Nagpatuloy si Uela sa malamig na pakikitungo kay Xander na kahit ang mga magulang nito ay nakahalata na. Paano ay magdadalawang linggo na yata na hindi kinakausap ng dalagita ang huli na kapansin-pansin sa bawat pagkakataong nagkakaharap sila sa hapag-kainan.
Dati-rati kasi ay siya ang palaging nauunang kumausap dito kahit sa mumunting bagay kahit wala naman itong kinalaman, pero ngayon, kahit balingan ito ng tingin ay halos hindi na niya gawin.
She just wants to make him aware na hindi siya nito pwedeng balewalain lang. Ang ikinaiinis niya lang ay hindi rin naman ito nagkukusang kausapin siya. Tingin pa nga niya ay parang gusto pa nito na lumayo siya rito.
Katulad na lamang noong araw na iyon. Pagkalabas niya ng silid para sa kanilang almusal ay eksakto rin na palabas ng silid nito si Xander. Alumpihit pa siya noong una dahil sa pag-aalalang mapagalitan siya nito dahil doon sa huli niyang ginawa ritong pagpalo sa ulo gamit ang libro at hindi pa siya nito nasisita sa bagay na iyon pero para lang siyang hangin na dinaanan nito pababa ng hagdanan.
Walang bati at ni hindi man lang siya tinapunan ng tingin nang dumaan ito sa kanyang harapan.
Ilang sandali siyang napako sa pagkakatayo bago naghihimutok na sumunod rito pababa papunta sa kanilang kusina. Nakadulog na ito sa harapan ng lamesa nang marating niya ang komedor.
"Mabuti at nandiyan ka na, Uela." Bati ng Papa niya nang malingunan siya. Sa halip na maupo siya sa pwesto niya dati sa tabi ni Xander ay lumipat siya sa kabila, sa tabi ng kanyang mama kaya nagtatakang sinundan na lang siya ng tingin ng tatlo- ang Papa niya, ang mama, at ang abuelang nasa pinaka-kabisera ng lamesa. Tanging si Xander at si Elly lang na pareho ng kumakain ang walang pakialam sa kanya sa mga oras na iyon. "Are you two fighting?" Hindi nakatiis na dugtong ng kanyang ama.
"Sino po?" Aniya habang kumukuha ng sinangag at inilalagay sa kanyang pinggan.
"Kayo ng Uncle Xander mo?" Natigil si Xander sa pagkain habang palipat-lipat ang tingin ng tatlo sa kanilang dalawa.
"No, Pa. He doesn't even talk to me kaya imposible kaming mag-away."
Umarko pataas ang mga kilay ni Xander kaya iniwasan niya ang tingin nito.
"Anong pinag-awayan niyo?" Muling tanong ng Papa niya.
"Wala akong problema, Pa. I don't know what's with him."
Tumingin muna ito kay Donya Milagros bago ito sumagot. "After what you've done, ako pa ngayon ang sisisihin mo?"
"Anong ginawa mo, Uela?"
"Sshhh, Ramon. Nasa harap tayo ng pagkain." Mahinang saway ni Letecia sa asawa. "It's just a kid's stuff. A simple misunderstanding."
"Oo, baka misunderstanding pa lang ngayon pero baka lumala iyan. Kapag nagtagal na hindi nagkaayos itong dalawa ay tayo rin ang mahihirapan."
Umarko ang pilit na ngiti sa labi ng mama niya bago ito salitang tumingin sa kanila ni Xander. "Uela, say sorry to Xander. Hinampas mo siya ng libro sa ulo noong nakaraan. That's not good."
"What?!" Nagtagpo ang kilay ng Papa niya pagkatingin sa kanya kaya maagap niyang iniiwas ang tingin rito at itinuon iyon sa pagkain. "Uela, ginawa mo talaga 'yun? I can't believe it. And no one even told me about it?" Linga nito sa asawa.
"Sshhh. High blood ka na naman. This must be just some kids stuff." Muling saway ng mama niya sa kanyang Papa pero binalingan din siya nito. "Say sorry to Xander, Uela. Nakakahiya sa kanya, pati sa Lola mo, nasa harap pa man din tayo ng pagkain tapos ganito tayo."
Pa-simple niyang nilingon ang Lola niyang manaka-nakang tumitingin sa kanya pero hindi naman kumikibo. Simula noong araw na nalaman niyang natanggal sa paaralan nila iyong mga estudyanteng nam-bully sa kanya ay hindi pa niya ito nakakausap. Doon sa una niyang tangka ay pinigilan siya ni Xander dahil may sakit ito at nito namang mga nakaraan ay hindi na siya nagkaroon ulit ng pagkakataon dahil sa kakaiwas niya kay Xander.
"But I didn't do anything wrong. Siya ang may mali 'nun." Nakasimangot niyang turo sa taong ayaw niya sanang makita.
"Uela!" Hampas ng isang kamay sa lamesa ng kanyang Papa ang nagpatigil sa kanya. Ang kaninang nakasimangot niyang mukha ay natuloy sa paghikbi at pagluluha dahil sa gulat at sa takot na mapagalitan siya.
"Ramon..." Mahinang saway ng Lola Milagros niya na kaagad namang nagpakalma sa kanyang Papa. "Huwag masyadong mainit ang ulo at nasa hapag-kainan tayo. At ikaw naman Uela, manghingi ka ng sorry sa Uncle mo. Hindi mo dapat ginawa iyon."
"Pero, L-lola-" Humihikbi niyang wika. "Siya naman po ang may kasalanan 'nun eh."
Masama ang tingin na isinalubong ni Xander sa kanya na kaagad namang sinansala ng kanyang abuela.
"Husto na. Pagkain ang nasa harapan natin kaya kumain muna tayo. Ikaw Uela, tumigil ka na sa pag-iyak diyan."
Masama ang loob na muli siyang bumalik sa kanyang pagkain. Hanggang sa siya ay natapos ay hindi na niya muling tinapunan ng tingin si Xander mula sa kabilang panig ng lamesa.
.....
"Xander, aalis ka na ba?" Habang pababa ng hagdanan mula sa pagkuha ng kanyang bag ay salubong ni Ramon sa kanya. Kakatapos lamang nilang kumain kung saan ay muntikan pang magkagulo dahil sa katigasan ng ulo ng anak nito.
"Opo Kuya, bakit ho?"
"Pwede ka bang makausap muna?"
"Opo Kuya. Ano po ba 'yun?"
Inakbayan siya nito palabas ng tarangkahan at iginiya hanggang sa kinaroroonan ng kanyang sasakyan sa may garahe.
"Ang ganda pa rin ni Starlet ah." Nilapitan nito ang sasakyan at hinimas ang bandang hood niyon. "Mabuti at naalagaan mo."
"Katulong ko si Mang Fidel sa pag-aalaga ko niyan Kuya. Lagi pong naliliguan eh."
Masayang ngiti ang ibinaling nito sa kanya. "I'm glad you're able to take care of this. It's been like fifteen years before seeing Starlet again and as what I can see, she's still in her best condition, I guess."
"Opo. Sinisigurado po namin na lagi po itong naaalagaan. Siyempre, sa inyo ito Kuya. Ayaw ko namang, pagkakita niyo ulit dito eh wala na ito sa tamang kondisyon."
"I am glad na sa iyo ito napunta." Tumango-tango ito at nginitian siya. "Pero hindi ito ang pakay ko sa pag-uusap natin. Iyong tungkol sana sa pamangkin mo."
"Ano po ba ang tungkol doon?"
Tinapik nito ang balikat niya. "Gusto ko sanang humingi ng paumanhin sa ginawa ng batang iyon. Hindi ko alam kung bakit iyon nagkakaganoon samantalang gustong-gusto naman na makasama ka."
"Wala namang problema sa akin iyon, Kuya. Baka hindi rin naman niya iyon sadya."
"Knowing your niece, mas lamang ang alam niya ang kanyang ginagawa kaya malaki ang hinala kong sadya niya talaga iyon. Matigas talaga ang ulo ng isang iyon, pero kung magkakakilala lang kayo ulit, you'll know how sweet she is."
"Hayaan niyo na Kuya. Hindi naman sobrang masakit yung palo niya."
"Alam ko. Kung iyong sakit lang ay alam ko naman na hindi mo iyon iindahin. You're not a crybaby even as a kid maliban na lang noong mga panahong kinakagat ka ni Uela, but you know, respect should be well established between you two. Akala kasi yata ay kalaro ka pa din niya katulad noon."
"Siguro nga ho, pero hayaan niyo na. Hindi naman ho ako nagdadamdam. Hindi ko na lang kinakausap muna para malaman niyang hindi maganda ang kanyang nagawa."
"That's your call. Gusto ko ring matuto ng tamang pag-galang ang batang iyon."
Nginitian niya ang kapatid. "Bayaan niyo at matututo rin po 'yun."
"Salamat. Pakibantay-bantayan mo na lang sa school at baka kung ano ang pinaggagagawa niyon doon."
"Sige po."
"O sige, lumakad ka na at anong oras na. Hindi sasabay sa'yo si Uela at si Mang Fidel na yata ang maghahatid. Isasabay ko na lang si Mama sa pagpasok."
"Sige Kuya. Mauna na po ako sa inyo."
"Ingat."
Tinungo niya ang sasakyan at lumulan roon. Mula sa kinatatayuan ay hindi umalis ang kapatid niya hanggang mapaandar niya ang sasakyan at nakalabas ng gate.
Nang tuluyang mawala ang kapatid sa kanyang paningin ay pinasibad na niya ang sasakyan. Ilang minuto na lang kasi ay magsisimula na ang klase niya at ayaw rin naman niyang mahuli roon.
.....
Habang papalayo ang sasakyan ni Xander ay naiinis namang nakatingin sa may tarangkahan si Uela.
Nakita niya itong kausap ang Papa niya kaya nanatili muna siya roon sa gilid ng pinto upang tingnan ang gagawin ng dalawa. Dahil may kalayuan ang garahe mula sa kanyang kinatatayuan ay hindi niya marinig ang usapan ng mga ito pero kung pagbabasehan ang nangyari noong umaga ay may hinuha na siyang siya ng dahilan kung bakit kinausap ng Papa niya si Xander.
Kung anong tungkol sa kanya, iyon ang hindi niya alam.
Naiinis siya sa Papa niya na pinagalitan siya sa harapan ng lahat noong umaga pero mas lalong naiinis siya kay Xander na parang hindi siya naging kaibigan kailanman at hindi man lang siya tinulungan.
Ngayon nga ay madaling-madali itong makaalis na halatang iniiwasang maipasabay siya sa sasakyan samantalang iisa lang naman ang tungo nila. Makakatipid pa sana sila sa gas kung ganoong ang kanilang ginagawa. Simula kasi noong araw na nasita siya ng abuela at ni Xander tungkol sa paglabas niya kasama ang mga kaklase ng walang paalam ay si Mang Fidel na lagi ang naghahatid at sumusundo sa kanya. Parang pati ng abuela ay mayroon ring itinatagong galit sa kanya kaya hindi na nito pinapakisuyuan si Xander na isabay siya samantalang nanghingi naman siya ng tawad noon. Nakausap naman niya ng maayos ang abuela at nagpaliwanag naman siya.
Huminga siya ng malalim ng makitang pabalik na ang ama sa loob ng bahay. Nakasuot na ito ng long sleeve polo na madalas nitong gamitin sa opisina kaya alam niyang anumang oras ay aalis na rin ito kasama ang kanyang abuela. Gusto niya sana itong tanungin tungkol sa napag-usapan nito at ni Xander pero alam naman niyang mapapagalitan lang siya kung itutuloy niya iyon kaya napagpasiyahan niyang manahimik na lang.
Nang malapit na ang ama ay saka siya lumabas bitbit ang kanyang school bag at lumakad pasalubong rito.
"Aalis na po ako, Pa."
Tumango lang ang ama at nilagpasan siya na kanyang ikinalungkot. Ganoon ba kalaking kasalanan ang kanyang nagawa upang balewalain nito ng ganoon?
Humakbang na siya papunta sa garahe pero bago pa siya nakalayo ay napatigil rin siya ng tawagin siya.
"Uela!"
Saglit siyang tumigil at nilingon ito. Kinawayan siya nito papalapit.
"Yes po, Pa?" Habang naglalakad pabalik ay tanong niya.
"Halika." Lumapit pa siya dito hanggang sa nasa harapan na siya nito. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at nginitian siya. "Mag-iingat ka sa pagpasok. I may be mad with what you did but know that you are my favorite daughter. I only want you to be good."
Gumuhit ang ngiti sa labi niya pero maya-maya ay umirap pa rin. "I am your only daughter, Pa."
"Tama ka and that makes you special. Manghingi ka ng sorry sa uncle mo, ha?"
Napahinga siya ng malalim. Bakit kailangang siya na naman ang lumapit dito?
"He's your uncle. Huwag matigas ang ulo sa kanya. Show some respect, okay?"
"Bakit kailangan kong mag-sorry eh hindi ko naman gagawin 'yun kung hindi niya ako sinabihan na para akong bata. I'm not a kid anymore, Pa."
"You still are at napatunayan lang 'yun dahil sa ginawa mo." Ginulo nito ang kanyang buhok sabay akbay sa kanya na para siyang lalaki.
"Pa naman eh. Kinakampihan niyo palagi si Xander. Ako naman ang anak niyo pero siya ang gusto niyo." Nakasimangot niyang sagot.
"Pareho ko kayong gusto. Siya bilang kapatid ko, ikaw bilang prinsesa namin. Walang lamang sa inyong dalawa."
Masama pa rin ang loob na luminga siya sa kinaroroonan ng sasakyang gagamitin nila ni Mang Fidel. Nakatayo na ang matanda sa may unahan niyon at nakatingin sa kanila.
"I'll get going na 'Pa. Nandoon na si Mang Fidel."
"O sige, but don't forget to say sorry to Xander. Kapag nagkita kayo sa school ay mag-sorry ka sa kanya."
"Okay." Masama ang loob na sagot niya.
"Uela-"
"Opo." Padabog niyang wika. "Sige po, kung magkikita kami."
Tumango ito at hinayaan siyang lumakad papunta sa kinaroroonan ni Mang Fidel. She has really no intention on keeping her words.
Hindi siya magso-sorry kay Xander at iiwas na lang siya rito kaysa manghingi ng sorry sa ginawa niya.
.....