"Nasaan na ba ang batang iyon? Bakit wala siya diyan sa hintayan ng mga estudyante?" Tukoy ng ginang sa waiting shed na nasa labas lang ng gate ng high school department pagkarating nila doon.
Mangilan-ngilan na lang ang mga batang naglalakad sa loob ng eskwelahan na pawang ang mga nakikita niya ay palabas na at wala sa mga iyon si Uela.
"Hindi kaya nakaalis na iyon?" Bigla nitong tanong ulit na ikinalingon niya dahil sa pagguhit ng kakaibang kaba sa kanyang dibdib.
Bagaman at lungsod naman ang kinaroroonan nila ay hindi iyon kasing moderno katulad ng Maynila na kung saan ay naglipana ang mga pampublikong sasakyan katulad ng taxi. Doon sa kanila ay hindi ganoon karami ang mga pampublikong sasakyan. May iilang taxi habang ang dyipni at bus naman ay may partikular lang na ruta at walang diretso niyon papunta sa kanila na kung saan ay isang ekslusibong property na ng pamilya ang kinaroroon ng kanilang bahay.
"Ma, saan naman sasakay 'yun?"
"Eh, bakit wala siya?"
"Please, stay here, Ma. Pasok lang ako sa loob."
"Saan ka dadaan? Pwede ka ba diyan?" Maliban kasi sa gate na iyon ay mayroon pa silang main gate na para naman sa lahat, mapa-college o high school students man.
"I'll try." Bumaba siya ng sasakyan at tinungo ang gate na sa loob ay may naka-posteng gwardiya.
"Kuya-" Tawag pansin niya sa may kabataan pang bantay na agad naman lumapit. "-pwede po bang pumasok? May hahanapin lang po ako sa loob."
"Sino ba? Baka kilala ko?" Tanong nito matapos bistahan ang suot niyang uniporme.
"Bagong estudyante po, si Louela Aragon."
"Iyong first year ba?"
"Oho."
"Ah, aba'y nakalabas na. May mga kasama kanina."
"Po?" Luminga-linga siya. Wala siyang nakikitang Uela sa paligid nila. Kunot ang noong bumaling siyang muli sa gwardiya. "Alam ho ba ninyo kung saan ang kanilang punta?"
"Naku hindi ho eh. Pero baka diyan lang din po ang mga 'yun sa paligid. Parang magkaka-klase lang naman sila."
"Sige ho, salamat."
Dali-dali siyang bumalik sa sasakyan at ikwenento sa ina ang sinabi ng gwardiya.
"Ay naku, saan naman natin hahanapin yun?"
"Baka diyan lang po yun sa mga kainan." Kahit hindi sigurado ay imporma niya. "Tingnan ho natin sa mga madadaanan nating kainan."
"Ang batang iyon talaga. Akala ba niya ay walang naghahanap sa kanya?" Hilakbot na wika ng ginang. "Lagot siya kay Ramon."
Pinaandar niya ang sasakyan ng dahan-dahan habang ang atensyon nila ng ina ay parehong nakatuon sa mga estudyanteng nasa kainang nadadaanan na pawang nasa gilid lang naman ng kalsada.
Ilang tindahan na ang nilagpasan nila pero hindi pa rin niya ito makita. Paglingon niya sa ina ay umiling din ito na ang ibig sabihin ay wala sa kabilang panig ng daan ang hinahanap nila.
Unti-unti na niyang nararamdaman ang pagsibol ng mumunting pawis sa may noo niya maging sa kanyang palad na nakahawak sa manibela. Hindi niya gustong isipin ang galit ng kapatid niya kapag nalaman nito na hindi pa rin nila kasama ang panganay nito.
"Ma, ayun yung pizza parlour na tinutukoy ko kanina. Pwede ko bang tingnan sa loob?" Bigla siyang nabuhayan ng maalala ang ikwenento ng isa niyang kaklase na dinadayo daw ng mga estudyante mula pa sa ibang paaralan ang malaking tindahang iyon. Isa kasi iyon sa pinakakilalang pizza house na kadalasan ay sa commercial lang sa telebisyon makikita at unang branch sa lugar nila.
"Hala sige. Bilisan mo kung wala para makaalis tayo kaagad."
Matapos niyon ay lumabas na siya kaagad ng sasakyan at tinawid ang kalsada. Parang sinilihan ang kanyang mga paa sa lakad-takbo niyang gawa upang marating lang kaagad ang malaking restaurant. Mula sa salaming pinto ay natanaw na niya ang iba't-ibang grupo ng kabataan na pawang mga high school students sa magkakahiwalay na lamesa at pagkapasok niya roon ay awtomatikong napako ang kanyang paningin sa grupong nakasuot ng uniporme ng high school department nila. May kutob siyang isa sa mga nakaupo at natatakpan ng mga nakatayong kalalakihan ay si Uela kaya madilim ang mukhang lumapit siya sa mga iyon.
Tila nabunot ang libong tinik na nakabaon sa kanyang dibdib nang makita nga ito sa apat na babaeng estudyante na nakaupo sa harap ng lamesa. Nakatawa itong nakikinig sa kwento ng lalaking estudyante na marahil ay kaklase rin nito hanggang sa mapalingon sa kanya.
Her eyes focused on him for long seconds at maya-maya ay masaya itong tumayo at tinawag ang pangalan niya. "Xander! What are you doing here?"
Nakakunot ang noong tumayo siya sa harapan ng lamesa at sinenyasan itong tumayo. Nagtatakang sumunod naman ito at lumapit sa kanya.
Madilim ang mukhang sinalubong niya ito ng tingin ganoon din ang walong kasama nito na lahat ay pawang napipi at hindi nakahuma.
"Yung bag mo."
Bumalik ito sa inuupuan kanina at kinuha ang school bag pagkatapos ay nagpaalam sa mga kasama.
"Bilisan mo." Madiin niyang wika na agad nagpalingon dito. "Sumunod ka sa akin."
Nagmamadali siyang tumalikod at tinungo ang pintuan ng kainan. Tama naman na pagkabukas niya niyon ay nasa likuran na niya si Uela bitbit sa isang kamay ang bag.
"Nasa sasakyan ang Mama. Kanina pa kami naghahanap sa'yo."
"Talaga? Akala ko si Mang Fidel ang susundo sa akin?" Parang balewala lang na tanong nito.
Magkasunod silang bumaba ng hagdan patungo sa gilid ng kalsada. Nilingon niya ito at magkasalubong ang kilay na tinitigan. "Sa palagay mo ba ay nahanap ka ng matanda kung siya ang sumundo sa'yo? Kung saan-saan ka nagpupunta, alam mo bang galit ang Mama?"
Bigla ang pag-aalalang gumuhit sa mukha nito bago ito luminga sa sasakyang nasa kabilang panig ng kalsada. "Nandiyan si Lola?" Ang boses nito ay kinabakasan niya rin ng pag-aalala.
"Oo at kanina pa siya nag-aalala sa'yo."
Muli itong bumaling sa kanya at sa pagkakataong iyon ay nakikiusap na ang tingin nito habang mahigpit ang hawak sa strap ng bag na isinukbit nito sa isang balikat. "Xander, tulungan mo ako."
"Ayan. Ngayon magpapatulong ka. Kanina ang saya-saya mo doon sa loob kasama yung mga kaklase mo a. Ni hindi mo naisip na may nag-aalala sa'yo?"
"Please. I didn't mean to make you all worried. Nagkayayaan lang kami habang wala pa yung sundo namin, I forgot the time at dumating ka." Ang masayahin nitong mukha ay biglang napalitan ng pagsamo na kalaunan ay naging dahilan ng pagngalit ng kanyang panga.
"Pasaway ka kasi masyado." Pagalit niyang asik dito.
"I'm sorry." Nahabag siyang bigla nang makita niya ang pagsungaw ng luha sa mata nito. Ilang beses nitong ikinurap-kurap ang mga mata na parang sinusubukang pawiin ang panunubig ng mga mata na hindi nito napagtagumpayan. Sa huli ay siya na mismo ang nagpunas ng luha nito.
"Sorry." May bahid pa rin ng galit na wika niya pero hinawakan na niya ito sa balikat at kinuha mula dito ang sukbit nitong bag. "Halika na, tumawid na tayo."
Iginawi niya ito sa may gilid niya at hawak ito sa brasong naghintay na umunti ang sasakyang dumadaan. Kanina naman ay nakatawid kaagad siya papunta sa restaurant na iyon pero bakit ngayon ay parang biglang bumilis ang mga sasakyan sa bahaging iyon?
.....
Samantala sa loob ng sasakyan ay nag-aalalang naghihintay si Donya Milagros sa ibabalita ng kanyang bunso pagkalabas nito mula sa pizza parlour na pinasukan nito.
Gumagabi na at ayaw man niyang isipin ay nag-aalala siya sa kinaroroonan ng kanyang panganay na apo kung sakaling wala ito roon sa restaurant na iyon.
Ilang minuto siyang naghintay at nanatiling nakatuon ang paningin sa labas ng bintana upang bantayan ang paglabas ni Xander kasabay ng panalangin na sana ay naroon at kasabay nitong lalabas si Uela. Hindi naman naglaon ay tila pinakinggan ang hiling niya. Nakita niyang magkasunod ngang lumabas ang dalawa mula sa restaurant at bumaba ng hagdan papunta sa kalsada.
Dahil sa dami ng mabibilis na sasakyang dumadaan sa parteng iyon ay hindi nakatawid agad ang dalawa.
Bababa sana siya ng sasakyan upang salubungin ang mga ito pero nahinto siya. May kung ano sa puso niya ang napukaw mula sa pagkakatingin sa dalawa na noon ay nag-uusap sa kinatatayuan sa kabilang panig ng kalsada.
Matiim ang pagkakatingin niya mula sa salaming bintana na may kung anong dulot na pagkabahala sa kanyang pusong ina na kaagad rin naman niyang inalis sa kanyang sistema.
Nakita niya kung paanong tingin ang ipinagkakaloob ni Xander kay Uela na pilit niyang inaalis sa kanyang isip. Noon niya lang iyon lubusang napag-isip isip, kung bakit tila kabado ang anak sa tuwing mababanggit niya si Uela. Kung bakit ilag ito palagi sa tuwing uutusan niyang sunduin ang pamangkin nito. Kinabahan siya bigla sa kanyang mga naisip.
Ipinilig niya ang ulo at tuluyang binuksan ang bintana upang silipin ang dalawa. Hawak-hawak ni Xander si Uela sa braso nito at ito rin ang may sukbit ng bag ng apo. Madilim ang mukha ng bunso niya habang naghihintay na makatawid ang mga ito sa kalsada. Nang mapatingin sa gawi niya si Xander ay nanatiling madilim ang anyo nito na hindi itinago sa kanya.
Huminga siya ng malalim. Baka nag-aalala lang talaga siya. Hindi niya pinalaking imoral ang kanyang anak upang makaisip ng hindi maganda. Pinalaki niya itong may pangaral at alam niyang hindi ito malilihis ng daan dahil sa pagmamahal ng mga taong nakapaligid dito.
Kinawayan niya ang mga ito nang sabay na dumako ang tingin sa kanya. Nag-aalala ang mukha ng apo ng mapatingin sa gawi niya pero nang nginitian niya ito ay kumaway rin ito pabalik. Habang patawid ay umalpas ito sa pagkakahawak ni Xander at ito mismo ang umabri-siyete sa braso ng huli na pilit naman nitong inalis. Kaya ang siste ay nakasimangot ang dalagita ng makarating sa sasakyan at makita siya.
"Lola, Xander is grumpy." Bungad ng dalagita sa kanya pagkaupo nito sa kanyang tabi.
"Me too." Pagsusungit niya rin dito. Gusto niyang ipaabot rito na hindi niya nagustuhan ang ginawa nitong pag-alis sa eakwelahan ng walang paalam sa kanila.
"Lola, sorry. Hindi ko na po uulitin, promise."
Tiningnan niya si Xander na noon ay nasa may pintuan pa rin at nakaismid na nakatingin sa pamangkin. Umiiling nitong inilapag sa tabi ni Uela ang bag ng dalagita bago nito pabagsak na isinara ang pintuan at umikot papunta sa harapan. Para siyang nakahinga ng maluwag. Mali siya siya ng naiisip.
"We will talk about that. Kailangan malaman ito ng Papa mo."
"Lola, no." Pagkatapos ay bumaling ito kay Xander na noon ay nakaupo na sa driver's seat. "Xander, please help me. Nagpaliwanag na ako sa'yo, di ba?"
"I didn't say na tutulugan kita. Ang Mama ang magdedesisyon tungkol diyan."
Nakukot ang mukha ng dalagita nang marinig ang tinuran ni Xander. "Naiinis ako sa'yo."
Hindi ito pinansin ni Xander at sa halip ay pinatakbo na nito ang sasakyan. Siya naman ay biglang bumalik ang kaba dahil sa matalim na tinginan ng dalawa mula sa rearview mirror.
Nang makita ni Xander na nakatingin siya rito ay para itong napapasong kaagad na nagbawi ng tingin. Noon ay biglang napako ang tingin niya sa labas. Hindi maganda ang nakikita niyang mangyayari sa hinaharap.
.....