Alie's POV.
NATIGILAN ako sa tangkang pagpasok ng apartment namin nang makita kung sino ang nasa loob niyon.
Kalaro ni Erwann si Tantan at kitang-kita ko sa mukha ng kapatid ko ang saya na noon ko lang nakita. Ilang segundo akong nanatili sa kinatatayuan ko. Ayokong istorbohin sila pero napansin ako ni Mandy na kalalabas lang ng kusina at may dalang juice. Agad akong tumikhim at tumuloy na sa pagpasok.
"A-anong ginagawa mo dito? Paano mo nalaman kung sa'n ako nakatira?" Kunot-noong tanong ko.
Bago pa siya makasagot ay naunahan na siya ni Mandy.
"Nand'yan ka na pala. Tutal birthday naman ni Tantan kaya pinapunta ko si Uno," anito.
Inilapag ko sa mesa ang mga pinamiling ihahanda para sa ika-labing anim na kaarawan ng aking kapatid.
Labag man sa loob ko na naroon siya ay nagkibit balikat na lang ako dahil ayaw kong sirain ang espesyal na araw ni Tantan. Hindi na 'ko nagsalita at dumiretso sa maliit naming kusina para ihanda na ang mga lulutuin. Katulong ko si Mandy na sumunod sa 'kin.
Habang nagluluto ay hindi ko maiwasang isipin kung ano ang ginagawa ni Erwann sa maliit at masikip naming bahay. Alam ko naman na mas malaki at 'di hamak na maluwag ang tinitirahan niya. Baka nga sa mansyon pa siya nakatira.
"Pasado na ba si Uno?" Napukaw ako sa pag-iisip nang mula sa kawalan ay magtanong si Mandy.
"Ha?" Puno ng pagtataka ko siyang binalingan.
"Tanggap niya si Tantan. Saka halata naman na may gusto siya sa---"
Hindi na naituloy ni Mandy ang sasabihin dahil pumailanlang ang boses ko sa kusina. "Aray..." Hinawakan ko ang kamay ko na napaso sa kumukulong mantika.
Hinipan-hipan ko pa 'yon para maibsan ang hapdi na nararamdaman ko. Pero hindi ako nakahuma nang sa isang iglap ay naroon si Erwann.
"What happened?" Nakabalatay sa mukha niya ang pag-aalala.
"Napaso si Alie ng kumukulong mantika," kunwa'y natatarantang saad ni Mandy.
Sinubukan kunin ni Erwann ang kamay ko pero iniiwas ko 'yon.
"A-Ayos lang ako." Pumunta ako sa lababo para hugasan ang kamay ko.
"Mali 'yan. Hindi dapat hinuhugasan kapag napapaso," sabi niya at dinampian ng tuyong tela ang kamay ko. Marahan lang at tila ingat na ingat siya.
"You should put this," at inilapat niya ang isang slice ng kamatis sa daliri ko.
Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa niya pero nakatitig lang ako at nakikinig sa pagsasalita niya. Hindi ako sanay na gano'n kami kalapit sa isa't isa na tila ba abot-kamay ko siya. Parang hindi siya ang lalaking kinaiinisan ko simula palang ng unang beses kaming magkita.
Nabalik ako sa kasalukuyan nang marinig ko ang pagtikhim ni Mandy.
"K-Kaya ko na 'to. S-Salamat." Kinuha ko ang kamatis at ako na ang nagdampi sa daliri ko. Kasabay no'n ay sinilip ko ang niluluto ko pero ang totoo ay nais ko lang siyang iwasan.
"Anong sabi mo?" Narinig kong tanong niya.
Saglit ko siyang sinulyapan at nakita ko ang pagsungaw ng ngiti sa labi niya. Napakunot ang noo ko. May dahilan ba kung bakit bigla na lang siyang ngumiti?
Nang maalala kong nagpasalamat ako ay napaiwas ako ng tingin.
"Pakiulit ng sinabi mo?" Pangungulit pa niya at lumapit sa tabi ko.
"W-wala akong sinabi. Ano bang narinig mo?" Nagpunta ako sa sink para hugasan ang mga gulay pero sumunod pa rin siya.
"Nagpasalamat ka sa'kin?" pagtitiyak niya at sumunod ulit nang ilapag ko sa mesa ang hawak ko. Hindi pa siya nakuntento at hinarangan ang pupuntahan ko.
Na-corner ako kaya wala akong choice kun'di tingnan siya. Nakalabas ang pantay-pantay niyang mga ngipin dahil sa malawak niyang ngiti pagkaraan ay nagsalita siya. "You're welcome," pagkasabi no'n ay tinalikuran na niya 'ko.
Naiwan akong nakatulala at tila na-hipnotismo sa nakitang reaksyon sa gwapo niyang mukha. Nagtataka ako nangyayari.
MASAYANG natapos ang espesyal na araw na 'yon ng kapatid ko. Kahit na kami lang ang magkakasamang nagdiwang. Iba ang araw na 'yon dahil may iba kaming bisita hindi gaya noon na tatlo lang kaming nagse-celebrate.
Nilapitan ko si Mandy at tinulungan siyang magligpit ng mga pinag-kainan. Habang si Erwann ay nakikipaglaro pa rin kay Tantan.
Totoo nga yatang tanggap niya ang kapatid ko. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko habang nakatingin sa kanila.
"Bakit hindi na yata matanggal 'yang ngiti sa labi mo? Dahil 'yan kay Uno, no?" Pambubuska ni Mandy at sinundot ang aking tagiliran dahilan para mapaigtad ako.
"Hoy, Armando, tigilan mo 'ko ha," pakli ko nang magpunta kami sa kusina.
"Huwag mo 'kong tatawaging, 'Armando', sa harapan ni my loves, Uno, ha! Eew! Gross!" Animo'y bulate siya na binudburan ng asin dahil sa pagkiling ng katawan niya.
Napapailing lang na tinawanan ko siya at tinalikuran na.
Paglabas ko sa maliit naming tanggapan ay nahuli kong nakatingin sa 'kin si Uno kaya tumikhim para tanggalin ang ngiti sa labi ko. Kasabay no'n ay tumayo siya at lumapit sa 'kin.
"I should go now. Thanks for the invite." Nakapamulsang saad niya.
"Kay Mandy, ka magpasalamat dahil siya ang nag-imbita sa 'yo." Wala sa sariling naitikom ko ang aking bibig. Hindi ko sinasadyang maging bastos pero hindi ko mapigilan dahil kapag kaharap ko siya ay para bang may sariling buhay ang bibig ko.
"Okay, I will just text him. I have to go." Paalam niya.
Sinamahan ko siya hanggang sa labas at kita ko ang mga mapanuring tingin ng mga kapit-bahay namin. Animo mga kwago na malalaki ang mga mata lalo na ang katabing pinto namin na si Aling Bebang.
"Sana sa susunod 'wag ka ng pupunta dito," nahihiyang sabi ko at iniiwas ang tingin sa kanya.
"Bakit, anong problema?" Maang na tanong niya.
"Basta. Umalis ka na." Hindi ko na hinintay ang sagot niya at pumasok na sa loob ng bahay saka isinara ang pintuan.
Ayaw kong magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanya at sa bandang huli ay magiging masama ang tingin sa 'kin ng mga tao. Ayokong maging sentro ng tsismis sa lugar namin.
HABANG naglalakad ay napapansin ko ang mga makahulugang tingin ng mga kapitbahay namin sa 'kin. Sa paraan ng pagtitig nila para bang may ginawa akong krimen.
"Ang yayaman ng bumibisita kay, Alie." Dinig kong sabi nang isang chismosa.
"Oo nga. Vallejo, no'ng isang araw, ngayon naman..." Hindi nito itinuloy ang sasabihin at tiningnan lang ako.
Hinigpitan ko ang kapit sa kamay ni Tantan at binilisan ko ang paglalakad hanggang sa mabungaran ko ang pulang Sedan na nakaparada sa harapan ng bakuran namin. Ngayon ko lang nakita ang sasakyan at napapaisip ako kung kanino ito.
Pagpasok namin ay hindi ko inaasahan ang panauhing nasa sala.
"May bisita tayo, Alie." Nakaismid na sabi ni Mandy. Nakahalukipkip siya sa harap ng babae.
Samantala mukhang inip na inip na ito sa pagkakatayo.
"Upo ka," alok ko sa kanya at ipinasa muna si Tantan kay Mandy. Sinenyasan ko siya na ilayo muna ang kapatid ko. Mabuti na lang at nakuha niya ang ibig kong sabihin at lumabas sila ng bahay.
"No need. Anyway, is he your brother?" Titig na titig si Carrie sa kapatid ko at may hindi kaaya-ayang reaksyon ang nakapaloob sa mga mata niya.
"O-oo," tipid na sagot ko.
Tumango-tango naman siya at inilibot ang tingin sa bawat sulok ng apartment. May disgusto sa mga mata niya at sa tingin ko nilalait na niya 'ko sa isip niya.
"Hindi ka ba nahihiya kapag kasama mo---"
"Sa tingin ko naman walang dapat ikahiya kasi kapatid ko siya." Putol ko sa iba pa niyang sasabihin. Lumunok ako para tanggalin ang bara sa lalamunan ko.
Nagkibit-balikat siya at naglakad palapit sa akin. "I don't mean to offend you. But anyway, I'm here to offer you something and in exchange--- lalayuan mo si Erwann." May inilabas siya mula sa mamahalin niyang bag. Isang dilaw na sobre at iniabot 'yon sa 'kin.
Nagda-dalawang isip man ay inabot ko ang sobre at inilabas ang laman no'n. Hindi ako kumurap nang makita ang isandaang libong piso na nakasulat sa tseke.
Pinilit kong itago ang pagkapahiya at kinalma ko ang aking sarili. Mayamaya ay taas noo ko siyang tiningnan.
"Hindi mo 'ko kailangan suhulan. Sinabi ko na sa kanyang 'wag nang babalik dito." Ibinalik ko ang tseke sa loob ng sobre at iniabot sa kanya pero tiningnan niya lang 'yon.
Tumaas ang isang kilay niya. "Is that so? Then I better go. May date pa kami ni Erwann." Lumiwanag ang awra niya.
"Hindi ko matatanggap ang perang 'to," sabi ko at pilit na isinauli ang hawak ko.
Kibit-balikat niyang tinanggap 'yon at walang lingon likod na umalis. Nang masigurong nakaalis na siya ay nanghihina akong napaupo sa silyang kawayan na konting bigat na lang ay babagsak na.
Nagpupuyos ang damdamin ko na hindi ko maintindihan. Magkakahalong emosyon ang nararamdaman ko sa mga oras na ito.
"Buti naman umalis na ang bruhildang 'yon," pakli ni Mandy nang pumasok. "Anong pakay no'n?" tanong niya.
"Gusto niyang layuan ko si Erwann," halos pabulong na saad ko. "Sinubukan niya pa 'kong suhulan."
"Ha?! Bruhildang 'yon a, sana tinawag mo 'ko nang makatikim siya..."
"Kasalanan ko 'to." Isinabunot ko ang dalawang kamay ko sa aking buhok.
Siguro ay dahil 'yon sa pagkampi sa 'kin ni Uno noong nakabangga ko si Carrie.
"Hindi mo kasalanan. Kasalanan ko," wika ni Mandy.
Napaangat ang tingin ko at nakita kong nakakagat labi pa siya.
"Anong ibig mong sabihin?" maang na tanong ko.
"Eh kasi, matagal nang pumupunta dito si Uno. Simula pa noong lumabas ka sa ospital. P-pati 'yong motorsiklo na sinasabi kong binili ko para sa 'yo--- a-ang totoo galing din kay Uno, 'yon," pag-amin niya.
Napaawang ang labi ko at hindi ko malaman ang sasabihin. Hindi ko inaasahan ang mga rebelasyon niya.
"Hiningi niya sa'kin 'yong address natin. Saka sa kanya din galing 'yong mga pasalubong na dala ko." Kagat na niya ang mga daliri.
Naihilamos ko ang mga palad ko sa aking mukha.
"Bakit ngayon mo lang sinabi? Bakit ka naglihim?" Tanging nasabi ko. Gulong-gulo na ang isip ko sa mga oras na 'to. Hindi ko alam kung ano ang iisipin at mararamdaman ko.
"Sorry, Alie,"
"Wala ng magagawa 'yang sorry mo. Dignidad at pride na lang ang meron ako kinuha mo pa!" Naiiyak na sumbat ko sa kanya.
"Ano pang mukha ang ihaharap ko sa kanila ha, Mandy?" Bago pa tumulo ang luha ko ay tinalikuran ko na siya.
Dumiretso ako sa silid namin ni Tantan. Naabutan ko siya na tahimik na naglalaro ng mga laruan na regalo ni Uno.
Pinunasan ko ang takas na luha mula sa aking mata at nilapitan si Tantan.
"Tan, paliliguan ka na ni Ate, ha?" Masuyong wika ko at tumango naman siya saka tumayo para magpunta sa banyo.
Pasimple kong inipon ang mga laruan at ibinalot sa malaking trash bag. Lumabas ako bitbit 'yon. Nilampasan ko si Mandy at itinapon ko sa malaking trash can ang mga laruan.
Pagbalik sa loob ay agad akong sinalubong ni Mandy. "Sorry na, Alie,"
"Kung gusto mong tanggapin ko 'yang sorry mo, 'wag na 'wag mo nang kakausapin ang sino man na lalapit sa'yo. Basta mayaman," pagkasabi no'n ay nilampasan ko na siya at bumalik sa silid namin.
Tulog na si Tantan, pagpasok ko at hindi na rin siya nakaligo. Hinaplos ko ang ulo niya kasabay no'n ay ang pag-uunahan ng luha ko sa pagtulo. Kinakaawaan ko na naman ang sarili ko. Siguro dahil umasa akong magiging maayos ang pakikitungo namin ni Erwann sa isa't isa, na pwede kaming maging magkaibigan kahit pa langit at lupa ang agwat namin.
Napabuntong hininga ako at pinunasan ang luha ko. Napag-desisyonan kong maligo. Kinuha ko ang towel at pumasok sa banyo.
Hindi ko maiwasang isipin ang nangyari kanina. Tama nga na pare-pareho lang ang mga mayayaman. Kapag may gusto silang makuha ay pera lang ang katapat. Gano'n din si Erwann. Gagawin niya ang lahat makuha lamang ang gusto. Pero, anong gusto niya sa 'kin?
Hindi ako maganda na katulad ni Carrie. Hindi rin nabibilang sa alta sosyedad na kinabibilangan niya. Walang-wala ako kumpara sa babaeng dine-date niya. Ang tanging meron ako ay si Tantan at ang flower shop.