakandong kay Zeki.
"Wow, ang ganda naman ng name mo! Ilang taon ka na at sino pala ang kasama mo?" tanong muli ng OIC.
"Si mama ko po, si Mama Ce... Ce....Cer....ine!" pautal utal na sabi ni Gael.
"Ha? Ano ulit? Karin? Zerin?" tanong ng OIC. Hindi kasi nito maintindihan ang sinasabi ni Gael.
"Hindi po, si mama Cerine! Ce....r...l...r...ine!" pinipilit nitong bigkasin ng tama ang pangalan ng kanyang mama. Ngunit hindi malaman ni Gael paano bigkasin ito.
Napansin ni Zeki ang pagka utal ni Gael sa pagsasalita.
"Celine? O Sherlyn?" singit ni Zeki.
" 'Yung Cer...line! 'Yung una kuya Zeki!" sabi ni Gael.
"Ah si mama Celine. Okay, bakit ka naman napahiwalay kay mama mo?" sunod na tanong ng OIC.
"E, kasi po nag-order po si mama ng pagkain. Katabi n'ya po ako, tapos nakita ko po si papa. Hinabol ko po si papa ng hinabol. Tinatawag ko pa nga po si papa, pero hindi po s'ya lumilingon. Tapos po nawala bigla si papa hindi ko na po s'ya makita. Tapos hindi ko na po alam kung na saan na po ako. Ang dami-dami na pong tao, natatakot na po ako. Kaya pumunta na lang po ako sa gilid," kwento ni Gael, habang pinupunasan n'ya ang kanyang mga luha.
"Oh, huwag ka ng umiyak. Tubig? Wait ikukuha kita ng tubig," sabi ng OIC. Ikinuha nito si Gael ng tubig at tissue. Pinainom naman ito Zeki ng tubig at pinunasan ang mga luha.
"Hindi po ako umiiyak, pumapatak lang po 'yung iyak ko pero hindi po ako umiiyak," sabi ni Gael. "Kasi promise ko po kay kuya Zeki na hindi ako iiyak hanggang dumating si mama," pursigido nitong sabi. Kahit na panay pa rin ang patak ng mga luha at parang gusto na nitong umiyak.
Napangiti si Zeki. "Very good 'yan e, 'di ba Gael." At ginulo nito ang buhok ni Gael.
Nagtanong pa ng ilang ditalye ang OIC, at natapos na ang interview.
"Sir, kami na po ang bahala kay Gael. Pwede n'yo na po s'yang iwan," sabi ng OIC.
Pagkatapos sabihin ito ng officer, agad yumakap si Gael kay Zeki. "Kuya, 'wag n'yo po akong iwan dito kuya," malungkot na sabi ni Gael at pumatak na namanang mga luha nito.
Ngumiti si Zeki at pinunasan ang luha ni Gael. "Opo naman po, 'di ba ibibili pa kita ng ice cream pagdating ni mama mo? Kaya sasamahan kita, hanggang dumating ang mama mo," sabi ni Zeki. "Oh, bakit na naman naiyak. Hindi ba sabi ko, huwag ka ng iiyak?" Ginulo nito ang buhok ni Gael. Nagpunas ng luha ang bata at yumakap kay Zeki.
Pinayagan ng OIC na samahan ni Zeki si Gael. Nakita kasi nitong kampante ang bata kay Zeki.
Naririnig na ng dalawa ang announcement patungkol kay Gael. Namangha ang bata dahil narinig n'ya ang kaniyang buong pangalan, kulay at suot na damit. Pati ang pangalan ng kanyang mama.
"Kuya, kuya ako 'yon! Night Gael Natividad daw oh! Ako po 'yon!" maligalig na sabi ni Gael.
"Hinahanap na kasi nila ang mama mo, 'di ba sabi ko naman sa 'yo, hahanapin natin si mama mo, buti na lang ako ang nakakita sayo kung hindi, hay nako." Pinisil nito ang ilong ni Gael. "Sa susunod, 'wag ka ng hihiwalay kay mama okay? Promise mo sa akin." Nag-pinky promise ang dalawa, at humilig si Gael sa balikat ni Zeki. Makalipas ng ilang sandali ay nakatulog na ang bata, napagod sa kakaiyak mula kanina.
Ilang minute pa ang nakalipas at may nagbukas ng pinto.
"Sir," sabi ng OIC. Sumenyas si Zeking huwag maingay at napansin kaagad ng nito na natutulog si Gael. "Nandito na po ang mama ni Gael," mahinang sabi ng OIC.
Tumango si Zeki, mahina nitong tinapik si Gael at sinabing, "Gising ka na Gael, nandito na si mama mo,"
"Si mama ko, si mama ko!" Pupungas-pungas nitong sabi.
"Opo, ayon na." Nagulat si Zeki sa nakita, gumuhit ang mga ngiti sa labi. "Ang mama mo."
Lumingon si Gael sa may pinto, tumalon ito sa pagkakakandong kay Zeki at nagtatatakbo na papunta sa kanyang mama.
"Gael," umiiyak na sabi ng mama ni Gael.
"Mama ko." Yumakap si Gael sa kanyang mama na umiiyak.
"Mag-1 oras na kitang hinahanap! Nawala ka na lang bigla, sobrang natatarantata si mama," Umiiyak nitong sabi, at mas humigpit ang kanyang yakap sa kanyang anak.
"Promise mama hindi na po ako aalis sa tabi mo. Mama ko." Humagulhol na ng tuluyan si Gael.
Napanatag na ang kalooban ni Zeki, nagkita na ang mag-ina. At may bonus pa! Worth it ang paghihintay n'ya. Pakiramdam ng binata ay swerte s'ya sa kanyang nakita.
"Gael sabi ko naman sayo 'di ba, makikita natin si mama," nakangiti nitong sabi.
Napatingin ang mama ni Gael sa nagsalita, saka pa lang nito napansin si Zeki.
"Sir, madaming salmat at kayo po ang nakahanap kay Gael. Maraming salamat po talaga," sabi ng mama ni Gael, kinamayan pa nito si Zeki.
Napakamot ng ulo si Zeki. "Walang anuman Celine," sabi ng binata.
Walang naging reaksyon si Celine, bumalik ang na atensyon nito sa kanyang anak. Tinanong kung anong mga nangyari at kung saan ito nakarating.
'Di na nito napansin si Zeki, samantang ang binata ay titig na titig sa mag-ina. Bakas din sa mukha ni Zeki ang pagkadismaya. Hindi s'ya nakilala ni Celine bagamat isang linggo pa lang ang nakakalipas mula noong huli silang nagkita sa kasal. Ngunit kahit ganoon ay masaya si Zeki na nagkita na ang mag-ina.
"Mag-thank you ka na kay kuya, buti na lang si kuya ang nakakita sayo. Kung hindi, hindi na alam ni mama kung paano ka pa makikita," sabi ni Celine sa kanyang anak.
"Kuya Zeki, thank you po," sabi ni Gael at niyakap ni Gael ang binata.
Ginulo ni Zeki ang buhok ni Gael. Nang bumitaw na ito sa pagkakayapos ay umupo si Zeki upang maging kapantay ni Gael "Basta promise mo kay kuya hindi ka na hihiwalay kay mama ha," nakangiti nitong sabi.
Tumango si Gael at niyakap ulit si Zeki.
"Maraming salamat kuya. Mauna na po kami," paalam ni Celine.
Hinawakan na ni Celine si Gael para umalis, ngunit kumapit si Gael sa damit ni Zeki. Nagulat si Celine sa ginawa ng kanyang anak.
"Kuya, ice cream," wika nito.
"Akala ko nakalimutan mo na 'yung ice cream mo!" Binuhat nito si Gael. "Dahil naging brave ka, ibibili ka ni kuya ng ice cream!" masiglang sabi ni Zeki.