"Malay ko ba kung dito mo tinatago ang babae mo. Halos araw-araw wala ka sa condo mo, Grant!"
"Dito nga ako umuuwi. I told you already I'm living with my friend."
"Eh nasaan yang kaibigan mo? Baka siya na rin yung kinakalantaran mo gabi-gabi!"
Natigil ang planong pagpasok ko ng bahay dahil sa narinig na sigawan mula sa loob. Tanging boses lang ni Grant ang nakilala ko at ang isang boses ay tiyak kong galing mula sa isa pang lalaki.
Hhmmm. Siya yata yung sinasabing 'baby' ni Grant.
Sa takot na baka madawit pa ako sa away nila ay nagpasya akong wag munang tumuloy. Lumabas ako ng gate at saka sa sidewalk naupo para hintayin ang pagalis ng bisita.
"Babaero at lalakero ka rin pala, Grant." Tawa ko sa sarili at pinagmasdan lang ang ilaw mula sa isang poste di kalayuan. Bahagya ko pang winawagayway ang kamay sa mukha dahil may kung anong lumilipad.
Nang ibalik ang tingin sa bahay ay patay na ang mga ilaw maliban sa isang kwarto na pagaari ni Grant. Natawa pa ako sa sarili dahil tiyak na may nangyayari na kung ano roon. Kahit ang anino nilang magkalapit ay nagsusumigaw na may milagrong nangyayari.
"Letse ka Grant." Inis kong pinatay ang lamok na nasa noo dahil doon. Nilalamok na ako rito at hindi pa kumakain dahil diyan kay Grant.
Sa bahay ko pa talaga.
Tulala ang tingin ko sa kung saan hanggang sa matanaw ko ang isang kotse na pumarada sa harap mismo ng bahay. Napakunot ang noo ko na tumayo at saka naglakad palapit.
"Darwin?"
Nakatayo ito lang ito sa labas at hawak ang isang supot na kung ano. Nakatingala ang mga mata niya at alam kong nasa kwarto ni Grant ang tingin niya.
Pero anong ginagawa niya dito?
Namataan ko ang printed na sulat sa supot ng dala niya at nalaman na mula sa isang Chinese restaurant iyon. Kumalam ata ang sikmura ko sa nakita kaya naglakad na ako palapit.
Natigil ang pagpadyak ko nang tumalikod si Darwin at saka pumasok sa loob ng kotse. Ang akala ko ay aalis na ito pero nilagay lang ang pagkain sa sasakyan at lumabas na may suot ng hoodies.
Pinagmasdan ko lang siyang yakapin ang sarili bago malungkot na bumaling muli sa bahay.
Hindi na ako nagaksaya ng oras at lumapit na sa kanya. Tumikhim ako at mabilis naman na napunta sa akin ang atensyon niya.
"Hello, anong ginagawa mo dito?" Ang bait ko yata sa paraan ng pagkakatanong kong iyon.
Kita kong nagtataka siya nang makita ako. Bumalik ang tingin niya sa taas ng kwarto ni Grant at saka bumalik ulit sa akin.
"Akala ko...ikaw yun." Parang namumutla pa siya. Kahit ako ay namula sa naisip niya. Akala niya ba ay ako yung kasama ni Grant sa kwarto? Iniisip niya ba talagang may relasyon kami?
"Ah iyon?" Tinago ko ang kamay sa likod at saka naglakad palapit. "Boyfriend ni Grant yun, nagaaway kanina kaya di na ako makapasok."
Mas lalong naguluhan ang itsura niya. Hindi rin ata makapaniwala na may boyfriend si Grant.
"Bakit ka nandito?"
Naging malikot ang mata niya nang itanong ko iyon.
"Napadaan lang." Swabe nitong sagot pero alam kong nagsisinungaling siya. Ang likod ng tenga niya ay grabe na ang pamumula.
"Uuwi ka na ba?"
"Pinapauwi mo na ba ako?" Natawa ako sa pagbulalas niya. Umiling iling akong sumilip sa loob ng kotse niya at saka tumingin sa kanya.
"Pwede makitulog sa inyo? Gutom na din ako."
Malapad ang ngiti ko nang itanong iyon sa kanya. Siya ay gulat pa at hindi halos makagalaw.
"S-sigurado ka?" Nauutal pa nga ito. Nakangiti pa rin akong tumango, umiikot sa kotse at saka naupo sa tabi ng driver's seat.
"Tara na!"
Kita ko ang pagngiti niya habang papasok at nawala lang iyon nang tumingin siya sa akin. Mukhang pinipigilan niya lang ang ngiti dahil baka makita ko. Hindi niya alam na masyado na siyang halata.
Tahimik ako sa byahe dahil kinakabisado ko ang daan patungong bahay niya. Akala ko ay condo o kaya hotel ang tinutuluyan niya pero ang ayon sa kanya ay nagpatayo na raw siya ng bahay. Iyon nga lang ay lagi siyang magisa maliban nalang kung bumibisita ang mga magulang niyang kung saan saan daw napapadpad.
"Hala may tao ba sa loob?" Takang tanong ko dahil bukas ang pinto at maliwanag ang buong bahay. "Baka naiwan mong bukas nung umalis ka."
Hindi niya ako sinagot bagkus ay nilapat ng marahan ang palad niya sa likod ko bago inalalayang pumasok ng bahay niya.
Sobrang laki.
"Nandito na yata si Darwin. Nacontact niyo ba si Lexi?"
"Hindi e."
"Naku baka nandun lang sa labas yung lalaking iyon. Torpe pagdating kay Lexi eh."
Napuno ng pagtataka ang utak ko nang marinig ang mga pamilyar na boses na iyon na pinaguusapan pa kami ni Darwin.
Nagpatiuna nalang ako maglakad hanggang sa marating ko ang living room at nakita roon ang nagkakasiyahan na mga barkada ko.
Naroon si Joi na kausap si Ranz, nakayakap pa. Si Joana at Leo ang naguusap tungkol sa amin. Si Sheena at Liam ay abala sa pagpapakain ng dalawang anak nilang nagsililikot.
Mangha ko silang pinagmasdan bago tumingin kay Darwin na napapakamot ng noo. Tumikhim siya kaya napunta ang tingin sa amin ng mga kaibigan ko.
"Oh Darwin nandito-s**t! Andito si Lexi!" Tumatawa si Leo na lumapit at saka sinakal si Darwin gamit ang braso nito. Lumapit si Joi at Joana para bumeso habang ako naman ang naglakad palapit kay Sheena para yumakap.
Mabilis na kumapit sa akin ang inaanak kaya binuhat ko ito.
"Akala ko dudungawin mo lang e! Saan ka nakakuha ng lakas ng loob at niyaya mo?" Kinantyawan nila si Darwin at yung isa ay hindi na halos makatingin sa akin.
Dati ay kaya pang makipagharutan pero ngayon tiklop. Napapangisi nalang ako.
"Nasa labas ako nun, nakita ko siya." Pagpapaliwanag ko nalang para tigilan na siya. "Ano palang meron? Ba't nandito kayo?"
Natahimik ata ang buong bahay sa tanong kong iyon. Bilog ang bibig ni Joana na napaturo pa sa akin saka nagtatakang tumingin kay Darwin.
"Yeah...so she doesn't know." Naging mababa ang boses ni Darwin nang sabihin iyon. Tumingin ito at tipid na ngumiti bago nagpaalam para maghanda ng pagkain.
"Do you want to eat something specific, Lexi?" Nahihiya akong tumango.
"Chinese food sana." Ngiti ko nalang para hindi na siya magabalang maghanda ng bago. Alam kong ibibigay niya sana sa akin ang pagkain na dala niya kanina.
Kuminang ang mata niya sa sinabi ko at saka mabilis na lumabas, "Yeah, I already ordered something."
Lumabas na si Darwin at sakto namang lumapit sa akin si Sheena para sabunutan. Napanguso akong gaganti sana pero ang mga mata ni Liam ay nakakatakot.
"Daya may tagapagtanggol." Nguso ko pa at saka tumabi kay Joi.
"Gaga ang insensitive mo talaga!"
"Ano??" Inis kong pinalo si Joana dahil niyuyugyog pa niya ang balikat ko. Nagtatawanan ang mga lalaki kasama ang dalawang bata.
"Birthday ni Darwin! Di mo ba talaga alam?"
Natahimik ako. Nagulat. Di ako halos makapagsalita.
"Totoo?!" Kay Joi ako nagtanong kasi siya naman ang matino. Nang tumango ang kaibigan ay nanghina talaga ako.
Gaga Lexi! Hindi ko naman kasi talaga alam!
"E kayo pano niyo nalaman?" Sabay sabay nilang tinuro si Leo.
"Bakit di mo ako sinabihan?!" Singhal ko kay Leo at tinapon ang purse ko. Kagaya ng nakasanayan ay sinalo niya iyon saka tinapon pabalik sa akin.
"Malay ko bang interesado ka."
Nagsiungusan ang lahat saka ako kinantyawan. Pinatigil ko na sila dahil na rin sa pagpasok ni Darwin.
"Kain na tayo?" Yaya niya patungong dining room. Tumingin ako sa mga kaibigan ko na nakangisi.
"Hindi ka pa kumain?" Takang tanong ko at tumango siya.
"Hinihintay ka kasi niyan. Di mapakali pinuntahan ka na." Boses iyon ni Leo na ginatungan ng mahihinang tawa ng barkada.
Kunwari ay umirap ako at saka nagpatiunang naglakad papuntang kusina. Paglingon ko sa likod ay nahuli ko si Darwin na sinipa ang paa ni Leo bago bumaling sa akin na parang walang nangyari.
Napapangiti nalang ako sa kapilyahan niya.
Noong unang mga araw kapag nagsasabay kami sa pagkain ay tahimik kaming pareho. Pero siguro ay nagkakaroon ng pagbabago at unti-unti ay nagiging komportable kami ulit sa isa't isa kaya naguusap na kami tungkol sa kung ano-ano.
"Kailan pa kayo magkakilala ni Leo?"
"Matagal na. Since High School." Nagulat ako doon.
"Same school kayo?" Kung same school sila ibig sabihin ay schoolmate kami. Magkaklase kami ni Leo at Joana noon e.
"Hindi, sa basketball tournament kami nagkakilala." Pagkaklaro niya at tumango ako.
Madalas akong umattend ng liga kasama ang barkada. Natatandaan kong sumasali si Leo at ang team nila. Hindi ko naman siya nakilala.
"Sinabi pala ng mga kaibigan mo na nagkausap kayo ni Aika." Ang daldal pala ng barkada ko. "Anong sinabi niya?"
Kumibit balikat ako. "Nagsorry."
Natahimik kaming pareho dahil doon. Siguro para sa aming dalawa, ito yung sensitive topic na hindi namin pwedeng pagusapan. Lalo pa na ang nakaraan ko din ang dahilan kung bakit lumayo ako sa kanya noon.
"I'm sorry."
Natigil ang paginom ko ng tubig nang magsalita siya. Ubos na ang pagkain nito pero mahigpit parin ang hawak niya sa kutsara't tinidor na parang doon siya kumukuha ng lakas ng loob.
"I'm sorry kung hindi ko agad sinabi. I bet things could have been different if I told you the truth, right? Pero gago ako kaya ngayon ay parang balik tayo sa dati."
Ramdam ko ang galit niya sa kanyang sarili. Pabagsak niyang binitawan ang hawak at sinabunutan ang sarili. Gawain niya iyon pag naiinis siya pero para sa akin ay napakalalaki niyang tingnan. Parang anytime pwede akong tumunganga lang sa kanya at ganoon lang ang gagawin niya buong oras.
Ngumiti ako at nanginginig na inabot ang kamay niya. Hinagod ko iyon hanggang sa ang nakayukom niyang kamao ay nagpakawala ng lakas.
"No, you have no fault. Kasalanan ko ang nangyari. Let's just forget it, okay? Kasi kung hindi niyo mapapatawad ang sarili niyo, mahihirapan din akong patawarin ang sarili ko."
Lumambot ang tingin niya sa akinnang sabihin ko iyon. Ramdam ko ang pangingilid ng luha kaya bumitaw ako sa kanya at saka mahinang tumawa.
Masakit pa rin. Pero wala na ang galit. Siguro galit nalang para sa sarili ko. Matagal ko na silang napatawad.
"Sorry pala ah? Di ko kasi talaga alam na birthday mo. Wala tuloy akong regalo." Pinasigla ko ang boses at saka nahihiyang kinatok ang ulo. Natawa siya sa ganoon.
"It's okay. Ok na sa akin na nandito ka."
Gulat kaming pareho dahil sa lumabas sa bibig niya. Parang siya mismo ay di makapaniwala na sinabi niya iyon. Kaya tulad ng dati ay tumikhim na naman ito saka lumayo para iwasan na makita ko ang pamumula ng tenga niya.
Napapangiti nalang ako habang hindi tumitingin sa kanya.
"B-balik na tayo sa kanila." Yaya niya at saka mabilis na bumalik sa living room. Pinaypayan ko naman muna ang sarili bago sumunod.
"Ang pulaaaa! May nangyari no?" Puna agad ni Joana at halos manghina ako. Letse talaga tong babae!
"May bata." Singhal ko at napatakip siya sa bibig niya.
"So SPG nga ang nangyari?" Panggagatong pa niya. Napahilamos nalang ako ng mukha.
"Kumain lang kami." Pagpapaliwanag ko pa at napatakip ng tenga nang sumigaw silang lahat.
"NAGKAINAN KAYO?"
Puta.
"Can someone tell me why I became friends with these weirdoes?" Bulong ko nalang sa sarili na tinawanan naman ni Darwin. Napangiti ako nang magtagpo ang tingin namin.
Haaayyyy.
Nagsimulang maginuman ang lahat habang lumalalim ang gabi. Si Joi ay pulang pula na ang mukha at stress naman na si Ranz dahil kakaiba daw ito malasing. Nanggagapang.
"Eto seryosong usapan, since nandito na rin naman tayo, let's talk about Lexi."
"Huy." Suway ko agad. Mukhang mapapahiya ako.
"Alam niyo, babaera yang si Lex." Napayuko nalang ako nang magsalita na si Joana. "Ang daming pechay ang nakain niyan. Pero isang talong palang."
Tumawa si Liam.
"Pero, kahit siya ang pinakabata sa amin, parang siya ang may mas maraming pinagdaanan. So I will never blame her for being like that."
Nagtaas ako ng tingin at kita ko ang pamumuo ng luha ni Joana. Paminsan minsan lang siyang ganito at kapag lasing lang. Hindi ko maiwasan na mapangiti.
"Kaya wag mo siyang sasaktan, Darwin. Please lang mapapatay ka namin."
Humigpit ang hawak ko sa can in beer nang dinuro ni Joana si Darwin. Nahiya ako pero wala akong ginawa para pigilan siya.
"Tekaaa!" Sabay pa kaming napaungol sa reklamo ni Ranz nang sumali na ang lasing na si Joi. "Bakit si Darwin? Team Grant tayo diba?"
Natahimik si Joana at saka tumawa.
"Ay oo nga! Pero bet ko din si Fafa Darwiiin."
Err. Tahimik lang ata kami ni Darwin habang nagbabangayan ang dalawang babae. Mabuti na lamang matino pa si Sheena, mas malala siya dahil sa kanya ako madalas magopen-up.
"Votinggg!" Lumukso lukso pa si Joi kaya napasigaw na sa inis si Ranz.
"Grant ako" Tipid na ngiti ni Sheena at saka nagpeace sign kay Darwin.
"Darwin fafa." Tawa ni Joana at sinapak pa ang likod ni Darwin. Natatawang nagpaumanhin si Leo.
"Grant. Walang babago. Kasi si Grant alam ko never niyang sasaktan si Lexi. Laging nandiyan si Grant. E yan!" Nakanguso niyang tinuro si Darwin. Nanlaki ang mata ko.
"Baka iwan niya lang si Baby Lex natin! Baka unahin niya trabaho!"
Gosh.
Nakakahiya na masyado.
Pero ang hindi ko inaasahan ay ang pagsagot ni Darwin. "I won't. Kung nasaan si Lexi, doon ako."
Gulat kong binaling sa kanya ang tingin pero ang mga mata nito ay desididong naroon kay Joi na parang may gustong patunayan.
"Darwin lang. Matindi to magmahal." Tawa ni Leo na tinanguan ni Liam. Pero si Ranz ay parang di makapili.
"Darwin sana kaso binulungan ako." Tinuro niya si Joi. "Makikipaghiwalay daw pag di ako bumuto kay Grant."
Nagtawanan kami dahil sa kapilyuhan ni Joi. At dahil papalalim na rin ang gabi at magmamaneho pa sila ay nagpasya na kaming tapusin ang kasiyahan.
Naunang lumabas si Ranz bitbit si Joi. Si Leo at Liam ay kausap si Ranz.
"Sa bahay kami nila Liam uuwi. Tutulong ako sa pagaalaga ng bata." Balita ni Joana sa akin. Kita ko ang paglapit ng mga lalaki.
Agad na umakbay si Leo kay Joana at si Liam naman ay binuhat ang tulog na nitong anak. Si Darwin ay nasa tabi ko.
"Baka gusto mong sumama? Malaki naman bahay nila Sheena."
Ramdam ko ang pagkatigil ni Darwin sa naging alok ni Joana sa akin. Tumingin siya sa akin at mukhang hinihintay ang sagot ko.
It's Darwin's birthday. At kung totoo man ang sinabi niyang masaya siya na nandito ako, baka mas magandang pagbigyan ko na siya.
Tutal wala akong regalo so I better stay with him. Lalo pa at magisa lang siya dito.
"Ah... dito lang ako." Ngiti ko nalang at ramdam ko ang mabilis na paginit ng pisngi ko nang tumawa si Joana.
"Alright, byee Lex."
Tuluyan ng naging tahimik ang bahay nang umalis na ang barkada. Huminga ako ng malalim bago humarap kay Darwin na abala sa mga nakabuka niyang daliri.
Seryoso itong may binibilang kaya tinapik ko ang balikat niya.
"Ayos ka lang?" Tawa ko.
"Binibilang ko ilang nakuhang boto ni Grant." Seryso niyang sabi bago ako tinalikuran. Ako naman ay naestatwa nalang sa kinatatayuan.
Seryoso ba siya?!